20

"Oh, Jaydel, anong ginagawa mo rito? Uuwi ka na agad? Parang wala pa sa sampung minuto na nandun ka kay Laila, ah," komento ni Mikaela na sumusulyap pa sa relo niya habang nagtataka sa mabilis na pagdating ko sa garden. "Ayaw mo na siyang makita?"

"Oo," deretso kong sagot na nagpagulat sa kaniya.

"Huy! Nagbibiro lang ako! Eto naman masyadong sineseryoso. Huwag mo nga akong i-joketime d'yan! Alam ko namang gustong-gusto mong makita si Laila everyday!"

"Pinag-usapan ninyo bang dalawa ang pagbisita ko?" seryoso ko pang pag-uusisa sa kaniya. Nawala ang ngiti sa mga labi niya.

"A-anong ibig mong sabihin?"

"Kaya ba bigla kang bumait sa akin at tinawagan ako ngayong dis-oras ng gabi para planuhing itakas ko siya rito? Alam mong hindi ko magagawa 'yon, Mikaela! Buhay ni Laila ang nakasalalay dito! Hindi ko kayang suwayin ang kagustuhan ng magulang niya!" sigaw ko sa kaniya na para bang wala na akong pakialam kung may makarinig man sa amin o may sumita. Galit na galit din ako dahil hindi ko alam ang dapat kong gawin. Kanina lang nang lumuhod sa harapan ko si Laila. Kanina lang din nang talikuran ko siya kahit na umiiyak siya't nagmamakaawa sa akin.

Kanina lang ang lahat ng 'yon.

"Yan kasi ang hirap sa 'yo, Jaydel! Hindi ka marunong makisama! Masyado kang mabait! Na akala mo, mas magiging masaya ka kapag puro tama ang ginagawa mo! Alam mo kung anong na-realize ko ngayon? Ang pangit mo pa lang magustuhan, Jaydel. Napakaduwag mo. Ngayon ko napagtanto na hindi ka pala dapat nagugustuhan. Ewan ko ba sa best friend ko, bakit mahal ka. Sinabi ko lang naman na gusto kita para bitawan ka na niya, kasi wala siyang mapapakinabangan sa 'yo. Kumpara naman sa mga naging ex niya, mas gwapo sila at mabait, may paninindigan. Ikaw wala!"

Bakas sa mukha niya ang pagkapoot. Ngayon, mas nakikita ko na ang tunay niyang nararamdaman kumpara noong nakakausap ko siya at humaharap sa akin.

Totoo ngang huwag mong pagsasalitain ang mapagtimpi, dahil siguradong masasakit na salita ang lalabas sa bibig nila kapag nagkataon.

"Alam mo? Yang sinasabi mong mahal mo si Laila? Puro salita lang! Kasi ang pagmamahal, gumagawa ng paraan. Hindi naghihintay lang. Kakahintay mo, hindi mo namamalayan, unti-unti ka nang nawawalan ng oras. You know what? Hindi na ako gagawa ng paraan para magkita kayo! Nagsisisi na ako na pinagtulakan ko rin ang sarili ko sa 'yo noon, kasi wala ka talagang kwenta! Tama si Tito Ryan, dapat ka talagang lumayo kay Laila kasi mamamatay lang siya sa 'yo!"

Tinulak niya ako tsaka siya umalis. Para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil sa sinabi niya.

Bakit gano'n? Bakit parang wala akong pagpipilian?
Ano ba talaga ang dapat kong gawin?
Hindi ba dapat lang na iwasan ko si Laila kung ako ang dahilan ng sakit niya?
Paano kung tanggapin ko siya, paano kung mahalin ko siya sa paraang alam ko, sa paraang masusuklian ko rin ang nararamdaman niya... masisiguro ba no'n na hindi ko siya masasaktan?

Ako ang mahal niya...
Sa hindi ko malamang dahilan...
Siguradong ako rin ang makakasakit sa kaniya nang lubusan kapag nagkataon. At natatakot akong mangyari 'yon. Natatakot ako na mawala siya sa piling ko, pero mas nakakatakot kung ako ang magiging dahilan ng pagkawala niya sa mundong ito.

***
Magang-maga ang mga mata ko nang umuwi ako sa bahay. Nadatnan kong buhay ang ilaw, kaya naman pinakalma ko muna ang sarili ko bago ako tuluyang pumasok. Sino kaya ang gising?

Dere-deretso akong naglakad sa kwarto nang may tumawag sa pangalan ko.

"Saan ka galing, Jaydel?"

Unti-unti kong nilingon si Ate Jaymie na ngayon ay umiinom ng tubig na mukhang kinuha niya pa sa kusina.

"Ahhh... d'yan lang po, Ate. Sige po, pasok na po ako."

"Sandali... mag-usap tayo. Umupo ka saglit dito."

Dahil sa maotoridad niyang boses, napasunod niya ako. Iniiwas ko na lamang ang tingin ko habang nakaupo siya sa harap ko.

"May problema ba? Bakit hindi ka makatingin sa akin?" pag-iinteroga pa ni Ate Jaymie.

"W-wala po."

"Umiyak ka ba? Patingin nga! May umaway ba sa 'yo?!"

Mabilis siyang lumapit sa akin at sinuri ang mukha ko. Hawak ang baba ko ay tiningnan niya ang mga mata ko.

"Ahhh... alam ko na... problemado ka ba sa course na kukuhanin mo sa college?" tanong niya habang bumabalik sa upuan. "Hayaan mo, sa una lang naman 'yang kaba. Ganoon talaga kapag may sinisimulan kang bagay. Sa una nakakatakot gawin, pero kapag gusto mo talaga at pangarap mo, kahit natatakot ka, pupursigihin mong makuha kasi doon ka totoong sasaya."

Uminom siyang muli ng tubig, bago tumingin sa mga kwarto nila Nanay at Jaymart.

"Pangarap kong maiahon ang buhay natin sa hirap. Kahit na nagagalit ako kasi sa akin nakaatang dahil ako ang panganay, hindi ko pa rin maalis na gusto ko kayong isama sa pangarap ko. Akuin na responsibilidad. Hindi ko kayo kayang iwan lahat kahit na may pagkakataon ako. Nasanay na akong magsakripisyo. Pasensya ka na kung madalas masungit ako. Siguro ganito lang ako napalaki dahil kailangan kong maging matatag para sa atin," wika niya na hindi ko inaasahang mangagaling sa kaniya.

Ngayon lang kami nagkaroon ng ganitong pag-uusap.

"Kaya ikaw, na middle child. Usually ang blacksheep sa pamilya, pero ikaw ang naging pinakamabait, pinakamasunurin, at mabilis na takbuhan kapag kailangan... ang gusto ko para sa 'yo ay gawin mo ang gusto mo. Well, kung 'yon ang gusto mo. Hindi mo kailangang magpakapanganay at isipin ang mangyayari sa kinabukasan... ako na 'yon. Ako nang bahala sa atin. Basta mag-aral ka ng course na gusto mo, maging masaya ka, hindi na kita kukwestyunin. Susuportahan kita, Jaydel."

Ginulo niya ang buhok ko. Hindi na ako nakapagsalita pa nang humikab na siya at magpaalam sa akin.

Sabagay, hindi ko rin naman masasabi sa kaniya ang bumabagabag sa akin dahil una sa lahat, nabigyan niya na ng sagot.

Papasara na ang pinto ng kwarto niya nang muli niyang tawagin ang pangalan ko.

"Jaydel... gawin mo lang ang gusto ng puso mo. Pagsisihan mo na lang sa huli. Sa huli pa naman, eh. Pero at least masaya ka, di ba? Ganoon kapag sumusugal at lumalaban, kahit walang kasiguraduhan, tumataya. Gano'n ang buhay. Tsaka mamamatay din naman tayong lahat. Ang kinaibahan lang, may namamamatay nang hindi masaya dahil may pinagsisihan. Piliin mo na lang kung saan ka."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top