21
MAG-IISANG ORAS na yata akong nakatitig sa alkansya ko, habang iniisip ang dahilan kung bakit ko ito babasagin ngayon. Nakalaan ito dapat sa aking pag-aaral sa kolehiyo, pero mukhang may dapat akong paggamitan ngayon.
Tama. Mas mahalaga ang paggagamitan ko ngayon. Mabilis kong binasag ang alkansya at kinuha lahat ng pera na naipon ko buong sembreak ng pagtatrabaho sa construction at sa bakery. Dala ang higit sa sampung libo ay lumabas ako sa bahay namin. Dinala ako ng paa ko sa isang rental shop ng mga kotse. Pinili ko ang pinakamagandang sasakyan at binayaran bago ako pumunta sa hospital. Madilim pa ang kalangitan nang gawin ko iyong lahat.
"Jaydel? Anong ginagawa mo rito?" nagtatakang tanong ni Mikaela. Napakamot na lang ako sa batok.
"Buo na ang desisyon ko. Itatakas ko si Laila."
"Anong sabi mo? P-pero—"
Hindi ko na pinatapos ang pagsasalita ni Mikaela, at agad kong sinilip ang pinto ng kwarto ni Laila. Nasa labas kasi si Mikaela at mukhang doon siya nagbabantay. Napakunot naman ako ng noo nang mapansing umiiyak si Laila.
"Anong problema, Mikaela? Bakit umiiyak si Laila? At ikaw? Bakit namamaga rin ang mga mata mo?" puno ng pag-aalala kong tanong.
Hindi ko na hinintay pa ang sagot ni Mikaela at agad akong pumasok sa kwarto. Napatunghay sa akin si Laila at nagtataka kung anong ginagawa ko sa harapan niya.
"J-jaydel? B-bakit ka nandito? Mikaela? W-wala ba sila Daddy? Paano kung makita siya?" giit ni Laila na puno ng pag-aalala. Pumasok na rin si Mikaela na parang pinatapos lang ang sariling kumalma.
"U-umalis. K-kasama ang doctor, k-kausap," nauutal na sagot ni Mikaela.
"Kung gano'n, paalisin mo na siya. Baka makita pa siya ni Daddy."
"Bakit hindi ako ang kausapin mo, Laila? Pansinin mo naman ako! Nandito ako para sa 'yo!" Hindi ko na pinigilan pa ang sarili ko na sumigaw. Rumaragasa sa dibdib ko ang kaba, pero baka tama sila na pinapalakpakan lang ako ng sarili ko kasi sa wakas nagkaroon na ako ng tapang na ipaglaban ang gusto ko.
Inilabas ko ang pera at ang susi ng kotseng nirentahan ko. "Laila... itatakas kita rito. Gagawin natin ang gusto mo. Kahit isang araw lang. Baka kasi sa paglabas mo rito sa hospital, pumunta ka na sa ibang bansa para mag-aral. Hindi mo na ako kasama..."
"A-ano bang sinasabi mo, Jaydel?"
"Hindi ba't nung nakaraan ay gusto mong itakas kita? Heto na. Pasensya na kung ngayon lang ako. Halika na, sumama ka na sa akin. Gagamutin natin ang puso mo. Pasasayahin kita," bigkas ko sa kaniya habang nakangiti. Napakagat na lang siya sa ibabang labi para pigilan ang luha, pero pumatak na ang butil no'n sa pisngi niya.
"Laila..." Muli kong pagbigkas ng pangalan niya tsaka inilahad ang kamay ko. Bakas sa mukha niya ang pag-aalinlangan, pero sa huli ay hinawakan niya na ang kamay kong naghihintay.
Nakangiti ko siyang inilabas sa hospital. Sumunod naman si Mikaela, pero hindi para pigilan kami.
"Jaydel! Ingatan mo ang kaibigan ko!"
"Oo! Ako na'ng bahala sa kaniya!" sigaw ko pabalik tsaka minaneobra na ang sasakyan.
"Saan tayo pupunta, Jaydel?" tanong niya habang nakakapit sa seatbelt.
"Madami... susulitin natin ang araw na 'to, Laila. Yung tipong hindi mo na gugustuhing umuwi..."
"Kung gano'n, dalhin mo ako sa bundok... tapos mag-camping tayo, o kaya sa dagat o beach tapos manghuli tayo ng isda," suhestiyon niya.
"Sigurado ka bang iyon ang gusto mo? Hindi ba boring 'yon?" giit ko.
"Gusto kong pumunta sa lugar kung saan tanaw ko ang langit."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top