19
MABILIS akong kumilos at tumakas para makapunta sa hospital. Mabuti na lamang at may naitatabi akong pera kaya nakarating ako agad gamit ang taxi.
Katulad ng payo ni Mikaela, abangan ko raw siya sa labas ng hospital at suotin ko ang jacket at cap niya para makapasok ako sa kwarto ni Laila. Ganoon nga ang ginawa ko at sa wakas, nakarating na ako sa kwarto kung saan naglalagi si Laila.
Nasa labas si Mikaela nang isara ko ang pinto. Usapan namin ay sa garden kami magkikitang muli at magpapalit ng damit. At heto ako ngayon, dahan-dahang lumalapit sa babaeng mahimbing na natutulog sa kama.
Hinaplos ko ang buhok niya at saka hinawakan ang malambot niyang kamay. Wala namang pinagbago, kapag tinitingnan ko ang mukha niya, sobrang ganda pa rin at hindi nakakasawa. Parang walang problema o kahit na anong karamdamang pinapasan.
Kung hahalikan ko ba ang pisngi niya, gagaling na ba siya sa sakit niya? O kailangan sa labi ko siya halikan?
Napaatras ako sa isiping ‘yon, pero hindi nakatakas ang kamay ko sa higpit ng hawak niya.
“Jaydel…” pag-ungol niya sa pangalan ko.
Muli akong lumapit at umupo sa tabi niya.
“Oo, ako nga, Laila. Nandito na ako.”
Unti-unti niyang iminulat ang mga mata niya at isinalubong niya sa akin.
“J-Jaydel? A-anong ginagawa mo rito?”
May panunubig ang mata niya at ganoon din ako. Parang sobrang tagal naming hindi nagkita. At bakit parang kahit ngayong nasa harapan ko na siya, hindi pa rin sapat?
Gusto ko siyang yakapin…
Gusto ko siyang halikan…
Gusto kong sabihin na mahal na mahal ko siya at ayokong mawalay pa sa kaniya.
Bakit tila yata gusto ko nang kunin ang kamay niya sa mga magulang niya?
“Jaydel, magagalit si papa kapag nakita ka niya rito…” wika pa niya.
“Wala si Tito Ryan… nakarating ako rito sa tulong ng kaibigan mong si Mikaela. Siya ang nagbabantay sa ‘yo kaya nakatakas ako.”
“Kung gano’n, itakas mo na rin ako rito.”
Nagulat ako sa sinambit niya, pati na rin sa mahigpit niyang paghawak sa mga damit ko.
“Alisin mo na ako rito, Jaydel. Mas gusto ko sa labas. Sawa na ako sa lugar na ‘to. Mas gusto kong mag-aral, matupad ang mga pangarap ko… dito sa hospital, hindi ko magagawa ang mga ‘yon,” mahaba niyang pakiusap sa akin.
Nadurog ang puso ko nang maalala na ngayong araw ay nakatapos na ako sa pag-aaral nang hindi siya kasama. Sa isang banda, pakiramdam ko, nabali ko ang pangako ko dahil naiwanan ko siya.
“Jaydel… bakit hindi ka nagsasalita? Hindi mo ba ako tutulungan? Kung gano’n, bakit ka pa pumunta rito?” naiinis niyang tanong tsaka binitiwan ang damit ko. “Kahit kailan talaga wala kang kwenta. Lagi mo na lang akong nadidismaya.”
“Huh? Anong ginawa ko?” naguguluhan kong tanong.
“Wala kang ginagawa! Hanggang ngayon wala kang ginagawa, Jaydel… kaibigan ba talaga kita? Bakit hindi mo ako hinahayaang maging masaya?”
Tumulo ang luha sa pisngi niya at agad kong kinuwestiyon ang sarili ko kung bakit ako nagiging dahilan ng pag-iyak ng taong mahal ko.
“Jaydel naman, oh! Kailangan ba magmakaawa ako sa ‘yo? Lumuhod? Sige! Gagawin ko! Ilabas mo lang ako rito!”
Akmang tatanggalin niya ang suwero niya nang pigilan ko. “Laila, huminahon ka… hindi makabubuti sa ‘yo kung tatanggalin mo ‘yan.”
“At anong makabubuti sa akin? Ang manatili sa nakakasakal na lugar na ‘to? Wala namang nangyayari! Ilang buwan na akong narito, pero hindi pa rin ako gumagaling! Akala mo ba, okay na ako? Ang kailangan ko, maging masaya! At hindi ako sasaya sa lugar na ‘to dahil wala ka!”
Natinag ako sa sinabi niya at hindi agad nakasagot. Muli kong naalala ang ipinagtapat sa akin ni Maximo.
Hindi…
Imposible…
Imposibleng ako ang dahilan.
Nagulat ako nang tanggalin niya ang suwero at saka walang pagdadalawang-isip na lumuhod sa harap ko.
“Please, Jaydel… ilabas mo na ako rito… ayoko na rito. Mas gusto ko sa piling mo…”
Sa ginawa niya, doon ko napatunayang totoo ang sinabi ni Maximo.
Ako ang dahilan kung bakit may malalang sakit si Laila…
Dahil ako ang totoong mahal niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top