Chapter 9
Chapter 9
Free
Huminto ang traysikel ni Kuya Baldo sa harap ng isang malaking puno ng kahoy na napalilibutan ng mga baging. Bumaba na kami ng traysikel at tinanaw ko ang isang halatang matarik at medyo makipot na daan.
"Wala bang ahas diyan, Kuya?" tanong ko.
"Parang 'di ka naman sanay." Mahinang natawa si Kuya Baldo at kinuha ang malaking bayong mula sa likod ng traysikel.
Isinampay niya sa kanyang kaliwang balikat ang maliit na lambat. Nauna siyang naglakad at sumunod naman kaming dalawa ni Ate Meryl sa kanya. Si Doc Theo naman ay nakasunod sa amin sa likod.
Maririnig ang tunog ng inaapakang tuyong dahon sa paligid. May huni ng mga ibon din kaming naririnig.
"Malayo pa ba?" tanong ko ulit.
"Diyan lang sa unahan," si Ate Meryl ang sumagot.
Tumango ako at sinulyapan si Doc Theo sa likod. Abala siya sa paggala ng tingin sa mga punungkahoy sa paligid. Nagpatuloy kami sa tahimik na paglalakad. Ilang minuto ang nakalipas ay batid kong sobrang lapit na namin dahil sa tunog ng rumaragasang tubig.
Sumilip ako sa unahan at nakita ang malaking talon at ang malawak na ilog sa ibaba nito. Mukhang insakto rin ang pagpunta namin dahil walang ibang taong naliligo.
Mas naging mabato ang daan at dahil nakitang abala ang mga kamay ni Kuya Baldo, ako na ang umalalay sa buntis niyang asawa. Dumeretso kami sa paglalakad hanggang sa tanaw na namin ang isang maliit na kubo na nasa balsa. Nakatali ang balsa sa ugat ng malaking punongkahoy.
Naunang umapak dito si Kuya Baldo at maayos na inilapag sa balsa ang mga dalang gamit. Matapos itong gawin ay inalalayan niya na rin si Ate Meryl.
"Si Doc muna ang paunahin mo para maalalayan ka niya," utos ni Kuya.
"Kaya ko naman! Para naman akong 'di sanay." Kampante akong umapak sa balsa at nahanap din naman kaagad ang balanse. Ramdam ko rin ang pagsunod ni Doc Theo sa likod.
Tumingala ako dahil sa naririnig na huni ng mga ibon. Sa pagtingala ko ay sinabayan ko ito ng muling pag-abante na siyang dahilan nang muntikan kong pagkadulas. Malakas akong wala sa sariling napatili at halos mahulog ang puso nang maramdaman ang brasong biglang nakapulupot sa baywang ko.
Napapikit ako ng mariin habang pinapakinggan ang doble at malakas na pagtibok ng puso.
"You okay?" bulong ng boses ni Doc Theo malapit sa tainga ko.
Sa kahihiyang bumalot sa sarili dahil sa nangyari ay hindi ako kaagad nakabawi at nanatiling pikit pa rin ang dalawang mata. Gusto ko na lang sumisid sa tubig at magtago.
"Medyo... mabigat na," daing ni Doc Theo na sinabayan pa niya ng mahinang pagtawa.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa pahayag niya dahilan para mapatayo ako nang deretso. Uminit ang mukha ko at hindi siya matingnan sa mga mata.
"Okay ka lang, Clau?!" malakas na pagtawag ni Kuya Baldo na nakatanaw sa amin mula sa kubo.
Mas uminit lang ang pakiramdam ko at tinanguan na siya. Tumikhim ako at palihim na sinulyapan si Doc Theo. Pinakalma ko ang sarili at taas noo siyang tiningnan.
"May mga lumot na kasi sa balsa kaya... madulas." Mistulang nagpaliwanag pa ako.
May multo ng ngiti akong naaninag sa mga labi niya. Nag-iwas ulit ako ng tingin at nagpatuloy na sa paglalakad patungo sa kubo. Sa pagkakataong ito ay mas maingat na.
Naiwan kami ni Ate Meryl sa balsa samantalang sina Kuya Baldo at Doc Theo naman ay lumusong na sa tubig at nangisda gamit ang lambat. Tumulong ako kay Ate Meryl sa pag-aayos ng mga pagkain namin sa isang mesa na gawa sa kawayan.
"Halata talaga ang pagiging taga-Maynila ni Doc," nakangiting komento ni Ate habang nakatanaw sa dalawang lalaki na nasa may hindi kalayuan.
Sumilay na rin ang ngiti sa akin nang makita ang ayos ni Doc Theo na awkward tingnan habang hawak ang lambat at pilit na ginagaya si Kuya Baldo.
"Wala ba talagang girlfriend iyang si Doc Theo?" usisa ni Ate. Batid ko ang kanyang kuryosidad.
Bumuntonghininga ako at itinuon na ang pansin sa paglalagay ng saging sa mesa.
"Brokenhearted 'yan, Ate kaya napadpad dito."
Nabitin sa ere ang kamay niyang may hawak na sandok.
"Naghiwalay sila ng girlfriend niya?"
Muli akong napasulyap kay Doc Theo bago bumaling ulit kay Ate.
"Hindi sinagot ng babaeng matagal na niyang nililigawan."
"Hmmm, nga naman talaga." Halatang napaisip si Ate. "Kahit gaano kabait, kagwapo, at kaayos pa ng career ng isang lalaki, kapag hindi talaga masusuklian ng babae ang pagmamahal niya hindi rin talaga gagana."
Nagkibit lang ako ng balikat at nagpatuloy na sa ginagawa dahil hindi rin naman ako maka-relate sa sinabi niya. Kumuha ako ng isang saging at binalatan ito. Medyo kumalam na ang sikmura ko kaya kinagatan ko na ito.
"Baka manligaw 'yan sa'yo..."
Sumabit ang piraso ng saging sa lalamunan ko kaya bigla akong naubo ng wala sa oras. Maagap na kumuha si Ate ng isang bottled water. Binuksan niya ang takip nito at mabilis na inabot ang bote sa akin.
Tinanggap ko ito at kaagad na uminom. Mabilis naman na naging maayos ang lalamunan ko kaya kaonti lang ang nainom kong tubig. Nang kumalma na ay inilapag ko ang bote sa mesa.
"Imposible 'yan," sabi ko nang maging maayos na ang pakiramdam. "Hindi namin type ang isa't-isa at sa tingin ko hindi pa 'yan nakaka-move on kay... sa babaeng gusto niya."
Nagtaas ng isang kilay si Ate at may ngisi rin na nakatago sa mga labi niya. Kung tingnan niya ako ay nabasa kong hindi siya naniniwala sa sinabi ko.
Natapos ang usapan namin sa muling pagbabalik sa balsa ng dalawang lalaki. Hindi matanggal ang ngisi ni Doc Theo habang pinagmamasdan ang hawak na lambat nila ni Kuya Baldo na may lamang malalaking isda. Halatang nasiyahan siya sa bagong achievement.
"Kami na ni Claudine ang maglilinis niyan," salubong sa kanila ni Ate.
"Sige! Ihahanda lang din namin ni Doc ang apoy at ihawan," si Kuya sabay tingin kay Doc Theo.
Maingat nilang ibinaba ang lambat at kinuha ang mga preskong isda na nangingisay pa mula rito. Kumilos na rin ako at inabutan sila ng maliit na palanggana.
Nang mailagay na ang lahat ng nahuling isda sa palanggana ay kinuha ko ulit ito mula sa kanila at dinala sa loob ng maliit na kubo. Pinagtulungan namin ni Ate Meryl ang paglilinis ng mga isda.
Matapos malinis ito ay nilagyan ko na ng asin at dinala sa likod ng kubo. Pinuntahan ko sa may dulong bahagi ng balsa sina Kuya Baldo. Namangha ako nang makita ang isang lumang grill stand dito. Mukhang sinadya talaga itong iwan para magamit ng kung sinumang maliligo sa talon. Mabilis din nilang napabaga ang mga uling na nakalagay sa grill.
Kinuha ni Kuya Baldo mula sa akin ang mga isda. Napasulyap ako sa gawi ni Doc Theo dahil nahagip ng tingin ko ang paggalaw niya. Nakita ko siyang naghuhubad ng suot niyang white tshirt. Piniga niya ang laylayan nito na siguro ay nabasa kanina sa paglusong nila sa tubig na hanggang baywang. Nakita ko ang pag-flex ng muscles niya sa braso habang ginagawa ito. Ilang sandali pa ay isinampay niya ang tshirt sa may sanga ng malaking puno.
"Maliligo muna ako," paalam niya kay Kuya na awtomatiko namang napatingin sa akin.
"Isama mo na si Clau para 'di ka mabagot at may kausap ka ro'n sa talon."
Dahil sa pagbanggit ni Kuya sa pangalan ko ay napalingon si Doc Theo sa akin. Bumaba ang tingin ko sa kanyang malapad at namumulang dibdib. Masasabi ko rin talaga na maganda ang hubog ng katawan niya. Halatang nagwo-work out sa gym.
"Samahan mo si Dok, Clau!" hirit na naman ni Kuya. Inutos talaga at hind pinakiusap. Nang siguro ay makita niya ang pag-aalinlangan sa mga mata ko, nagpatuloy siya. "Kami na ni Meryl ang bahala rito at tatawagin na lang namin kayo kapag kakain na. Madalas na rin naman kaming naliligo rito!"
Wala na akong ibang nagawa kundi ang magpatianod na lang. Tinanguan ko si Theo at tinanggal ko ang suot na tsinelas para iwanan sa balsa. Ginaya niya naman ang ginawa ko at nagtanggal na rin ng suot na tsinelas. Pareho kaming bumaba na ng balsa.
Dumaan kami sa malalapad at malalaking bato. Medyo may kalayuan ang talon sa balsa ngunit natatanaw lang din naman ito sa tapat. Hindi man sanay sa lugar, sanay naman ako sa gubat kaya ako na ang gumiya sa kanya sa dinaanan namin.
Nang medyo naging malapit na kami sa talon ay mas narinig namin ang ingay ng tunog ng pagbagsak ng tubig. Namangha ako dahil sa nakikitang halos kulay asul na tubig ilog dahil na rin sa lalim nito. Masyado itong malinis at napaghahalataang hindi pa gaanong nadidiskobre ng mga taga ibang lugar dahil sa angkin nitong natural na ganda.
Sa pagiging abala sa pagmamasid sa magandang anyo ng tubig ay nawalan ako ng balanse sa inaapakang malaking bato. Kasabay ng malakas na pagtili ay bumagsak ako sa tubig. Pinaghalong mainit at malamig na tubig ang bumalot sa katawan ko.
Pinilit kong hindi lumubog ang katawan kaya naman isinagwan ko ang magkabilang braso para lumutang. Narinig ko naman ang malutong na pagmura ni Theo. Napahilamos ako sa mukha gamit ang palad para mapalis ang tubig. Dumilat ako at tiningala si Doc Theo na nakadukwang sa malaking bato. Mariin niya akong tinitigan at nakita ko ang pag-aalala sa kanyang hitsura.
"Okay ka lang?"
Natawa ako hindi dahil sa tanong niya. Natawa ako dahil sa sitwasyon. Masyado akong naging palpak at tanga sa araw na ito. Kani-kanina lang ay nadulas na ako roon sa balsa at ngayon naman, nahulog pa ako sa ilog. Imbes na dapat ay sanay na sa ganitong lugar kumpara sa doktor na dayo ay parang ako pa itong walang karanasan.
Mas lumakas pa ang pagtawa ko. Kumapit ako sa gilid ng malaking bato dahil bahagyang napagod na sa paglangoy at pagpapanatiling paglutang dahil sa sobrang pagtawa.
Nang pagmasdan ulit si Doc Theo ay nakita kong nakisabay na rin siya sa pagtawa ko. Namayani sa tahimik na lugar ang halakhak ko at ang mahina ngunit buo naman niyang tawa.
Natigil ako sa pagtawa at pilit na pinipigilan ang ngiti. Nag-angat ako ng isang kamay sa kanya.
"Patulong naman," sabi ko.
Umangat ang sulok ng labi niya at bahagya siyang tumayo ngunit hindi pa rin tuwid dahil tiyak na hindi ko na maaabot ang kamay niya.
Tinanggap niya ang kamay ko at mahigpit itong hinawakan. Bago niya pa ako mahatak paangat at maiahon ay inunahan ko na siya sa paghila pababa. Lumagitik ang mura niya kasabay ng malakas na pagbagsak niya sa tubig.
Bumunghalit ako ng tawa habang tinitingnan siyang paulit-ulit na pinapalis ang tubig sa mukha. Pinasadahan niya na rin ng kanyang mga daliri ang basa ng buhok.
Bumundol ang kaba sa dibdib ko nang makitang naging tuso bigla ang tingin niya. Alerto akong kumilos at lumangoy para makalayo sa kanya. Humiyaw ako dahil insakto naman ang pag-abot ng braso niya sa akin. Pilit niyang dinadakip ang siko ko.
Gamit ang palad ay natatawa ko siyang sinabuyan ng tubig. Gumanti naman siya sa akin at tinalamsikan din ako. Dahil sa laki ng kamay niya ay malaking tilamsik ang dumating sa akin.
Nahinto ako sa paggalaw at nag-iwas ng mukha para hindi matamaan. Kinuha niya naman itong pagkakataon para tuluyan akong maabot. Malakas akong napatili nang mahawakan niya ang braso ko. Walang kahirap-hirap niya akong nahila palapit sa kanya at awtomatikong parang baging na lumingkis ang mga braso niya sa baywang ko.
Natatawa ako habang patuloy na nagpupumiglas para makawala sa kanya. He chuckled repeatedly as he locked his tight hold on me.
"Sorry na! Sorry na!" paulit-ulit na natatawa kong sambit.
Nag-panic na ako nang mapansin ang paglayo namin sa malalaking bato hanggang sa nakita ko na lang na nasa malalim na parte na kami ng ilog.
"Hindi ako masyadong marunong lumangoy!" singhap ko.
"I got you," kalmante niyang saad.
Hindi na ako natawa pa at pati siya ay naging tahimik na rin. Ang talon lang sa bandang likuran ang tanging tunog na naririnig namin.
Naging conscious ako sa masyadong pagiging malapit namin at nakaramdam ng kaasiwaan. Lalo pa at alam kong wala siyang pang-itaas na saplot at tanging blue shorts lang ang kanyang suot. Nadepina pa ang katahimikan dahil walang ni isa sa amin ang muling nagsalita.
"G-Gusto kong pumunta ro'n sa pampang. Sa mismong ibaba ng talon," anunsiyo ko sa namamaos na boses.
Bahagyang lumuwag ang pagkakahawak niya sa baywang ko. Dala na rin ng takot na baka malunod ay kumapit ako sa kanyang braso. Lumangoy siya sa gawing talon at inalalayan ako. Nang makasampa sa pampang ay tinulungan niya ako para maiangat ang sarili at makaupo. Sumunod naman siya sa pag-upo malapit sa akin. Sa puwesto namin ay bahagyang natatamaan ng agos ng tubig ang aming mga likod dahil sa lapit na rin sa talon. Mistulang minamasahe at kinikiliti ng tubig ang likod ko.
Pareho kaming tahimik sa loob ng ilang minuto. Sa lakas ng ingay ng tubig ay hindi ko na marinig pati sariling isipan. Mula sa pagkakaupo ay tumayo ako. Lumayo ako sa talon at naglakad malapit sa isang malaking ugat ng kahoy. Dahan-dahan akong naupo rito at pinagmasdan si Theo na nanatili naman sa puwesto niya.
Malayo ang kanyang tanaw at sa kabila ng distansiya namin ay kitang-kita ko pa rin ang kalungkutan sa mga mata niya na nakikita ko noon sa Pillars. Simula noong magkabalikan sina Winona at Senator.
Akala ko noong una ay kailanman hindi ako maaapektuhan ng emosyon ng ibang tao. Napupuna man ang emosyon nila ay hindi naman ito tumatagos sa akin. Ang sabi nga sa akin ni Leah baka mayroon daw akong mild ADHD kaya nahihirapan ako pagdating sa aspeto ng emosyon. Hindi ko naman ito nakompirma dahil hindi ko naman sinubukang magpatingan sa isang specialist. Pero inaamin ko, sa mga huling araw ko sa Pillars, ang sakit ng emosyon ni Doc Theo ay ramdam na ramdam ko.
"May napanood akong movie," sa malakas na boses ko sinabi para marinig niya, "tungkol sa babae na naging brokenhearted!"
Tinanaw lang ako ni Theo at wala siyang sinabi kaya nagpatuloy ako.
"Nagpunta siya sa isang falls tulad nito!" sabi ko sabay turo sa talon. "Isinigaw niya lahat ng hindi niya masabi noon! Lahat ng... sakit!"
Tumaas baba ang dibdib ko dahil sa kasisigaw. Tumigil na ako at hinabol ang hininga.
"What shall I say?" tanong niya sa katamtamang lakas ng boses pero rinig ko pa rin mula sa kinauupuan. Baka dahil na rin sa puwesto ko na medyo malayo sa talon. Mapait siyang ngumiti. "Bakit hindi ako ang pinili?"
Natigilan ako sa tanong niya. Napagtanto kong parang hindi yata tama ang ibinigay kong suhestiyon. Nag-angat ako ng tingin nang mapansin ang bigla niyang pagtayo. Nababasa ng tubig mula sa talon ang buong katawan niya.
"Tell me what to say then!" he challenged me.
Napakagat ako sa ibabang labi. Mali nga yata ang advice na ibinigay ko. Ano bang alam ko, eh wala naman akong experience sa mga ganitong bagay?
Pansin ko ang ang seryosong paghihintay niya kaya nag-isip ako. Dumaan sa isipan ko ang kaklase ko noon sa university na si Leah. Naalala ko ang paglabas niya sa akin ng sama ng loob tungkol sa ex boyfriend niya.
"Magmo-move on na ako," sabi ko sa wakas.
Naningkit ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. Para bang hindi siya makapaniwala sa narinig.
"That's so... lame."
"It's sort of a coping mechanism. Just let out your frustrations!"
Nagtagal ulit ang tingin niya sa akin. Nakikita kong tinitimbang na niya sa isipan ang payo ko.
"Sabihin mong 'Magmo-move on na ako, Winona'!" Dinagdagan ko ito ng determinasyon.
Nakatanga pa rin siya habang tinatanaw ako sa kinauupuan ko. Naisip kong kulang pa ang pangungumbinsi kaya naman ay tumayo ako at hinarap ang umaagos na talon.
"Magmo-move on na ako, Winona!" malakas na sigaw ko para gayahin niya.
Tiningnan ko ulit si Doc Theo. Ginawaran ko siya ng mapaghamon na tingin. Sa huli ay alam kong nagtagumpay din ako at tuluyan ko rin siyang nakumbinsi.
"Magmo-move on na ako, Winona!" he shouted at the top of his lungs. Nakaharap siya sa malalim na ilog at sa likod niya ay ang talon.
Unti-unting lumabas ang ngiti ko dahil nakikita ang katatagan niya.
"Magmamahal ako ulit dahil kamahal-mahal naman ako!" sigaw ko gayang-gaya ang sinabi noon ni Leah habang umiiyak siya. Hindi ko maintindihan ang sinasabi pero tingin ko ay epektibo naman ito dahil naging okay naman si Leah matapos magkuwento sa akin.
Nagsalubong ang kilay ni Theo. Bumagsak ang mga balikat niya. "Seriously?"
Nag poker face ako para makita niyang seryoso ako.
I saw him sighed in surrender. Muli niyang tinanaw ang malawak na ilog.
"Mag... Magmamahal ulit ako dahil..." huminto siya kaya akala ko ay hindi na niya itutuloy. Tumayo siya nang matuwid at inilagay ang magkabilang kamay sa gilid ng bibig. "Kamahal mahal naman ako!" buong lakas niyang sigaw.
Tuluyan nang lumantad ang malapad kong ngiti. Ang... cute niyang tingnan.
"Makakahanap din ako ng iba!" sigaw ko ulit.
"Makakahanap ako ng iba!"
"At mamahalin niya rin ako pabalik! The kind of love that I deserve!" Pilit na inaagos ng talon ang boses ko.
"She'll definitely love me back! The kind of love that I deserve, Winona!" sigaw ni Theo. Nangingibabaw ang boses niya. Sobrang namumula na rin ang leeg niya hanggang dibdib.
"Hindi na ako—"
"I love you!" Naputol ako sa sasabihin sana dahil sa pagsabad niya. Nakita ko ang mariin niyang pagpikit. Bumalatay ang sakit sa kanyang mukha.
"I love you so much ... that it fucking hurts!" paos na paos niyang sigaw.
Natutop ko ang bibig. Nawalan ako ng kagustuhan na pigilan siya sa pagbuhos ng ikinikimkim na emosyon.
"I don't want to be selfish because... I know that you deserve all the happiness in the world...but... but it's just so hard... it's fucking so hard. I want you to be happy but does it really have to be with... him?"
Pakiramdam ko ay nagiging entremetido na ako sa dapat sana ay pribadong sandali niya ng pagpapalabas ng damdamin. Hinayaan ko siya dahil ito naman talaga ang coping mechanism na gusto kong gawin niya.
"Bakit hindi puwedeng ako, Win?" mapait niyang tanong sa hangin.
Tumingala siya sa himpapawid. Sa magandang araw. Muli siyang natahimik at hinayaan ang sariling habulin ang hininga. Pinagmasdan ko ang unti-unting pagiging kalmado ng dibdib niya.
"But my love is not that cruel," mas kalmado na niyang sinabi. Hindi man siya sumisigaw ay dinig ko pa rin. "Pinapalaya ko na ang pagmamahal ko sa'yo dahil gano'n naman dapat. I'm letting you go." Nagbaba siya ng tingin at ibinaling ito sa akin. His lips curled in a smile despite the pain in his eyes. "My love is like that. It sets free."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top