Chapter 10
Chapter 10
Workplace
Ang awkward. Matapos iyong ginawa niyang outburst kanina ay hindi ko na alam kung paano siya titingnan. Tahimik lang kaming pareho habang naglalakad pabalik sa balsa kung nasaan sina Kuya Baldo at Ate Meryl. Simula noong matapos siya sa pagsisigaw ng nararamdaman para kay Winona ay nakaramdam ako ng kakaiba. Ganoon ba talaga kapag ikaw mismo ang witness ng gano'ng klaseng bagay?
Wala naman akong mapagkukumparahan na ibang lalaki dahil si Doc Theo pa lang naman ang nakasama ko sa ganoong sitwasyon at pagkakataon. Naputol ang takbo ng isipan ko dahil sa biglaan niyang pagtikhim mula sa likod.
"Pasensiya na kanina..." panimula niya kaya bahagya kong binagalan ang paglalakad. "I was just..."
"Wala 'yon," agap ko sabay lingon sa kanya. "I gave you that idea and you just obliged."
Tumango siya at napatitig sa akin. Hindi ko man lang namamalayan na nahinto na pala kami sa paglalakad.
"Hindi naman ako therapist but I hope it helped," dagdag ko para mabawasan ang katahimikan.
"It did," tugon niya sabay gawad ng ngiti.
"Ibig sabihin naka-move on ka na?"
Umawang ang labi niya sa tanong ko. Panandalian siyang natigilan.
"I'm... getting there."
Tumango ako na para bang naiintindihan ko. Nga naman, masyado pa sigurong maaga para maka move on siya.
Tinalikuran ko siya ulit at nagpatuloy na kami sa maingat na paglalakad sa batuhan. May bumabagabag na naman sa isipan ko. Gaano ba katagal ang pagkakalugmok mula sa kasawian sa pagmamahal? May rule ba kung ilang araw, buwan, o taon?
Niyakap ko ang sarili dahil nilalamig na. Nang sa wakas ay nakalapit na sa balsa, namataan ko kaagad sina Kuya Baldo at Ate na naghahanda na ng mga pagkain sa loob ng maliit na kubo. Sa pagkakataong iyon ay naging maingat na ako sa pag-apak sa balsa.
"Muntik na kayong lapitan ni Baldo dahil ang akala niya, eh nag-aaway kayong dalawa," bungad ni Ate Meryl pagpasok ko sa loob.
Nauna akong lumapit sa kanila at nagtungo naman sa likod si Doc Theo para kunin ang isinampay niyang tshirt sa sanga ng puno.
Kinuha ko ang tuwalya sa bag at nagpunas.
"Okay lang ba si Doc Theo, Clau?" dagdag ni Ate.
"Nagpalabas lang po ng... sama ng loob," sagot ko sa mahinang boses dahil napansing paparating na rin si Doc Theo.
Napuna iyon ni Ate kaya ngumiwi na lang siya at binati si Doc nang pumasok ito sa maliit na kubo. Nakapagsuot na siya ng tshirt. Kaagad niyang nahanap ang mga mata ko. Nagkatinginan kami ng ilang segundo. Naalala ko na naman ang mga sinabi niya roon sa falls.
Nauna akong nag-iwas ng tingin at ibinaling ito sa mga nakahandang pagkain sa mesa na gawa sa kawayan.
"Huwag ka na munang magbihis, Clau," payo ni Ate nang maupo na kami sa tabla. "Balik tayo sa ilog mamaya pagkatapos mananghalian."
Ngumiti ako at tinanguan siya.
"Ikaw, Dok? Hindi ka na babalik sa pagligo?" si Kuya sabay baling kay Doc Theo na nakatayo naman malapit sa kanya.
Napansin ko ang pagsulyap ni Doc Theo sa akin. "Hindi na. Ako na lang ang magbabantay ng mga gamit dito."
Mahinang natawa si Kuya at palakaibigan siyang tinapik sa balikat.
"Ayos lang, Dok! Wala namang magnanakaw nito."
Humagikgik si Ate Meryl kaya napangiti na rin ako.
Nagsimula na kami sa pagkain habang nagkukuwentuhan. Tahimik lang si Doc Theo na nakikinig at paminsan minsan ay isinasali naman siya ni Kuya Baldo lalo na sa tuwing tungkol sa akin ang ikinukuwento niya. It still felt weird seeing him hanging out like this. Ang gaan ng loob ng pamilya ko sa kanya at siya naman ay... mukhang ganoon din.
"...palaro tuwing pista! Excited na rin ang buong bayan," si Kuya Baldo na kanina pa nagsasalita.
Inabot ko ang baso ng tubig at sumimsim mula rito.
"Kailan ba?" tanong ni Doc Theo.
Napatingin ako sa pinggan niya. Saging lang at inihaw na isda ang kinain niya habang nagkakamay. Puna ko rin na marunong naman pala siyang magkamay.
"Ngayong Sabado na! Aayusin na nga namin bukas iyong bakod para sa isa sa mga palaro."
"Kaninong lote naman ang gagamitin ninyo, Baldo?" si Ate. Tulad ko ay kanina pa siya tapos kumain. Nakasandal na lang siya sa kanyang upuan habang banayad na hinahaplos ang tiyan.
Biglang natahimik si Kuya ng ilang segundo. Sinulyapan niya ako at napansin kong may pag-iingat sa mga mata niya.
"Kina... Leslie," aniya sa mahinang boses at pagkatapos ay muling sumubo ng kanin.
"Leslie? Leslie Minerva? Iyong ikuwenento mo sa'kin na nagpahamak kay Claudine noon?" hindi makapaniwalang sunod sunod na tanong ni Ate.
Nagulat din ako dahil sinabi pala ni Kuya sa kanya ang nangyari sa amin ni Leslie noon.
Nagkamot ng batok si Kuya. "Sila lang naman ang may pinakamalaking lupain sa buong San Pablo at sila rin ang magspo-sponsor ng papremyo."
"Eh 'di sana hindi ka na pumayag!" pag-angal ni Ate na nahinto na sa paghahaplos sa kanyang tiyan.
Problemado siyang tiningnan ni Kuya. "Hindi naman pupwede iyon at hindi lang naman ako ang magdedesisyon."
"Eh 'di tumiwalag ka na lang sana at sinabi mong hindi ka naman na taga San Pablo! Baka nakakalimutan mo na nasa San Agustin tayo naninirahan..."
Bago pa lumala ang pagtatalo ng dalawa ay pumagitna na ako.
"Wala na po sa'kin 'yon. Matagal na naman 'yon..."
Napasinghap si Ate at ngayon ay ako naman ang ginawaran niya ng hindi makapaniwalang tingin.
"Hindi basta-basta iyong ginawa nila sa'yo, Claudine," marahan niyang sinabi. "Ayaw kong maging intremitida sa buhay mo dahil alam kong bago palang ako sa pamilya niyo... pero gusto kong malaman mo na kung meron lang akong magagawa para sa'yo—"
"Kalimutan na po natin 'yon," pagputol ko sa kanya sabay gawad ng pilit na ngiti. "Mga bata lang po kami noon at matagal na rin naman 'yon."
Nagtagal pa ang tingin niya sa akin. Batid ko naman na hindi siya kumbinsido sa sinabi ko. Tanggap ko 'to dahil alam ko naman na hindi ko hawak ang paniniwala ng ibang tao.
Doon na nagtapos ang usapan. Kung awkward kami kanina ni Doc Theo ay lalo lang itong naging awkward pagkatapos naming managhalian. Nauna akong lumabas ng kubo at nagpaalam sa kanila.
Balot ang tuwalya sa katawan ay naglakad-lakad na muna ako sa gilid ng ilog. Nang makahinto sa lilim ng malaking puno ay nagpasya akong umupo sa malaking ugat nito. Matagal-tagal din silang tatlo na nanatili sa loob ng kubo. Sumagi sa isip ko na baka pinag-uusapan nila ako.
Humugot ako ng malalim na hininga at mas ibinalot pa ang tuwalya sa sarili. Sa pagbabalik ko rito sa San Pablo ay hindi ko na yata talaga matatakasan pa ang nakaraan ko.
Makalipas ang halos kalahating oras ay lumabas na rin sina Kuya at Ate Meryl. Tinanaw nila akong pareho. Ngumiti si Ate at kinawayan ako. Kumaway din ako pabalik sa kanya. Inalalayan siya ni Kuya sa paglalakad sa deriksiyon malapit sa talon. Ilang minuto ang naglaon ay si Doc Theo naman ang lumabas.
Isinuyod niya ang tingin sa paligid. Napaayos ako ng upo nang dumapo ang tanaw niya sa akin. Ipinasok niya ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng kanyang suot na shorts at tumingala sa himpapawid. Matapos itong gawin ay naglakad siya pababa ng balsa. Nang nakaapak na siya sa lupa ay napuna ko ang pagdadalawang-isip niya sa deriksiyon na lalakarin. Sa huli ay humakbang siya sa deriksiyon kung nasaan ako.
Natutulala kong pinagmamasdan ang mga tuyong dahon sa paanan habang hinihintay ang tuluyang paglapit niya sa akin.
"Do you mind if I join you?"
Inabandona ko ang mga tuyong dahon para mag-angat ng tingin dahil sa tanong niya nang makalapit na.
"No problem," sabi ko.
Dahan-dahan siyang naupo sa tabi ko, sa malaking ugat ng puno. Pareho naming pinagmasdan ang banayad na ilog. Dinig namin ang masayang tili ni Ate Meryl at ang halakhak ni Kuya na parehong naliligo na sa may hindi kalayuan.
"May...sinabi ba sina Kuya sa'yo?" sa wakas ay naitanong ko.
"Tungkol saan?"
Binalingan ko siya. Parehong nakatukod ang dalawang braso niya sa kanyang mga tuhod.
"Doon sa nabanggit kanina. Sa may-ari ng lupa..." Ngumiwi ako. "Si Kuya naman kasi, masyadong makuwento."
"Hindi na ako nang-usisa pa. I just noticed earlier that you're not comfortable when he mentioned it so..."
I was surprised by it. Sa expectation ko kanina na ako ang laman ng usapan nila ay hindi ko talaga inasahan ang pagtanggi ni Doc Theo.
"Pasensiya na. Naging assuming lang yata ako na magiging curious ka," wala sa sariling nasambit ko.
Ipinaling niya ang kanyang ulo habang tinititigan ako ng mariin.
"It's not that I'm not curious about you..." Bumuntonghininga siya at pumulot ng isang patay na dahon. "I just wanted to respect your privacy. The last thing that I want to do is to make you feel uncomfortable."
Tumitig lang ako sa kanya. Nag-iwas siya ng tingin at ibinaling ito sa ilog na nasa tapat namin. Itinukod niya ang magkabilang kamay sa lupa at komportableng itinuwid ang kanyang mga paa. Tumingala ulit siya at mariing pumikit.
Kusang umawang ang mga labi ko dahil sa gwapo niyang hitsura. Ngayon ay natukoy ko na ang naiisip dati sa tuwing nakikitang magkasama sila ni Winona. Si Doc theo ang lalaking anghel na bersiyon ni Winona.
Cain Mattheo's features now look angelic. Mas nadepina ang kanyang matangos na ilong dahil sa kanyang posisyon. Dagdagan pa ng sinag na nagmumula sa papalubog ng araw na tumatama sa kanyang hitsura. Ang pula ng mga labi niya at ang lambot tingnan. Masyado ring mahahaba ang kanyang pilikmata. He doesn't only have good looks. He has a good heart.
Mabilisan akong tumingin sa ibang gawi nang napansin ko ang akma na niyang pagdilat.
"Hindi kasi ako komportableng may ibang tao na nakakaalam ng personal na buhay ko," bigla ko na lang saad. Hindi ko alam kung ano ang reaksiyon niya dahil hindi naman ako nakatingin sa kanya. Sa kabila nito ay nagpatuloy pa rin ako. "Kahit pa sa Maynila, masyado na talaga akong mailap kaya naman wala rin akong masyadong mga kaibigan."
Nagpatuloy ang pagiging tahimik niya kaya naman ay unti-unti ko na siyang tiningnan. May lumundag na parte sa loob ko dahil nakita siyang nakatingin na sa akin.
"Does my being here in your town intrude into your personal life?" His tone is careful but at the same time curious, considerate.
"A bit," pag-amin ko pero may kaonting ngiti na sumilay sa mga labi ko.
Marahan siyang natawa. "Pasensiya. Ginawa ko pang escape fortress ang bayan mo."
"Ang weird lang.... Kilala ka na ng pamilya ko. Ni hindi nga tayo closed sa Maynila."
"Tama ka naman," nakangising pagsang-ayon niya sabay tango. "Hindi rin tayo close pero sa'yo ako naglabas ng hinanakit tungkol kay Winona."
Lumapad ang ngiti ko nang maalala ang pinagsisigaw niya kanina sa talon.
"I'll keep that secret to the grave," sabi ko sa pilit na seryosong boses.
He chuckled. Sabay kaming napabaling sa tanawin na nasa harap. Namayani ulit ang katahimikan. Siya ang naunang bumasag nito.
"But we're friends now, right?"
Ramdam ko ang titig niya kaya tiningnan ko na rin siya.
"Sure. Pero mahirap akong friend. Masyado akong malihim lalo na sa personal na buhay," sabi ko.
"I can respect that. Hindi naman libre ang pagtitiwala. Pinaghihirapan 'yan. And I am a hardworking person."
"You want to earn my trust?" Nagsalubong ang kilay ko. Nagtataka kung bakit pa siya mag-i-effort.
"Uh huh." Banayad siyang ngumiti. " 'Cause you already have mine."
Hindi na ako bumalik sa paglusong sa tubig-ilog dahil nalibang na ako sa pakikipagkuwentuhan kay Doc Theo. We talked about how it was to study Medicine. Napag-usapan din namin ang pagtatrabaho niya noon sa Canada kung saan din niya nakilala si Winona. Siguro nga ay nakatulong ang pagpapalabas niya ng hinanakit kanina dahil komportable na siyang pag-usapan ito.
He never asked me about the reason why I returned in San Pablo. And I was glad that he didn't.
"I will go to the market tomorrow to buy some supplies," sabi niya habang naglalakad na kami pabalik sa balsa para kunin ang mga gamit. Magda-dapithapon na. "Will I see you there?"
Tinanggal ko ang tuwalyang nakabalot sa magkabilang balikat dahil natuyo na naman ang damit ko. Isinampay ko na lang ito sa isang balikat at pagkatapos ay tiningnan siya.
"Hindi ako pupunta sa palengke bukas. May trabaho ako."
Kumunot ang kanyang noo. "Akala ko ba sa palengke ka nagtatrabaho..."
Huminto ako sa paglalakad. Ganoon din ang ginawa niya.
"Do you want to see my workplace?" Sa mga sandaling iyon ay hindi ko maipaliwanag pero gusto kong makita niya ang parteng iyon ng buhay ko.
"Yeah. Sure."
"Pumunta ka sa bahay bukas," sabi ko at nagpatuloy na sa paghakbang, "dahil ipapakita ko sa'yo."
"Sigurado ka ba talaga riyan sa gagawin mo, Claudine?" si Tiya Magda kinabukasan. Papaalis na sana siya para sa palengke nang sinabi ko ang planong gawin kaya naman sinundan niya ako.
"Si Mariel naman po ang huhulaan ko."
"Pero inimbitahan mo si Doc Theo para panoorin ka?" Napahawak siya sa kanyang baywang habang ang isang kamay niya naman ay bitbit ang kanyang bayong.
Nagkibit lang ako ng balikat at ipinagpatuloy na ang pag-aayos ng mesa sa gitna ng kuwarto.
"Hindi ka ba natatakot sa magiging reaksiyon ng doktor?" dagdag ni Tiya Magda.
"Bakit naman po ako matatakot? Hindi naman po siya magtatagal dito sa bayan." Ang dalawang plastic na upuan naman ang inayos ko.
"Eh, paano na lang sa pagbabalik mo sa Maynila? Hindi ka ba nag-aalala na kumalat doon ang....pilit mong tinatakasan dito noon?"
Hindi ako kumibo at nagpatuloy lang sa ginagawa.
"Huwag mong sabihin sa'kin, Claudine na hindi ka na babalik doon?" Hindi pa rin ako umimik. Ipinagpatuloy niya ang pagsasalita. "Kaya ba hindi mo na ipinag-aalala kung anuman ang isipin ni Doc Theo sa'yo dahil wala ka na namang balak na bumalik pa ng Maynila?"
"Hindi pa po ako sigurado," sabi ko na lang para may maitugon sa mga tanong niya.
Hindi siya nakumbinsi sa sagot ko. Lumapit siya sa mesa.
"Wala namang kaso sa'kin kung manatili ka rito pero paano ang pangarap mo?"
"Marami pa namang panahon."
"Clau—"
"Tao po!" Dinig namin na boses na nanggagaling sa labas.
"Si Mariel na 'yan," saad ko at naglakad na palapit sa nakabukas na pinto ng kuwarto.
Nilagpasan ko si Tiya Magda na kaagad namang gumilid. Narinig ko ang malalim na buntonghininga niya.
Lumabas ako ng kuwarto at nakita nga si Mariel na nakatayo sa may bakuran namin habang nakatingin sa main house. Naglakad ako palapit sa kinatatayuan niya.
"Doon tayo," bungad ko sabay turo sa nakabukas pang pinto. Lumabas na rin mula sa loob si Tiya.
Huminga si Mariel ng malalim at tumango. Humakbang na kami palapit sa kuwarto na ginawang bodega nang marinig namin ang tunog ng paparating na sasakyan.
Sabay namin itong nilingon at nakita ang isang itim na SUV. Huminto ito sa gilid ng kalsada, sa tapat ng bakuran namin. Bumukas ang pinto ng driver's seat nito. Naniningkit ang mga mata ko habang tinatanaw ang lalaking papalabas ng kotse.
"Iyan 'yong...." namamanghang sambit ni Mariel sa tabi ko.
Doc Theo gave us a small smile while putting his car keys inside the pocket of his jeans. Naglakad siya patungo sa amin. Isang puting vneck shirt na namam ang suot niya.
"Okay lang ba sa'yo na sumama siya sa'tin?" baling ko kay Mariel. Isang beses ng naudlot ang panghuhula ko sa kanya pero ngayon ay tuloy na talaga.
Namamangha pa rin siya habang nanatiling nakatingin kay Doc Theo.
"S-Sige ba. Okay lang..."
Binati kami ni Doc Theo nang tuluyan na siyang makalapit sa amin. Bumati kami pabalik at sinulyapan ko muna ang nakaparada niyang magarang sasakyan bago siya binalingan.
"You brought a car with you...." kaswal na pahayag ko.
"Kaninang umaga pa na-ship," aniya. Hindi nakalagpas sa akin ang mabilisan niyang paghagod ng tingin sa suot ko.
"Na-trauma ka na sa traysikel ni Kuya?" Ano kaya ang iniisip niya sa suot kong kulay puting bestida?
Mahina siyang natawa. "Hindi naman. Mas convenient lang ang may sariling sasakyan. Ang layo kasi ng palengke."
"Hmmm. Shall we?" sabi ko sabay muwestra sa may kuwarto na nasa gilid ng bahay namin.
Wala na kaming sinayang pa na oras at pumasok na sa loob. Nang nasa loob na ay pareho nilang sinuyod ni Mariel ng tingin ang loob ng silid.
Kalmado akong lumapit sa mesa na nasa gitna at naupo sa plastic na silya na hinanda ko rito.
"Dito ka sa tapat ko, Yel," utos ko sabay muwestra sa isa pang bakanteng upuan.
Tumango siya at unti-unting lumapit. Nang maupo na siya sa tapat ko ay nag-angat ako ng tingin kay Doc Theo na tahimik lang na nakamasid sa amin.
"You can sit in the corner," sabi ko sa kalmadong boses.
Dumapo ang tingin niya sa mesa at sa kamay kong nasa ibabaw nito.
"You're..." He's too smart not to realize what was going on.
"Yes. I am going to read her palm. Tulad ng naikuwento ko sa'yo noon sa Maynila."
Dahan-dahan siyang tumango. "I'll...stay in the corner." Matapos iyong sabihin ay tumalikod na siya at naglakad palapit sa malapit na sulok. Tama lang ang distansiya para marinig at makita ang mangyayari sa mesa.
"That's me earlier. Ang buhay ko dati...o baka ang magiging buhay ko rin ngayon," sabi ko nang makaalis na si Mariel at naiwan kami ni Doc Theo sa labas ng silid.
Pareho naming tinatanaw ang sasakyan niya at ang papalubog na araw. Bumaling ako sa kanya at hinarap siya.
"Isa akong weird na tao. Kinukutya dati dahil sa paraan ko ng pamumuhay. Dahil sa paniniwala ko..." May dumaang kirot sa dibdib ko habang inaalala ang nakaraan at ang pinagdaanan. "Now, Doc Theo, do you still want to be friends with me?"
Mariin niya akong tinitigan. I was so ready to accept his judgement. Lalo na at doktor siya. Maiintindihan ko naman dahil mismong ako ay isa ring nurse.
Mas tumindi ang kirot sa puso ko nang makitang ni hibla ng panlalait at pangmamaliit ay wala akong nakita sa mga mata niya. Ibang-iba sa naranasan ko dati na mapanghusgang tingin ng mga tao sa akin.
Ngumiti siya. "I'm glad to finally meet you, Abigail Claudine."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top