Chapter 7

Chapter 7

Friends

"A-Ano raw ang sabi niya?" hindi makapaniwalang tanong sa akin ni Tiya na ngayon ay nakasunod na ang tingin kay Doc Theo. Maingat itong naglalakad palapit sa manok.

"Huhulin niya raw po ang pananghalian natin." Mismong ako ay hindi pa rin makapaniwala sa walang pag-aalinlangang desisyon ni Doc.

"Susmaryosep," nahihiyang bulong ni Tiya. Napa-sign of the cross pa siya.

Nakapamaywang na ako habang pinagmamasdan ang bahagyang pag-squat ni Doc Theo habang pinapaunti-unti ang paglapit sa inahing manok na kasalukuyang may tinutuka na sa lupa. Sa pagiging abala ng manok ay hindi nito namamalayang halos nasa likuran na niya si Doc.

Ang weird nitong tingnan. Sa tangkad at tindig ni Doc Theo lalo na sa kanyang pananamit ay ni isang hibla ng posibilidad hindi ko lubos maisip na alerto siyang nakatitig sa bawat galaw ng inahin.

Sabay kaming mahinang napasinghap ni Tiya nang biglang kinain ni Doc Theo ang kaunting distansiya sabay bukas ng dalawang palad upang mahawakan na ang inahin ngunit mabilis naman itong nakapansin at tumakbo papalayo.

Tumayo nang maayos si Doc at nilingon niya kami ni Tiya. Nakita ko ang bahagyang pagngiwi niya bago muling hinarap ang manok na nagpatuloy naman sa paggala sa bakuran.

May tinuka na naman ang manok sa lupa. Posibleng uod. Kinuha ulit itong pagkakataon ni Doc Theo para kainin na naman ang distansiya. Halos patalon niyang sinubukang sikupin ang buntot ng inahin ngunit nakaramdam na naman yata ito kaagad dahil tumakbo ulit papalayo. Mistulang natatawa pa ang boses na pinakawalan nito.

Kumawala ang tawa sa akin na naging sinok dahil sa pagpipigil. Sinipat naman ako ng sariling tiyahin.

"Tulungan mo na si Doc, Claudine," mahina ngunit mariin niyang utos.

Idiniin ko ang pagtikom ng bibig at wala ng nagawa pa kundi ang sundin siya. Hindi rin naman ako pupuwedeng manood lang dahil baka wala na kaming makain mamaya. Tiningnan ko ang suot na simpleng tshirt at maong na shorts. Nilapitan ko na si Doc Theo na masyadong pokus habang tinatanaw ang manok.

"Sobrang ilap, 'di ba?" kaswal na tanong ko sa gilid niya. "Tulungan na kita."

Napasulyap siya sa akin at tumango. Ilang segundo akong nanatiling nakatayo sa gilid niya habang nag-iisip ng magandang estratehiya. Naglakad ako at iniwanan ang puwesto niya upang tumayo sa may hindi kalayuan at harapin siya.

Sa naging puwesto ko ay magkatapat na kami samantalang ang manok naman ay nasa gitna namin. Walang abug-abog ay sumugod kaagad ako sa manok at patakbo itong nilapitan. Kumaripas naman ito ng takbo ngunit mabilis na hinarangan ni Doc Theo.

"I got it!"listong sambit ni Doc Theo.

Gusto kong matawa sa sitwasyon namin ngayon. Hindi ko ma-imagine ang kasalukuyang ginagawa ni Doc Theo. Sanay na naman ako sa gawaing ito simula pa noong bata ngunit ang makita siya sa unang pagkakataon na ganito ay nakamamangha. Ang sobrang competitive niya pala maski sa pagdakip lang ng manok.

Mabilis ang pag-igting ng mga ugat niya sa braso nang pahaklit niyang hinawakan ang bandang buntot ng manok. Matagumpay niya itong nadakip dahilan ng malakas na paghiyaw ng manok. Hindi na ito makawala pa. Mahina siyang napamura nang sinubukan ng manok ang kumawala sa pagkakahawak niya.

Bumaling si Doc Theo sa akin. Nakitaan ko ng butil ng pawis ang kanyang noo. "Deretso na ba 'to sa kusina?"

Ngumisi ako sabay tango.

Pumasok na kami sa loob ng bahay. Nagpresinta ako na tulungan si Tiya na asikasuhin ang manok sa kusina. Sumunod naman sa amin si Doc Theo na siyang may hawak sa manok na nanghihina na dahil kanina pang nagpupumiglas. Dumeretso kami sa dirty kitchen na nasa labasan lang.

"Ako na po ang mag-iihaw ng manok, Tiya," alok ko at kaagad naman siyang pumayag.

Kumuha ako ng kutsilyo mula sa lagayan nito na kahoy at nilingon si Doc Theo.

"Hawakan mo nang mahigpit at gigilitan ko na ang leeg niyan," utos ko.

Nanliit ang kanyang mga mata na para bang hindi siya makapaniwala sa sinabi ko. Nilinga niya si Tiyang na kasalukuyang nag-iinit na ng tubig.

Bumuntonghininga ako dahil namamalayan ko na ang pag-aatubili niya.

"Huwag ka nang ma-guilty diyan at wala tayong uulamin." Naglahad ako ng kamay para ilapit niya ang ulo ng manok dito. "Akin na. Hawakan mo nang maigi ang katawan at baka tumakas pa."

"This... This is very cruel," aniya ngunit inilapit naman ang manok sa kamay ko.

"This is life, Doc."

Kumuha ako ng maliit na batya upang magsasalo sa dugo ng manok. Inilapag ko ito sa lababo. Hinila ko ang manok na hawak niya rin para itapat sa batya.

Hinila ko na rin ang ulo ng manok upang maunat ang leeg nito at madali ng magilitan. Itinutok ko sa leeg ang kutsilyong hawak at sinimulan na ang pagdiin nito. Ngumisi ako nang masulyapan si Doc Theo.

"Ah. Jesus Christ," ungol niya sabay iwas ng tingin. Tila nahihirapan na tingnan ang kapalaran ng inahin.

Piniglan ko ang paglabas ng tawa at sinimulan na ang paggilit sa leeg ng manok.

Kasabay ng pangingisay ng manok ay ang paulit-ulit na pag-igting ng panga ni Doc Theo. Napansin ko ang pamumula ng kanyang leeg. Nailing na lamang ako sa sarili.

Nang malagutan na ng hininga ang manok ay nanghihina itong binitiwan ni Doc Theo. Sinabihan kami ni Tiya na siya na ang bahala at maghintay na lang daw kami ni Theo sa sala. Nauna pa sa akin si Doc Theo sa pagtungo roon. Mahina akong natawa nang masigurong hindi na niya naririnig.

Hindi nagtagal at sumunod din ako sa kanya sa sala at nadatnan siyang nakatayo habang pinagmamasdan ang mga larawan na nakadisplay sa ibabaw ng cabinet.

"You really are a fortuneteller," aniya habang tinititigan ang litrato na kuha noong dayo na nagpahula sa akin.

Nasa sampong taong gulang yata ako nito. Nakasuot ng mahabang puting bestida. Halos kasinghaba ng aking napakaitim na buhok. Ang liit ko tingnan habang katabi ang isang ginang na siyang hinuhulaan ko noon.

"Yeah. I was very famous," sabi ko. Ewan ko ba at hindi ako nakaramdam ng kaasiwaan sa pagiging kuryoso niya sa dati kong buhay. It felt just natural. Normal. Kung sa iba ay nahihiya ako sa pagiging manghuhula ko dati, sa kanya ay hindi.

Napatingin siya sa akin. Umangat ang sulok ng kanyang labi. Ipinagpatuloy niya ang pagtingin sa iba pang mga larawan na naroon.

"M-Mama ko," saad ko nang mapuna ang pagtagal ng kanyang tingin sa isang larawan.

Simpleng kuha lang ito. Nakatayo si Mama sa gilid ng putol na kahoy habang nakangiting nakatingin sa camera.

"She's pretty. She looks young," komento niya. Nag-angat siya ng tingin at iginala ito sa paligid ng sala. "Where is she now?"

"Patay na silang dalawa ng papa ko," pagkukuwento ko. "She died when I was four years old. Si Papa naman  noong five na ako."

"Pasensiya na," banayad niyang sinabi. Kita ko ang senseridad sa kanyang mga mata. "I didn't know."

Ginawaran ko siya ng tipid na ngiti para ipabatid na okay lang naman sa akin.

"Hindi naman tayo close sa... Pillars noon kaya siyempre hindi mo... uh alam." Sa totoo lang, wala namang masyadong nakakaalam tungkol sa buhay ko sa mga kakilala ko sa Maynila.

Ilang minuto kaming komportableng natahimik lang. Hindi na siya muling nagtanong pa at kaswal na isinuyod lang ang tingin sa mga lumang nakadisplay na awards ko sa eskuwela.

Pareho kaming napalingon sa may pintuan dahil sa naririnig na boses nina Kuya Baldo at ng kanyang asawa. Umaliwalas kaagad ang mukha ng pinsan ko nang makita niya si Doc Theo.

"Mabuti at naimbitahan mo talaga si Doc, Claudine!" Malakas ang pagkakasabi niya nito habang papasok ng bahay at inaalalayan ang kanyang asawa.

"Oo naman," walang sigla kong tugon.

"Ang sabi mo kasi hindi kayo close nitong si Doc kaya umangal ka noong una."

Natutop ko ang labi dahil sa walang prenong pahayag ni Kuya Baldo. Hindi naman yata siya nakaramdam ng pagkailang sa sinabi dahil palakaibigan niyang nginisihan si Doc Theo. Maski hindi ako nakatingin sa doktor ay alam kong nagtagal ang tingin niya sa akin bago tinugunan ang ngiti ng pinsan ko.

Tanging si Ate Meryl lang ang nakapuna ng hindi kaaya-ayang tensiyon. Pasadya siyang tumikhim kaya nakuha rin niya ang atensiyon ng pinsan ko. Binalingan na siya nito ng tingin.

"Asawa ko nga pala, Doc. Si Meryl," pagpapakilala niya.

Pansamantalang naisantabi ang huling sinabi ni Kuya kay Doc tungkol sa pag-angal ko dahil sa pagpapakilala nina Ate Meryl at Doc Theo sa isa't-isa. Hindi nagtagal at tinawag na rin kami ni Tiya upang magtungo na sa hapag para sa hapunan.

Nauna na sa pagpunta sina Kuya Baldo at Ate Meryl habang kami naman ni Doc ay nakasunod sa kanilang likuran. Upang hindi mabalisa ay inisip ko na lang na totoo namang hindi kami close kaya bakit ako mahihiya sa sinabi ni Kuya Baldo kanina? Naglakas loob akong sulyapan si Doc Theo at nakitang seryoso lang naman siyang nakatingin sa harapan. Balewala lang yata para sa kanya ang ipinag-aalala ko kanina pa kaya naman umakto na ako ng normal.

Nakaupo na si Tiya sa kabisera. Namangha ako habang pinagmamasdan ang nakahanda ng pagkain sa mesa. Ni hindi ko siya natulungan sa paglalagay ng mga pagkain. Naupo na sina Kuya Baldo at ate Meryl. Awtomatiko naman akong nagtungo sa may lababo upang maghugas ng mga kamay. Sumunod din sa akin si Doc Theo.

Binuksan ko ang gripo at naghugas nang maayos. Umusog ako ng kaonti sa gilid upang pagbigyang daan si Doc Theo. Kumuha ako ng sabon at nagsabon na sa kamay. Sumunod naman si Doc kaya nagpalit kami ng puwesto at ako na ngayon ang nagbabanlaw ng mga kamay sa tapat ng gripo.

Nagpunas ako ng mga kamay upang matuyo ito gamit ang maliit na tuwalya na nakasabit sa gilid ng ref. Matapos gawin ang basic personal hygiene ay tinalikuran ko na ang lababo at hinarap ang hapag. Nadatnan ko ang buo kong pamilya na nakatanga habang nakamasid sa aming dalawa ni Doc Theo. Mas lalong nadepina ang katahimikan dahil na rin sa pagpatay ni Doc sa gripo.

Pareho kaming lumapit na sa hapag ni Doc Theo at naupo sa dalawang bakanteng silya na nasa tapat ng pinsan ko at ng kanyang asawa. Si Kuya Baldo ang bumasag ng katahimikan.

"Nakalimutan natin na doktor at nurse pala itong dalawa!" Humagalpak siya at tumayo mula sa silya.

Sumunod naman sa kanya sina Ate Meryl at Tiya. Nagtungo silang tatlo sa lababo at naghugas na rin ng mga kamay.

Binalewala ko lang ang kilos ng tatlo at pinagmasdan na ang mga pagkain sa harapan. Bukod sa tinolang manok ay nagluto rin si Tiya ng kanyang espesyal na pancit. May isang mangkok din na naglalaman ng ginisang puso ng saging at ito ang tinititigan ni Doc Theo nang masulyapan ko siya.

"Ginisang puso ng saging," sabi ko bilang sagot sa tanong ng kanyang mga mata.

"Oh. Nakakain pala 'yan?" baling niya sa akin.

"Oo. Masarap 'yan. You should try it." Inabot ko ang mangkok na naglalaman nito at inilapit sa kanya.

Kumuha siya ng kaonti gamit ang kanyang kutsara. Nakabalik naman ang pamilya ko sa pag-upo sa kani-kanilang silya matapos maghugas ng mga kamay.

"Naku, Clau! Bakit iyan iyong inihahandog mo kay Doktor?" saway ni Tiya habang tinitingnan ang ginagawang paglalagay ni Theo ng ginisang puso ng saging sa kanyang plato. "Dapat itong tinola at hindi iyan!"

"Okay lang po," si Theo sa mababang boses. "I'm quite curious so I'll try this one first."

Sinipat ako ni Tiya at pinagkibitan ko lang siya ng balikat bago naglagay ng sariling kanin sa pinggan.  Muling natahimik ang hapag at tanging tunog lang ng paglalagay ng pagkain sa mga pinggan ang namayani.

"Magaling ba itong si Clau sa pagiging nurse sa Maynila, Doc?" biglang tanong ni Kuya Baldo sa kalagitnaan ng pagkain namin.

Sumulyap muna si Doc sa akin bago tinanguan ang pinsan ko. "Oo naman. Competent at effective naman si Abby bilang nurse."

Nasundot ang alaala ko sa huli niyang sinabi noon sa akin sa Pillars. Noong isang beses niya akong tinawag na incompetent.

"Tinatanong nga namin siya kung bakit ayaw na niyang bumalik doon," si Tiya naman sa seryosong boses. "Gusto niya munang manatili rito sa San Pablo."

Napakunot ng kanyang noo si Doc Theo nang balingan niya ako ng tingin.

"You don't want to go back?" pagkompirma niya. Batid ko na rin ang kuryosidad sa kanyang boses.

Nagbaba ako ng tingin sa plato. Ginalaw ko ang kanin gamit ang hawak na kutsara. "Wala pa naman akong kongkretong plano."

"Kumusta pala si Doctor Arthur? Ni hindi ko na talaga siya napasalamatan sa pagtulong niya kay Claudine," pagpapatuloy ni Tiya.

"Mabuti naman po. Ipapaabot ko na lang po sa kanya ang pasasalamat ninyo at deserving din naman po si Ab— si Clau sa pagtulong ng ama ko."

"Ang bait naman talaga ng ama mo. Masuwerte nga itong pamangkin ko at natulungan niya."

Napasubo ulit ako ng kanin habang iniisip si Doc Arthur. Hindi man sinusulyapan si Doc Theo ay alam ko namang kuryoso siyang nakatingin sa akin.

"Masarap pala 'tong ginisang puso ng saging," bigla niyang komento habang kumakain.

"Naku! Oo." Medyo natawa pa si Tiya. Inangat niya ang mangkok na pinaglagyan ng tinolang manok at inilapit sa doktor na bisita. "Ito pa ang tinola. Huwag kang mahihiya. May pancit pa, oh!"

Naalala ko tuloy ang reaksiyon ni Doc Theo kanina habang ginigilitan ko ang leeg ng manok. Napatingin ako sa tiyahin kong tila ba giliw na giliw sa pakikutungo kay Doc Theo. Napasulyap naman siya sa akin bago pinagtuonan ulit ng pansin ang bisitang doktor na abala na ngayon sa pagkain. May dumaang pag-aalinlangan sa kanyang mga mata bago siya nagsalita.

"May... girlfriend o asawa ka na ba, Doc?"

Ibinaba ko ang tingin sa pancit na nasa harap. Gamit ang hawak na tinidor ay kumuha ako at sumubo nito.

"Wala po, Ma'am."

"Tiya Magda na lang ang itawag mo sa akin!" agap ng tiyahin ko.

Sumabit ang pancit sa lalamunan ko dahilan upang maubo ako ng dis oras. Hinilot ko ang leeg sabay kapa sa baso ng tubig na nasa gilid. Habang sumisimsim sa baso ay kita ko naman ang pagbaling ng tingin ng lahat sa akin.

"Kung gayon ay single na single ka pala, Doc?" dugtong ni Tiya na parang walang nangyari. "Sa gandang lalaki mo niyan at sobrang successful pa, eh walang nabighani? Napakaimposible naman yata!"

Inubos ko ang tubig at pagkatapos ay muling inilapag sa mesa. Nagpatuloy na ako sa pagkain ng manok. Iniwasan ko na ang pancit.

Hindi ko narinig ang tugon ni Theo o baka naman nginitian niya lang ang tiyahin ko. Hindi naman ako nakatingin sa kanilang dalawa dahil nagpokus na ako sa pagkain.

"Ikaw ba Clau ay single din? Wala ka bang nobyo sa Maynila?" Hindi pa pala tapos si Tiya sa kanyang pang-iintriga at ngayon ay ako na yata ang target.

Tumikhim ako at nilunok ang karne ng manok na nasa bibig bago sumagot. "Opo."

Ibinaba ko na sa plato ang hawak na kutsara at tinidor dahil tapos na. Nang mag-angat ng tingin ay nakita ko ang palipat-lipat na tingin ng tatlo sa aming dalawa ni Doc Theo. Sa tinginan nila ay para bang may kung ano sa aming dalawa.

Tila napansin din ito ni Doc Theo ngunit kaswal lang siyang nag-angat ng sariling baso ng tubig at sumimsim mula rito.

"Nililigawan mo ba itong pinsan ko, Dok?" bigla na lang tanong ni Kuya Baldo.

Muntik nang maibuga ni Doc Theo ang tubig na iniinom. Literal na napa-face palm naman ako. Paano ba nauwi sa ganito ang takbo ng usapan?!

"H-Hindi naman," si Doc Theo nang makabawi at maibaba na ang baso. Medyo naubo pa siya.

Dumapo ang tingin ko sa kanyang tainga na medyo namumula.

Napatuwid ng upo ang pinsan ko at bahagyang tumalim ang tingin niya sa doktor naming bisita.

"Hindi maganda ang pinsan ko?"

"She's pretty," awtomatikong sagot ni Theo na halatang hindi na pinag-isipan pa.

"Pero hindi mo tipo at hindi mo liligawan?"

"Kuya!" awat ko sa matalim na boses. Sa matagal na pag-alis ko sa probinisya ay halos makalimutan ko na kung gaano ka prangka itong pinsan ko.

Nakita ko ang pasimpleng paghaplos ni Ate Meryl sa braso ni Kuya Baldo. Unti-unting umangat ang sulok ng labi ng pinsan ko.

"Biro lang, Dok!" bawi niya ngunit kaagad din na muling sumeryoso ang kanyang tingin. "Pero siyempre medyo protective din ako kay Clau. Wala pa naman 'tong kamuwang-muwang sa mundo."

Wow! Ako pa ang walang kamuwang-muwang. Anong silbi pala ng pagiging Magna Cum Laude ko noong kolehiyo?

Umiling na lamang ako at hindi na ibinalandra pa ang mga achievement sa pag-aaral. Mabuti na lamang at hindi na rin nagtagal ang usapan dahil tapos na naman ang lahat sa pananghalian.

Nagpaalam na si Doc Theo sa pamilya ko. Halos hindi kami magkatinginan sa isa't-isa. The awkwardness between us was very evident. Pakiramdam ko ay hindi na mawawala sa isipan naming pareho ang naging pag-uusap kanina sa hapag.

Sa pagpupumilit na rin ng aking tiyahin ay inihatid ko ang doktor sa labas ng bahay. Mas lalo lang lumala ang katahimikan na namagitan sa aming dalawa habang walang imikan kaming naglalakad palapit sa may pintuan. Nang nasa labas na ay hinarap niya ako.

"Ihahatid kita hanggang sa kalsada,"inunahan ko na siya.

"Okay lang naman na rito."

"Sa kalsada na," giit ko. "Ganito talaga kami maghatid ng bisita sa probinsiya. Hinahatid namin hanggang kalsada."

Kumunot ang kanya noo kaya batid ko ang pagtataka niya. Iminuwestra ko ang daan upang magpatuloy na kami sa paglalakad. Sinadya ko rin ito dahil balak ko na kausapin siya at klaruhin sa kanya ang nangyari kanina. Bumalik kami sa pagiging tahimik. Tanging tunog lang ng mga ibon at naaapakang tuyong dahon sa lupa ang naririnig namin.

Nang makaapak na sa sementadong kalsada ay huminto kaming pareho sa paglalakad.

"Pasensiya ka na sa mga tanong ng pamilya ko kanina," panimula ko nang lingunin niya ako.

Tumango siya at tinitigan pa ako ng ilang sandali.

"Uh... I didn't want you to get the wrong idea..."

Nagtaas ako ng isang kilay. "Na liligawan mo ako?"

"That you're not my type," pagtatama niya. "Because actually I find you really pretty. Ayaw kong ma-offend ka sa sinabi ko kanina sa pinsan mo. That's the least thing I would want to do."

Napangiwi ako at nagkibit lang ng balikat. Hindi niya naman ako na-offend.

"I'm not offended. It's not that I like you."

Nakitaan ko ng gulat ang kanyang mga mata ngunit mabilisan lang ito dahil kaagad na napalitan ng kuryosidad.

Ipinalandas niya ang dila sa ibabang labi. His lower lip quickly turned red. Mariin na rin ngayon ang kanyang titig sa akin.

"You don't... like me?"

Maagap akong tumango dahil iyon naman ang totoo.

"Am I a bad person or colleague? Was I mean to you back in the Pillars or...?"

Kusang umawang ang labi ko dahil sa maling pagkakaintindi niya sa naging pahayag ko.

Napakurap ako at nakitang nanatili ang seryoso niyang tingin sa akin. Naghihintay sa sagot ko.

"H-Hindi naman. Ang ibig kong sabihin ay... uh I admire you as a doctor. I just don't like you that way." Sa tanang buhay ko, ngayon lang yata ako nahirapang magpaliwanag sa isang bagay.

He smirked. "I was just playing. Nakuha ko na naman."

Naglahad siya ng kamay. "I hope we can be friends. Not because it's part of a job. Not because we need to... Not out of politeness."

"So why then?"

"Because I want to... I want to be friends with you, Clau." Ngumiti siya. At sa paraan ng pagngiti niya ay parang may napukaw sa kaloob-looban ko na matagal ng nakahimlay.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top