Chapter 5
Chapter 5
Leave
"I like you, Doc," pag-uulit ko. May kaonting pananalig na rito.
Nakitaan ko ng gulat ang kanyang mga mata. Hindi ito nagtagal at napalitan din ng kalungkutan at dismaya.
"Come in, Abby," banayad niyang pag-imbita.
Ngayon ay ako naman ang nabigla sa kanyang sinabi. Hindi siya galit? May pag-aalinlangan man sa aking sarili ay sinunod ko pa rin ang sinabi niya. Tuluyan na akong pumasok sa loob ng kanyang clinic.
Habang pinagmamasdan niya ako ay tahimik niyang iminuwestra ang kanyang upuan sa harap ng mesa. Sinunod ko ulit ang gusto niya. Unti-unti akong naupo.
Ilang minuto pa kaming binalot ng katahimikan. Siya na mariin lang na nakatitig sa akin at ako naman na hindi alam kung ano ang susunod na sasabihin.
"You like me as a father?" kalmante niyang tanong. Taliwas sa kaba na sumakop sa akin.
"H-Hindi ko po alam." At that point, it was the truth.
"I would like to think that you just see me as a father figure," marahan niyang pagpapaintindi.
Lumunok ako at matapang siyang pinagmasdan. "I admire you, Doc. I see you as my hero. Lahat po ng ginagawa ko ay para maging proud kayo sa'kin..."
Hindi ako nakapagpatuloy dahil sa pag-iling niya.
"Ayaw kong sa lahat ng ginagawa mo ay para lang sa akin. I want you to do things because it makes you happy. I helped you because you needed it."
Bigo akong napayuko. Parang nakaramdam ako ng hiya sa sarili.
"I want you to... like someone else your age. Abby, you are only confused. One day, when you meet the right man for you, you will understand."
Binigyan ko ang sarili ng lakas ng loob upang tingnan na siya. Walang panghuhusga sa kanyang hitsura. Namayani lang dito ang pag-aalala at pang-unawa. Unti-unting sumilay ang mapait na ngiti sa aking mga labi.
"Why are you so good to me, Doc? Gusto ko lang pong maintindihan. Matagal ko na pong kinimkim ang tanong na 'to sa sarili ko simula noong dumayo po kayo sa probinsiya ko para magpahula."
Huminga siya ng malalim. May kung anong emosyon ang dumaan sa kanyang mga mata. Hindi siya sumagot.
"Sa simula pa lang po may kutob na ako na hindi coincidence ang lahat," mataman kong sinabi.
"Kilala ko ang nanay mo," he softly whispered.
Nawala ang panginginig sa mga labi ko. Naniningkit na ang mga mata kong nakatitig sa kanya.
"Ano pong ibig niyong sabihin?"
Pumikit muna siya. Nakita ko na ang pagod at katandaan niya. Sa pagdilat niya ay may nakita akong bahid ng kasiyahan.
"Your mother was my first love, Abby. I helped you because of your mother."
Walang abiso ay napatayo ako. Ni minsan ay hindi ito sumagi sa isipan ko upang maging dahilan ng pagtulong niya sa akin.
"I did not want you to feel awkward so I did not tell you in the beginning. But that is the truth, hija."
"I..." Sa dilim ay nangapa ako ng puwedeng sabihin o maaaring maging tugon sa kanyang sinabi. Ni hindi ko na namamalayan ang kusang pagtulo ng mga luha ko.
Nanatili akong nakayuko dahil sa takot na baka makita niya ang pag-iyak ko.
Hindi ko rin inasahan ang bigla niyang pagsinghap sa aking likuran.
"Aurelia..."
Dahil sa pangalan na kanyang binanggit ay mabilis akong nag-angat ng tingin. Parang may kung ano na nahulog sa loob ko nang makita si Madame Aurelia na nakatayo na ngayon sa nakabukas na pinto. Matalim ang palipat-lipat na tingin niya sa aming dalawa ni Doc Arthur.
Wala sa sarili kong pinalis ang mga luha gamit ang dalawang palad. Wala na akong ibang naisip pa na gawin kundi ang agarang pag-alis. Mabilis ang ginawa kong paglalakad palapit sa pintuan kung saan siya nakatayo at nilampasan na siya. Dere-deretso ang ginawa kong paglabas. Maski isang beses ay hindi na ako lumingon pa sa kanila.
I was devastated. I was ashamed. Self-pity crawled in my skin. Mistulan akong binuhusan ng malamig na tubig nang nakasakay na sa loob ng isang kotse at pinagninilayan ang ginawang pag-amin kanina. Pakiramdam ko ay hindi ako iyon at panaginip lang ang kahibangang nagawa. Natulala ako at mabilis na napatakip sa bibig gamit ang nanginginig na kamay nang mapagtanto ang maaaring narinig ni Madame Aurelia Hemendez.
Ang sama ng ginawa ko! Ano ba ang pumasok sa kokote ko at sinabi ko iyon? Ano na lang ang iisipin ni Doc Arthur lalo na ni Madame kung sakaling narinig man niya ang pinagsasabi ko. Dahil ba sa sobrang pagiging makasarili ko sa damdamin kanina ay hindi ko na napansin ang pagbukas ng pinto at ang pagpasok niya? O baka naman nakalimutan ko iyong isara? Kahit na! Hindi ko pa rin dapat ginawa iyon!
"Nandito na tayo, ma'am." Pansamantalang nagambala ang pag-aalala ko dahil sa anunsiyo ng driver.
Kaagad akong dumukot ng five hundred bill mula sa bulsa at iniabot sa kanya.
"Wala po akong panukli, ma'am. Ngayon lang po kasi ako pumasada."
"Huwag na lang po. Keep the change," sa paos na boses ko sinabi.
Lumabas na ako at mabilis na naglakad patungo sa gusali ng apartment. Niyakap ko ang aking sarili.
Hindi ako desperado. Kahit pinagkaitan ng mundo sa maraming bagay ay hindi ako gahaman. Maski komportable na ang pamumuhay ko kumpara noon ay hindi ako kailanman naging sakim. Ngayon lang. Naging sakim ako sa kabutihan na ipinapakita sa akin ni Doc Arthur. Sa kabutihan na para pala sa ina ko.
Pagpasok ko sa loob ng apartment ay pagod kong inilapag ang bag at dumeretso na sa banyo. I turned on the shower. Hindi ako naghubad. Nahihiya ako sa sarili. Especially when I realized that Doc Arthur must be right. I do not like him that way. Dahil ayon sa nabasa ko sa libro, dapat brokenhearted kapag na-reject ka ng taong gusto mo matapos mong mag-confess ng nararamdaman. Ngunit natatanging hiya lang ang namayagpag sa damdamin ko.
Taliwas sa madalas na papuri sa akin ng iba na sobrang talino ko, ang bobo ko pala. I was so stupid for my misconception of what I have been feeling towards Doc Arthur. Sinapo ko ang ulo habang patuloy na bumubuhos sa katawan ko ang mainit na tubig. Ngayon ay paano ko haharapin si Doc? Para akong naging guilty dahil sa agaran kong pag-alis doon! At dumating si Madame Aurelia. Ano na lang ang iisipin niya?
I went out of the shower and changed into my pajamas. Upang pansamantalang makalimutan ang problema ay natulog ako.
I felt heavy the next morning. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nawalan ako ng kagustuhang pumasok ng trabaho. Nagmukmok ako sa apartment. Sanay na naman akong mag-isa rito kaya bigla na lang akong nagulat at ginapangan ng kaba nang marinig ang isang katok mula sa pinto. Dahan-dahan ko itong dinaluhan at pinagbuksan na ang taong nasa labas nito.
Nawindang ako nang tumambad sa akin si Doc Arthur. He looked very problematic at dahil dito ay pansamantala kong nakalimutan ang kahihiyan.
"Puwede ba tayong mag-usap, hija?" bungad niya.
Marahan ko siyang tinanguhan at mas nilakihan pa ang pagbubukas ng pinto. Pumasok na siya sa loob. Dumeretso kami sa sala.
"Gusto niyo po ba ng kape?" alok ko sabay muwestra sa sofa upang mapunan na rin ang katahimikan.
"Hindi na, Abby. Hindi rin ako magtatagal."
Umupo ako sa tapat niya.
"T-Tungkol nga po pala sa sinabi ko kahapon," panimula ko.
"I think it's better for you to leave, Abby."
"P-Po?" Nagulat ako sa kanyang sinabi. Hindi ko inasahan ito.
Malungkot niya akong tiningnan. "My wife... is bothered. I do not want her to misunderstand our situation."
Bigo akong napayuko. "Saan naman po ako pupunta?"
"Umuwi ka na muna sa probinsiya ninyo."
Marahas akong napasinghap sabay angat ng tingin sa kanya. Hindi ko inakala na masasabi niya iyon sa akin gayong alam niya ang nararamdaman ko sa dati kong buhay.
"Ganyan niyo po ba ako kagustong despatsahin?" matalim kong tanong. "Wala naman po akong ginagawang masama. Inaamin ko po at nagkamali ako sa sinabi ko kahapon. Naguluhan lang talaga ako—"
Nahinto ako dahil sa pagtayo niya. Hindi niya ako tiningnan.
"Aurelia will take care of your papers in the Pillars. You don't have to submit any resignation letter so there is no need for you to show yourself in there again. I will take care of your plane ticket in going back to your province. Pack the things that you need in going back home." Pinaghalong pagod at lamig ang nahimigan ko sa kanyang boses habang tuloy-tuloy na sinasabi iyon. Nawalan ako ng lakas kaya naman maski pag-alis niya at paglabas ng apartment ay hindi ko na napansin pa.
I did not cry. Ang galit na emosyon ang namayani sa akin at kabiguan. Ayaw kong umuwi. Alam na alam ni Doc Arthur iyon pero kanina, sa sinabi niya para bang wala na siyang pakealam pa.
Galit kong inilagay ang mga damit sa loob ng itim na maleta. Maski ayaw ko naman talaga, pakiramdam ko wala naman akong karapatan na suwayin siya. Malaki ang utang na loob ko sa kanya. And maybe, this is the only solution he has.
Sa sobrang bilis ng pangyayari ay tila ba pinaghandaan niya. Hindi na ako nakapagpaalam sa mga kasamahan ko sa Pillars dahil pinagbawalan na rin naman ako ni Doc Arthur na magpunta pa roon.
Kinaumagahan kaagad ang flight ko pauwi ng San Pablo. Walang ibang nakakaalam ng biglaan na pag-alis ko maliban kay Leah. Hindi ko sinabi sa kanya ang dahilan nito. Ang sabi ko lang sa kanya ay gusto ko lang na magbakasyon.
When I landed on the small airport, I realized that nothing has changed. Sumakay ako ng bus dahil medyo malayo pa ang maliit na bayan ng San Pablo sa mismong siyudad. Ginabi na ako nang makarating sa istasyon. Mabuti na lamang at kaagad naman akong nakaarkila ng isang traysikel.
Habang bumibiyahe ay nalunod ako sa iniisip. Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Tiya Magda at Kuya Baldo sa pagdating ko? Isa itong sorpresa dahil wala silang kaalam-alam. Ipagtatabuyan kaya nila ako? At kung magkaganoon man, saan na kaya ako pupunta? May pera naman ako kaya lang... pagod na rin ako.
Maski sa lugar na kinalakihan ko ay wala ring gaanong nagbago. Napatingin pa rin ako sa nag-iisang poste ng ilaw sa gilid ng bahay namin. Malapit na ring napondi ang bombilya nito.
Binayaran ko na ang drayber at tinulungan niya ako sa paglapag ng maleta sa lupa. Matapos makapagpasalamat ay umalis na rin ito.
Napatingala ako sa dalawang palapag na bahay namin na yari sa kahoy. Alas otso pa ng gabi at base na rin sa nakabukas na ilaw sa loob ng bahay, gising pa si Tiya o Kuya Baldo.
Hinila ko ang nag-iisang malaking maleta habang dumagundong ang kaba sa dibdib ko. Naglakad ako palapit sa pinto at naglakas-loob na sulyapan din ang abandonado at madilim na silid sa gilid ng bahay. Ang silid kung saan ko noon ginagawa ang panghuhula.
Iniiwas ko ang tingin at ibinalik sa halatang bagong pintuan. Siguro dahil na rin sa kalumaan at karupukan nito ay pinalitan na nila Tiya.
Sa mabigat na kamay ay sinimulan ko na ang pagkatok. Tatlong beses iyon hanggang sa pinagbuksan na ako ng pinto. Bumugad sa akin ang manghang hitsura ni Tiya Magda. Namamangha rin ako sa laki ng ipinagbago ng kanyang hitsura.
Mas tumanda siya lalo at ang dating nababahiran lang ng iilang puting hibla ng buhok, ngayon ay purong puti na. Pinanatili niya rin ang pagiging mahaba nito. Kita ko rin sa pagiging kulubot ng kanyang mukha lalo na sa bandang noo ang katandaan.
"Claudine..." anas niya.
"Patawarin niyo po ako, T-Tiya." Hindi ko na nakayanan pa at humikbi na ako.
Hindi ko matukoy kung sino ang unang yumakap sa aming dalawa. Basta naramdaman ko lang na mahigpit na ang pagkakayakap ko sa kanya at ganoon din siya sa akin.
Umiyak ako habang inaalu niya. Hindi niya ako pinagalitan sa pag-alis ko at pag-iwan sa kanila. Hindi niya rin ako kinutya sa muli kong pagbabalik kahit na noon ay gustong-gusto kong umalis at takasan ang nakaraan upang magbagong buhay.
We went inside the house. Nothing much has changed. Puwera na lang sa napansin kong iilang bagong kagamitan. Nga naman, luma na ang dati at tiyak na nasira na rin.
"Anong plano mo ngayon?" si Tiya matapos naming maupo na sa may sala.
"Dito na po muna ako," paos kong sinabi.
Naghintay lang siya sa akin habang pinagmamasdan ako. Hindi ko sinabi sa kanya ang tunay na dahilan ng pag-uwi ko.
Iginala ko ang tingin sa paligid ng bahay. "Si Kuya Baldo po?"
"Nag-asawa na at nasa kabilang bayan na naninirahan."
Mabilis akong bumaling ulit sa kanya. "Matagal na po kayong mag-isa rito sa bahay?"
Panatag niya akong ngunitian. "Mag-aapat na taon na rin."
"Pasensiya na po," sa maliit na boses ko sinabi dahil sa kahihiyan.
Suminghot siya at bahagyang umusog sa kinauupuan palapit sa akin. Marahan niyang kiniha ang aking kamay.
"Ako ang dapat na humingi ng tawad sa'yo dahil sa... pagpipilit ko noon sa'yo na manghula. Inabuso kita... Hindi dapat ganoon. Masyado akong nabulag sa pera, Clau..."
"Kalimutan na po natin iyon, Tiya. Pinapatawad ko na po kayo at sana ay mapatawad niyo rin ako sa pag-abandona ko sa inyo," naiiyak kong sabi.
We tried to catch up. Sinabi sa akin ni Tiya na kasalukuyan na siya ngayong nagbebenta ng gulay sa may palengke. Siya lang din mismo ang nagtatanim nito sa likod ng bahay. Malaki naman ang lote at may espasyo talaga upang magtanim lalo pa at mataba ang lupa.
Maaga akong nagising kinaumagahan dahil na rin sa tilaok ng manok. Lumabas ako at nag-unat unat sa bakuran. Alas sais pa lang ng umaga kaya napagpasyahan ko na magwalis na muna ng mga tuyong dahon na nahulog sa lupa mula sa mga mayayabong na punong nakapaligid. I should not be depressed and make the most out of my stay in the province. Kung magpapakalugmok lang ako ay wala ring mangyayari.
Bahagyang sumakit ang likod ko pagkatapos magwalis. Hindi na rin marahil nasanay ang katawan ko dahil buong bakuran talaga ang winalisan ko. Dumating si Tiya galing palengke bitbit ang bayong na naglalaman ng pinamili kaya sinalubong ko siya at nagmano ako sa kanya.
"Maaga na naman po pala kayong umalis," sabi ko habang naglalakad na kami papasok sa loob ng bahay.
"Oo. Maghahanda na ako ng almusal natin."
"Tulungan ko na po kayo, Tiya."
Tinulungan ko nga si Tiya Magda na maghanda ng almusal. Nagluto siya ng tinolang isda na presko pa talaga. Pinagsaluhan namin ito at sobrang na-miss ko ang pagkaing pang-probinsiya. Matagal na panahin na rin akong hindi nakakakain nito dahil sa paninirahan sa Maynila.
"Naikuwento ko kay Mariel sa palengke iyong pagbabalik mo," pagkukuwento ni Tiya. Patapos na kami sa pagkain. "Sinabihan ba naman akong pupwede ba siyang bumisita para magpahula." Umiling siya.
"Sige po," pagsang-ayon ko. "Puwede naman akong manghula ulit bilang... katuwaan."
Bumuntonghininga si Tiya at nagsimula ng magligpit ng pinagkainan namin. Maagap ko siyang tinulungan at kinuha na rin ang mangkok na pinaglagyan kanina ng sabaw.
"Huwag na maski katuwaan, Clau. Ayaw ko."
"Hindi naman po tayo manghihingi ng bayad gaya ng dati."
"Maski na," paninindigan niya. "Hindi mo na gagawin ang panghuhula maski katuwaan pa."
Hindi na ako umangal pa at nagpatuloy na sa pagtulong sa kanya sa pagliligpit.
Naging mabuti naman ang unang linggo na pananatili ko sa San Pablo. Ni minsan ay hindi na ako komontak pa kay Doc Arthur. Hindi ko na rin talaga ni-reply-an pa ang mensahe niya sa akin simula pa noong nakalapag ang eroplano na sinakyan ko. I wanted to cut ties that's what I say to myself but the truth is, I'm just upset. Nagtatampo ako sa kanya.
Wala na rin akong naging balita sa Pillars. Ang natatanging alam ko na nangyayari sa Maynila ay ang nalalapit na kasal ni Winona kay Senator Caleb Del Fuego. I wonder how Doc Theo feels toward it. Siguro masyado siyang nasasaktan.
"Wala na ba talagang tawad iyan," paulit-ulit na tanong sa akin ni Aling Lourdes habang tinuturo ang isang supot ng okra.
"Sampong piso na nga lang po ang isang kilo nito, tatawaran niyo pa."
"Kayo lang din naman ang nagtanim niyan,"katwiran niya.
May ideya ba sila kung gaano ito kamahal sa Maynila? Pinigilan ko ang sarili upang hindi mainis. Wala pang isang buwan ang ginagawa kong pagtulong kay Tiya sa pagtitinda ng gulay sa maliit niyang puwesto rito sa palengke.
"Gumastos din naman po kami ng abono, Aling Lourdes," pasensiyoso ko pa ring pakikitungo.
Umismid ang ale at tinanggap na ang supot na kanina ko pa iniaabot.
"Sige na nga, Clau," aniya sabay abot nito at ng kanyang pambayad.
Clau. Nakabalik na nga talaga ako sa dati kong buhay. Ngunit hindi tulad noon, hindi na isang mabigat na pasan para sa akin ang pangalang ito.
Hindi lumagpas ang isang oras ay dumating na rin si Tiya Magda sa palengke. Galing siya sa karatig baranggay dahil may kinausap na tauhan yata ng kapitan doon. Pinaupo niya muna ako sa plastik na stool sa may gilid at siya naman ang pumalit sa akin sa puwesto sa pagtitinda.
"Bibilhin nga nila iyong sampong puno ng Mahogany natin," balita niya sa akin. Tinutukoy niya ang mga punong kahoy na nakatanim sa lupa na pag-aari namin ilang distansiya lang sa bahay.
"Para saan daw po ba, Tiya?"
"Magpapagawa raw sila ng bahay," sagot niya.
"Ikaw na ang sumama roon, ha. Magkikita rin naman kayo ng Kuya Baldo mo. Sumasakit kasi ang balakang ko."
Nilukob kaagad ako ng pag-aalala. "Sinabi ko naman po kasi sa inyo na ako na lang dito sa palengke. Ako na rin po ang bahala bukas doon sa mga puno."
Ngumiti siya sabay tango. "Maaga rin naman tayong magsasara ngayon."
Sinunod ko nga ang pakiusap ni Tiya sa akin kinabukasan. Naglakad lang ako papunta sa lokasyon ng lupa namin dahil hindi naman masyadong malayo. Maski tirik pa ang araw dahil alas dos pa pang ng hapon ay mayroon naman akong pananggang payong.
Dahil sa lapit ay hindi nagtagal, narating ko rin ito. Nadatnan ko nga si Kuya Baldo na kausap na iyong tauhan ni kapitan na siyang bibili. Nagmano ako kay Kuya at tinanguan ko naman ang kasama niyang lalaki na medyo matanda na.
Medyo matagal din kaming nag-usap bago humantong sa kasunduan ng magiging halaga kada-isang puno. Ipinaubaya ni Kuya Baldo sa akin ang pakikipagkasundo dahil may natapos daw ako at maalam na sa ganito.
Pagkatapos ng usapan ay umakyat si Kuya Baldo sa puno ng niyog upang kumuha ng bunga. Mas nakaramdam ako ng pagkauhaw habang naghihintay.
"Clau, manghiram ka muna ng baso at itak diyan kina Manong Teban," utos ni Kuya Baldo na tinutukoy ang nag-iisang bahay na pinapalibutan ng mga punong kahoy. Nakababa na siya mula sa pag-akyat sa puno kanina.
"May tao ba naman diyan, Kuya?"
Tumango siya at nagpatuloy na sa pagpupulot ng mga niyog na hinulog niya sa ibaba kanina.
Iniwan ko silang dalawa ng tauhan ni kapitan at naglakad na patungo sa bahay. Medyo moderno ang istruktura nito na kulay asul pa ang pinta. Naalala ko nga iyong sinabi sa akin ni Tiya na nag-abroad na raw ang mga anak ni Mang Teban.
"Tao po? Tao po!" pagtawag ko habang nakatayo lang sa tapat ng pinto nito.
Akma ko na sanang ibubuka ang bibig para sa ikatlong pagtawag nang biglang bumukas ang pinto at bumungad sa akin ang tila nabubuwisit na hitsura ng lalaking ni isang hibla ng posibilidad, hindi ko inasahang makikita sa lugar na ito.
"D-Doc Theo?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top