Chapter 25


Chapter 25

Bilin

Nagkandarapa na ako sa paglalakad papunta sa opisina ni Theo. Natatakot ako sa maaaring sabihin ni Tiya Magda sa kanya. Kung kilala siya nito gaya ng sabi ni Nurse Relani, ibig sabihin naaalala na niya si Theo. At posibleng naalala rin niya si Red. Nagkamali ako ng akala at masyado lang na nagpakampante. Paano kung madulas siya at mabanggit niya kay Theo ang tungkol kay Red?

Nang nakahinto na sa tapat ng pintuan ng opisina ni Theo ay inangat ko ang isang kamay para sana sa pagkatok pero hindi ko na ito natuloy pa dahil sa narinig kong mga boses. Lumingon ako sa pinanggagalingan nito at nakita si Tiya Magda at Emily na naglalakad sa hallway.

Nakasuot ng ternong blouse at skirt ang tiyahin ko habang si Emily naman ay nakasuot ng kulay asul na blouse at jeans. Bitbit ni Emily ang isang shoulder bag na alam kong kay Tiya Magda dahil regalo ko ito sa kanya noong nakaraang pagdalaw ko sa kanila sa probinsiya.

Umaliwalas ang mukha ni Tiya habang tinitingnan niya ako. "Ang pamangkin kong doktor!" masayang hiyaw niya. "Ang ganda mo talagang tingnan habang suot ang puting uniporme mo. Bagay na bagay!"

Ako na mismo ang lumapit sa kanila para hindi na rin sila makalapit pa sa opisina ni Theo. Nagtungo kami malapit sa balcony. Tiningnan ko si Emily. "Saan kayo galing?"

"Nag-CR lang po kami, Doc."

Maingat kong ibinalik ang tingin kay Tiya Magda. Nakangiti pa rin siya habang hinahagod ng tingin ang suot ko.

"Ang sabi ng nurse, nagpunta raw kayo sa office ni... Doc Theo..." Hininaan ko ang boses at napasulyap pa pabalik sa opisina ni Theo maski malayo na naman kami rito.

Nawala ang ngiti ni Tiya Magda. "Oo. Pinuntahan ko."

Bumundol ang kaba sa dibdib ko. "K-Kilala niyo po siya?"

Mahinang natawa si Tiya Magda at mas lumapit pa sa akin.

"Siyempre hindi," bulong niya sa bandang tainga ko. "Narinig ko kasi na binanggit ng ibang nurses ang pangalan niya. Ang sabi, bagong doktor daw at magaling. Ibig sabihin, bagong katrabaho mo. Binigyan ko ng suman para maging maayos ang pakikitungo niya sa'yo."

Nanliit ang mga mata ko. Sinulyapan ko si Emily para kompirmahin sa kanya ang sinabi ni Tiya.

" 'Di po siya nagpapigil, Doc. Siya lang po 'yong pumasok sa loob dala 'yong suman."

Napatingin ulit ako kay Tiya. Tinitigan ko siya ng matagal. Abala na naman ngayon ang mga mata niya sa pagmamasid sa buong hallway. Puno ng pagkamangha ang mga mata niya habang natutuwa sa mga nakikita.

Humugot ako ng malalim na hininga. Nabunutan na rin ng tinik sa lalamunan dahil hindi naman pala nangyari ang pinangangambahan ko.

"Kumain na muna tayo ng pananghalian sa labas."

Tumango silang dalawa ni Emily. Iginiya ko na sila at naglakad na kami papunta sa kung nasaan ang elevator. Habang naghihintay sa muling pagbubukas ng pinto ng elevator ay nakarinig kami ng boses na tumatawag sa pangalan ko. Napalingon ako rito at nakita si Nurse Risa.

"Spend the rest of the day with your family daw sabi ni Doc Marco, Doc Abby!" sabi niya. "Si Doc Eric na sa outpatients' department."

"Nabigyan ba natin ng suman pati iyang si Doc Marco, Emily?" tanong ni Tiya. "Hindi ko na kasi maalala,"

"Opo."

Napakamot na lang ako sa batok at tumango na kay Risa. Tumalikod na kami at humarap na ulit sa elevator. Bumukas naman ito kaya pumasok na kami sa loob.

Sa isang restaurant na malapit lang sa ospital kami kumain. Marami akong in-order na masasarap na pagkain dahil hindi na kami madalas na nagkikita pa ni Tiya Magda. Masyado rin kasi akong abala sa trabaho kaya madalang ng nakakauwi ng San Pablo.

"Bukas po ay magha-half day lang ako sa ospital. Ipapasyal ko kayo sa mga malls dito," sabi ko habang kumakain na kami ng panghimagas na ice cream.

" 'Wag na at babalik na rin kami ng San Pablo mamaya," tanggi ni Tiya. "Ayaw kong makaabala pa sa'yo at alam kong busy ka."

Lumukot ang mukha ko sa dismaya. "Bakit ba sa tuwing bumibisita kayo rito sa'kin sa Maynila, lagi na lang kayong nagmamadaling umuwi?"

"Ayaw ko rito sa Maynila. Masyadong abala ang mga tao rito na parang wala ng bukas. At isa pa, maalikabok." Inilapag ni Tiya Magda ang kanyang kutsara at sumimsim na sa baso ng kanyang tubig.

"Gusto niyo pa ba ng ice cream? Mag-o-order pa ako," agap ko.

" 'Wag na. 'Wag na. Tama na 'yong nakain ko at masyadong malamig," reklamo niya. "Mas masarap pa rin ang suman ko."

Pinagmasdan ko siya at ang nangungulubot na niyang balat dulot ng katandaan. Puna ko rin na pumayat siya. Tinitigan ko ang purong puti na niyang buhok na hindi na niya kinulayan pa ng itim gaya ng dati. Nakaramdam ako ng awa at matinding kalungkutan.

Suminghot ako dahil sa biglang pagiging emosyonal sa nakikita ko sa kanya.

"Umiinom pa rin po ba kayo ng vitamins, Tiya? Sinusunod niyo ba ang bilin ko na kumain ng masusustansiyang pagkain at huwag kakalimutan ang pag-inom ng gamot?"

"Oo naman. Lagi rin naman akong pinapaalalahanan ni Baldo at Meryl," sagot naman niya. "Lahat naman kayo ay laging nagpapaalala sa'kin. Minsan nga hindi ko na kailangang mag-isip pa."

"Kung gano'n bakit pumayat kayo?" himotok ko.

"Ayaw kong tumaba, ano ka ba..." depensa niya. Nagpirmi ang tingin ko sa kanya kaya nagpatuloy siya. " 'Wag ka na ngang mag-alala. Ayos lang ako. Kumakain ako nang healthy foods gaya ng palaging utos mo."

Napatahimik ako dahil nakumbinsi rin sa sinabi niya. Panatag naman ako na binabantayan siya ng pinsan ko sa probinsiya. Ganoon din ang laging bilin ko kay Emily.

"Wala akong trabaho buong hapon ngayon," pagpapatuloy ko sa naudlot na usapan kanina. "Ano namang gagawin ko na mag-isa kung uuwi na pala kayo pabalik ng San Pablo?"

"Matulog ka dahil kapos ka sa pahinga," rason ni Tiya. "Bakit ka ba kasi nag-nurse? Alam mo naman na sa trabahong iyan eh maski gabi, naka-duty pa rin..."

Nagkatinginan kami ng nakaupo sa tapat ko na si Emily dahil sinusumpong na naman si Tiya Magda. Hindi na ito bago sa amin.

"Hindi ka makakapagpahinga kung aasikasuhin mo pa kami," dugtong ni Tiya. Hindi pa pala siya tapos. "Uuwi na kami ni Emily at walang tatao sa puwesto natin sa palengke."

"Wala na po tayong puwesto sa palengke, Tiya," pagtatama sa kanya ni Emily.

Bumaling sa kanya ang tiyahin ko at kinunutan siya nito ng noo.

"Wala na ba?" nalilitong tanong nito. "Eh, bakit naaalala ko na palagi naman akong nandoon?"

"Lagi po kasi kayong umaalis ng bahay at bumabalik ng palengke. Tumatambay po kayo sa puwesto ng gulayan ni Aling Corazon."

"Nakalimutan ko..." tanging nasabi ni Tiya Magda. "Buhay pa ba si Corazon?"

"Opo," pasensiyosong tugon ni Emily. "Nakausap niyo nga po siya kahapon. Sinabi niyo po sa kanya na dadalaw kayo kay Doc Claudine at magdadala ng suman para sa lahat ng doktor ng Makati Medical Center. Bibigyan niyo rin po ang masisipag na nurses."

"Mabuti naman at buhay pa pala siya..." Napangiwi si Tiya at manghang pinagmasdan si Emily. "Diyos ko. Tanda mo pa ang lahat ng sinabi ko kahapon?"

"Maski noong nakaraang araw po," tugon ni Emily at pagkatapos ay binalikan na ang kanyang ice cream.

Nahirapan akong kumbinsihin si Tiya Magda na manatili. Iginiit niya talaga na gamitin ko ang buong maghapon sa pagpapahinga. Hindi ko na talaga sila napigilan pa at ang tanging nagawa ko na lang ay ang ihatid sila sa airport.

"Aalagaan mo palagi ang sarili mo, Claudine," bilin sa akin ni Tiya Magda. Nasa loob kami ng airport at nagpapaalam na sa isa't isa.

Kampante ko siyang tinanguan para naman mapanatag ang loob niya at hindi na siya mag-alala pa. Lalo na at matanda na siya at marami na ring iniindang sakit sa katawan.

"Marami po akong iniinom na vitamins kaya 'wag po kayong mag-alala sa kalusugan ko. Aalagaan niyo rin po ang sarili ninyo para hindi sumakit ang mga ulo nina Kuya Baldo at Ate." Sumulyap ako kay Emily at ngumiti. "Sumunod din po kayo kay Emily para 'di ko na siya mapagalitan pa."

"Hindi ka dapat na makampante sa vitamins lang," himotok naman ni Tiya. Sadyang inignora ang maraming bilin na sinabi ko. "Ang pinakakailangan ng katawan natin ay tulog at sapat na pahinga. Iyan ang pinakaimportante at hindi iyang vitamins vitamins."

"Oo na po, Doc Magdalena. Masusunod po."

She gazed at me for a long time. Namutawi sa mga mata niya ang pinagsamang kapayapaan at kalungkutan.

"Hindi masisiyahan si Red kung nasaan man siya ngayon kung hindi mo aalagaan ang sarili mo..."

Humapdi ang mga mata ko at napahikbi ako. Akala ko talaga ay hindi niya na maaalala pa si Red. Niyakap ko siya ng mahigpit dahil sa madalang na pagkakataong pagbabalik ng mga alaala niya. Ramdam ko ang init ng pagyakap niya pabalik sa akin.

"Lagi mong tatandaan na hindi mo kasalanan ang pagkawala niya," dugtong ni Tiya na mas nagpahikbi lang sa akin. "Hindi mo dapat sinisisi ang sarili mo sa nangyari... Alam ng Diyos ang lahat. Ang lahat ng sakit at pagdurusa mo, alam Niya... Hindi Siya bulag dito."

Pumikit ako at mas hinigpitan pa ang pagkakayakap sa kanya. Banayad niyang hinaplos ang likod ko. Pinapatahan niya ang pagdurusa na matagal ng nakahimlay sa damdamin ko. Nagtagal kami na ganoon lang.

Umuwi na ako ng condo at tinupad ang utos ni Tiya Magda na magpahinga dahil alam kong tatawag siya at mangungumusta kinabukasan. Magtatanong kung sinunod ko ba ang mga naging bilin niya.

I took enough sleep at matagal din akong bumangon. Gumaan ang pakiramdam ko at naka-recover ang katawan ko mula sa pagod na dulot ng mga nagdaang araw.

Kinabukasan ay maganda ang mood ko sa trabaho dahil sa tamang pahinga at saktong tulog. Dahil may sapat na oras pa bago ang kasunod na consultation, tumambay na muna ako sa nurse's station at nakipagkuwentuhan sa mga nurses.

"Kinain ni Nurse Relani 'yong suman na nilagay ng tiyahin sa desk mo kahapon," pagsusumbong ni Nurse Risa sa akin.

"Napilitan lang naman akong kainin 'yon kasi masisira na kinabukasan. Hindi na bumalik si Doc Abby sa ospital, eh, sinong kakain no'n?" apila naman ni Nurse Relani na lumapit na rin sa amin at pansamantalang iniwan ang Information desk.

Umirap si Nurse Risa at tusong ngumisi. "Asus! Napilitan daw."

Hindi na napigilan pa ni Nurse Relani ang sarili at nahawa na rin siya ng ngiti at pagkatapos ay bumaling sa akin.

"Ang sarap naman kasi ng suman ng Tiya Magda mo," puri niya.

" 'Wag kayong mag-alala at magpapaluto ulit ako sa kanya sa susunod na pagdalaw niya rito," sabi ko.

"Ang dami siguro ng suman na ibinigay niya kay Doc Theo," maintrigang komento ni Nurse Risa. "Nagtagal siya sa office niya, eh. Hindi na nga siya nakabalik pa rito sa station."

"Nag-CR din kasi sila at saka dumeretso na kami sa pananghalian sa labas," sabi ko nang maalala ang nangyari.

"Gano'n ba..."

"Si Doc Eric pala?" pag-iiba ko ng usapan sabay suyod ng tingin sa paligid. "Kanina ko pa siya hinahanap. Magpapasalamat sana ako sa pagsalo niya sa remaining hours ng shift ko."

"Nakita ko kanina sa lounge. Tulog na parang mantika," si Nurse Relani ang sumagot. "Hindi ko na naisip pa na gisingin."

"Naku! 'Di ba on call siya today? Baka nag-off 'yon ng cellphone," naaalarmang sambit ni Risa.

"Hayaan mo na at papaghingahin mo na muna," suhestiyon ni Nurse Relani. "Wala naman yatang masyadong emergency cases today."

"At saka nandito naman ako," kumpiyansang dagdag ko naman.

"Sige. Hahayaan ko na lang para na rin mahuli siyang natutulog while on call. Mapahaba ang residency niya!" Nagngising aso si Nurse Risa dahil sa katarantaduhan na naiisip.

"Gising na ako." Biglang sumulpot na parang kabute si Doc Eric sa likod ko. "Nagising ako dahil sa ingay mo," sabay baling niya sa nakangiwing si Nurse Risa. "Grabe. Umabot hanggang sleeping lounge ang boses mo, Ris."

Natawa ako at agad na tinakpan ito ng ubo nang tiningnan ako ni Nurse Risa.

"O, 'wag na kayong mag-away dito," saway sa kanila ni Nurse Relani. "Sa probinsiya niyo na kayo mag-away tutal magkapitbahay lang naman kayo."

" 'Di naman namamansin 'yang si Risa sa probinsiya," deklara ni Doc Eric.

"Luh. Ikaw kaya ang 'di namamansin..." akusa naman sa kanya pabalik ni Nurse Risa.

At ngayon ay sa kung sino na naman ang hindi namamansin ang naging bangayan ng dalawa. Nagtakip si Nurse Relani ng kanyang dalawang tainga dahil sa ingay ng dalawa habang ako naman ay pasimple lang na humahakbang papalayo ng station para makaiwas. Hindi na ako nakapagpasalamat pa kay Doc Marco dahil naging abala na siya sa pakikipagbardagulan kay Nurse Risa.

Nagtungo ako sa may sulok na bahagi dahil naramdaman ang pag-vibrate ng cellphone mula sa loob ng suot na lab coat. Kinuha ko ito at tiningnan ang naka-display sa screen na caller ID. Si Ate Meryl. Sinagot ko ang tawag at inilapit ang cellphone sa tainga.

"Claudine..." Hindi boses ni Ate Meryl ang narinig ko sa kabilang linya kundi ang kay Kuya Baldo. Nag-alala ako dahil sa iyak na narinig ko sa boses ng pinsan.

"Anong problema, Kuya?"

Hindi siya sumagot. Ang nahihirapang paghinga lang niya ang narinig ko.

"Kuya?" untag ko. Bawat segundo ng pagiging tahimik niya ay lalo lang akong kinakabahan.

"Clau... wala na si N-Nanay..." aniya sa basag na boses. "W-Wala na si... Nanay... May malubhang sakit pala siya... Hindi namin alam... "

Napapikit ako ng mariin. Natabunan na  ang naunang reaksiyon na pagkabigla sa balita ng matinding kalungkutan.

Loss. Bakit ba kahit ilang beses na akong nawalan ng mahal sa buhay ay tagos pa rin ang sakit? Nawalan na ako ng mga magulang. Nawalan na ako ng anak... at ngayon, ang tiyahin ko naman. Wala na ba talagang katapusan ang pasakit ng langit sa akin? Ano bang nagawa kong hindi tama? Naging mabuting tao naman ako.

"Uuwi ako, Kuya," anas ko habang dinadama ang sakit sa dibdib.

Ibinaba na ni Kuya Baldo ang tawag pero ayaw pa ring gumalaw ng mga paa ko. Nanatili pa rin akong nakatayo sa sulok.

Niyakap ko pa si Tiya kahapon. May bilin pa siya na paalala sa akin na alagaan ko ang sarili ko. Ginawa niya ba iyon dahil alam niyang iiwan na niya kami?

Naiwan at bumagabag sa akin ang sinabi ni Kuya Baldo. May malubhang sakit daw si Tiya Magda? Bakit hindi namin alam? Bakit hindi ko alam? Bakit hindi ko nakita ang mga senyales? Doktor ako kaya dapat—

Nanigas ako sa kinatatayuan nang maalala bigla ang sinabi sa akin ni Nurse Risa. Nagtagal daw si Tiya sa opisina ni Theo kahapon. Nagduda ako na hindi lang ito dahil sa suman. Posible kaya na...

Mabilis akong gumalaw at naglakad sa deriksiyon ng opisina ni Theo. Hindi ko maipaliwanag pero malakas ang kutob ko na maaaring sinabihan siya ni Tiya tungkol sa sakit niya.

Huminto ako sa tapat ng pinto ng opisina ni Theo at kumatok. Wala mang sumagot mula sa loob ay binuksan ko pa rin ang pinto at pumasok.

Wala si Theo sa loob. Walang tao rito kaya naman dapat ay lumabas na ako. Iyon ang utos ng utak ko dahil iyon naman ang tama. Imbes na sundin ito ay lumapit lang ako sa mesa niya. Napakagat ako sa ibabang labi habang nagdedebate ang isip ko sa kung ano ang dapat na gawin. Sa huli, nagtagumpay ang kutob ko at sa nanginginig na kamay ay binuksan ko ang drawers ng mesa.

Mabilisan kong sinuri ang folders na puro medical files ng pasyente. Nilagpasan ko ang mga ito at nagpatuloy sa paghahanap. Nahinto ang mga kamay ko nang makita ang isang folder na may nakasulat sa harap na 'Annulment Papers'.  Magpapa-annul si Theo? Ipinilig ko ang ulo at nag-focus na sa tunay na pakay.

Nagpatuloy ako sa pagbuklat hanggang sa tumigil ang mga kamay ko sa isang folder na ang tanging nakasulat sa harap ay ang pangalan ng isang ospital. Pamilyar ito sa akin. Napagtano kong isa itong maliit na ospital sa probinsiya namin.

Kinuha ko ito at marahang binuksan. Lumabas ang pinaghalong hikbi at singhap ko nang makita ang nakasulat na pangalan ni Tiya Magda. Mabilis kong binasa ang laman ng findings ng medical files niya. She had a stage 3 breast cancer.

Pinagmasdan ko ang petsa. Noong nakaraang buwan lang ito. Hindi namin alam. Medyo matagal na pero hindi niya sinabi sa amin. Inilihim niya sa amin ang pinagdadaanang sakit.

Nanlabo ang paningin ko at sa panghihina ay nabitawan ko ang hawak na folder kaya nahulog ito sa sahig. Dahil unti-unti ng nauubusan ng lakas ay napasandal ako sa gilid ng mesa bilang suporta para hindi bumagsak.

Bakit hindi siya nagsabi? Bakit sinarili niya?

Biglang bumukas ang pinto ng opisina. Nakita ko si Theo at ang pagtalon ng gulat sa mga mata niya nang makita ako. Unti-unting bumaba ang tingin niya sa folder na nasa sahig.

Maski hindi naman kumukurap ay nag-unahan ang mga luha ko. Maagap akong nilapitan ni Theo at walang pag-aalinlangan na niyakap. Pamilyar na pamilyar sa akin ang yakap niya. Sa tagal ng lumipas na panahon ay hindi ito nagbago.

"I'm sorry..." sambit ni Theo.

"W-Wala na... siya." Nahirapan akong huminga dahil sa mabigat na paghikbi. Wala akong lakas na yumakap pabalik sa kanya. "Wala na... siya."

Mas humigpit pa ang pagyakap niya sa akin dahil kung hindi rin niya gagawin iyon, sa panghihina ay baka natumba na ako. "I'm sorry,  Claudine..." Namaos ang kanyang boses.

Mas lumakas lang ang pag-iyak ko. Sa sakit sa dibdib ay napahawak ako rito. "Wala siyang sinabi..." naiiling na sambit ko, walang tigil pa rin sa pag-iyak.

"She didn't remember me. Nakipagkita siya sa akin bilang isang doktor ng ospital. She asked me for a second opinion yesterday," usal ni Theo. "Ayaw niyang sabihin ko sa'yo..."

"B-Bakit siya g-ganon?" daing ko. "Bakit niya... bakit niya itinago?"

"I'm sorry, Clau..." paulit-ulit na sambit ni  Theo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top