Chapter 24
Chapter 24
Allergy
Isinampa ko ang ulo sa ibabaw ng desk. Dahil sa pagod sa buong araw na nasa ER ay nagpahinga ako sa loob ng doctor's quarters. Nangalay ang magkabilang braso ko pati na rin ang mga binti ko sa walang humpay na paglalakad para lang tugunan ang mga pasyente. I bent down a bit para abutin ang paa at mahilot ito ng kaonti dahil na rin sa pananakit.
Napasilip ako sa bandang pintuan dahil sa pagbukas nito. Pumasok si Nurse Risa na may dalang food container. Umayos na ako ng upo habang pinagmamasdan siya.
"I brought you dinner!" Inilapag niya ito sa mesa ko at nakita kong galing ito sa isang kilalang restaurant sa Makati.
"Kanino ako magbabayad?" tanong ko dahil inasahang nag-ambagan lang ang staffs at nagpa-food delivery gaya ng madalas naming ginagawa. Natakam na rin ako sa masarap na amoy ng pagkain sa loob ng container.
"Libre 'yan. Courtesy of Doc Theo. Pinaulanan niya ng dinner ang buong department."
"Baka naman bumabawi siya sa'tin dahil sa pagiging istrikto niya," komento ko sabay bukas ng takip ng food container.
Nanghihinayang ako at napabuntonghiniga nang makita ang laman nito.
"Hindi 'to puwede sa'kin," malungkot na sinabi ko dahil sa food allergy.
"Shit! Bakit? Shrimp?"
Ngumuso ako at tumango. Kinuha ni Nurse Risa ang container at ni-double check pa.
"Hala! Nag-agawan na kasi doon sa nurse's station. Hindi ko na tuloy na-check ang laman no'ng nag-secure ako para sa'yo. Hindi rin kasi pare-pareho ang foods."
"Sa'yo na lang 'yan o ibigay mo sa ibang staff," pahayag ko. "Magka-cup noodles na lang ako."
"Sorry talaga, Doc Abby!"
Tipid akong ngumiti. "Okay lang at hindi mo naman alam." Tumayo na ako at nagtungo sa food tray para maghanap ng makakain. Ang malas ko naman.
"Magpapa-order na lang ako for take out kay Kuya guard para sa dinner mo."
"Huwag na," tanggi ko. "Hassle lang sa part niya at saka 'di naman ako masyadong gutom." Kumalam ang mga bolate sa tiyan ko. Umaapila yata sila sa pagsisinungaling ko.
"Sure ka?"
"Oo. Sige na. Ibigay mo na 'yan sa iba para makain nila at baka masayang pa," pagtataboy ko sa kanya at sa pagkaing dala niya.
Kinuha niya ang food container at lumabas na ng kuwarto. Kinuha ko ang cup noodles at nilagyan ng mainit na tubig. Kumuha na rin ako ng tinidor sa drawer. Nagtiyaga na lang muna ako dahil wala naman akong ibang pagpipilian. Ginawa ko na lang itong pantawid gutom dahil balak ko naman na kumain ulit sa condo pag-uwi.
Umuwi ako ng condo pagkatapos ng shift at kumain ng mas matinong dinner maski breakfast na dapat dahil sa sobrang late ng oras. Mas maigi na rin iyon dahil hindi ako nagutom habang natutulog. Nakakatamad pa naman ang gumising sa gitna ng gabi para lang maghanap ng makakain.
Mas inagahan ko ang pagbabalik sa ospital para kausapin si Doc Marco tungkol sa assignment at sitwasyon naming dalawa ni Theo. Gusto kong maklaro ang lahat at sa kanya mismo manggaling ang official declaration ng changes ng assignments.
"I have heard na okay naman ang teamwork ninyo sa ER," pampalubag loob niya nang binuksan ko ulit ang topic tungkol dito. "Anong problema?"
"It's just..." Hindi ko maderetso sa kanya ang sasabihin sana. Problemado kong tiningnan si Doc Marco. "Did he not complain about... me?"
Nagtagpo ang kilay niya. Batid ko ang pagtataka sa kanyang hitsura. "Why would he? He is a professional." Tumikhim si Doc Marco at nagbaba ng tingin sa mga documents na nasa mesa niya. "And besides... between the two of you, ikaw lang itong complain nang complain sa sitwasyon ninyo."
Uminit ang pisngi ko sa kahihiyan dahil sa naging pahayag niya.
"Baka naman ikaw itong hindi pa nakaka-move on?" dagdag pa niya na mas lalo lang gumisa sa akin.
Bahaw akong natawa kahit na hindi naman natutuwa. "Of course I have...moved on. Ang tagal na kaya no'n."
Nag-angat siya ng tingin at mariin akong tiningnan.
"Kung ganoon, bakit parang ayaw mo yata siyang makatrabaho? Marami kang matututunan mula sa kanya. You can be a great surgeon as well."
"I'm learning from you," sabi ko. "Sapat naman ang training na nakukuha ko mula sa'yo."
Banayad na ngumiti si Doc Marco. "You can never learn enough. You have to learn more and more. Theo can help you, Abigail."
Hindi ako nagtagal sa opisina ni Doc Marco dahil gusto na ring tumakbo ng mga paa ko papalayo sa kanya at sa mga pang-iintriga niya. Nagtungo na ako sa ward para sa rounds namin ni Theo.
Nadatnan kong naroon na siya at kausap na ang isang pasyente. Doktor na doktor ang kilos ni Theo. He works flawlessly and effortlessly. Kung titingnan siya ay parang walang kahirap-hirap ang trabaho para sa kanya. Natural na natural. Mas lalo siyang gumaling sa pagiging isang doktor. Nakatulong nga at nakadagdag ng credentials at experience ang pag-aaral at pagtatrabaho niya sa ibang bansa.
He is very warm to his patients pero ang cold naman niya sa akin. He is very friendly to them pero feeling ko kaaway naman ang tingin niya sa akin.
Sa kabila nito, may competitive spirit rose. Nagpakitang gilas din ako bilang isang doktor. Sinimulan ko na rin ang pagkonsulta sa iba pang pasyente. Sa pagtutulungan naming dalawa ni Theo ay mabilis naming natapos ang rounds. Sabay na rin kaming lumabas ng ward.
Sobrang tahimik lang naming dalawa habang naglalakad sa mahabang hallway. Para itong naging walang katapusan na paglalakbay dahil hindi kami nag-uusap. Hindi ako naging komportable sa katahimikan dahil ito iyong tipo na sobrang halata. Kumambiyo ako at inihanda ang sarili para magsimula ng usapan kaya lang ay naunahan niya ako.
"I've heard you did not eat your dinner last night."
Sa lahat ba naman ng puwedeng topic, iyong tungkol sa dinner pa talaga. Hindi na ako naglakas loob na magreklamo pa. Mabuti nga at kinausap niya pa ako, eh, galit siya sa akin.
"Kumain naman ako... ng cup noodles," taas noong sagot ko.
" 'Di mo nagustuhan ang pagkain na in-order ko?" kalmanteng tanong niya. Hindi ko matukoy kung may halo ba itong sarkasmo o ano.
"Bawal ako no'n. I have an allergy."
Ilang segundo pa ang lumipas bago siya nagsalita ulit.
"Level?"
"Mild lang," sabay sulyap ko sa kanya at nakita na nakakunot ang kanyang noo.
"I didn't know that you are allergic to shrimps..."
Hindi ko napigilan na mapangiti ng kaonti sa sarili. "Bago lang..." Years after ng past natin. Dagdag ng isip ko.
"Does your allergy include seafoods in general?" tanong na naman niya.
Natawa ako sa kaloob-looban. Sa dami ng mabibigat na bagay tungkol sa nakaraan na dapat naming pinag-uusapan, ang maliit na bagay tungkol sa allergy ko pa talaga.
"Sa shrimp lang naman," sabi ko.
Hindi na siya nagsalita pa. Nagpatuloy kami sa tahimik na pagtahak sa daan. We separated ways eventually. Pumasok na siya sa kanyang opisina at nagpatuloy naman ako sa paglalakad papunta sa doctor's quarters. Pumasok ako sa loob at kinuha ang ipad mula sa drawer ng desk ko. Lumabas ulit ako ng quarters at naglakad na patungo sa lecture room.
Napahawak ako sa magkabilang dulo ng suot na lab coat dahil sa sobrang lamig ng temperature nang makapasok na ako sa lecture room. Pati binti ko ay nilalamig dahil nakasuot lang ako ng skirt na sa iksi ay hindi na abot ang tuhod.
Nakita kong nakaupo na sa mga swivel chairs na nakapalibot sa malaking oval shaped na mesa ang iba pang resident doctors at ilang staffs ng iba-ibang department. Uupo na sana ako sa isa sa mga bakanteng swivel chairs nang tawagin ni Doc Eric ang atensiyon ko. Lumipat ako ng upuan at tumabi na lang sa kanya.
"Akala ko nag-out of town ka?" tanong ko nang naupo na. Hindi pa naman nagsisimula dahil hindi pa dumadating ang speaker.
"Hindi ako pinayagan ni Doc Marco. Short daw tayo sa doctors as of this month."
"Tumambay ka kasi minsan sa ER para makita mo kung gaano tayo kaabala," sarkastikong sabi ko.
He only chuckled. " 'Di ka pa naumay do'n?"
Nagkibit lang ako ng balikat.
"Balita ko under kay Doc Theo ka na raw," pagpapatuloy ni Doc Eric. "How is it working with your ex?"
Hindi na ako nagtaka pa na alam niya ang relasyon namin dati ni Theo. Kalat naman kasi ito sa buong department.
"It's not the first time that I am working with him. Nakatrabaho ko na naman siya dati pa," sabi ko.
"May kaibahan ba... sa treatment niya sa'yo dati kumpara ngayon?" Nahihiya siyang ngumiti. "Don't answer that if it makes you uncomfortable... Sorry."
Napaisip din ako ng tanong ni Doc Eric. "He is colder now," matapat na sagot ko.
Hindi na muling nagtanong pa si Doc Eric dahil dumating na si Doc Marco.
Agad na tumahimik ang usapan ng ilan sa loob ng silid dahil sa pagpunta ni Doc Marco sa gitna ng platform. Ni-check niya ang microphone sa speaker stand at ngumiti sa amin.
"Sorry for being five minutes late," aniya sa harap ng microphone. "I just finished a ten hour surgical procedure."
Halos lahat kami ay napangiwi sa sinabi niya.
"So for this thirty minute lecture," pagpapatuloy niya, "let's talk about Spleen Removal."
The overhead projector has been turned on. Nagsimula na siya sa lecture presentation niya kaya naman ay nag-dim na ang lights. Ni-on ko na ang ipad at binuksan ang files ng content ng kanyang lecture maski may slides naman sa harapan.
"My patient earlier had an enlarge spleen," pagpapatuloy ni Doc Marco kasabay ng slide ng picture nito. "The bad news? It can't perform functions such as; destroying damaged blood cells, helping blood clot properly. The risks?" Napatingin siya sa gawi ko at nagtaas ng isang kilay bago nagpatuloy. "It increases infection, and the most dangerous risk, Doctor Theo?" Biglang may umilaw na overhead light sa likurang bahagi namin ni Doc Eric.
Napalingon ako kasabay ng paglingon ng mga nasa loob ng lecture room. Nagulat ako nang makita si Theo na nakaupo sa malayo. Halata sa hitsura niya ang pagkaasar sa atensiyong ibinibigay sa kanya ng head surgeon.
"An enlarged spleen could burst and cause dangerous internal bleeding," malamig na sagot niya.
"Indeed, it could," pagsang-ayon naman ni Doc Marco. "So, a general surgeon's job is to carefully remove...."
I could not focus and follow the lecture anymore. Naging conscious na ako bigla dahil alam ang presensiya ni Theo sa likod.
Dapat hindi na ako nabibigla pa kapag nandiyan siya dahil parte na siya ng staffs ng ospital. Dapat masanay na ako sa presensiya niya. Binigyan ko na ng pansin ang diskusyon at nag-focus na rito.
"...and before we end the lecture," panapos na anunsiyo ni Doc Marco sa harap, "I would like to officially introduce to you the new member of our General Surgery Department. The new general surgeon of our hospital... Doctor Cain Mattheo Hemendez, everyone!"
Kasabay ng pagbubukas ulit ng maliwanag na ilaw ay ang masigabong palakpakan ng staffs. Sumabay na rin kami ni Doc Eric sa pagpalakpak at tumayo bilang pagpupugay tulad ng ginawa ng ibang staffs. Tumayo naman si Theo mula sa inuupuan niya sa malayo at tipid na tumango sa amin.
Matapos nito ay may ilang staffs na lumapit sa kanya at nakipagkamayan. Nanatili naman kami ni Doc Eric sa puwesto.
"Ayaw mo bang makipagkamayan sa kanya?" pabulong na pagkakasabi ko sa katabing si Doc Eric.
He grimaced. " 'Di ko na naman kailangang magpakilala pa sa kanya kasi kilala niya na naman ako. Bad shot nga ako sa kanya agad, eh."
Mahina akong natawa at napasulyap ulit sa gawi ni Theo. Nilunok ko ang tawa nang makitang maski pinapalibutan na siya ng ilang doctors na gustong kumausap sa kanya, nakuha niya pa ring tumingin sa gawi namin ni Doc Eric.
"Labas na tayo," imbita ko kay Doc Eric.
Sumang-ayon siya kaya sabay kaming dumaan sa gilid dahil nakaharang sa harapan ang ibang staffs. Sumiksik kami at medyo naging pahirapan pa ang paglabas namin.
At dahil lunch break na rin naman, hindi na kami dumaan pa sa ibang department. Deretso na kaming nagpunta sa hospital cafeteria para kumain ng lunch.
I only ordered vegetable salad and corn soup, mashed potatoes at corn soup din naman ang kay Doc Eric. Pagkatapos naming mananghalian ay naghiwalay na rin kami ng landas dahil sa ward ang punta ko.
Tumuloy na ako sa loob ng ward at ipinagpatuloy ang consultations. Ilang minuto pa ang dumaan ay pumasok naman si Theo. We silently work side by side until the rest of the remaining hours. Mas nauna naman siyang lumabas sa akin kinahapunan.
Nagpunta ako sa doctor's quarters at nag-review ng kaonti. Hindi ko na namalayan pa ang oras at nang napasulyap sa bintana ay saka pa lang napansin na magdidilim na pala.
Ni-off ko ang ipad at isinara na ang makapal na medical textbook. Nag-unat din ako. Tumayo na ako at biglang bumukas ang pinto. Pumasok ang ibang mga kasama kong doktor. May kanya-kanya silang bitbit na food containers.
"Doc Abby, may free foods do'n sa station ng floor natin," deklara ni Doc Elaine.
"Kanino galing?"
"Kay Doc Theo. Ang galante, 'di ba? Dalawang beses na nanlibre ng dinner!"
Ngumuso ako at naalala ang huling natanggap na food container.
" 'Di ako puwede sa food. Bawal ako sa shrimp."
Naupo na sila sa mga upuang nakapalibot sa malaking desk.
"Ay, wala ng shrimp," saad naman ng anaesthesiologist na si Doc Christine. " 'Di na seafoods ang in-order ni Doc Theo."
Tumango ako at nagpaalam na para lumabas at kumuha ng pagkain. Naglakad ako papunta sa station para kunin ang share ng libreng pagkain. Nang makarating na rito ay inabutan ako ni Nurse Risa ng isang food container.
" 'Di na 'yan shrimp," nakangising patiuna niya.
Ngumiti ako at nagpasalamat sa kanya. Bumalik ako sa doctor's quarters at doon na kumain ng dinner kasabay ng ilang doktor.
I was debating the next morning about my schedule for work. Naalala ko na ngayong araw ang pagluwas ni Tiya Magda ng Maynila. Hindi dapat maging masikip ang schedule ng duty ko para naman may oras akong asikasuhin ang tiyahin.
Kung bibisita nga siya ng ospital, hindi na ako nangamba pa kung sakaling magkikita man sila ni Theo. Ulyanin na si Tiya Magda. Hindi na niya naaalala pa si Theo kaya imposible rin na makilala niya ito.
Baon ang pag-iisip na ito ay kampante na akong pumasok ng trabaho. Buong umaga na naman akong tumambay sa ER. Ibang doktor ang kasama ko at wala si Theo dahil balita ko ay may surgery daw ito sa isang pasyente. Nagtaka nga ako dahil hindi ako kasama para mag-assist sa kanya. Inisip ko na lang na natuto na siya dahil naisip na baka magrereklamo na naman ako.
Lumabas na ako ng ER nang sumapit na ang oras para sa lunch break. Napadaan ako kina Nurse Risa at listong nahagip ng tingin ko ang dalawang bilao na nasa ibabaw ng mesa nila. Si Tiya kaagad ang sumagi sa isip ko kaya nagmamadali akong lumapit sa station.
"Doc Abby!" tawag ni Nurse Risa paglapit ko sa kanila. "Nandito ang tiyahin mo. Ang dami ng dala niyang suman!"
Mula sa mga bilao ay iginala ko ang tingin sa buong paligid. "Nasa'n siya?"
"Nasa office ni Doc Theo...."
"A-Ano?" Parang kidlat sa bilis akong napabaling ng tingin sa kanya.
Ngumisi si Nurse Risa. Walang kaalam-alam sa pangamba ko. May nakita pa akong kaonting piraso ng suman na sumabit sa ngipin niya.
"Kilala niya raw kasi si Doc Theo. Bibigyan niya raw ng suman..."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top