Chapter 23
Chapter 23
Emergency Room
Si Theo na ang nagtahi sa sugat ng bata. We never talked after that. I guess I also disappointed him professionally. Hindi ko naman siya masisisi sa nararamdaman niya. Naging unprofessional naman talaga ako dahil nakuha ko pang tumanggi sa isang responsibilidad na inutos niya sa akin.
Nagtungo ako sa Information desk kinagabihan. Kaagad na humupa ang usap-usapan at nagulo ang pagtitipon ng ibang nurses sa isang sulok sa pagdating ko.
"Ako na naman ba ang pinag-uusapan nila?" kalmadong tanong ko kay Nurse Relani na abala sa computer.
"Bakit ka naman pag-uusapan?" aniya na hindi man lang tumigil sa ginagawa. Hindi rin siya nag-angat ng tingin sa akin.
Natigilan ako bahagya. Nag-expect kasi ako na gaya ng kadalasang nangyayari ay tatanguan lang niya ako.
"Tungkol sa batang pasyente namin ni Doc Theo kanina?" paghula ko.
Huminto na siya sa ginagawa sa harap ng computer at nagtataka akong pinagmamasdan. "Bakit? Anong nangyari? Balita ko maayos naman ang surgery, ah."
"Walang... nasabi si Doc Theo?" pagtataka ko.
"Na alin?" Naniningkit na ngayon ang mga mata ni Nurse Relani. Batid ko ang pagiging kuryoso na niya.
"Wala naman," agap ko sabay pasada ng tingin sa nurses na tahimik na at nakapokus na sa kani-kanilang trabaho. Inakala ko na ako at tungkol sa anxiety ko na naman ang pulutan ng tsismisan ng nurses.
Inisip ko rin kasi na baka may nasabihan si Theo tungkol sa ginawa kong pagtanggi para sa pasyente kanina. Mabilis pa namang kumalat ang tsismis lalo na sa department namin.
Napasulyap na rin si Nurse Relani sa mga kasamahan niya. "Ah, 'yon ba? Iba na ngayon ang pulutan nila."
"Ano?" wala sa sariling tanong ko at tiningnan na siya.
Nag-iwas siya ng tingin at pinagtuonan na ng pansin ang computer. Base sa ekspresyon ng mukha niya, hindi siya komportableng sabihin ito sa akin.
"Anong pinag-uusapan nila kanina, Nurse Relani?" pangungulit ko.
"Uh... bumisita raw kasi sa office ang... mag-ina ni Doc Theo. Iwe-welcome yata siya sa bago niyang workplace."
"Naku! Hindi naman kagandahan 'yong hitsura ng wife niya," biglang sabad ng kararating lang sa station na si Nurse Risa. Ang bilis niya yatang nakasagap ng tsismis. "Mas maganda ka pa, Doc Abby!" dagdag pa niya.
"Hoy, 'yang bibig mo talaga, Risa, dapat nilalagyan ng filter," sita sa kanya ni Nurse Relani. "Mamaya marinig ka pa ni Doc."
Hindi pa rin nagpaawat ang mas batang nurse. Inilapag niya ang hawak na chart ng pasyente sa mesa at nakapameywang ng hinarap si Nurse Relani.
"Eh, totoo naman. 'Yong anak lang nila 'yong legit na maganda kaya lang medyo suplada rin. Mana yata sa ina."
"Kibata-bata pa no'n hinuhusgahan mo na," saway sa kanya ni Nurse Relani at pagkatapos ay bumaling ulit sa akin. "Pinauwi rin kaagad ni Doc Theo ang mag-ina niya. Bad mood yata siya today."
Hindi na ako nagpaapekto at tumahimik lang. Ayaw ko nang gatungan pa ang usapan nila. Hindi na naman ako nagulat pa na may pamilya na si Theo. Alam ko na naman ito dati pa matapos ang naging pag-uusap namin ni Madame Aurelia noong tinawagan ko siya para sana humingi ng tulong para sa anak.
Naglakbay kaagad ang diwa ko sa anak namin ni Theo na si Red. Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Theo kapag nalaman niyang nagkaanak din kami? Ano rin kaya ang sasabihin niya kapag nalaman niyang napabayaan at nawala ko ito?
May pamilya na si Theo at payapa na ngayon ang buhay niya. Ayaw kong manggulo pa sa kanila dahil alam ko kung gaano kahalaga ang isang kompletong pamilya. Musmos pa ay pinagkaitan ako nito. Ayaw kong maranasan din ito ng anak ni Theo.
Mas lalo lang akong naging pursigido na ilihim sa kanya ang lahat, pati na rin ang ginawa ng tatay niya.
Lumapit sa amin si Doc Eric na kalalabas lang ng ward. Nag-asaran na naman sila ni Nurse Risa na hindi ko na nasubaybayan pa dahil sa pagiging abala sa iniisip. Tumabi si Doc Eric sa akin at napasulyap sa suot na relo.
"Sabay na tayong mag-dinner," pagyaya niya.
"Mamaya pa ako, eh," dismayadong pagtanggi ko sabay harap na rin sa kanya. "Kailangan ko pang umakyat para palitan 'yong dressing ng sugat ng isang pasyente sa taas."
Ngumuso siya. "Conflict of schedule naman. Lalabas pala kami nina Nurse Risa mamaya. Pupunta kami sa ELights para mag-unwind. Sama ka..."
Napaismid na rin ako dahil sa hindi pagtugma ng timing. Sayang din at baka makausap ko rin si Jok doon. "On call kasi ako tonight. Mamayang 2 am pa matatapos ang shift ko."
"Talo ka talaga sa puso ni Doc Abby, Doc Eric," panunukso ni Nurse Relani. "Kasipagan niya ang karibal mo, eh!"
Madrama namang napahawak si Doc Eric sa dibdib niya sabay iling at pikit na parang nasasaktan. Nagtawanan naman ang mga nurses na nasa Information desk. Napuno na naman ng tuksuhan na ang target ay kaming dalawa ni Doc Eric.
Maya-maya pa ay nagtaka ako at biglang natahimik ang paligid. Mabilis na umayos ang nurses. Pati si Nurse Relani ay umalerto na sa harap ng computer.
"Can you send me the ECG result of Mr. Ronald dela Serna?" malamig na boses ni Doc Theo mula sa gilid ko.
"On it, Doc," madulas na sagot ni Nurse Relani at saka inasikaso na ito sa harap ng computer.
Sa sobrang pagiging tahimik ng paligid ay mistulang ang keyboard lang ng computer ang gumagawa ng tunog. Masyadong awkward at halata nito. Ganito na ba sila ka intimidated kay Theo? Hindi ko naman sila masisisi dahil ganito naman ako minsan kay Theo.
"Gusto mo bang ako na ang magpalit ng dressing ng sugat ng pasyente mo sa taas para sabay na tayong mag-dinner, Doc Abby?" Mahina iyon na pagkakatanong ni Doc Eric sa akin pero dahil na rin sa katahimikan, sigurado akong dinig naman ng lahat. Pati na rin ni Doc Theo. Gusto ko tuloy na bumukas ang lupa at kainin na ako.
Mas kinabahan ako dahil sa ginawang pagsulyap ni Theo sa akin.
"You haven't taken your dinner yet?"
"M-May inasikaso pa kasi akong pasyente." Ang sobrang tahimik talaga ng paligid. Sigurado akong nakikinig ang lahat sa usapan naming dalawa.
"Akala ko ba patapos ka na sa first year residency mo? Ba't parang 'di ka pa rin natuto?" komento niya. "Masyadong abala ang ospital na 'to. You need to insert your meals in between shifts. That's how you survive here..."
"Ganyan naman po talaga ang ginagawa namin," protesta naman ni Doc Eric sa tabi ko para lang ipagtanggol ako.
Ngayon ay siya naman ang ginawaran ng malamig na tingin ni Theo.
"Ibig sabihin normal na sa'yo ang mang-agaw ng trabaho ng iba? Like changing the dressing of the wounds of a patient? Aagawan mo rin ba ng pasyente ang ibang doktor?"
Hindi nakaimik si Doc Eric. Narinig nga yata talaga ni Theo ang sinabi ni Doc Eric sa akin kanina. Kinalabit ko si Doc Eric sa braso para pigilan na sa pagprotesta at baka humaba pa ang litanya ni Doc Theo.
Dumapo ang istriktong tingin ni Theo sa kamay ko na nasa braso ni Doc Eric. Para akong napaso ng tingin niya kaya maagap ako na napabitaw sa pagkakahawak.
"I already sent the ECG result to your computer, Doc Theo," anunsiyo ni Nurse Relani na nakapagtanggal sa namumuong tensiyon.
Tinanguan lang siya ni Theo ng isang beses at umalis na ito.
"Sa tinagal tagal ko na rito sa ospital, hindi pa talaga ako nasanay sa pagbabago ng mga tao," biglang saad ni Nurse Relani sabay buntonghininga.
"Ibig sabihin may ibinait rin pala si Doc Theo, Nurse Relani?" ani Doc Eric na may bahid ng sarkasmo ang boses. "Akala ko kasi ganyan na talaga kagaspang ang pag-uugali niya dati pa."
Napasulyap na muna si Nurse Relani sa akin bago niya balingan si Doc Eric. "Sobrang bait ni Doc Theo dati. Very thoughtful and compassionate. Siguro dumadating talaga ang turning point ng isang tao kapag nasaktan nang todo..."
Tumango si Doc Eric na parang nauunawaan niya ang sinabi ng head nurse. Hindi naman ako naging komportable matapos marinig iyon. Para kasi akong pinana nito at nasapol sa dibdib.
Napasulyap ako kay Doc Eric. "Okay ka lang ba?"
Dismayado siyang nailing. "Parang bumalik ako sa med school na pinagalitan ni Prof, eh."
Napangiti ako sa sinabi niya. Tinuro ko ang elevator at tiningnan siya. "Akyat na muna ako sa pasyente ko. Mauna ka nang kumain."
Inasikaso ko ang pasyente sa taas. Late na akong kumain ng dinner. Hindi ko na napansin ang oras dahil na rin sa pagiging abala. Mabuti na lang at pinaalalahanan ako ng nurse na tapos na ang shift ko. Alas dos na pala ng madaling araw. Nagpaalam na ako sa iba pang staffs na naroon.
Dumating ako sa condo alas dos y medya na. I stripped naked and took a hot shower. Pabagsak akong nahiga sa kama pagkatapos magbihis. Hindi naging maayos ang pagtulog ko dahil binangungot ulit ako ng pagkawala ni Red. The memories were so vivid that I thought it was happening again.
Gusto kong bumalik sa pagtulog at hagilapin sana ang panaginip at makitang maayos ang lagay ng anak ko. Na muli pa kaming magkikita kahit man lang sa isang panaginip lang. I was left disappointed when even a dream did not permit it.
Kung tuluyan man siyang inangkin ng mag-asawa ay tatanggapin ko. Ang gusto ko lang ay ang makita siya ulit. Ang makita siyang masaya sa bago niyang buhay ay magpapanatag ng loob ko.
Kinuha ko ang cellphone na inilapag ko sa bedside table kagabi. Tiningnan ko ang oras at nakitang alas siyete na pala ng umaga. Ibababa ko na sana ang cellphone sa mesa nang biglang may dumating na tawag mula kay Ate Meryl.
"Hello, Clau? Nagising ba kita sa tawag ko?" paglilinaw ni Ate.
"Kanina pa po ako gising, Ate." Kinusot ko ang mga mata at nag-stretch sa kama. Dinig ko pa ang pagtunog ng mga buto ko.
"Luluwas daw kasi riyan sa Maynila si Nanay ngayong Miyerkules. Dadalaw raw siya sa ospital na pinagtatrabahuhan mo."
Bumangon na ako mula sa kama. "Sinong sasama sa kanya?"
"Sasamahan naman siya ni Emily, " aniya na tinutukoy ang dalagang pinapaaral ko sa probinsiya. "Alam mo namang habang tumatanda, eh, lalong tumitigas ang ulo no'n. Sinabihan ko siyang sa susunod na Linggo na lang sana para masamahan siya ng Kuya Baldo mo kaya lang ayaw talagang paawat..."
Ulyanin na si Tiya Magda kaya hindi na namin siya pinapaalis ng mag-isa dahil sa kondisyon. Simula noong maging ulyanin siya ay napakarami na niyang nakalimutan. Hindi na niya naalala si Theo. Pati nga si Red ay nakalimutan na ng tiyahin ko.
Noong una naming madiskobre na nakalimutan na ni Tiya Magda ang anak ko ay nalungkot ako. Pero kalaunan ay napagtanto ko na kahit papaano ay nakatulong ito na mapagaan ang bigat na nararamdaman ng pamilya ko. Naisip ko na kung maalala man ni Tiya si Red sigurado akong hindi rin nito makakalimutan ang sakit ng pagkawala ng anak ko.
Narinig ko ang pag-iyak ng anak ni Ate Meryl sa background. Hindi ko lang matukoy kung sino sa tatlong anak niya ang umiiyak.
"Anong oras daw ba ang flight niya nang masundo ko?"
Dinig ko ang pagpapatahan ni Ate Meryl sa bata. Nang tumahan na ito ay sinagot na niya ang tanong ko.
"Hindi ka ba busy sa ospital? At saka hindi siya nagsabi. Secret daw at isu-surprise ka niya."
"Si Tiya talaga..." daing ko. "Pakisabi na magdala siya ng puto at saka suman. Kay Emily mo na lang pala ibilin para mapaalalahanan," pahabol ko nang maalala ang kondisyon ng tiyahin.
Natawa si Ate sa kabilang linya. "Oo at ipaparating ko ang request mo."
"Hindi ka ba pagagalitan no'n at sinabi mo sa'kin ang sana ay sorpresang pagdalaw niya?" pagbabala ko.
"Magpanggap ka na lang na na-surprise kapag dumating siya diyan," utos niya. "Hindi ko naman sasabihin sa kanya na kinausap kita kaya 'wag mo ring ipaalam na nag-usap tayo."
Humagikgik ako dahil sa nagiging conspiracy namin ni Ate. Nailayo ko ang cellphone mula sa tainga nang marinig ang malakas at matinis na pag-iyak ulit ng anak niya.
"O siya at ibababa ko na," paalam ni Ate Meryl. "Gutom na yata itong pamangkin mo. Hindi na talaga ako magpapabuntis sa Kuya Baldo mo. Tama na ang tatlong anak..."
"Sabihan mo niyan si Kuya, Ate," bilin ko. "Kailangan na dalawa kayong nagpa-family planning."
"Papaalalahanan ko ulit, Doc." Nahihimigan ko ang ngiti sa boses niya.
Nagpaalam na kami sa isa't isa at ibinaba na ang tawag. Naghanda na rin ako para sa duty. Naligo ako, nagbihis at pagkatapos ay bumaba na ng condo unit.
Dumaan na muna ako sa café sakay ng kotse. Nag-order ako ng isang take out na cappuccino at muling bumiyahe papunta sa ospital.
Nang makapasok na sa gusali ay dumeretso ako sa doctor's quarters at inilagay ang mga gamit sa desk. Lumabas ako ng silid bitbit ang kape at nagtungo na sa locker's area. Kinuha ko mula sa loob ng locker ang isa pang malinis na lab coat at isinuot ito. Itinali ko rin ang mahabang buhok at inayos ang nagulong fringe bangs sa harap ng maliit na salamin.
Tinahak ko na ang hallway papunta sa opisina ni Doc Marco. Nadaanan ko ang Information desk at nakasalubong si Theo.
"Doc Manalo. With me," tawag niya sa akin at saka dere-deretso lang sa paglalakad. Nilagpasan na niya ako.
Napaliko ako at kaagad na sumunod sa kanya.
"I have rounds with Doctor Marco," sabi ko.
Mabilis ang paglalakad niya kaya kailangan ko ring bilisan ang paglalakad para makasabay sa kanya. Mabuti na lang at nasanay na ako sa pagsusuot ng heels kung hindi ay baka nabuwal na ako sa kinatatayuan.
"You are now reassigned under me," dikta niya.
Pansamantala kaming nahinto sa nurse station dahil may inutos pa siya sa isang nurse. Para naman akong tanga na naghihintay sa gilid niya. Napagtanto kong hawak ko pa pala ang kape ko at ni isang beses ay hindi pa ako nakahigop nito. Mula sa kape ay bumaling ulit ako kay Theo.
"Doc Marco did not tell me anything about it," depensa ko. Walang kaalam-alam sa nangyayari.
"I am telling you now," tipid na sagot niya.
May iniabot sa kanya na chart ang isang nurse at tinanggap niya ito. Mabilisan niyang binasa ang laman nito at pagkatapos ay pinirmahan. Ibinalik niya ang chart sa nurse at nagpatuloy na sa paglalakad. Hindi naman ako sumunod sa kanya at nanatili lang sa kinatatayuan.
I silently groaned and felt frustrated when he did not even bother to turn around and look at me. Tuloy-tuloy lang talaga ang paglalakad niya na parang inasahan na niyang nakasunod ako sa likod niya.
Napapikit ako sa inis at napilitang humabol kasunod niya dahil medyo nakalayo na siya. Napuna ko ang deriksiyon na tinatahak niya. Sa lahat lahat ba naman ng department, sa ER pa talaga ang tungo niya.
"I haven't received any official memo from the department about the sudden change," apila ko habang papasok na kami sa pinto ng abalang ER. Nang makakita ng trash bin ay tinapon ko ang hindi pa nagagalaw na kape sa loob nito.
"Doc Theo! Here!"
Napalingon na rin ako sa pinanggagalingan ng boses na tumawag kay Theo. Nakita ko ang isa sa mga nurses ng ospital. Sa tabi niya ay ang isang pasyenteng lalaki na nakaupo sa dulo ng hospital bed.
Mabilis na naglakad si Theo papunta sa gawi nila. Alerto akong sumunod sa kanya. Nanayo ang balahibo ko sa batok nang mapatingin ako sa malaking hiwa na nasa binti ng pasyente na nasa edad kuwarenta anyos na yata. Napapikit ito sa malamang ay iniindang sakit.
"Anong tumama sa kanya?" si Theo sa nurse.
"Bakal daw po sabi no'ng medic na naghatid," agarang tugon naman nito. "It's an injury due to a construction accident."
"Did you—"
"Hindi po rusty ang bakal, Doc," mabisang kompirma ng nurse. Alam na ang kasunod na tanong ni Theo.
"How deep is it?" pagpapatuloy ni Theo. Mariin niyang pinagmamasdan ang nagdurugo pang sugat ng pasyente.
"About an inch an a half."
"Any bones hit?" Ako ang nagtanong nito.
"We're still waiting for the scan."
"You haven't stopped the bleeding yet," malamig na puna ni Theo.
Ramdam ko ang kaba ng nurse. "Masyado po kasing maraming lumabas na dugo."
"Get more bandages and monitor his vitals for the first 60 minutes," utos ni Theo.
Ako na mismo ang kumilos at nagsuri ng vitals ng pasyente for the first fifteen minutes. Ni-relay ko ito kay Doc Theo.
"Doc, Theo! We have a possible colectomy patient here!" sigaw ng isang resident doctor din sa kabilang gawi ng ER.
Napatingin ako rito at nakita ang walang tigil na pagsusuka ng isang pasyente.
"Doc Abigail!" sigaw naman ng isa pang nurse sa kabilang kama.
Mabilis akong lumapit sa kanila ng pasyenteng nahihirapan ng huminga. Bukas ko na yata makakausap si Doc Marco.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top