Chapter 20
Chapter 20
Sweater
Dalawang buwan matapos kong manganak ay bumalik kaagad ako sa pag-aaral. Hindi naman masyadong malayo ang med school na pinag-aaralan ko mula sa San Pablo. Kampante naman ako dahil nandiyan naman sina Tiya at Ate Meryl para bantayan si Red sa tuwing may pasok ako.
Tanging mumunting pagtawa lang ni Red ang nagtatanggal ng pagod ko kapag humaharap ako sa masyadong mahirap na examination week sa med school. Si Red lang ang lakas ko kaya nakayanan kong itawid ang unang taon sa pag-aaral bilang doktor.
Wala akong alam kung paano maging ina. Bawat araw na kapiling ko siya ay pag-aaral din para sa akin. Ginigiya naman ako nina Tiya at Ate Meryl kung ano ang gagawin.
Minsan, habang karga-karga si Red, nagmeme-morize pa ako ng mga medical terms at drugs. Si Red ang lakas ko sa tuwing nanghihina na ako.
Kaya nang dumating ang delubyo sa buhay namin, kinailangan kong maging matatag para hindi maging mahina para sa anak ko.
I was taking a twenty-minute break after my practical exam in my second year of Medicine when I received an urgent call from Ate Meryl.
"Kumusta si Red, Ate?" deretsong bungad ko.
Dinig ko ang nakakaalarmang paghikbi niya sa kabilang linya. "Nandito kami sa community hospital.... C-Clau... si Red... nahihirapang huminga..."
"Ha? Ano?" Napalakas ang boses ko kaya napatanaw na sa gawi ko ang ilang mga med students na nasa loob pa ng laboratory room.
"Bigla na lang... Hindi ko maintindihan ang sinabi ni Doc... Kailangan daw ilipat kaagad sa... mas malaking ospital..."
Ginapangan ako ng nakapaparalisang kaba.
"Uuwi ako ngayon, Ate,"sabi ko ng walang pag-aalinlangan.
Sa pagmamadali kong makauwi ay hindi na ako nakapagpaalam pa kay Prof. Nanlumo ako nang makita si Red na sa edad na siyam na buwan ay naka-oxygen mask na. Dali-dali namin siyang inilipat sa mas malaking ospital kung saan dalawang araw siyang inobserbahan.
Gumuho ang buong buhay ko dahil sa ibinalita sa akin ng doktor niya. My daughter had a heart condition called Ventricular Septal Defect o VSD. It's a defect in the septum between the hearts two lower ventricles. The septum is a wall that separates the heart's left and right side. Ang mga ganitong septal defects ay tinatawag ding 'butas' sa puso.
Kailangan niya ng agarang open heart surgery. Bumalik lahat sa akin ang nangyari kay nanay. Mas natakot lang ako sa posibleng mangyari kung hindi magaganap ang operasyon. Hindi ko kakayanin kung magiging mas delikado ang lagay ng anak ko.
Wala akong ibang nagawa kundi ang umiyak sa harap ng doktor. Ang unang sumagi sa akin ay ang matinding awa para sa anak. Pangalawa naman ay ang kawalan ng pera panggastos sa napakamahal na operasyon. Saan naman ako kukuha ng ganoon kalaking halaga pampa-opera sa kanya?
"Clau, humingi ka ng tulong kay Dok Theo," si Kuya Baldo. Nasa labas kami noon ng kuwarto ni Red sa ospital.
"Wala si Theo rito sa Pilipinas, Kuya. Wala na rin akong balita tungkol sa kanya."
"Eh 'di 'yong mga magulang niya na lang. Apo nila si Red. Siguradong tutulong 'yong mga 'yon."
"Lilipad ka papuntang Maynila? May pamasahe ka pa ba?" nag-aalalang tanong naman ni Ate Meryl sa akin. Karga-karga niya pa ang nakatulog na niyang anak.
"Ko-contact-in ko na lang 'yong mga kasamahan ko sa Pillars dati. Hihingi ako mula sa kanila ng number ni Madame Aurelia. Tatawagan ko siya..."sabi ko. Mas maaatim ko pa na humingi ng tulong sa ina ni Theo kaysa sa ama niya.
Una kong nichat sa Facebook si Kim. Nagulat nga siya at nagparamdam daw ako bigla matapos ang ilang buwang pagkawala ko. Hindi na ako nagpaliguy-ligoy pa at sinabi ko kaagad sa kanya ang pakay ko. Mabilis niya akong nabigyan ng private number ni Madame Aurelia. Tumawag ako kaagad at insaktong sa unang pag-ring pa lang ay sinagot na niya ang tawag.
"Hello?" malumanay niyang bati.
"S-Si Abigail Claudine p-po 'to," kabadong sabi ko.
Natahimik ang linya niya ng ilang segundo. Nag-alala ako na baka hindi niya na ako kausapin.
"Why are you calling?" Bahagya ng tumigas ang boses niya.
Napalunok ako at napatanaw sa pinto ng hospital room ng anak ko.
"H-Hindi ko na po kasi ma-contact si Theo. H-Hihingi sana ako ng tulong..."
Dinig ko ang marahan at tila ba kontroladong paghinga niya. "Huwag mo nang iistorbohin pa si Theo. Manganganak na ang fiancee niya. He is now starting a family of his own. Please do not destroy their family."
Nanghina ang kapit ng kamay ko sa cellphone.
"Do not contact me anymore," dagdag ng ina ni Theo. "Kung mangungulit ka pa sa akin at sa pamilya ko, mapipilitan akong kasuhan ka ng harassment."
Matapos magbitiw noon ay ibinaba na niya ang tawag. Pansamantala akong natulala sa narinig pero nang maalala ang higit na pangangailangan ay sumubok ulit ako na tumawag. Wala akong pake kung may ibang pamilya na si Theo. Hindi ko naman siya ilalayo sa pamilya niya. Kailangan lang talaga siya ng anak namin.
Sa pangatlong pag-dial ko ay hindi na ako maka-connect sa linya ni Madame Aurelia. Niblock na niya ang number ko. Hindi ko na alam kung papaano pa siya ko-contact-in.
No matter how dark it is, there is always a light. Maski kaonting sinag lang ito. Kahit na kaunting pagsilip ng liwanag ng pag-asa ay dapat pagbuksan. Natagpuan ko ito sa naging pag-uusap ng nagpakilalang staff ng Finance department ng ospital kung saan na-admit si Red.
"There is a couple who are willing to help," anunsiyo niya. "Hindi man sila biniyayaan ng anak, they still love children."
"Talaga po?" Nabuhayan kaagad ako ng loob.
Tumango ang lalaking staff. "Yes, they are willing to help your daughter. May isang kondisyon lang silang hihingin sa'yo."
"Ano po 'yon? Kahit ano gagawin ko!"
"Once the surgery is over and the close monitoring is done, gusto nila na sila na muna mismo ang mag-aalaga sa bata."
"Po?" agap ko, nagulantang sa kondisyon. "Pero kailangan ako ng anak ko."
"Alam ko, Miss Manalo. And they also know that," banayad na sinabi ng lalaki. "Pansamantala lang naman. They will also hire private nurses. Maybe after a few months, Red will be returned to you. They just want to make sure that Red will be provided with everything that she needs. Ayaw kitang insultuhin pero alam nating pareho na marami pang kakailanganin ang bata lalo na sa medical na parte pagkatapos ng operasyon. And I assure you, they can provide them for her."
"S-Sasama na lang po ako. Babantayan ko rin po si Red," desperada kong pakiusap.
"Nag-aaral ka pa ng Medicine, 'di ba? Nabasa ko lang sa files mo," dugtong niya nang mapansin ang pagtataka sa mga mata ko kung bakit niya alam. "Ipagpatuloy mo muna iyan at sayang ang sponsorship mo. Do not worry. It will only be just for a few months."
Hindi ako nakapagsalita kaagad dahil alam kong tama siya. Sa ngayon, wala pa akong kakayanang tustusan ang mga gamot at pangangailangan ni Red. Mas kailangan ni Red ng tulong ng mag-asawa. Kailangan ko na munang magtiis na hindi siya palaging kasama. Magtitiis ako para sa kapakanan ng anak ko.
"Puwede naman akong bumisita sa anak ko, 'di ba?" tanong ko na lang.
Ngumiti ang staff. "Of course. Hindi 'yan ipagkakait sa'yo ng mag-asawa. You are the mother."
Pumayag ako. Sa pagpayag ko ay inoperahan kaagad si Red. Nakilala ko ang mag-asawang tumulong at napagtanto kong sadyang mababait nga sila.
Nasilayan ko ulit ang masayang ngiti ng anak ko ilang araw matapos ang operasyon. Inobserbahan muna siya ng halos dalawang buwan sa loob ng ospital. Pagkatapos nito ay inuwi siya ng mag-asawa sa bahay nila kasama ng isang private nurse.
Bumisita ako sa bahay at nakita ang gara at laki nito. Habang nasa terasa kami ay inabot ko kay Ma'am Loida ang red sweater na ako mismo ang nagtahi. Tela ng kumot ko noong bata pa ako ang ginamit ko. Kumot na itinahi ni nanay para sa akin.
"Puwede niya po 'yang suotin kapag malamig ang panahon," nakangiting sabi ko.
Malapad na ngumiti ang ginang at tinanggap ang sweater. "Ang ganda naman nito. Marunong ka pa lang manahi?"
"Nagpaturo lang po ako sa asawa ng pinsan ko," tugon ko at sabay kaming mahinang natawa.
Hindi na ako nagtagal sa bahay nila at nagpaalam na kay Red pati na rin sa mag-asawa. May katulong naman sila at private nurse pa kaya kampante akong maaalagaan nang husto si Red habang nasa poder nila pansamantala.
Kinailangan ko rin ang umalis dahil may klase pa ako. Hindi ako huminto sa pag-aaral. Dahil sa pinagdaanan ng anak ko ay mas lalo akong naging determinado at pursigido sa pag-aaral para maging isang doktor.
"Ano na naman 'yang tinatahi mo, Clau?" si Ate Meryl nang nadatnan ako sa sala hating gabi na.
"Pajama ni Red, Ate," sabi ko.
"Ipagpabukas mo na 'yan. Wala ka pa yatang tulog, eh. Kanina ka pa nag-aaral tapos ngayon nananahi na naman."
Pinatay ko na ang makina ng maliit na sewing machine. Tapos ko na naman ang tinatahi. Ngumiti ako habang pinagmamasdan ito.
"Bagay na bagay 'to kay Red," pahayag ko.
Lumapit si Ate Meryl sa kinauupuan ko at pinagmasdan na rin ang pajama na hawak ko. "Babagay nga 'to. Ngayong umaga ka bibisita? Sasama ako."
Nagkatinginan kami ni Ate Meryl at sabay na napangiti. Alam niya ang pinagdaanan ko. Isa rin siya sa naging katuwang ko sa pag-aalaga kay Red. Malaki ang utang na loob ko sa kanya.
Pumasok muna ako ng isang klase sa umaga. Maski walang masyadong tulog ay masigla pa rin ako dahil excited na sa pagkikita namin ng anak ko. Inilagay ko sa loob ng paperbag ang ginawang pajama. Sumakay kami ni Ate Meryl at ng anak nila ni Kuya Baldo sa bus. Dalawang oras ang biyahe. Dalawang oras na kinakaya ko para umuwi araw-araw at magtungo na naman sa med school na pinapasukan.
Huminto ang bus sa station at sumakay na naman kami ng jeep papunta sa subdivision kung nasaan ang bahay ng mag-asawang pansamantalang kumukupkop kay Red.
Nang makarating ay ipinakita ko kaagad ang ID ko sa guard pati na rin ang gate pass para deretso na kaming makapasok. Sobrang gaan ng pakiramdam ko dahil alam kong makikita ko na naman ang anak ko.
Huminto kami sa paglalakad sa harap ng pinto ng malaking bahay ng mag-asawa at nagtaka ako dahil ang dating palaging bukas na pinto, ngayon ay nakakandado na.
Nabitawan ko ang paperbag na hawak. Iba ang naramdaman ko. Masyadong masama. Agad kong nilapitan ang pinto at malakas na kinatok maski alam kong nakakandado na.
"Tao po!" naaalarmang sigaw ko. "Ma'am Loida?"
Walang tumugon sa malakas na pagtatawag ko. Patakbo kong tinungo ang malaking sliding window ng bahay.
"Ma'am Loida! Sir Roy? Red!" sigaw ko. Gumapang ang kaba sa dibdib ko. Hindi na maganda ang tumatakbo sa isipan ko.
"Red! Red, si mama 'to!" paulit-ulit na sambit ko sa tahimik na bahay.
"Claudine!" Napalingon ako dahil sa pagtawag ni Ate Meryl. Nakita kong may isang babaeng nakatayo na sa tabi niya. Isang babae na sa tingin ko ay nakatira rin sa loob ng subdivision.
Dali-dali akong lumapit sa kinatatayuan nila. Bago pa ako makapagtanong sa babae ay naunahan na ako ni Ate Meryl.
"Nasa'n na po 'yong mag-asawang nakatira riyan?"
"Umalis na sila kahapon pa. Lilipat daw abroad. Ibebenta nga raw iyang bahay," tugon ng babae.
Tumigil ang pagtakbo ng oras para sa akin. Nilamon na ako ng matinding pangamba.
"Saan daw po sa abroad? May pinagsabihan ba sila?" si Ate Meryl.
"Walang nakakaalam, eh. Bago rin kasi rito sa subdivision 'yong mag-asawa kaya hindi namin masyadong kilala..."
Mabilis akong naglakad pabalik sa malaking pinto. Hindi ko pinansin ang pagtawag ni Ate Meryl sa akin.
"Ma'am Loida! Sir Roy!" buong lakas na sigaw ko. May galit na sa boses ko. Hinawakan ko ang malaking kandado at pilit itong tinatanggal.
"Ibigay mo sa'kin si Red! Ma'am Loida!"
Pinagsusuntok ko na ang malaking pinto. Kasabay ng paninikip sa sakit ng dibdib ay ang pagbuhos ng mga luha ko.
"Parang awa mo na! Isoli mo sa'kin ang anak ko..." pagsusumamo ko, nanghihina na pero pilit na lumalaban pa. "Ibigay mo na sa'kin...si Red..."
At ganoon lang. Nawala ang anak ko. Nawala ang lakas ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top