Chapter 6: Visitor
Alam na ni Astro kung saan ang bahay ko. Dinala ko pa talaga siya sa condo ko kasi nakokonsiyensiya ako. Ang bigat kasing isipin na kapag siya, pinatuloy pa ako sa bahay nila 'tapos ginawa ko pang labandera ang mama niya, pero ako, pababayaan lang siya sa labas.
Para lang quits na kami, pinapasok ko siya sa condo ko.
Kompara sa bahay nila, maliit lang ang unit ko. Pagbukas ng pintuan, kusina agad. Maliit ang kitchen counter, maliit ang lababo, maliit ang lutuan. Pagpasok sa loob, wala nang sala, deretso kuwarto na agad. Sa dulo ang CR at maliit na espasyo para sa closet. Wala naman akong ibang mai-offer na upuan sa kanya kundi ang kama ko lang. Kung gusto rin naman niya sa sahig, wala rin namang problema.
"Ikaw lang mag-isa rito?" usisa niya.
"Oo. Kapag naman umuuwi ang papa ko, sa Bacoor naman ako nagbabahay."
"Ang layo naman ng Bacoor sa Bulacan?"
Tinapos ko na ang pagtitimpla ng juice saka inalok sa kanya. "Ito kasing condo, binenta lang sa kanya 'to ng kumpare niya. Naawa lang siya kasi may sakit 'yong anak n'on."
"E, di wala na silang bahay kung binenta pala?"
"Oo nga. Kaya nga umuwi na lang sila sa Marinduque kasi wala nang matirhan dito."
Hinatak ko yung monobloc chair ko sa study table para doon ako maupo. "Dati, diyan ako sa may university sa Hilltop nag-school. Kaya nga binili 'to ni Papa kasi malapit lang."
"Bakit lumipat ka sa school natin?" tanong niya bago humigop ng juice.
"Ang mahal nga kasi ng tuition! Sa school natin, 17k lang. 'Yong dati kong tuition, 67k."
"Ang laki pala," segunda niya. "Dati doon din ako sa school na pinasukan mo. Sa may Hilltop. Bago ako mag-business, dati akong IT."
"IT?" gulat na tanong ko.
"Oo." Tumango siya. "Ircon Tichnician."
"'Tang ina mo." Sinipa ko agad siya habang humahagalpak ako.
Kakabagin na naman ako sa animal na 'to, wala na talagang ginawang tama!
"De, seryoso. IT talaga course ko dati. Nag-shift lang ako kasi ano . . . ang daming math!"
"Tapos bigla kang nag-business, 'no?" sabi ko pa.
"Hindi nga mahirap ang math sa business! Aminin mo? Aminin mo!" Dinuro-duro pa niya ako.
Well, totoo rin naman. Pang-elementary ang math, lalo sa accounting. Pauso lang nila na mahirap ang math. Ang totoong nantataga talaga sa program namin, yung analysis. Pati piso kailangan talagang bigyan ng meaning, punyeta.
"Hindi ka ba hahanapin sa inyo?" tanong ko kasi pababa na ang araw.
"Ako, hindi masyado. Si Zeta ang hahanapin ni Mama."
"Uy, ngayon ko lang narinig pangalan ng kapatid mo! Ganda naman, Zeta . . ."
"Pangalan talaga n'on, Parazetamol."
Seryosong-seryoso pa siya sa pagkakasabi niya kaya halos maglupasay na ako sa sahig kakatawa. "Ba't ganyan mga pangalan n'yo?! HAHAHA!"
"Gusto nga kasi ni Mama, wala kaming kapareho para hindi mahirap kumuha ng clearance," seryosong sagot niya.
"Di ko alam kung maaawa ako sa inyo o matatawa!"
Gandang-ganda pa ako sa Zeta! Wala na talagang magandang bagay ang lumabas sa bibig nito ni Astro.
"Ikaw nga Sylphy. Ang redundant!"
"Paanong naging redundant 'yon?" depensa ko.
"Babae na nga meaning niyan, tapos ganyan pa pangalan mo."
Napaseryoso tuloy ako. 'Yon ba meaning n'on? Hindi ko kasi alam.
"Wala kayong aircon?" tanong niya sabay lingon sa paligid.
"Wala," sagot ko. "Naka-condo lang ako pero wala akong aircon. Saka ang mahal ng koryente."
"Kaya pala ang init."
"Wow, ha?!" Napaurong ako paatras at pinandilatan siya. "Hiyang-hiya naman pawis ko sa 'yo!"
Tinawanan lang niya ako. Legit, nahiya na tuloy ako. Totoo rin naman kasi, medyo mainit talaga sa unit ko. Isa lang ang stand fan ko, lagi pang naka-1.
"Uwi ka na. Doon sa inyo, parang Mercury yung loob."
"Grabe naman sa Mercury?" Pero tumayo na rin naman siya at siya na ang nagpatong ng ininuman niyang baso sa kitchen counter.
"Hatid pa kita sa sakayan?" tanong ko.
"Hatid mo 'ko, siyempre. Hindi ko naman alam dito sa inyo."
"Diyan lang sa labas?!" hiyaw ko pa sabay turo sa labas ng balcony.
"Sige na, hatid mo na 'ko. Baka mamaya, maholdap pa 'ko rito."
Sinamahan ko na lang talaga siya sa ibaba. Hindi naman malayo ang terminal dito. Saka ang kagandahan lang para sa kanya, may jeep dito na pumapasok pa talaga sa subdivision nila at dadaanan ang bahay niya.
"Ang lawak dito, 'no?" pansin niya sa paligid namin. "Ang daming libreng lote."
"Hindi pa kasi nabibili kaya marami pa."
"Ang dami namang nagde-date dito." Napatingin ako sa tinitingnan niya. Doon pala sa kabilang food hub. Iyon nga ang point kaya itinayo 'yong hub. Para sa mga naglalandian dito sa bukid.
"Kapag may girlfriend ka na, dalhin mo rito para masaya," sabi ko hanggang makatawid kami sa terminal. Hindi pa man siya nakakahinto sa loob, may pumara nang jeep sa kalsada na ilegal na nagsasakay ng pasahero.
"Dito ka na!" Kinaladkad ko agad siya para lang doon sumakay sa kakahinto lang na jeep.
Ang sama ng tingin niya sa akin bago pa siya makasakay.
O kahit nga nang makaupo na siya, kung tingnan niya 'ko, parang sinikmuraan ko siya.
Hindi rin talaga siya natahimik. Nakalayo na ang jeep, inilabas pa talaga niya ang ulo niya sa bintana para lang husgahan ako ng tingin.
Siraulo talaga 'to. Bahala ka diyan.
***
Hindi na naman nagpaparamdam si Lexie. Not sure kung dahil busy sa work niya o may kalandian na naman sa dating app.
Kapag hindi siya nagpaparamdam, hindi rin ako nagpaparamdam. Madalas sa madalas, siya talaga ang nauunang mag-chat sa aming dalawa. Ang rare ng pagkakataong mauuna ako, unless birthday niya, may tsismis ako, o may gusto lang akong ipa-confirm.
Sa totoong buhay naman kasi, wala naman ako masyadong kaibigan. Aside sa naiwan silang lahat sa ibang section at nahiwalay ako, mahirap magkaroon ng kaibigan kasi mapupuwersa kang gumastos.
May gala sila, gastos. Eat out, gastos. Gustong mag-swimming, gastos.
Kapag tahimik ako sa bahay, wala nga akong nagagastos. Kakain lang ako kapag nanginginig na ako sa gutom. Kaya ko namang maka-survive sa siomai rice o kaya kahit anong laman ng menu sa PaoTsin.
Mahirap sumama sa ibang grupo kasi nakakaubos ng pera.
Buti nga, naisipan pa nina Mikayla na isama ako sa grupo nila sa feasib. Ang problema ko lang talaga, yung pisteng chapter 2 na hindi pa namin nagagawa up to now.
Tatambay sana ako sa library kasi Friday na, Diyos ko, dalawang araw na lang, Lunes na naman na wala kaming nagagawang kahit na ano sa feasib namin.
Nagdadalawang-isip pa ako kung tatambay ba talaga ako sa library o sa coffee shop na lang sa tapat.
Kaso naisip ko na naman. Coffee shop. 135 pesos isang order ng kape, tarages. Gastos na naman.
Library na lang, libre pa.
Kompara sa library sa dati kong school, maliit lang ang library sa school namin. Hindi pa nga mukhang library. Mukha lang opisina ng registrar na ginawang bukas sa lahat.
Sobrang liit niya, para lang akong pumasok sa cubicle ng CR. Pero library pa rin naman 'yon. Ang kabila, tambayan ng mga estudyante. Doon sa tambayan, nakita ko na naman si Astro.
Recently, parang ang dali-dali na lang niyang makita, hindi ko rin maintindihan.
Imbes na magtiyaga sa maliit na library, lumapit na lang ako sa mahabang bench kung nasaan siya.
Nakatutok siya sa iPad niya. Pagsilip ko, nagta-type din siya roon.
"May nagawa na kayo sa feasib?" usisa ko.
"Sabi ni Mikayla, wala pa raw kayo. Ayaw na raw ni Ivy sa inyo, e."
"Letse siya, inuuna niya kalandian niya."
"Hahaha! Galet na galet?" natatawang sabi niya.
Totoo rin naman. Inuna pang makipag-date sa Pampanga, parang hindi gustong gr-um-aduate ng college.
"Chapter 4 yung sa 'kin," sabi ko sa kanya. "Sa costing 'yon. Hindi ko naman alam kung paano magko-costing, e wala nga silang binibigay na menu."
"Ano ba yung sa inyo?" tanong niya.
"Milktea-han."
"Parang ganyan din yung kina Rosalyn, a? Milktea saka coffee shop."
"Alam mo, parang gusto ko na lang ding magbenta ng kalapati."
"Hahahaha!" Ang lakas ng tawa niya, as if namang hindi sa kanila nag-originate ang idea. "Huwag kang mang-agaw ng concept!"
"Gusto ko na lang talagang mag-solo, promise," dismayadong sabi ko.
Ayoko talaga ng groupwork na puro turuan tapos walang nangyayari. Kakatingin ko pa nga lang ng Chapter 1 namin, isang page lang!
Ano'ng mapapala namin sa iisang page lang na Chapter 1, e nandoon lahat ng background of the study?!
"'Yong sa kalapati n'yo, mahirap?" tanong ko paglingon kay Astro.
"Madali nga. Saka may mga nahanap na kaming RRL site. Gumagawa na nga ako ng website saka mobile app namin, e."
"Huy, gago, seryoso?" tanong ko at napapaling ng upo paharap sa kanya. "Puwedeng lumipat sa inyo? Ayoko na sa grupo namin. Babagsak talaga ako, p're." Kinalabit-kalabit ko pa siya. "Sama mo 'ko, Astro. Kahit ako na sa print."
"Tanong mo muna si Ma'am Ortega kung makakalipat ka. Nakapagpa-check na kami, e."
"Puwede pa 'yan! Ilakad ko ngayon." Kinalabit ko na naman siya, para akong batang nanghihingi ng piso.
"Tanong mo si ma'am. Kapag pumayag, sabihin ko kina Jester, sali ka."
"Sabihin mo kina Jester, ako na sa print."
"May printer ako, man. Akin na 'yon."
Ngek?
"Ako sa Chapter 5!"
"Kompleto na kami. May gawa na kaming lahat. Iko-compile na lang."
"Ang sigasig n'yo namang mag-aral!" Napakamot na lang ako ng ulo. Lilipat pa ba ako o tuloy pa rin ako kina Mikayla?
Tang ina kasi, mabobobo na lang talaga ako rito, wala pa rin kaming nagagawa ni isa.
"Mahirap ba yung Chapter 2?" tanong ko na lang kahit mapait sa lalamunan.
Ang lapad ng ngisi niya sa akin.
"Ayokong bumagsak, p're! Isang tumbling na lang tayo, feasib na lang 'yan!" dagdag ko.
"Tulungan kita sa Chapter 2, bayaran mo na lang ako," alok niya.
Mukhang pera talaga 'tong hayup na 'to.
"Magkano?" naiiritang tanong ko.
Ngumisi na naman siya. Wala talaga akong tiwala sa taong 'to. Lumipat lang talaga siguro 'to ng program para manlamang ng kapwa tao.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top