Chapter 7: Smart
Kakapa-check pa lang namin ng questionnaires kay Ma'am Ortega. Sa 30 questions namin, 16 doon ang kailangang i-revise o kaya palitan.
Nagtanong na ako kay Ate Lengleng kung paano ba gagawa ng Chapter 1 to 4 ng feasibility study namin kasi hindi na talaga kaya ng utak ko. Dumaan pa talaga ako sa mini mart nila at binuntutan ko siya habang busy siya sa pag-i-inventory. Kaso noong kinausap ko siya, mas lalong hindi kinaya ng utak ko.
"Ano'ng nature ng business n'yo?"
Sumagot naman ako. "Gusto nila, milktea-han, Ate Leng."
"Oo nga, milktea. Pero ano ang nature and background? Ano ang mission and vision n'yo? Ano ang objectives n'yo? Ano ang conceptual framework . . ."
Nakatingin lang ako kay Ate Lengleng habang nagtatanong siya at nagbibilang ng lata ng gatas, pero ang utak ko, naroon na sa far away.
"Ate, doon lang daw po ako sa personnel plan saka sa financial plan," malungkot na sagot ko.
"Oo nga, doon ka nga. Pero hindi ka kasi makakapag-plan niyan kung wala kayong marketing plan, walang project area and target market, walang . . ."
Gumala na naman sa kung saan ang utak ko habang nagsasalita si Ate Leng.
Parang hindi yata ako meant maka-graduate ng college. Familiar ako sa mga sinasabi niya kasi lumalabas naman 'yon sa exam, pero ang hirap kasing i-digest.
Ang ending, pinagalitan lang ako ni Ate Leng sa kawalan ng idea sa feasib namin at sinabihan na lang akong unahin muna ang nature and background of the study para may idea siya kung paano ako tutulungan.
Ang sama ng timpla ko kinabukasan pagpasok sa Operations Management (OpMan). Kahit sina Mikayla, nate-tempt nang magpa-Recto para lang sa feasibility study namin. Partida, feasib pa lang 'yon, hindi pa thesis.
Tapos ang kaunti lang ng pumasok sa OpMan kasi magre-research daw sila kaya nakapag-excuse nang advanced ang iba kong classmate. Kahit nga si Sir Galinto, tinatamad na ring magturo. Namamapak na lang siya ng mani habang nagkakape. Buti pa si sir, pa-retire na. Hindi na niya problema ang feasib. Tamang pasok na lang sa klase pero hindi naman magtuturo 'tapos bayad na 'yon.
Naiwan ang grupo nina Astro sa room kasama ng ibang irregular classmate naming 4th year na may back subjects lang.
Kalapati pa rin ang topic nina Astro at inuusisa na sila ni Sir Galinto.
"Ano 'yong sa feasib n'yo, Jester?" tanong ni sir.
"Magbebenta saka magpaparenta ng kalapati, ser," sagot ni Jester. Nagtawanan na naman ang mga classmate ko damay ako. Kahit nga si sir, natawa na lang din. Pero ang tawa niya, hindi gaya sa tawa namin na nawiwirduhan sa idea. Ang tawa niya, parang natawa na lang kasi may pag-mention sa kalapati.
"Ano 'yon? Pangarera?" tanong pa ni sir.
"Sa ano, ser. Mga kasal, gano'n. Lamay o kaya mga event na kailangan ng white dove," sagot ni Jester.
"Angas, white dove!"
"English, p're! White dove? Yayamanin!"
"'Tol, yung kalapati natin, white dove na kulay gold!"
Sunod-sunod ang kantiyawan nila sa gitna ng room. Natatawa habang napapailing na lang si Sir Galinto.
"May market na kayo?" tanong na naman ni sir.
"Ser, marami kaming market!" proud pang sagot ni Gilbert. "Nakapagpasa na kami ng competitor analysis saka market segmentation kay Ma'am Ortega! Approved agad!"
Competitor analysis? Market segmentation? Parang wala pa kami n'on. Kailangan ba 'yon?
"May competitor ba kayo?" nakangiting tanong ni Sir Galinto.
"Dito sa area, ser, wala," sagot ng malalim na boses, si Astro na 'yon. "Kapag nakuha namin 'tong area, ser, masasakop na namin ang daigdig! Yung kalapati namin, ser, marunong mag-Mandarin! Kapag nag-hello ka do'n, sasagot 'yon, 'Sawasdee khap!'"
Ang lakas ng tawanan sa room kahit kakaunti na lang kami. Si Sir Galinto, masamid-samid na sa kape niya kakatawa.
"Paano kayo makakapag-conduct niyan ng research, hindi naman lahat ng tao, gusto ng kalapati?" natatawang tanong ni Sir Galinto.
"Ser, doon pa lang sa eskinita namin, ser, lahat ng tao do'n, may kalapati!" proud pang sagot ni Jester.
"Buti nakaka-relate ka, De Leon," sabi pa ni Sir Galinto. "May nagkakalapati sa inyo?"
"Gold 'yan si Astro, ser!" buyo ni Gilbert.
"Tatay mo, marine engineer, dapat sea lion binebenta mo, e!" sabi ni Jester kay Astro kaya ang lakas ng tawanan namin sa room.
"P're, tulingan nga dapat! Kaso mahal yellow fin!" sagot naman ni Astro. "Benta ko kaya si Spongebob who lives in the pineapple under the sea?"
Kapag sina Astro at grupo niya ang nag-uusap, parang araw-araw silang may tinitirang ipinagbabawal na powder. Partida, never ko pang narinig na may bumagsak sa kanila.
For some weird reason, ang talino nila pero parang kaduda-duda kung paano 'yon nangyari.
Natapos ang OpMan namin na kinakabag kaming lahat sa pagtawa.
Palabas pa lang ako ng room para sana kumain ng sizzling sisig sa malapit na sisigan nang sabayan ako ni Astro sa paglakad sa hallway.
"May Chapter 2 na kayo, man?" usisa niya sa malalim na boses.
"Wala pa nga. Gusto ko na ngang magpa-Recto, e."
"Gagi, mahal sa Recto. Saka recycle na lang karamihan ng file doon."
Napabuntonghininga na lang ako kasi hindi ko na talaga alam ang gagawin ko sa feasib namin.
"Saan ka?" tanong niya sabay dugtong ng, "Kain tayo."
"Magsi-sisig nga ako doon sa sisigan."
"Tara! Kain tayo."
***
Paborito kong sisigan itong I Heart Sisig. Maliit nga lang na sisigan at tago pa pero hindi nawawalan ng customer. Mura ang sisig nila, masarap pa ang java rice, unli pa ang sabaw ng baka. Gusto ko sanang i-gatekeep pero negosyo kasi kaya kailangang ma-expose para lalo pa silang makapag-expand.
Bakuran lang ng malaking bahay ang sisigan. Ang gara nga ng flooring, pebbles ang sahig. Ang mga mesa at upuan, parang binili sa IKEA at hindi sa kung saang general merchandise store lang sa talipapa. Wooden na may black iron frame. Iniisip ko pa lang kung paanong ang mura ng sisig nila, nahihigawaan na ako.
"Kumakain ka pala rito," sabi ni Astro habang nilalagyan ng kalamansi ang sisig niya.
"Every Tuesday lang. Kasi madalas, sa bahay na lang ako kumakain. Kaso may FinMan pa tayo mamayang after lunch kaya walang choice kundi mananghalian."
"Ang ganda ng ambience dito. Parang romantic ang pormada pero pang-barako ang servings."
Napatingin ako sa order niya. Three cups ang rice niya, kaya siguro solid ang muscles nito. Naalala ko na naman ang display photos niya sa dating app. Puro gym posing siya doon.
"Ano yung market segmentation n'yo?" tanong ko bago sumubo ng tanghalian ko. "Parang wala kasi kaming gano'n sa feasib namin."
"Wala pa nga kayong Chapter 1, di ba?"
Sumama na naman ang loob ko. Lalo lang akong nate-tempt magpa-Recto, haaay.
"Kapag ba magbebenta ng kalapati, kailangan ding may market segmentation?" tanong ko, ipit ang pagkain ko sa kanang loob ng pisngi.
"Siyempre, kailangan n'on! Mababatukan kami ni Ma'am Ortega kung wala, gagi ka ba?"
"Ha–" Patawa pa lang ako pero tinakpan ko agad ang bibig ko bago ko pa mabuga. Sayang yung sisig.
"Mukha lang kaming hindi seryoso, Syl, pero seryoso talaga kami."
Ramdam ko, seryoso naman talaga siya. Kaso kasi, hindi ko talaga kayang seryosohin ang lahat ng lumalabas sa bibig niya.
"Ganito 'yon, Syl. Tunog matalino lang 'yang market segmentation, pero napaka-basic lang ng hinayupak na 'yan." Sumubo pa muna siya saka nagsalita habang ngumunguya. "Sa segments namin, meron kaming dalawang option. Daily clients saka captive clients. Ang daily clients namin, 'yong mga naghahanap talaga ng kalapati na pangarera. Araw-araw, sa eskinita kina Jester, marami niyan. May mga batang naghahanap niyan. Kahit yung mga matatanda na, naghahanap din niyan. Pero ang big time clients na dapat naming i-meet, yung captive clients. Kasi sa captive clients namin, dapat maramdaman nila na wala silang ibang choice na pagkunan ng kalapati kundi kami lang. Gets mo ba?"
"Legal ba 'yan?"
"Legal 'yan, Syl!" Pumalakpak pa siya nang isa saka ako itinuro. "Alam mo yung BNRS?"
"Ano 'yon?"
"Sa DTI 'yon."
"Oooh." Namilog ang bibig ko. "Ano yung sa DTI?"
"Kapag nagrehistro ka ng negosyo, kunwari kami, magbebenta kami ng kalapati. May option 'yon. Philippine Standard Industrial Classification."
"Angas, spell."
"P . . . lippine."
Muntik ko nang mabuga yung java rice na nginunguya ko. Ang lakas ng hagalpak ko nang tumalikod sa kanya, halos pagtinginan na ako ng ibang customer sa loob, o kahit ng mga nasa cashier counter.
Hindi ko talaga dapat isinama 'to sa pagkain! Baka bukas pa ako matapos sa sisig ko!
Pigil-pigil ko ang pagtawa nang bumalik sa upuan. "O, tapos anong meron sa Philippine chenelyn?"
"O, 'yon nga. Magre-register, di ba?"
"Oo. Tapos?"
"May agriculture doon. Crop and animal production."
Napatango-tango ako. "Oo, gets. Tapos?"
"Sa Section and Division n'on, sa Agri. Sa group and class, raising of poultry maliban sa manok. Kasi may sariling class 'yon. Sa sub-class, under ng Not Elsewhere Classified ang pigeon. Pero overall, makikita mo 'yon sa DTI. So kung may classification 'yon sa PSIC saka sa ISIC, legal 'yon, man. Kayang irehistro 'yon."
Natahimik ako at napatitig sa itaas. Bakit parang tunog legal na nga, pero kapag galing kay Astro, parang hindi?
"Kaya nga talagang binubusisi namin yung target market segment strategy namin kasi maraming event agencies na naghahanap talaga ng kalapati. Sa service strategy, sisiw na lang 'yon. Ang tagal mo namang kumain."
Napatingin ako sa sizzling plate ko. Isang sandok pa lang ang nababawas. Pagtingin ko sa plato niya, wala na yung tatlong cup ng rice!
"Saan mo dinala yung pagkain mo?!" hiyaw ko sa kanya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top