Chapter 4 : Panic
4 : Panic
"Siz, ang aga mo yatang magising?" Tanong sa akin ni Mandy na bagong gising at kinukusot-kusot pa ang mga mata niya. Kasunod niya ring nagising ang kapatid niyang si Maldi. Nginitian pa niya ito at kunurot ng marahan ang ilong ng kapatid. "Good morning bibi boi," aniya.
"Good morning ate!" Tumayo ito sa higaan at tumalon ng tumalon. "Good morning ate Eunice!" Bati nito sa akin kaya ngumiti na lamang ako sa kaniya bago tumingin muli sa nakabukas na TV.
Naramdaman kong tumabi si Mandy sa akin kaya napatingin ako sa kaniya. Kap'wa kaming naka-upo sa maliit na sofa, na ang kaharap ay 'yung mismong TV.
"Siz, bakit kako ang aga mong magising?" Pag-uulit niya sa akin ng tanong.
"Nabalitaan mo na ba 'tong mga 'to?" Tanong ko sa kaniya bago ituro ang balita sa TV. Katulad ng kanina sa social medias, at ilang mga websites, parehas pa rin ng topic. Tungkol pa rin 'yon sa suicide cases na umuusbong sa buong mundo. "Sobrang... weird," tangi ko na lamang ani nang may makunan ang camera ng mga reporters na isang lalaki na pinatay ang sarili niya sa loob ng simbahan gamit ang krus na hawak ng pari. Napangiwi pa kaming sabay ni Mandy dahil do'n.
"Teka... all around the world?" Basa ni Mandy sa headline ng balita. "Nakakatakot naman," aniya. "Teka nga," dagdag niya bago tumayo at kuhain ang cellphone mula sa desk sa tabi ng kaninang hinihigaan nila ni Maldi.
"Anong gagawin mo?" Tanong ko sa kaniya pagbalik niya sa sofa.
"I should contact dad. Gusto kong malaman kung anong nangyayari. Bakit parang ang weird ngayon ng mga tao," she almost whispered. Nagtype siya ng numero sa cellphone niya bago ito itapat sa kanang tainga niya.
Nanatili akong nakafocus sa pinanunuod kong balita. Ayon dito, patuloy pa rin na lumalago ang bilang ng mga suicide cases. Ang nakakapagtaka, bago magpakamatay ang mga dawit sa pagpapatiwakal, pumapatay muna sila. After that, nagpapakamatay na sila. Lahat ng mga nagsusuicide, gano'n ang ginagawa ayon sa mga pulis at detective na naassign sa mga tasks na 'yon.
Parang...
Katulad na katulad ng nangyari kay kuya Elmer kagabi.
Posible kayang 'yun din ang dahilan kung bakit biglang nag-iba si kuya Elmer kagabi?
"Hello dad," narinig kong sabi ni Mandy mula sa kabilang linya. "We're okay. Maldi is here. Naglalaro siya sa iPad niya. Wait. Ano po bang nangyayari? Nanunuod kami ngayon sa balita. Bakit ang daming nagpapakamatay?" Tanong ni Mandy sa kabilang linya.
Mandy's dad is a Doctor. Her mom died almost 3 years ago. Busy mas'yado ang daddy ni Mandy kaya nasa kaniya si Maldi.
"Okay dad. Ingat ka rin. Love you," huling saad ni Mandy bago niya ibaba ang phone sa mini-table na nasa harap namin, bago ang TV.
"Anong sabi?" Curious kong tanong.
Nagkibit-balikat siya. "Kahit daw sila hindi nila maintindihan. Sabi niya, noong una ang hinala ng mga doctor ay drug intake ang dahilan. Pero no'ng sinuri raw nila, wala namang silang nadetect na drug or chemical sa katawan ng mga pasyente. Hindi nga raw nila alam kung bakit nagpapakamatay ang mga pasyente nila. Ang sabi ng kaibigan ni daddy na pulis, walang history o dahilan ang mga pasyente para magpakamatay. Kaya nagkakagulo ngayon ang ospital sa buong Luzon dahil tumataas pa rin ang bilang ng suicide case."
Sandali akong natahimik. "Posible kayang ang nangyari kay kuya Elmer kagabi ay connected sa nangyayari ngayon sa mundo?" Tanong ko sa kaniya.
"Hi-hindi ko alam," aniya. Napatingin siya kay Maldi sa likuran. Tuwang-tuwa itong naglalaro ng iPad. Hindi nito alam kung anong nangyayari ngayon sa labas. Gaya namin, wala siyang alam sa kung anong nangyayari ngayon sa mundo at kung bakit ito nangyayari. "Sabi ni dad 'wag daw tayong magpanic. Katulong nila ang gobyerno sa paglutas sa kaso na 'to."
Muli akong napatingin sa TV. Kabi-kabila ang mga interview sa mga opisyales ng Malacañang. Pati ang mga sasabihin ng WHO o ng World Health Orgnization, nasa balita.
"Hello?"
Napalingon ako kay Mandy. May kausap siya ulit sa cellphone niya. Tumayo siya at pumunta sa kama, kung nasaan si Maldi.
"Ngayong araw!?" Gulat na saad ni Mandy kaya naman bigla akong kinabahan kahit hindi ko pa alam kung tungkol saan ang pinag-uusapan nila ng nasa kabilang linya. "Ba-bakit daw? Hi-hindi naman sakit 'yon hindi ba?" Tanong niya sa kausap niya sa kabilang linya.
Ilang minuto pa, binaba ni Mandy ang telepono at nanlalaki ang matang napatingin sa akin.
"Anong meron?" Inosenteng tanong ko kahit kinakabahan na ako.
"Kausap ko si Claude. Isasarado ang buong Luzon. Mayroon daw tayong 48 hours para lumabas ng Luzon o para lumabas at mamili ng mga supplies for the next two weeks. After ng 48 hours, wala ng papayagan na pumasok at lumabas sa Luzon. Sa mga bahay rather. Marami raw magpapatrol na mga pulis sa buong sulok ng Luzon kaya walang palalabasin. Dahil 'yon diyan," ani Mandy bago tinuro ang balita sa TV.
"Anong gagawin natin?" Tanong ko sa kaniya.
"Hi-hindi ko alam. Siguro dapat mamili muna tayo ng mga supplies?"
- - -
Ginamit ni Mandy ang personal car niya. Minsan lang niya ito gamitin dahil wala naman kaming mapagpaparkan nito sa pharmacy.
Kasama namin si Maldi na nakatingin lang sa labas ng bintana ng kotse.
Maraming tao sa kalsada. Ang gulo-gulo nga ngayon e. May mga pakalat-kalat sa bawat gilid ng kalsada. Minsan sa gitna mismo ng daan may mga tao na nagtatakbuhan. Lahat siguro sila nabalitaan ang mangyayaring lockdown sa Luzon kaya lahat sila nagpapanic.
Ilang beses kaming muntik na makabangga ng taong dumadaan sa gitna ng kalsada, at mga motorsiklong ilang beses na nag-oover take. May kahabaan din ang traffic ngayon sa street na dinaanan namin nila Mandy. Isang unusual thing na nangyayari dahil wala naman mas'yadong dumaraan sa street na ito dati. Pero ngayon, humaba ang pila ng mga kotse.
Buti na lang at malapit lang ang grocery store rito sa amin. 'Yun nga lang inabot pa rin kami ng isang oras dahil sa masikip na daloy ng traffic. Dapat sampung minuto lang namin babaybayin ang street na shortcut papuntang grocery store e.
Nagpark kaagad si Mandy sa free space sa labas ng grocery store. Last na ang naukupa naming space dahil marami pa ring mga nagdadatingan na mga mamimili. Sobrang gulo ng mga tao. 'Yung iba kung saan-saan nalang nagpark mg mga kotse nila. Dahil sa dami ng tao, hindi na sila nasusuri ng mga security guards. Hinahayaan na lang nila ang mga customer na pumasok at lumabas. Hindi na natupad ang polisiya ng grocery store.
Binuhat ni Mandy ang kapatid niya para hindi ito mawala sa paningin namin.
"Ako sa emergency kit at hygiene kit. Ikaw na ang bahala sa mga foods and beverages," ani sa akin ni Mandy. Tumango naman ako sa kaniya at tinahak namin ang magkabilang daan pagpasok sa loob ng grocery store.
Ang daming tao sa loob.
Ang ingay din.
'Yung iba, pinapakyaw na lahat ng mga makikita nila. Mabilis din kumilos ang lahat. Ayaw nilang magpahuli. Nagkakaroon pa nga ng mga aberya at minsang may mga nag-aaway sa kumpulan ng mga tao. Lalo na sa cashier kung saan sobrang haba ng pila.
Dumaretso ako sa dulong parte ng grocery. Kumuha ako ng tray kung saan ko ilalagay ang mga ipamimili ko. Mas'werte pa akong maituturing dahil hindi pa ubos ang mga can goods at noodles sa parteng ito ng grocery. Kumpleto pa rin ang mga coffee, milk both fresh and powder, at kung anu-ano pang pagkain na kailangan sa mga ganitong panahon.
Kinuha ko na lahat ng nakikita kong can goods. Alam kong ang ganitong uri ng mga grocery ay palaging may stock. Pero this time, mukhang wala na kaya kinuha ko na lahat ng nakikita ko. Mukha akong makasarili, pero gaya ng mga tao rito sobra rin akong nagpapanic. It's two week lockdown, hindi kami p'wedeng lumabas ng bahay within that two weeks.
Kumuha rin ako ng mga frozen goods at mga gulay. P'wede pa naman kaming magluto sa apartment dahil may gas pa naman kami at pareho kami ni Mandy na marunong magluto. After that, sinugod ko ang bigas. Kumuha ako ng sampung kilo ng bigas, dahil 'yun lang ang kaya kong bitbitin. Mabigat pa nga ito para sa akin.
"Miss, ako na po."
Napalingon ako sa likuran ko. Isa itong lalaki na naka-uniporme na panggrocery. Mukhang worker siya rito.
"Hi-hindi na. Ayos lang ako," ani ko. Akala ko aalis na siya pero kinuha niya sa akin ang sampung kilo ng bigas na bitbit ko at siya na ang nagdala nito. Wala akong nagawa kundi magpasalamat sa kaniya. Kumuha ako ng ilang bote ng tubig bago tuluyang pumunta sa pila ng cashier kung saan sobrang haba ng pila.
Nagpalingon-lingon ako sa buong grocery. Hinahanap ko si Mandy at Maldi.
Marami pa ring mga customer na inaaway ang mga cashier dahil sa bagal ng usad ng pila. Hindi ko naman masisisi ang mga cashier kung sobrang dami ng pinamili ng bawat customer. Talagang babagal sila dahil ginagawa lang naman nila ang mga tungkulin nila.
"Nasaan ka na ba Mandy?" Pabulong kong sabi sa sarili ko.
Habang lumilingon-lingon sa buong grocery, may napansin akong isang babae na sobrang weird ng inaakto. Kinabahan ako bigla dahil tulad ni Kuya Elmer noon, bigla na lamang itong bumagsak sa sahig at nangisay. Lahat naman ng tao sa grocery napasigaw at napatingin sa babae na nasa sahig at nangingisay.
Hindi p'wede 'to.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top