Chapter 5 : Doubled

5 : Doubled


"Takbo!" Ani sa akin ng worker ng grocery na tumulong sa akin sa pagbubuhat ng bigas. "Susunod ako sa'yo, basta mauna ka nang lumabas!" Aniya pa kaya wala akong ibang nagawa kung 'di lumabas ng grocery dahil sobra akong natataranta.

Ang daming tao na nagsisiksikan sa maliit na glass door ng grocery store. 'Yung iba naman parang gulat na gulat at hindi naiwasang himatayin sa nakita. 'Yung iba hindi makapaniwala at napako sa kinatatayuan. Sila ang mga unang tinarget ng babaeng kanina lang ay nakahandusay sa sahig. Hindi lang siya nag-iisa. Mula sa dulong stalls, kung nasaan ang mga batteries at iba pang SOS items, may dalawa pang lalaki na bigla-bigla na lang dumadagit ng mga taong nakikita.

'Yung isa sa kanila, may hawak na kutsilyo. Tingin ko galing siya sa kitchen tools department ng store. Akala ko grocery store itong napuntahan ko. Mukhang all-in store yata 'tong napasukan namin ni Mandy. And speaking of Mandy, natataranta ako dahil wala pa siya rito sa kotse. Hinayaan kong ilagay ng worker 'yung bigas na bitbitan niya sa likod ng kotse.

"M-miss una na ako!" Aniya.

"S-sige salamat ng marami," tugon ko sa kaniya. Lahat ng bitbit ko, nilagay ko na rin sa compartment ng kotse. Dala ko pa nga 'yung de gulong na tray dahil hindi ko alam kung paano bibitbitin lahat ng mga pinamili ko. Kabadong-kabado na ako dahil hindi ko alam kung nasaan na sila Mandy. Mas nag-aalala pa ako kay Maldi dahil bata pa 'yon at hindi niya dapat nakikita ang mga ganitong senaryo.

Gusto kong bumalik sa loob dahil hindi na ako mapakali sa kotse. Lalo't nakikita kong ang daming mga kumpulan ng tao na lumalabas pa sa store. 'Yung iba nasasagasaan na ng mga dumadaang kotse at motorsiklo mula sa labas ng store. Pero karamihan sa kanila, walang pakialam basta't makalayo lang sa mga taong 'yon. Hindi ko alam kung dapat ba sa kanila ang salitang infected dahil hindi pa naman alam kung sakit ba ito, o murderer dahil sa ginagawa nila.

Nakumbinsi ko na ang sarili ko na pumasok muli sa loob ng store, nang biglang lumabas ang isa sa tatlong infected o murderer mula sa store. Siya 'yung may hawak na kutsilyo. Napako ako sa labas ng pintuan ng kotse ni Mandy. Nakita ko kasi kung paano niya dagitin 'yung buhok ng isang babae na lumalayo sa kaniya. Sobrang bilis ng mga pangyayari. Namalayan ko na lang na dumudugo ang leeg ng babaeng hinablot niya. Mas lalo tuloy naging magulo ang mga tao.

Akala ko tapos na siya sa ginawa niyang paglaslas sa leeg ng babae. Pero hindi pa siya nakuntento dahil pinutol niya ang parehong mga tainga nito. Pagkatapos ay nilagay sa mga bibig niya at nginuya-nguya. Doon ako napapasok sa loob ng kotse. Hindi ko alam kung anong dapat na maramdaman. Parang bumabaligtad ang sikmura ko at hindi ko masikmura ang nakita ng mga mata ko.

Wala sa tamang kaisipan ang taong 'yon.

Nakita ko pa mula sa bintana ng kotse kung paano niya putulin ang sarili niyang dila gamit ang kutsilyong nakuha niya mula sa store. Pagkatapos no'n ay tumawa pa siya at hinagis sa mga nagtatakbuhang mga tao ang dila niya. Pagkatapos no'n, ang pinakanakakadiring bagay na ni minsan hindi ko naisip, ay nakita mismo ng mga mata ko, at ng mga taong malapit sa lugar ng lalaki.

Binaba niya ang suot niyang pang-ibaba. Ang pantalon niya. Pagkatapos, ang suot niyang underwear. Tumambad sa amin ang pagkalalaki niya kaya naman agad kong iniwas ang tingin ko. Alam ko na ang susunod na mangyayari, at sobrang nakapanlulumong makita mismo 'yon. Naiyak na lamang ako habang nasa loob ng kotse. Hindi ko alam kung nasaan na sila Mandy at Maldi ngayon. Hindi ko alam kung paano makakaalis dito dahil dala ni Mandy ang susi ng kotse.

Napayuko ako sa manibela habang tahimik na umiiyak. Ano bang nangyayari ngayon? Bakit parang ang gulu-gulo? I mean, yes, talagang magulo sila, pero bakit? Hindi pa rin malinaw sa akin ang mga nangyayari. Hindi na kaya pa ng sarili ko kung makakakita pa ulit ako ng kahindik-hindik na pangyayari. Hindi na kakayanin pa ng sikmura ko. Baka bumigay na ang sistema ko kapag nakakita pa ako ng mga ganitong uri ng senaryo.

Halos tumalon ang puso ko nang may kumatok sa bintana ng kotse. Agad kong inangat ang mga tingin ko at nakita ko roon si Mandy at Maldi. Kaya agad kong binuksan ang pintuan at agad na pinapasok sila Mandy. Hinagis kaagad ni Mandy ang susi sa akin kaya wala na akong inaksayang oras at binuhay na ang makina ng sasakyan. Mas nataranta ako dahil umiiyak si Maldi at pilit na pinapatahan ni Mandy sa backseat.

"Nakita mo ba 'yung nangyari kanina? Hindi ko kinaya! Akala ko talaga maaabutan kami nung babae. Akala ko kanina mamamatay na kami ni Maldi! Nakita ko kanina 'yung lalaki sa tapat ng store! Pinutol niya ang sarili niyang ari sa harap ng maraming tao! Wala na siya sa katinua---"

"Mandy huminahon ka! Naririnig ka ng kapatid mo. Tsaka na natin 'to pag-usapan, kapag naka-uwi na tayo," sabi ko sa kaniya habang ingat na ingat sa pagmamaneho. Ang dami kasing nakaharang na kotse sa daan. Nakaharang sila sa mismong daanan kaya kabadong-kabado ako dahil baka may masagasaan o magasgasan akong kotse.

Nanatiling tahimik si Mandy at pinapatahan pa rin ang kapatid niya. "Shhh Maldi. Stop crying na. Nandito na si Ate," pagkumbinsi niya sa kapatid niya na mariing nakayakap sa kaniya. Mula sa rear view mirror, nagkatinginan kami ni Mandy ng makahulugan.

- - -

"A-akala ko maaabutan kami ng babae kanina," panimula ni Mandy. Naka-uwi na kami. At ang mas nakakagulat, kung anong traffic nang papunta kami, siya namang bilis ng pag-uwi namin dahil wala na halos dumadaan sa dinaanan namin. Natutulog na rin si Maldi ngayon pagka-uwi namin. Nakatulog kakapatahan ni Mandy sa kaniya. "Nang nasa medical kit na kami ni Maldi, binaba ko muna siya para makuha ko lahat ng kailangan ko. Pero nakarinig ako ng mga tilian kaya agad kong binuhat ulit si Maldi. Pagkatapos no'n, tatakbo na sana kami palabas. Kaso humarang 'yung babae na may dalang palakol. Nagpa-ikot-ikot kami sa buong store hanggang sa ibagsak ko ang isang stall para lang hindi na kami masundan nung babae," nanginginig niyang pagkuk'wento bago uminom ng tubig.

"Kaya pala ang tagal bago kayo nakalabas ng store," wika ko kaya tumango siya. "Pero at least, nakuha natin ang mga pakay natin at walang nangyaring masama sa atin. Siguro tama nga talaga na magkaro'n ng lockdown ang Luzon. Nakakatakot nang lumabas ngayon," sabi ko pa bago mapatingin sa lamesa kung nasaan lahat ng mga pinamili namin.

Kumpleto ito at sa tingin ko naman ay aabot hanggang sa matapos ang lockdown.

Nagring ang cellphone ko kaya napatingin ako sa screen. "Sandali lang Mandy, tumatawag si mama," ani ko bago lumayo at pumunta sa tabi ng bintana. Sinagot ko ang tawag at agad na bumungad sa akin ang nag-aalalang boses ni mama. "Hello ma? Ayos ka lang ba?" Bungad na tanong ko rito.

"A-anak! Ayos ka lang ba!? Napanood mo na ba ang balita!?" Tanong niya sa kabilang linya kaya agad kong nilayo ang cellphone sa tainga ko. "Anak 'wag ka munang lalabas. Delikado. Ayos lang ba kayo diyan!?" Dagdag pa niya.

"Ma hinahon. Ayos lang po kami. Kayo ba diyan?" Tanong ko.

"Ayos naman kami ng papa mo. Mabuti't may stock pa kami rito sa bahay. Pero hindi ko alam kung aabot pa ito hanggang sa matapos ang lockdown. Kakailanganin naming lumabas para bumili---"

"Huwag!" Agad kong sigaw nang maalala kung anong nangyayari ngayon sa labas. "Ikaw po ang nagsabi sa akin na delikado ngayon sa labas. Lalo't hindi pa natin alam kung ano talagang nangyayari. Hayaan mo po ma, uuwi po ako diyan sa makalawa para hatiran kayo ng groceries. Sobra-sobra naman po ang pinamili namin ni Mandy. 'Yung mga kulang, diyan ko na lang po bibilhin," saad ko. "Basta 'wag na 'wag kayong lalabas ni papa ha," bilin ko pa.

"Okay anak. Mag-iingat ka ha. Eto pala papa mo. Inaagaw 'yung cellphone sa akin---hello baby? Mag-iingat ka riyan ha. Miss ko na ang baby girl ko," sabi ni papa sa kabilang linya kaya naman kumurba sa labi ko ang isang ngiti.

"Naku naman papa. Baby girl pa rin ang tawag niyo sa akin. Eh ang laki-laki ko na," giit ko.

"Kahit matanda ka na, baby girl pa rin kita. Osiya, I love you. Inaagaw na ng nanay mong inggitera ang cellphone sa akin. Teka ano ba! Kausap ko pa ang anak mo! Ikaw talaga. Ayaw mong patigil ha!---teka ano ba! Hihi nakikiliti ako! Sige na anak! Babye! I love you muwah! Itong tatay mo kinikiliti---hihi! Ano ba!"

Pinatay ko na ang telepono dahil wala na akong maintindihan sa kanila. Natatawa lang ako dahil hanggang ngayon, hindi pa rin nagbabago ang mga magulang ko. Mahal na mahal pa rin nila ang isa't-isa. Kaya hindi ako papayag na lumabas sila ng bahay nila ngayon. Nakakatakot pa naman ngayon sa labas. Hindi rin naman kasi talaga namin alam kung anong nangyayari ngayon.

"EUNICE!" Muntik ko nang mabato ang cellphone ko dahil sa sigaw ni Mandy. Napatakbo tuloy agad ako sa sala kung nasaan siya.

"A-anong nangyari!?" Kinakabahan kong saad. Pero imbis na sumagot, tinuro lang niya ang nakabukas na TV kung saan pinapalabas ang balita. Napatingin naman ako roon, at binasa ang headline. "Doubled cases," pagbasa ko roon bago pakinggan ang mismong balita.

"---na sa loob lamang ng halos tatlong oras, lumobo na ang bilang ng kaso ng pagpapatiwakal sa buong mundo. Doble pa ito sa naitalang kaso ng WHO kaninang umaga. Nangunguna sa may pinakamaraming kaso ang bansang Taiwan na mayroon ng 500 bilang ng kaso ng suicide. Sumunod dito ang mga bansang Indonesia at Malaysia. Samantala, ang Malacañang ay nagdedeklara na ng lockdown sa buong Luzon dahil sa naitalang 150 na kaso ng suicide sa Luzon. Kaunti pa man, ngunit naghahanda na ang gobyerno para sa krisis na ito na hindi pa rin tukoy maging ng WHO kung anong pinagmulan."

Napatingin ako kay Mandy.

At tulad ng nararamdaman ko, bakas din sa mga mata niya ang takot.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top