Chapter 2
"BANGON NA. Tanghali na."
Naalimpungatan ako sa tinig ng aking ina. Marahan akong bumangon mula sa aking pagkakahiga. "M-Ma?"
Nasa hapag siya at naghahanda ng pagkain. "Halika na, kumain na tayo. Mamayang gabi pa darating ang papa mo mula sa bago niyang raket. Alam mo na, kailangan niyang kumita dahil tambak ang bayarin natin."
Kinusot ko ang aking mga mata para lang papaniwalain ang sarili ko na hindi ito panaginip lang. Nandito nga ako sa kubo namin. Bumangon ako at lumapit sa kanya. "M-Ma, kanina pa po kayo nandito?"
Humarap siya sa akin at ngumiti. "Hindi naman ako umalis, ah?"
Isa-isa nang naglandas ang mga luha ko. Tumakbo ako sa kanya at mahigpit siyang niyakap. "M-Ma..."
"Shh... Bakit umiiyak ang anak ko?"
"M-mahal na mahal kita, 'Ma..." Sobrang na-miss ko siya. Pinipilit ko lang siyang kalimutan pero palagi ko pa rin siyang naiisip. Alam ko na sobra-sobra ang pag-aalala niya sa akin.
Kumalas siya sa akin at hinaplos ang mukha ko. "Mahal na mahal din kita..." Namuo ang luha sa kanyang mga mata. "Kailan ka ba babalik?"
Napabalikwas ako ng bangon na may mga luha ang mga mata. Sabi na nga ba – hindi totoo!
Siguro ay dahil miss na miss ko na si Mama kaya napanaginipan ko na naman siya. Kumusta na kaya siya? Ano na kaya ang kalagayan niya? May gamot kaya siyang iniinom? May pagkain kaya siya? Napakahirap namin. Sobrang hirap mula nang magkasakit si Mama at kinailangang maoperahan.
Naibenta ang mga gamit namin, napalayas kami sa tinitirahan, at nahinto rin ako sa pag-aaral. Sa edad na twenty four ay third year college pa lang ako. Kinailangan kong huminto dahil walang-wala na talaga kami.
At si Papa... mula nang isinama siya ng kanyang kaibigan para sa isang big time raket daw ay hindi na muling bumalik. Maski ang magparamdam ay hindi niya na nagawa.
Parang ako ngayon, bigla na lang din akong nawala...
NAPALUNOK muna ako bago buksan ang pinto ng mansiyon. Mula nang makaharap ko ang lalaking 'P' lang ang pangalan ay hindi na muling na-lock ang kinaroroonan kong kwarto. Hindi pa rin naman ako lumalabas maliban na lang ngayon na tinawag niya ako.
Kung noon na hindi ko pa nakikita ang kanyang itsura at sa dilim ko lang siya nakakasama, nagagawa ko siyang harapin, ngayon ay nanghihina na ako kapag kaharap na siya. Ibang-iba ang pakiramdam dahil nakikita ko na siya nang harapan.
Nakakapanghina. Nakakaubos lakas. Parang hinihigop ng mga mata niya ang kaluluwa ko. At muli, bumalik ang dating takot na akala ko ay nawala na sa aking puso.
Akma ko pa lang hahawakan ang seradura nang kusang bumukas ang pinto. Napatingala ako nang bumungad sa aking ang isang lalaki. Madilim at nakasimangot ang guwapong mukha nito. Si P.
"Get in."
Sumigid sa katawan ko ang lamig ng kuwarto. Manipis lang ang suot kong t-shirt at palda, pero ang aircon niya rito ay nakatodo yata. Napayakap ako sa aking katawan. Nang makita niya ang panginginig ko ay tinaasan niya ako ng kilay.
"What do you feel right now, Aiko?"
Ang tiyan ko ang sumagot. Tumunog ito. Gutom na kasi ako. Napatingin tuloy ako sa mesa niya kung saan puno iyon ng napakaraming pagkain. May mga prutas pa.
Nang makitang doon ako nakatingin ay umigting ang kanyang panga. Hindi niya ako nililingon. Matagal siya bago nagsalita. Nanatili muna siyang nakatalikod sa akin. "I want to starve you but I must let you eat."
Nagliwanag ang mukha ko. Ipapakain niya ba sa akin ang mga pagkain niya?!
"You're lucky because you're pregnant–"
Biglang bumukas ang pinto at iniluwa nito ang isang matangkad at napakaguwapong lalaki. "Pregnant? Who's pregnant?" tanong nito na sa akin nakatingin ang pilyong mga mata. Sino ito?
Si P naman ay nagdilim ang mukha nang makita ang lalaking dumating. "Can't you knock?!"
"Oh, come on, P! We've been looking for you for almost six months!"
P... ulit ko sa isip.
P din ang tawag ng mga ito sa kanya? Wala ba talaga siyang ibang pangalan bukod doon?
"Get out, Borgy," sabi niya sa kararating lang na lalaki na Borgy pala ang pangalan.
"Come on, man. I'm with Conrad."
Pihadong ang tinutukoy ni Borgy na Conrad ay iyong lalaki na kasunod niya. Matangkad din ito, makinis ang balat, bagay na bagay sa suot na puting plain shirt, puti rin na jeans, at puti na slides sa malilinis nitong mga paa na may mahahabang daliri. Wala itong imik na umupo sa tapat ng mesa. Humarap ito sa akin bago humalukipkip. Napakaguwapo rin nito.
Sa kanilang tatlo, mukhang ang Conrad na ito ang tahimik. Hindi ito nagsasalita na di tulad ni Borgy na kanina pa sinesermunan si P.
"How are you too, Borgy? What's up, man? I missed you!" pang-aasar ni Borgy na tila kinakausap ang sarili. Hindi marahil ito natuwa sa malamig na bungad ni P.
"I'm busy," tipid na tugon ni P.
"Busy with your girlfriend?" Sa akin nakabaling si Borgy. "And what the hell? Bakit ang dungis nito? Ganito na ba bagong fetish mo?" Lumapit sa akin ang lalaki. Napaatras ako nang hawakan nito ang aking pisngi para alisin ang kung ano mang dumi ang naroroon.
Nahiya naman ako dahil dalawang araw na kasi akong hindi naliligo. Hindi naman kasi ako umaalis, hindi na rin pumupunta si P sa kuwarto ko, kaya para bang hinang-hina ako. Maski sa pagligo ay tinatamad ako. O baka dahil lang sa kalagayan ko ngayon.
Hindi naman na-offend si Borgy sa aking tahasang pag-iwas dito. Cool pa rin ito. Ngumiti pa nang simpatiko. "What's your name, beautiful?"
"What do you want, Borg?!" tila kulog na naman ang boses ni P.
Napangisi si Borgy. "It's simple, Pocholo D. Montemayor Saavedra."
Montemayor-Saavedra? Nanlaki ang aking mga mata sa narinig na itinawag sa kanya. Isa siyang Montemayor-Saavedra? At Pocholo... Pocholo ang tunay na pangalan niya?!
Montemayor... Iyon pa lang ay isa ng mayaman at makapangyarihang angkan sa Asya. Walang hindi nakakakilala sa kanila dahil sikat sila. Halos lahat ng establisyemento sa Pilipinas ay pag-aari nila. Bukod pa roon ay may mga ari-arian din sila sa iba't ibang bansa.
At isa rin siyang Saavedra na isa pang kilalang apelyido. Kung ganoon ay tama nga ako na hindi siya basta-basta. Pero ano ang ginagawa ng isang Montemayor-Saavedra sa ganitong liblib na lugar? Bakit ikinukulong niya ang sarili niya rito?
Bakit siya nagpapakalunod sa pag-iisa, sa kalungkuyan, at sa alak? Ano ba talaga ang problema niya? At ano ang kinalaman ko sa kung ano mang problema ang dinadala niya?
Humakbang si Borgy patungo kay P... o Pocholo. "Man, I want you to get your ass up and get back to the mission. The headquarters need you."
"I'm not coming back," matigas na sagot ni P... o Pocholo.
Kumuyom ang kamao ni Borgy. "Damn, man. Your older brother is–"
Kinuwelyuhan ni Pocholo si Borgy. "Fuck you!"
"You are not helping yourself, P! Hanggang kailan mo ipagluluksa ang pagkamatay ng kuya mo? Umuwi ka na! Hinahanap ka na rin ng parents niyo!"
Namatayan si Pocholo ng nakatatandang kapatid?!
Napaatras ako at napalingon sa isa pang lalaki sa kuwarto. Iyong Conrad na kalmadong nakatingin lang ito sa dalawa at mukhang wala man lang balak umawat. Hindi ko na natiis na hindi ito lapitan. Kinalabit ko ang lalaking tahimik na nagngangalang Conrad. "Mister?"
Hindi man lang ako nito nilingon, ni pinansin.
"Hindi niyo po ba sila aawatin?" tanong ko.
Hindi pa rin ito kumibo. Ang sungit naman ng lalaking ito.
Itinulak ni Pocholo si Borgy bago talikuran. "I just need some time."
"You don't need time. Nag-aalala sa 'yo ang mommy mo. Hindi ka naman nila magawang puntahan dito kahit na-traced na nila kung nasaan ka, dahil tiyak na magwawala ka. Ano ba? Bumabalik na naman ba ang sumpong mo?!"
"Shut up!" Pagkasabi'y lumabas ng pinto si Pocholo. Pabalibag niyang ibinagsak pasara ang pinto. Mukhang nakalimutan niya yata na narito pa ako.
Napabuntong-hininga naman si Borgy. "Damn it! Until now, wala ka pa rin talagang ipinagbago."
Mukhang asar na asar siya kay Pocholo. Mukhang matagal na nilang hinahanap ang lalaki para pabalikin, pero hayun at mukhang walang balak umalis sa lugar na ito si Pocholo. At para bang may kung ano si Pocholo. Parang may problema ito... sa isip?
Natigilan si Borgy nang mapatingin siya sa akin. "Oh, you're still here. Are you all right? Namumutla ka. At ang dungis mo." Napayuko siya at nalaglag ang paningin niya sa aking paa. "Bakit ka nakayapak, malamig ang sahig."
Tumikom ang mga paa ko. Nakakahiya kasi wala akong suot na tsinelas. Sira na kasi ang tsinelas ko. Maganda naman kasi ang sahig kaya akala ko ay ayos lang din kahit magyapak ako.
Lumapit si Borgy sa akin at iniangat ang mukha ko. "Pwede ba kitang halikan?"
Namilog ang mga mata ko sa pagkabigla. Ano raw? Halikan agad?
Hinila siya ni Conrad sa braso at nang lingunin niya ang lalaki ay umiling siya. Tila sinasabi ng mga mata niya ang salitang 'don't'.
"Fine." Pagkasabi'y tinalikuran na ako ni Borgy. "See you again, beautiful. Pasensiya ka na sa pinsan ko, bata pa lang 'yan, utak alien na. Nasalo niya kasi lahat ng topak sa angkan namin."
Akma nang lalabas ng pinto si Conrad nang balikan niya ako. Tinanggal niya ang kanyang sapin sa paa at saka lumuhod. Hinawakan niya ang aking binti at iniangat iyon. Ganoon din sa kabila. Isinapin niya sa paa ko ang kanyang halatang mamahaling tsinelas.
Nakatanga lang ako sa kanya. Tumayo siya at namulsa. Saglit niya akong pinagmasdan saka walang salita na lumabas nang nakapaa. May ngiti na gumuhit sa aking mga labi. Ngayon lang ako nakapagsuot ng mamahaling tsinelas. May saya na nabuhay sa puso ko, kahit pa ang tsinelas ni Conrad ay higit na mas malaki at mas mahaba kaysa sa aking mga paa.
Maigi pa iyong dalawang iyon, mukhang mababait kumpara kay Pocholo na ubod ng suplado.
Pero sino kaya iyong kapatid ni Pocholo na namatay? Iyon kaya ang dahilan kung bakit siya masungit? Kung bakit siya malungkot? At kung bakit din... galit siya sa akin?
Pero kung iyon nga ang dahilan... Ano naman ang kinalaman ko roon?
NAGISING ako nang may pumasok sa pinto ng aking kwarto. Sa tulong ng liwanag ng aking makulay na lampara, nakita ko na si Mang Karog pala ang dumating. "Hija..." Hinihingal siya na palapit sa kinaroroonan ko.
Napabangon ako sa kinahihigaan. Nang makalapit siya ay kinuha niya ang kamay ko at may inilagay siya roon. Napatigagal ako nang makita kung ano iyon. "Kutsilyo?"
"Oo, hija. Binuksan ko na ang pinto ng kuwarto niya."
Napakunot naman ang noo ko. "Hindi ko po maintindihan, Mang Karog."
"Patayin mo siya."
"Po?" Bigla akong pinagpawisan dahil sa sinabi niya.
"Hija, iyon na lang ang tanging paraan para makaligtas ka sa kanya. Para makatakas ka. Patayin mo siya."
Napayuko ako. Biglang bumalik sa akin ang lahat-lahat ng nangyari sa loob ng limang buwan. Isang madilim na gabi nang galing ako sa convenience store na aking pinagta-trabahuan, mula sa aking paglalakad ay bigla na lang humarang ang isang itim na kotse sa aking daraanan. Mula roon ay bumaba ang isang matangkad na lalaki. Madilim. Nakasombrelo siya. Hindi ko makita ang kanyang buong mukha. Pero siya ang lalaking nagngangalang 'P' o Pocholo Saavedra.
Kalmadong tinutukan niya ako ng baril. Kalmado ring inutusan na pumasok sa backseat ng kanyang kotse. Nanginginig ako sa takot na baka patayin niya ako kaya nagblangko ang isip ko. Gusto ko pang makita ang mama ko. Kailangan ako ng mama ko. Kaya para akong manika na walang sariling pag-iisip na basta na lang sinunod ang mga utos ng lalaking may hawak ng baril na nakatutok sa aking sentido.
Sa loob ng kotse ay itinali niya ang mga pulso ko, piniringan ang mga mata ko, binusalan ang bibig ko. Ang mga katagang sinabi niya sa akin ay ginagawa niya raw ang lahat ng iyon dahil iyon na lang ang paraan para mawala ang bigat sa dibdib niya. Sa madaling sabi, ako ang dahilan kung bakit naghihirap siya. Galit siya sa akin sa dahilang ayaw niyang sabihin.
Nang magmulat ako ng aking mga mata ay nasa isang malayong lupain na kami, isang pribadong lupain na pag-aari niya. Ikinulong niya ako rito. Dito sa lugar na wala ang mama ko. Sa lugar na hindi pamilyar sa akin. Sa lugar kung saan nag-iisa ako. Araw-araw at gabi-gabi akong umiiyak. Para akong mababaliw. Pinupuntahan niya lang ako para sabihi sa akin na galit siya sa akin. Galit siya sa akin sa bagay na wala akong ideya kung ano at bakit.
Para akong masisiraan ng ulo sa kakaisip. Hanggang sa namalayan ko na lang na parang akin nang nakasanayan ang lahat. Manhid na ang puso ko sa takot at kaba. Ang nakakatawa lang, sa kabila ng dinanas ko... nakaramdam pa ako ng simpatya sa taong may gawa sa akin ng lahat ng ito.
Hindi ko matanggap na naawa ako sa kanya sa kabila ng lahat. Naalala ko bigla si Mama na tunay na nakakaaawa dahil malamang mamatay-matay na ito sa pag-aalala sa kalagayan ko. At maging ako mismo, mas nakakaawa ako kaysa kay Pocholo Saavedra dahil wala naman talaga akong kasalanan sa kanya. Bakit kailangan akong magdusa?!
Sukat ay tumigas ang aking ekspresyon. Para bang hindi na gumagana nang matino ang isip ko. Tumayo ako at walang-lingong lumabas ng pinto. Nanakbo ako paakyat ng hagdan bitbit ang kutsilyo na bigay sa akin ni Mang Karog. Dumeretso ako sa kuwarto niya kung saan una ko siyang nakita. Doon ay bukas ang pinto.
Maingat akong pumasok at tinungo ang kinahihigaan niya. Hayun siya at walang malay sa malaki at malambot niyang higaan. Mahimbing ang tulog at walang hirap na nararamdaman. Papatayin ko siya. Iyon lang ang paraan para makalaya ako sa kanya.
Para matapos na ang lahat ng ito bago pa lumalim ang damdamin ko. Bago pa ako tuluyang mabaliw sa mansiyon na ito. Para makabalik na ako sa dating buhay ko. Para makasama ko na rin ulit si Mama.
Iniangat ko ang aking kamay na may kutsilyo para saksakin na si Pocholo Saavedra!
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top