Chapter 1

UMALIS NA SIYA. Mag-isa na lang ako sa aking higaan. Masakit pa ang buong katawan ko dahil nakadalawa kami ng lalaking iyon kagabi.


Maliwanag na dahil umaga na. Lumalagos ang sikat ng araw mula sa maliit na bintana ng kuwartong kinaroroonan ko. Panibagong umaga na naman na nag-iisa ako. Bumalik sa isip ko ang nagdaang magdamag. Ang mainis na haplos ng lalaking hindi ko gaanong maaninag ang mukha.


May nangyari na naman ulit sa amin kagabi. Isang tipid na ngiti ang gumuhit sa aking mga labi.


Ang unang beses na may nangyari sa amin ay noong pangalawang beses na pinagbalakan niya akong patayin. Hindi niya nagawa. Hindi niya pa rin kaya kahit gustuhin niya. Para akong sinaniban ng kung anong demonyo noon. Huli na para mapagtanto ko ang aking ginawa. Bigla ko na lang siyang niyakap sa leeg at hinalikan ang nakaawang niyang mga labi. Naramdaman ko noon ang paninigas ng katawan niya sa pagkabigla.


Iyon ang unang beses. Ang inosenteng halik na ibinigay ko sa kanya ay ang naging dahilan kaya ilang segundo siyang naparalisa. Tila namanhid bigla ang utak niya. Sa sumunod na sandali ay gumanti na rin siya sa aking mga labi. Mas malalim, mas mainit, mapagparusang halik.


Wala akong karanasan sa lalaki. Siya ang una. Marahas ang mga kilos niya na parang sa ganoong paraan niya lang akong makakayang saktan, pero hindi niya rin napangatawanan. Binalak niya akong bitiwan, kaya lang ay niyakap ko siya nang mahigpit at pinigilan. Hindi ko na alam ang nasa isip ko noon. Wala na akong maintindihan.


(Tag jfadmins if you happen to see spoilers on the comsec. We'll ban the acct immediately. -JFadmin.


Note: This version of Ravished is different from the old print book. This one is the improved 2023 copy with additional new scenes and chapters that were only released this year.)


Ramdam ko ang malakas ng kabog ng dibdib niya. Ang tensyon sa katawan niya. Nang angkinin niya ako at malaman niya na siya ang una, doon na nagbago ang kilos niya. Naging marahan, maingat. Para akong babasaging bagay na bawal magasgasan. Hindi ko na matandaan kung ilang beses akong napaungol sa loob ng mga yakap niya. Nang matapos ang sidhi ng damdamin ay pareho kaming hindi makapaniwala.


Basta na lang siyang umalis pagkatapos. Ilang gabi siya na hindi nagpakita. Nakakapagtaka na sa kabila ng nangyari, wala akong makapa sa dibdib ko na pagsisisi. Bakit? Bakit ko nagawang isuko sa lalaking hindi ko naman kilala ang bagay na aking pinakaiingatan? Ano ba talaga ang aking nararamdaman?


At pagkatapos niyon ay naulit pa muli. Sa tuwing dinadalaw niya ako, doon nauuwi. Kahit may mga pagkakataon na parang pinipigilan niya ang sarili. Sa huli, natatagpuan niya pa rin ang sarili na nagpapalipas ng magdamag sa aking tabi.


Sa pag-iisip ay hindi ko namalayan na may kasama na pala ako. Mabuti at may damit na ako. Bago ako iniwan ng lalaking iyon kanina ay ibinalik niya sa aking katawan ang nahubad kong damit.


Sumulpot sa aking harapan ang isang maliit na lalaki. Isang unano na nasa mid sixties. Malawak na nakangiti ito sa akin. Hay, si Mang Karog lang pala. Katiwala siya ng lalaking kumidnap sa akin. Siya lang daw ang nag-iisang tauhan dito sa pribadong lupain na ito na nasa isa raw malayong probinsiya.


"Kumusta ka, hija?"


Si Mang Karog ang tangi ko ritong kaibigan. Palagi niya akong dinadalaw kapag may oras siya. Sa ikalawang buwan ko rito ay saka ko lang siya nakilala, gayunpaman ay napakabait niya na agad sa akin. Pakiramdam ko nga na kung hindi dahil sa pagdalaw at pakikipag-usap niya sa akin ay baka tuluyan na akong nabaliw.


Itinuro niya ang plato na may lamang pagkain. Pagising ko ay naroroon na iyon. "Ayan o kumain ka muna. 'Di ba gutom ka na?"


Nang bumangon ay sinunggaban ko agad ang pagkain na dala siya. Wow, ang dami at ang sasarap! Manginig-nginig pa ang mga kamay ko sa pagkakahawak sa kubyertos. Halos mabulunan ako habang ngumunguya.


Naluluhang nakatingin sa akin si Mang Karog habang kumakain ako. "Hindi ka na naman pinakain ni Sir P kahapon..."


Sir P daw ang pangalan ng lalaking k-um-idnap sa akin. Sa ganoong pangalan ko lang kilala ang lalaking iyon.


Napailing-iling siya. "Maghapon na naman kasi siyang naglasing kaya nakalimutan ka niyang padalhan ng pagkain. Hay, ewan ko ba sa batang iyon. Pati nga siya ay maghapon din na hindi kumain kahapon. Puro inom lang ng alak ang ginawa. Natatakot na ako dahil baka mapaano na siya."


Natigilan ako sa pagsubo. Kung ganoon, maghapon nga na namang nagpakalunod ang lalaking iyon sa alak. Mukhang hirap na naman siyang makatulog kaya siya nag-inom. Ano ba talaga ang problema niya?


Pagtingin ko kay Mang Karog ay nagulat ako dahil umiiyak ang matandang lalaki. "Umiiyak na naman po ba kayo?"


"Naaawa na kasi ako sa 'yo, hija. Nadadamay ka sa problema ni Sir P."


Napangiti ako sa sinabi niya. Nakikita ko sa kanya na tunay talaga ang pag-aalala niya. Hindi ko tuloy maiwasang hindi maalala sa kanya si Mama. Nami-miss ko na ang mama ko. Malamang na nag-aalala na iyon sa akin dahil sa bigla kong pagkawala.


Malamang na hinahanap na ako ng mama ko. Kami na lang ang magkamag-anak sa mundo 'tapos iniwan ko pa siya. Malungkot siguro siya at hindi mapakali sa pag-iisip sa akin hanggang sa mga oras na ito. Si Mama na lang din ang inaalala ko, ito na lang kasi ang kamaganak na meron ako.


Kinalabit ako ni Mang Karog. Alam niya na si mama na naman ang inaalala ko. "Hayaan mong tulungan kita, hija. Hayaan mong itakas kita."


"A-ayoko po na pati kayo ay madamay kung tatakas ako." Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko nang tinanggihan ang alok ni Mang Karog. Bukod sa parang komplikado na tumakas sa lugar na hindi ko kilala, ayaw ko rin talaga na madamay siya.


Si P na lalaking kumidnap sa akin ay hindi maipagkakaila na isang mayaman at makapangyarihang tao. Obvious naman dahil may sarili itong malawak na lupain. Naririto ako ngayon sa lupain na iyon.


Isang pribado at malawak na lupain na ayon kay Mang Karog ay walang ibang tao maliban sa aming tatlo. Si P, ako, at siya. Kaya kahit siguro makawala ako rito sa kwarto ay hindi rin ako agad-agad makakatakas. Baka mapilay na ako sa kakalakad-takbo ay hindi ko pa rin mararating ang kabihasnan.


Isa pa, tiyak na hahanapin pa rin ako ni P kung sakaling tatakas ako. Ilang beses niyang sinabi na hindi niya ako pakakawalan. Hinding-hindi dahil malaki raw ang aking kasalanan—kasalanan na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam.


Alam ko na hindi talaga ako hahayaang makatakas ni P. Hindi man niya ako magawang saktan, paano kung makaya niyang manakit ng ibang tao? Baka hindi lang si Mang Karog ang madamay, pati na rin si Mama. Hindi ko sila kayang ilagay sa kapahamakan.


"Pwes magpakalayo kayo ng mama mo, hija," suhestiyon ni Mang Karog sa akin. Alam niya ang dilemma ko.


Ha? Posible nga bang makalayo kami ni mama mula sa lalaking iyon? Imposible bang hindi niya kami mahanap kung gagamit siya ng pera at koneksyon?


Kung sakali man na magtagumpay ako na makatakas at makalayo kami ni Mama, paano naman si Mang Karog? Siya ang malamang na siya ang masisisi. Matanda na si Mang Karog. May kaliitan – unano. Baka tadyakan lang siya ng lalaking iyon pagnagkataon.


Hindi ko kaya na manganib siya dahil sinuway niya ang utos ng amo niya. Paano na lang kapag namatay siya? Paano ang jowa niyang si Penelope? Si Penelope ay isang kambing – nag-iisang kambing na nasa lupaing ito. Dahil wala namang ibang tao rito at ang kambing lang na iyon ang palagi niyang kasama, ay nahulog daw ang loob niya rito.


Kumapit siya sa kamay ko. "Kung ayaw mong tumakas ay may naisip ako na ibang paraan para makaalis ka rito."


Nagningning ang mga mata ko. "A-ano ho?"


"Kailangan mong makausap si Sir P kapag hindi siya lasing. Iyon lang ang paraan para mapakinggan niya ang iyong hinanaing. Iyon ang tanging paraan baka sakaling maawa siya sa 'yo at palayain ka na niya."


Sinabi na ni Mang Karog ang mga gagawin. Kailangan ko lang makaalis sa kwartong ito para mahanap ang k-um-idnap sa akin. Kailangan ko siyang makaharap habang hindi siya nakainom at malinaw ang isipan niya.


Napangiti ako matapos mabuhayan ng loob. Sana nga ay magtagumpay ang aming plano. Pero hindi lang iyon ang kinasasabikan ko... Aminin ko man o hindi, nasasabik din ako na masilayan ang itsura ng lalaking iyon sa liwanag.



HINDI ko matandaan kung isang araw ba ang lumipas o dalawa. Basta, hindi ko maalala. Hindi ako pinuntahan ni P. Siguro ay hindi siya nakainom. Ibig sabihin ay nasa huwisyo ang isip niya. Hindi ko tuloy maiwasang mag-alala. Hindi kaya umalis siya? O kaya baka nakalimutan niya na ako?


Nakapagtataka lang din na hindi rin nagpapakita sa akin si Mang Karog. Bakit kaya?


Wala man lang akong makausap sa nagdaang isa o dalawang araw. Mabuti na lang at marami akong tinapay at kape. Mabuti rin at puno ang thermos na dinala sa akin ni Mang Karog noong nakaraan. Gayunpaman, nasasabik ako sa ibang pagkain. Gusto ko ng ibang putahe at saka kanin.


Katatapos ko lang maligo. Basa pa ang aking mahabang buhok habang nakatulala ako, nang biglang kumalam ang aking tiyan. Nahaplos ko ito sa ibabaw ng aking suot na manipis na t-shirt. Nagugutom na ako. Ayaw ko naman na ng tinapay dahil nagsasawa na ako. Sana ay dumating na si Mang Karog, at sana ay marami ulit siyang dalang masasarap na pagkain.


Nagmumuni-muni ako nang makarinig ng nagbubukas ng kadena mula sa labas ng pinto. Nang lumipas ang ilang minuto ay saka ako tumayo. Patakbo akong lumapit doon. Pagtulak ko sa pinto ay nagulat ako, hindi na nakakandado!


Pero sino ang nagbukas?


Itinulak ko pa ang pinto. Nang tuluyan iyong bumukas ay nakita ko si Mang Karog na nakatingala sa akin mula sa labas. Siya pala ang dumating! Iyon nga lang, wala siyang dalang pagkain.


Lumapit siya sa akin at yumakap sa bewang ko. "Tagumpay, hija!"


Sukat ay naglandas ang aking mga luha. "T-talaga, po?!" Sobrang ligaya ko. Ibig sabihin ay pumayag na si P na makaharap ako!


Sunud-sunod na tumango ang unano. "Oo! 'Lika na." Inalalayan niya akong tuluyang makalabas ng kuwarto.


Sa wakas ay masisilayan ko na ang sikat ng araw. Sa wakas ay makikilala ko na siya – ang lalaki na bumihag sa akin...


Umakyat kami sa mahabang hagdan. Pagdating namin sa pinakamataas na bahagi ay may pinto kaming pinasukan. Bumungad sa akin ang magandang kisame na puno ng mamahaling chandelier. Halos masilaw rin ako sa makintab na sahig na nilalakaran namin. Malayong-malayo ito roon sa kulungan ko. Mabango ang paligid at maaliwalas. Nakamamangha ang disenyo ng mga furniture at pader.


Umakyat pa kami sa isang en grandeng hagdan. May nakalatag na carpet dito patungo sa isang magandang pintuan.


Bago buksan iyon ni Mang Karog ay tinanong niya muna ako. "Handa ka na ba, hija?"


Hindi ko tiyak kung iiling ba ako o tatango. Handa na nga ba ako na makaharap siya sa ganito kaliwanag? Bakit bigla na naman akong kinabahan? Kumakabog nang malakas ang dibdib ko.


"'Wag kang mag-alala, nandito lang ako sa tabi mo."


"S-salamat po." Tumango ako.


Humarap na si Mang Karog sa pinto at itinulak ito. Humugot ako nang malalim na paghinga. Pagkatapos ng ilang buwan, sa wakas, ay makikita ko na siya. Nang tuluyang bumukas ang pinto ay tumambad sa akin ang isang lalaking nakaupo. Nakatalikod siya sa amin sa kanyang executive chair.


"Come on in," sabi ng lalaking may malamig at matigas na boses.


Siya nga ito. Imposible akong magkamali dahil kabisado ko ang baritonong boses niya, maging ang mga ungol niya.


Walang-lingon na iniwan ako ni Mang Karog. Hahabulin ko sana siya pero sumisipol na siya. Iyong tipong patay-malisya. Lintik na matanda, duwag pala. Akala ko pa naman ay hindi niya ako iiwan!


Mayamaya ay tumayo ang lalaki. Napalunok ako. Ang tangkad niya pala talaga!


Napasinghap ako habang nakatitig sa kanya sa liwanag na nagmumula sa malalaking bintana ng kuwarto. Matipuno ang kanyang katawan kahit nakatalikod. Ang suot niya ay itim na long long sleeves polo at bastos jeans. Kahit malayo pa siya, para bang ang bango-bango niya.


Nagsalita siya nang hindi ako nililingon. "Kneel."


Napakurap ako. "H-ha?" Ano raw?


"I said." Humarap siya. "Kneel."


Napatulala ako sa kanya. Alam ko na may itsura niya dahil hinahayaan niya ako na damahin ng aking kamay ang kanyang mukha, pero hindi ko naman akalain na ganito pala siya kaguwapo.


Mahahaba ang kanyang pilikmata, matangos, at perpekto ang kanyang ilong, may cleft chin siya, at naghahalong kulay abo at tsokolate ang kanyang magandang mga mata. Mukha siyang modelo. Pero ang ekspresyon niya ay walang kasing seryoso. Parang anghel na madamot sa ngiti ang mapupulang mga labi.


"Didn't you hear me?" Muli ay ang malamig na boses niya.


Kneel? Bakit gusto niya akong paluhurin?! At bakit ganito? Ang sakit sa dibdib dahil ngayo'y kitang-kita ko na ang galit sa mga mata niya.


"Kneel." Lumapit siya sa akin.


Bakit niya ako pinaluluhod? Mabigat man ang loob ay namalayan ko ang sarili na sumunod sa utos niya. Dahan-dahan ako na lumuhod. Pero mahirap iwasan na mapatingin muli sa kanyang perpektong mukha kaya nanatili ako sa kanya na nakatingala. Ayaw ko na magising na isang panaginip lang ito. Ayaw ko na bumalik sa simula kung saan hindi ko pa siya nakikita.


Humalukipkip siya habang pinagmamasdan ako na dahilan ng pag-init ng aking pisngi.


Umangat ang isa niyang kilay. "So you're pregnant, huh?"


Kinailangan kong magsinungaling dahil iyon lang ang paraan para makalabas ako mula sa kwartong pinagkukulungan niya sa akin. Iyon lang ang naging susi ko para makaharap ko siya ngayon.


Iyon lang din ang nakikita namin ni Mang Karog na paraan para magkaroon ng awa sa akin ang lalaking ito.


"You're carrying my child."


Tumango ako.


Nang tingalain ko siya ay natulala ako sa galit na gumuhit sa kanyang magandang uri ng mga mata. "Fuck!" sigaw niya na tila kulog sa buong paligid.


Nakaramdam ako ng matinding takot kaya napaiyak ako. Hindi ba effective? Mas nakasama ba ang pagsisinungaling?


"This can't be happening," marahas na sambit niya na sinundan pa ng sunod-sunod na mura.


Nanginginig na bumuka ang bibig ko. "B-bakit?"


Galit siyang napatingin sa akin.


"A-anong nagawa ko sa 'yo? B-bakit mo ako ginaganito?" muli kong itinanong. Baka ngayong hindi siya lasing ay sagutin niya na ako.


Umigting ang kanyang panga habang nakatingin siya sa akin.


"Because I hate you."


"Bakit nga..." Pumatak ang mga luha ko. "Bakit ka galit sa akin? Ano ang kailangan kong gawin? At ano ba talaga ang plano mo sa akin?"


Ang malamig niyang mga mata ay umiwas sa akin ng tingin. At binitiwan niya ang mga salita na tuluyang pumilas sa puso ko.


"You're gonna die, Aiko. But you have to bring out my child first."


JF


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top