Chapter 24




MICHELLE

"Ernesto, narinig mo ang sinabi ni Michelle di ba? Nakipaghiwalay siya kay Edward kaya nagalit ito." Paliwanag ni Nanay pero kita ko sa mukha ni Tatay na hindi ito kumbinsido.

            "Narinig ko ang sinabi niya pero gusto kong marinig ang buong kwento." Nakatitig siya sa akin at nawala na ang pag-aalala sa mukha niya.

Napalitan na ito ng pagdududa.

            Ganito naman talaga si Tatay kahit noong maliliit pa kami.

            Kapag nakagawa kami ng kasalanan, hindi siya titigil hangga't malaman niya ang totoong dahilan kung bakit siya pinapatawag ng principal o di kaya gustong kausapin ng nanay ni ganito o ni ganyan.

            Ang mga kuya ko ang malimit masinturon dahil imbes na magsabi ng totoo, lalo silang nagdadahilan.

            Bihira lang ako mapalo dahil hindi naman ako pasaway.

            Pero ngayong gabi, ayokong sabihin sa kanya ang isa pang dahilan kung bakit nagwala si Edward.

            Ang masama nga lang, kapag nagkaharap-harap kami, siguradong hindi magdadalawang-isip si Edward na sabihin sa kanila ang dahilan kung bakit muntik niya na akong mapatay.

            Mas mabuti ng sa akin manggaling ang lahat.

            "Nagselos po siya."

            Kumunot ang noo nilang dalawa.

            "Nagselos?" Tanong ni Tatay.

            "Kanino?" Tanong naman ni Nanay.
            Huminga muna ako ng malalim.

            "May nakita siyang picture sa phone ko at bigla na lang nanggalaiti."

            "May dapat ba siyang pagselosan?" Naguguluhan ang itsura ni Tatay.

            "At sino ang kasama mo sa picture?" Dagdag ni Nanay.

            "Si Carmen po at wala siyang dapat pagselosan."

            "Babae ang pinagselosan ni Edward?" Lalong lumalim ang linya sa noo ni Tatay.

            "Mahalaga ba kung babae o lalake ang pinagselosan niya?" Nagsimula na akong mairita.

            Mabigat ang dibdib ko dahil sa nangyari at gusto ko na sanang magpahinga pero hindi naman pwede dahil nandito silang lahat.

            "Baka kaya nanggalaiti yun dahil akala niya pumapatol ka na sa kapwa mo babae?" Sabi ni Tatay.

            "Eh sino ba iyong Carmen?" Tanong ni Nanay.

            "Kaibigan ko lang po siya."

            "Kaibigan?" Sabat ni Tatay.

            "Oy, Michelle. Baka meron kang nililihim sa amin. Mabuti pang magtapat ka."

            "Yan naman ang mahirap sa inyo eh. Kahit sabihin ko sa inyo ang totoo, hindi pa din kayo naniniwala."

            Natigilan si Tatay.

            Tumayo si Nanay at nilapitan ako.

            "Ang mabuti pa, ipaghahanda kita ng makakain para makapaghinga ka." Hinaplos niya ako sa balikat.

            "Dito kami titigil ngayong gabi. Kami na ang bahala sa mga aayusin." Mahinahong sabi niya.

"Sige po, Nay."
Tumayo ako at pumasok na sa kuwarto.

Pagsara ko ng pinto, narinig ko na pinagalitan niya si Tatay.

            Sinabi niya dito na tigilan na ako sa pagtatanong.

            Hindi daw madali ang pinagdaanan ko at ang kailangan ko ngayon ay suporta at hindi paga-alinlangan.

            Humiga ako sa kama pero paulit-ulit na pumasok sa isip ko ang nangyari sa amin ni Edward.

            Kita ko ang nanlilisik niyang mga mata.

            Dama ko ang higpit ng hawak ng kamay niya sa leeg ko.

            Kung hindi dumating si Zac at si Yaya, baka kung ano na ang nangyari sa akin.

            Hindi ko naipagtanggol ang sarili ko.

            Mapapatay niya ako ng walang kalaban-laban.

            Ang masakit pa, tinatanong ko ang sarili ko kung kasalanan ko ang nangyari.

            Naging makasarili ba ako dahil gusto kong maging malaya at magsimula ulit?

            Narinig ko ang boses nina Kuya pero hindi ako bumangon.

            Nanatili akong nakahiga habang nag-uusap ang pamilya ko sa labas ng kuwarto.

            Sinimulan nina Kuya na baklasin ang mga lumang doorknob samantalang naririnig ko naman ang kalansing ng kawali at sandok habang nagluluto si Nanay.

            Si Tatay naman, minamanduhan sina Kuya kung ano ang gagawin.

            Sa kabila ng nangyari sa akin, isa lang ang malinaw—hindi ako iiwanan ng pamilya ko.

            Kapag kailangan ko ng tulong, lagi silang dumarating para sa akin.

            Naging masalimuot man ang mga pangyayari, hindi sila nagdalawang-isip na puntahan ako para damayan.

            Naisip ko si Zac.

            Natakot ako para sa anak ko hindi lang sa nakita niya ako sa ganoong itsura kundi nawitness niya kung ano ang pwedeng gawin ng ama niya.

            Kung tinuluyan ako ni Edward, malamang daratnan nila ako ni Yaya na patay na.

            Ang anak ko ang dahilan kung bakit kahit mahirap mag-isa, kinakaya ko.

            Bago dumating si Carmen sa buhay ko, si Zac ang lagi kong priority.

            Sa nangyari sa akin kanina, iyon ang lagi kong dapat isipin.

            Nagpupunyagi ako para mabigyan siya ng magandang kinabukasan.

            Dahan-dahan akong bumangon at paglabas ko ng kuwarto, napatingin silang lahat sa akin.

            "Gising ka na pala." Sabi ni Nanay ng makita ako.

            May hawak siyang mga plato at isa-isa niyang nilapag ang mga ito sa lamesa.

            "Mabuti naman dahil handa na ang pagkain."

            Lumapit ako sa kusina at hinila ang isang upuan bago umupo.

            "Gutom ka na ba?" Mahinahon ang boses ni Nanay habang nakatingin sa akin.

            "Wala po akong gana." Sagot ko.

            "Michelle, hindi mo pwedeng pabayaan ang sarili mo." Kinuha niya ang plato sa harapan ko at sumandok siya ng kanin.

            "Kahit konti, kumain ka para manumbalik ang lakas mo."

            Hindi na ako nakipagtalo.

            Alam ko naman na tama ang sinasabi ni Nanay.

            Tinawag niya si Tatay at sina Kuya para samahan kami sa pagkain.

            Lumabas din si Yaya sa kuwarto ni Zac para sabihin na nakatulog na ito at niyaya din siya ni Nanay na saluhan kami.

            Tumanggi si Yaya pero pinilit siya ni Nanay kaya pumayag na din siya.

Habang kumakain, sinabi ni Tatay na maiiwan si Nanay at si Kuya Alex para samahan kami.

"Huwag na po. Hindi naman po siguro babalik si Edward." Katwiran ko.

Nagkatinginan silang apat at sa itsura ni Tatay, mukhang buo na ang desisyon niya.

"Michelle, hindi ko ipagsasapalaran ang buhay ninyong mag-ina." Sabi niya.

"Magiging panatag ang loob ko kung alam ko na ligtas kayo dito."

Tiningnan ko silang lahat.

Bakas sa mukha nila ang pag-aalala.

"Kayo po ang bahala." Sagot ko.

Nang gabing iyon, sa sala natulog sina Tatay at Kuya.

Si Nanay naman, tumabi kay Zac.

Ang mga tunog lang ng kuliglig ang maririnig ng gabing iyon pero  hindi pa din ako dinalaw ng antok.

            Kapag pinipikit ko ang mga mata ko, ang mukha ni Edward ang nakikita ko.

            Ganito ba ang gusto kong mangyari sa akin?

            Ang mabalot ng takot kapag naiiisip ko siya?

            Ang makaramdam ng kaba sa loob ng sarili kong pamamahay?

            Nang oras na iyon, mabilis ang pag-ikot ng isip ko.

            Kailangan kong gumawa ng paraan hindi lang para sa ikatatahimik ng isip ko kundi para sa kaligtasan naming lahat.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top