CHAPTER 2
GANO'N NA lang ang excitement kong pumasok kinabukasan. Kahapon pa lang ay nabanggit na sa amin ni Dra. Keziah na babalik si Maxwell doon para mag-perform ng surgery. Dati-rati ay halos isumpa ko ang paggising nang maaga. Bago kasi mag-alas-sais ng umaga ay kailangang nasa ospital na para sa endorsements, pero ngayon ay nauna pa akong magising sa alarm clock ko. Ang ngiti ko kagabi ay mas nadagdagan pa ngayon. Halos lumukso-lukso ako sa paglalakad papunta sa dining area.
Nakatutuwa talaga ang pamilyang Moon. Saulo na nila ang oras ng trabaho ko. At kahit anong aga niyon ay bumabangon silang lahat para sabayan akong mag-breakfast.
"Good morning. You look happy," nakangiting bati ni Tita Maze.
Humalakhak ako na para bang luka-luka. "Mahal na yata ako ng panganay ninyo, Tita!" bulalas ko. Nagtawanan ang mga Moon.
"Maigi kung gano'n," ani Mokz. "Magandang balita 'yan."
"'Ku!" Intrimitida talaga ang kapatid ko. Bagaman 'yon pa lang ang sinasabi niya ay alam ko nang kokontra siya. "'Wag kayong naniniwala diyan kay Ate. Ipinanganak 'yang assuming."
Mataray akong namaywang. "Excuse me! May pagkakaintindihan kaming dalawa kahapon!" Niyakap at inihele ko ang sarili.
"Gano'n nga," nakangiwing ani Zarnaih. "May sinabi siya, nag-assume ka. Gano'n 'yon, Ate! 'Yong tipong ang topic ninyo ay iisa, pero ang intindi ninyo, magkaiba. Gano'n 'yon, maniwala ka."
Lumaylay ang mga balikat ko. "Ikaw, may anak ka na't lahat, hindi pa rin nagbabago 'yang ugali mo." Hindi ko makuhang magtaray, ayaw kong masira ang araw ko.
"They're on their way here," ani Tito More, guwapong-guwapo sa suot na suit. Noon ko lang napansin kung gaano kapormal ang mga suot nila.
"My Maxwell is coming?" nagulat kong tanong.
Nakangiting tumango si Tito More. "Eat your breakfast. Mabilis ang sasakyan ng isang 'yon."
Maarte akong naupo at mas maarte pang sumandok ng agahan. Keep breathing, then! Aye-aye, baby!
"Bilisan mo raw at mabilis magmaneho si bayaw," asik ni Zarnaih. "Kapag dumating 'yon, gutom ang beauty mo."
Sinimangutan ko siya. "Ayaw ni Maxwell nang nalilipasan ako ng gutom. Ayaw rin niya nang minamadali ko ang pagkain." Natawa ako sa sariling gawa-gawa.
"Nakita mo na? Ganyan ka mag-assume. Sa una, masaya, kasi ikaw pa lang ang may alam. Kapag nakarating na sa kaniya, doon ka na masasaktan."
Tiningnan ko nang masama si Zarnaih. "Ano ba, Zarnaih?" mataray kong tugon. "Boto ka ba talaga sa amin o ano?"
Humalakhak siya. "Ganyan ka rin sa 'kin noong sabihin ko sa 'yo ang feelings ko kay Lee. Ipinararamdam ko lang sa 'yo ang pinagdaanan ko diyan sa bibig mo, Ate."
"Excuse me, suportado kita noon, 'no!"
"O, sige na, kumain ka na. Ang pangit mo."
Panay lang ang pagtawa sa amin ng mga Moon, lalo na si Mokz. Masarap lang sa pakiramdam na mas ayaw pa nila kaming paalisin sa mansiyon kaysa sa sarili nilang mga anak. Halos pangunahan nila si Maxrill sa pagpapatayo ng sariling bahay nito. Kumuha pa ng sariling engineer si Tito More para sa bunso. Sa huli ay iginiit ni Maxrill na si Deib Lohr ang gusto niyang humawak sa magiging bahay niya kahit busy ito sa dami ng projects. Samantalang noong malaman nilang aalis na kami ni Zarnaih, mas emosyonal pa si Tita Maze kaysa kay Mommy.
Habang kumakain ay nagpaalam na si Zarnaih sa mga Moon. Bukas ng gabi kasi ay uuwi na kami sa bahay nila ni Lee matapos ang dinner party. Lalabas kami kasama ang pamilyang Moon. 'Yon na ang munting celebration nila sa pagbabalik. Imbitado ang malalapit nilang kaibigan. Bukod naman sa nasa convocation si Lee for three days, pumayag itong manatili kami sa bahay ng mga Moon habang wala siya. Hahabol lang ito sa dinner party at isasabay na rin kami pauwi.
"Good morning, everyone."
Tikom ang bibig nang mapapikit ako at manggigil nang mangibabaw ang tinig ni Maxwell. Kagat ko ang labi nang magmulat, pilit iniipit ang kilig. Ang natatawang tingin nina Mokz, Tita Maze, at Tito More ay nasa 'kin, saka sila iiling-iling na bumaling kay Maxwell.
"Hello, hijo." Yumakap at humalik si Tita Maze sa panganay.
"Hey, Mom." Iba talaga ang epekto sa 'kin ng boses ni Maxwell. May kung anong kiliting idinudulot. Malalim ang kaniyang boses, malaki at malakas ang dating. Guwapong-guwapo na ako sa kaniya kahit hindi ko pa siya nakikita dahil sa boses niya.
"Are you here for me?" Nakangiti akong bumaling paharap kay Maxwell. Hindi man lang siya nag-abalang hubarin ang sunglasses. Bahagya siyang tumungo at sinilip ako nang nakasuot 'yon. At gusto kong mainsulto sa malamya niyang pagkakatitig sa 'kin. Pero hindi dahilan 'yon para magbago ang nararamdaman ko.
"Good morning, baby!" bigay na bigay na pagbati ko.
He removed his sunglasses and glared at me. His eyes had their own vocabulary. It was as if they were talking to me. His glare was so intense that I completely forgot we were not alone. He bit the inside of his cheek while still staring at me. And I found it freaking sexy.
"I missed you!" dagdag ko.
"Tsh," nakangising ismid niya sabay harap sa ama. "I came to drop this off." Pabato niyang inilapag sa sofa ang black Louis Vuitton duffle bag. "I'm going to sleep here tonight."
"What, are you serious?" Agad akong naghisterya. "Doon na ako sa bahay ni Zarnaih uuwi, eh!"
"Exactly." Ngumisi siya saka sinuyod ng tingin ang kabuoan ko. "Papasok ka na?"
Napangiti ako. "Isasabay mo ako?"
"Sure," nakangisi niyang sagot. Nanlaki ang mga mata ko. "Let's go."
Napapamaang akong kumaway sa mga nar'on saka sumunod kay Maxwell. Tatawa-tawa akong inilingan ni Zarnaih. Kagat ko ang labi habang nasa likuran ni Maxwell. Hindi ko pagsasawaang tingnan ang pantay at malapad niyang mga balikat. Lalong lumalakas ang dating niya dahil sa maganda niyang tindig.
"Good morning, Yaz." Gulat kong nalingunan si Maxrill.
At minsan pa akong nanibago sa kaniyang dating. Suot ang ronin red leather jacket, na may letrang "M" sa dibdib at plain white shirt, halos hindi ko siya nakilala. Pakiramdam ko ay noon ko lang din siya nakitang naka-denim pants.
"Hi! Good morning, Maxrill!" nakangiti ko ring bati. "Ang guwapo natin, ah?"
Ayun na naman ang bahagyang panliliit ng kaniyang mga mata. "Guwapo ka rin ba?"
Wow. Nakabibilib ang pantay na pananagalog niya.
Magsasalita pa sana ako nang marinig ko ang pagsakay ni Maxwell. "Hey, wait for me!" Kumaway pa ako.
"Bilisan mo, male-late ako."
"Open the door!"
Kunot-noo akong nilingon nito. "Why?"
Ngumiwi ako. "Duh? Isasabay mo ako, remember?"
"Pero hindi ko sinabing isasakay kita sa kotse ko."
"What?"
"Tsh."
"Let him go, I'll drive you." Nangibabaw ang tinig ni Maxrill dahilan para lingunin ko muli ito.
"Hindi ba't may kotse ka?" tunghay ni Maxwell dahilan para ibalik ko ang tingin sa kaniya.
Lumabi ako. "Oo nga, pero gusto kong sumabay sa 'yo, Maxwell."
Kunot-noo siyang umiling saka nag-iwas ng tingin. "Hindi tayo pwedeng pumasok nang sabay."
"Why not?"
"They might think we're something."
"You mean, like a couple?" nakangisi kong tanong.
"I'm leaving." Naiinis niyang in-start ang makina.
Tumunghay ako at ipinasok ang mukha sa bintana niya. "Ano'ng problema, eh doon din naman ang tuloy natin, hindi ba?" maarte kong sabi.
Ang inaasahan ko ay mapapaiwas siya at titingnan ako nang masama—'yong tipikal na reaksiyon ng isang Maxwell Laurent del Valle sa 'kin—ngunit nagkamali ako dahil agad niyang nilabanan ang tingin ko. Hindi siya allergic sa 'kin nang mga sandaling 'yon, dahil kahit na iilang pulgada lang ang layo ng mukha namin sa isa't isa ay nanlaban siya. Kahit pa ramdam na namin ang hininga ng isa't isa, hindi siya natinag.
Mula sa 'king mga mata ay nagbaba siya ng tingin papunta sa 'king mga labi. "In your wet dreams," pabulong ngunit mariing aniya!
In my . . . what?
Kokomprontahin ko pa sana siya pero napipi ako sa nakalolokong ngisi niya. Nag-init ang mga pisngi ko sa hiya.
"Yaz, let's go!" anyaya ni Maxrill. Kinawayan ko siyang maghintay. "You're going to be late."
Nakita ko nang magtiim ang bagang ni Maxwell. "I'll go first." Awtomatiko akong napaiwas sa sasakyan niya nang bigla niyang paandarin 'yon.
Sa halip na mainis ay napangisi ako. Seloso!
"Come on, Yaz!" pagtawag muli ni Maxrill ngunit para akong estatwang nakatanaw sa paglayo ni Maxwell. Nababaliw na yata ako. Ang sports car niya ang nakikita ko ngunit sinasabi ng isip kong siya ang guwapo. Nakakaloka.
"Okay, let's go!" Nakangisi akong lumapit kay Maxrill, ang paningin ay nasa papalayong kotse pa rin ni Maxwell. Ngunit natigilan ako nang ang walang emosyong mukha ni Maxrill ang malingunan ko. "Hello? Let's go?"
"You're either with me or you're not, Yaz."
"Huh?"
"I can drive faster than him if you promise to keep your eyes on me."
"O . . . kay?" napapailing, nangangapa kong tugon. So, what you're trying to say is . . . ? Hindi ko siya mahulaan.
Ngumisi siya at sumakay sa motor. "Do you think being invisible is cool?" tanong niya.
Lalo pa akong nangapa. Pakiramdam ko ay wala akong maintindihan sa mga sinasabi niya. Ipinagkibit-balikat niya ang hindi ko pagsagot.
"Whatever. I've always wanted a superpower anyway," dagdag niya.
Natigilan lalo ako at naglikot ang mga mata sa kahahanap ng sagot sa mga sinasabi niya. Hindi ko siya ma-gets.
This is so not fetch.
Kinuha niya ang helmet at maingat na isinuot 'yon sa 'kin. Nailang ako nang nakangiti niya akong pagmasdan matapos gawin 'yon. Inalalayan niya ako paangkas sa motor at halos mapatili ako nang bigla niyang paharurutin 'yon. Awtomatiko akong napayakap kay Maxrill.
Nakasakay naman na ako sa motor, hindi nga lang madalas. Hindi ko pa naranasang umangkas kay Maxpein. Pero bilib ako sa paraan niya ng pagmamaneho ng motor. Kahit pa anong bilis niya, hindi ka mag-aalala. Para bang may sariling isip ang motor niya at siya lang ang sinusunod.
Si Zarnaih naman ay suwabe rin kung magmaneho. Nagyayabang pero hindi mahigitan ang kayabangang taglay ng best friend niya. Nakaiirita lang umangkas sa kaniya dahil mas maingay pa siya sa tambutso at makina.
Si Maxrill, animo'y hari ng kalsada. Walang pakialam sa bilis at kung anong makasalubong niya. Nakalilito lang dahil kahit gano'n ay nararamdaman kong suwabe ang takbo namin.
"You can let go of me now, Yaz."
"Ha?" tuliro kong sagot. Noon ko lang napagtantong nasa ospital na kami. Naramdaman ko nang matawa siya kaya kumalas ako sa mahigpit kong pagkakayakap. "Thank you."
Inalalayan niya ako pababa. "Should I pick you up later?"
Tinapik ko ang balikat niya. "Naku, 'wag na. Baka isabay ako ni Maxwell." Ako na ang nagdesisyon. "Don't worry."
Tatawa-tawa siyang umismid. "You think he'll do that?"
"Why not?"
Humalakhak siya. "He genuinely doesn't give a shit."
Nanlaki ang mga mata ko. "About me?"
"About me . . ." Humalakhak siya. ". . . picking you up." Kinindatan niya ako.
Nagbuntonghininga ako. "I'll call you na lang, salamat!"
Hindi na siya sumagot. Ayun na naman ang nanliliit niyang mga mata habang tinatanaw ako papalayo.
Keep breathing, then. Keep breathing, then. Keep loving me, then. Keep loving me, then. So, so fetch!
"Good morning!" bati ko sa lahat. Nagugulat pa akong nalingunan ng ilang seniors ko.
"Ang sarap naman ng greetings mo. Nakakawala ng pagod," nakangiting ani Ansley, senior male nurse ko. "Isa ba ako sa nagpapaganda ng umaga mo, Ma'am Yaz?"
"Of course, sir! Lahat kayo." Nakangiti kong itinuro ang iba pang seniors ko. "Kumusta ang night shift? Toxic ba?"
"Medyo," nakangiwing aniya. "Kayo ang mukhang toxic ngayon. Ang daming nakapila." Inginuso niya ang ward.
Noon ay nginingiwian ko ang gano'ng balita. Pero ngayon, dahil alam kong posibleng si Maxwell ang isa sa hahawak sa cases na 'yon, natuwa ako.
"Part of the job." Tinapik ko pa ang braso ng male nurse. "I so love our job, you know? It is so fetch, Sir Ansley!"
Natawa nang may pagtataka ang seniors ko. "Mukhang maganda talaga ang gising mo, Nurse Yaz, ah?"
"Naku, for all we know, dahil lang 'yan doon sa visiting doctor. 'Yong sobrang guwapo?" nanunuyang ani Mandy. Hindi ko tuloy naiwasang mapangiti. "Naku, sinasabi ko na nga ba!"
"Si Dr. Maxwell del Valle ba 'yan?" usisa ni Ansley. Nakagat ko agad ang aking labi. "Best friend ni Dr. Randall Echavez 'yon, hindi ba?"
"Pinagtsitsismisan ninyo siya, ah!" nakangiwi kunyaring sita ko.
"Kilala 'yon dito," ani Ansley.
Batid kong wala ni isa sa mga nar'on ang umabot sa panahon ni Maxwell. Karamihan sa narito ngayon ay hindi tataas sa dalawang taon ang pananatili sa ospital.
"Sasabihan ko nga si Sir Tunisi na i-rotate na ulit tayo. Para makasama na kita sa operating room," biro ni Ansley, na tumanghod pa papalapit sa 'kin. "Mas nakapagtatrabaho yata ako nang maayos kapag nandiyan ka sa paningin ko, Ma'am Yaz."
"Sira!" Natatawa kong pinalo ang balikat niya.
"Is this how you discuss a change-of-shift report?" Hindi namin inaasahang mangingibabaw ang tinig ni Maxwell mula sa 'king likuran.
Aligaga akong napabaling sa kaniya. Halos mapaatras ako nang makita kung gaano siya kalapit at kung gaano kalalim ang pagkakatitig niya sa 'kin.
"Maxwell," wala sa sariling pagtawag ko. Hindi na namin siya naabutan pa ni Maxrill kaya ang inaasahan ko ay nauna na siya rito.
Umangat ang gilid ng kaniyang labi. "Ganiyan ba dapat ang tawag mo sa 'kin, Ma'am Yaz?" Kinilabutan ako sa sobrang hina ng boses niya! Ngunit napalabi ako sa nang-aasar na pagkakatawag niya sa pangalan ko.
"Ah." Kumibot-kibot ang mga labi ko gawa ng napapahiyang ngiti. "Doc Maxwell . . . good morning!" Bigla akong umayos ng tayo.
"Saan ka naka-duty?" tugon niya, naiinis na sumulyap sa male nurses saka ibinalik ang paningin sa 'kin.
"Sa operating room, Doc."
"What are you doing here, then?"
"May kinausap lang."
"Anong oras ang endorsements mo?"
Napamaang ako sabay bawi. "Papunta na nga," pabulong kong sabi, itinatago ang ngiti. Napakaseloso!
"Good morning, Dr. Maxwell," bati ng lahat.
"Hmm." Tinapunan niya lang ng tingin ang mga lalaki at walang nilingon sa mga babae saka siya nangunang maglakad sa 'kin.
"Napakasungit," bulong ko habang sinusundan siya ng tingin.
"Uy, umakyat ka na. Baka order-an ka ng incident report niyan," Inginuso ni Mandy si Maxwell. Kinawayan ko na lang sila saka ako kagat-labing sumunod dito.
La la la la. Sa isip ay panay ang pagkanta ko. Gusto kong matawa dahil sa eksena. 'Yong pahalakhak dahil kilig na kilig.
"Pst, sungit." Humabol ako kay Maxwell. Inaasahan ko nang hindi siya lilingon. Sumimangot ako. "Sabay lang pala tayong pumasok? Sa bagay, ang bilis magmaneho ni Maxrill, eh."
Tumaas ang gilid ng labi niya saka nagbaba ng tingin sa 'kin. "You came first. Nakipagligawan ka nga agad." Pinindot niya ang elevator button.
Natameme ako. "Nakipagligawan?" Saka ako palihim na ngumisi. Dinunggol ko ang balikat niya gamit ang braso ko saka ako palihim na tumawa. "Hindi ko alam na seloso ka pala," biro ko.
Tumunog ang elevator at pumasok siya. Gusto kong ngumiwi nang hindi man lang niya ako paunahin. Pero ayaw kong isipin na ungentleman siya. Nagseselos lang talaga siya kaya gano'n.
"Doon ka sa kabila." Inginuso niya ang elevator sa likuran ko.
Nakanguso ko siyang pinandilatan. "Excuse me?"
Ngumisi siya. "This elevator was made for me to ride alone. Sorry." Pinindot niya ang buton nang nakatingin sa 'kin hanggang sa sumara 'yon.
Ugh! Gusto kong manlumo sa pagkapahiya. Umasa akong makasasabay na siya sa elevator. Naiinis akong bumaling sa kabilang elevator.
"'Aga mo yata ngayon?" nakangiting bungad sa 'kin ni Melanie nang makaakyat ako. "Naunahan mo pa si Cyrene, ah?" Ngiti lang ang isinagot ko sa kaniya.
Nagbihis ako saka dumeretso sa nurses' station para tingnan ang records. Gusto kong malaman kung ano-anong cases ang meron sa araw na 'yon. Feeling ko, toxic nga, pero masyado akong inspired para alalahanin 'yon.
Magkakasunod na inihatid ang mga pasyente nang matapos ang endorsements. Nawala tuloy sa isip ko si Maxwell. 'Yon nga lang, ang epekto niya at ng kaniyang presensya ay nanatili sa 'kin. Kahit anong gawin ko ay hindi mawala ang ngiti ko.
Maliban na lang nang magtanghali at hindi ko na uli nakita si Maxwell. Nalibot ko na ang buong area, kahit hindi ko siya hinahanap, hindi pa rin kami nagkita. Nahihiya naman akong magtanong sa mga nurse, baka kasi iba ang isipin nila. Hindi na tuloy ako energetic tulad noong umaga.
"You must be very tired," sabi ni Dra. Natasha, dahilan para biglang magising ang diwa ko. Ako ang scrub nurse at 'yon ang ikatlong case namin ni Cyrene sa araw na 'yon.
Nakangiti si Doktora, pero sa tono ng pananalita niya ay halatang nang-aasar. Paniguradong nababagalan siya sa amin kaya niya nasabi 'yon. Isa ito sa mga doktor na kinatatakutan ng mga staff. Parati kasi siyang may nasasabi at nasisita. Ayaw niya sa mga tulad kong magandang nurse.
"The operation will go on without you. Do you know that?" dagdag ng doktora dahilan para mamula kami sa pagkapahiya. "But you need this job." Doon lang siya sumeryoso. "Gumising ka, please. Hindi tayo naglalaro dito."
"Sorry, Doc," mahinang sabi ko.
"Don't say sorry," singhal niya saka ibinalik sa operasyon ang tingin.
Napabuntong-hininga ako at aksidenteng nahagip ng paningin ang amphitheater na nasa gawing itaas sa harapan. Nanlaki ang mga mata ko nang makita roon si Maxwell na nakaupo. Nakapandekuwatrong pambabae at magkakrus ang mga braso. Deretso ang tingin niya sa operasyon, sa tiyan mismo ng pasyente. At hindi ko maiwasang pamulahan lalo dahil paniguradong narinig niya anuman ang pinag-uusapan namin sa loob dahil sa speaker.
Focus, Yaz. Focus! I did my best to ignore Maxwell's presence. I needed to focus.
"Cyrene," tawag ni Ma'am Minnie habang naghuhugas kami ng instruments. "Kayo ni Zaimin Yaz ang humawak doon sa appendectomy."
Nagkatinginan kami ni Cyrene saka sabay na napabuntong-hininga. Kailangan naming magmadali dahil paniguradong nakasalang na sa OR table ang pasyente.
"Yes, Ma'am Minnie," pagpayag ni Cyrene saka namin mabilis na tinapos ang ginagawa.
Palibhasa'y si Cyrene na ang nag-assist kanina. Ako naman ngayon. 'Yon ang maganda sa aming dalawa. Walang angalan, nagbibigayan.
Agad kaming naghugas ng kamay saka dumeretso sa operating room. At halos mapabalik ako papalabas nang makita ko si Maxwell na nar'on sa loob! Nakamaang kong pinanood ang nurse na i-assist siya sa pagsusuot ng gown.
Oh, my God! That is my job, girl! I should be the one doing that!
Bigla akong nanghina. Nanginig agad ang mga kamay at tuhod ko. Sunod-sunod akong lumunok habang papalapit sa table kung saan nakapatong ang protective equipments.
Kanina ay panay ang hanap ko sa kaniya. Pero ngayong narito na siya, ganito naman ang epekto niya sa 'kin.
Nakapikit akong lumabi. This is going to be your first time assisting him. Focus, Yaz!
Hindi pa ako sigurado kung si Maxwell nga ang hahawak sa kasong 'yon. Pero ang katotohanang nar'on siya bilang isa sa mga doktor, hindi na ako dapat pang magtanong.
"Cyrene," bulong ko. "Ikaw na lang ang mag-scrub."
"Ha? Ayoko." Magkahalo ang hiya at nerbyos sa pagtanggi niya. "Ako na kanina, eh. Ikaw naman," nakalabing aniya, umiiling.
"Kinakabahan kasi ako. Sige na, please?" pakisuyo ko pa. Gusto ko siyang hilahin kaso ay nakaamba na sa 'kin ang gown. "Please?"
"Ikaw na, ano ka ba? You can do it," bulong niya. "Sorry, Yaz," aniya na kunyaring maiiyak pa.
Napalingon ako kay Maxwell na nagsusuot na ng gloves. At halos mapatalon ako nang sulyapan niya ako nang hindi iginagalaw ang kaniyang ulo at tanging mga mata lang. Ang tingin niyang deretso, madilim at nanunuot hanggang kaluluwa. Tila tinatambol ang puso ko sa sobrang lakas ng pagkabog nito.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko dahil noon ko lang naramdaman kay Maxwell 'yon. Ni hindi ko matandaang kinailangan kong kapalan ang mukha ko para harapin siya. Natural na kasi sa 'kin 'yon kaya hindi na kailangan ng extra effort. Madalas pa nga ay ako ang lumalapit at nangungulit sa kaniya. At buong puso kong ipinakikita, ipinararamdam, at hayagan kong sinasabi ang nararamdaman ko sa kaniya. Gano'n ka-natural ang kapal ng mukha ko pagdating kay Maxwell. Kaya hindi ko maintindihan kung ano bigla ang nangyari. Feeling ko, ilang na ilang ako, sobra kaysa normal na nararamdaman ng taong nagkakagusto.
"Hi, Yaz!" bati sa 'kin ng isa sa apat na male nurses. Sinenyasan agad sila ni Ma'am Minnie na tumahimik. "Galingan mo, ah? Manonood kami." Itinuro nito ang amphitheater, doon sila pupuwesto. Lahat sila ay kumaway sa 'kin bago umalis.
"Marami ka talagang fans dito," biro ni Ma'am Minnie. "Napakarami nang gustong ma-rotate dito sa OR nang malamang dito ka naka-duty." Saka siya tumawa. "Kung sa bagay, kung nasaan ka, doon gustong magpa-assign ng male nurses natin. Iba ang karisma mo, Yaz."
"Maganda naman talaga 'yang si Marchessa, masunurin pa," ani Dr. Marwan.
Nag-init ang pisngi ko gayong sanay naman akong pinupuri nang gano'n. Sanay na akong sinasabihang maganda. Ako nga mismo ay sinasabi 'yon sa sarili ko. Pero iba ngayon.
Awtomatiko akong napasulyap kay Maxwell. May matipid na ngiti sa kaniyang labi. May nagsasabi sa 'kin na nakikinig siya sa usapan nina Dr. Marwan at Ma'am Minnie.
"Madalas nga lang ay nakaririndi ang ingay niyang si Nurse Yaz," dagdag ni Dr. Marwan dahilan para lalo akong mahiya. "Pero nakatutuwa sa t'wing kumakanta, napakaganda rin ng boses." Naggantihan kami ng ngiti.
Isa siya sa pinakaistriktong doktor sa buong ospital. Wala halos gustong pumasok, lalo na ang mag-hands on, sa t'wing siya ang surgeon. Kaya hindi maintindihan ng lahat kung bakit siya ang paborito ko. May pagkakataong napahiya ako nang magalit siya, pero madalas ay nag-a-adjust siya sa 'kin. Isa siya sa magagaling na doktor doon kaya walang dahilan para hindi siya hangaan. Nakatutuwa lang na sa dami ng nurse na nagdu-duty roon, isa ako sa mga natatandaan niya. Sa dami ng nurse ay wala pa sa lima ang natatandaan niya ang pangalan.
"Makakasama natin ngayon si Dr. Maxwell Laurent del Valle. Siya ang assistant doctor ko," ani Dr. Marwan matapos ipaliwanag ang operasyong mangyayari. "O, single 'yang si Maxwell kaya umayos kayo. Dinig ko'y mahilig 'yan sa matalino," nakangiwing dagdag nito matapos sulyapan at ngisihan si Maxwell.
Hindi ko inaasahang magkukuwento si Dr. Marwan tungkol kay Maxwell. Alam ko na ang karamihan sa mga sinabi niya pero ang interes ko ay hindi nagbabago. May kung anong kilig akong nararamdaman dahil sa iilang impormasyong bago sa pandinig ko.
Nalaman ko na isa si Dr. Marwan sa maraming sumubok sa kakayahan ni Maxwell noong estudyante at intern ito. Bukod doon ay napapangiti ako sa t'wing ngingiti si Maxwell sa pagtanggi. Panay kasi ang papuri ni Dr. Marwan. 'Yong papuring hindi inimbento lang. Mahihimigan sa kuwento niya ang katotohanan ng mga 'yon.
Grabe, Maxwell is so humble!
Totoong napaka-humble niya, gusto kong manibago. Ang pamilya kasi ni Maxwell ang tipong lahat ng kayabangan ay mukhang biro kahit seryoso. Totoong meron silang kakayahan at talento sa maraming bagay. Pare-pareho silang matatalino at sarkastiko. 'Yon nga lang, napagkakamalan nilang biro ang kayabangan. Nalalaman tuloy ng lahat ang kanilang kakayahan.
Hindi ko magawang makitawa o makingiti man lang sa lahat nang tungkol na sa operation ang topic. Lalo na nang banggitin ni Dr. Marwan ang mga kamalian sa operation na ayaw niya. Panay ang bungisngis ng karamihan habang ako, parang tuod na nagsisimula nang magyelo sa kinatatayuan. Nanlalamig ang buong katawan ko. Kaharap ko kasi si Maxwell. Hindi na 'yon ang unang beses, kaya hindi ko maipaliwanag kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Matindi ang kaba ko at nanginginig ako hanggang sa sandaling 'yon. Wala ako sa sarili at pakiramdam ko ay nakalutang lang ako sa kung saan. Naririnig ko ang lahat ng sinasabi ng mga nasa paligid ko pero parang wala akong maintindihan sa kanila dahil paulit-ulit sa isip kong nar'on si Maxwell sa harap ko at makikita niya anumang kilos ko.
"Alright, team, magsisimula na tayo," ani Dr. Marwan dahilan para bahagya akong magising.
Pinanood ko si Dr. Marwan na kapa-kapain ang parteng 'yon ng katawan ng pasyente. "Knife." Inilahad niya ang kamay sa 'kin nang hindi inaalis sa katawan ng pasyente ang paningin. "Wipe," utos niyang muli, tumugon ako. "Thank you."
Sinikap kong mag-focus. Nang mahiwa ang parteng 'yon ng katawan, dinampian ko agad ng sponge. Pero hindi ko mapigilang mapansin si Maxwell sa gilid ng mata ko, inaalam kung pinanonood ba nito ang kilos ko. Ang isip ko naman ay hinihiling na sana, hindi.
"Wipe." Ang pandinig at paningin ko ay hindi ko hinahayaang mawala kay Dr. Marwan. "Retract."
Agad akong kumilos, kagat ang labi. Habang ginagawa ko 'yon ay nasisiguro kong nasa pagkilos ko ang atensiyon ng lahat.
"Adson."
Agad kong iniaabot ang instrumento. Gano'n ang gustong-gusto ni Dr. Marwan, at hinihiling kong tuloy-tuloy kong magawa nang tama 'yon.
Sisiw sa 'kin ang gano'ng minor case, lalo na at hindi naman nag-rupture ang vestigial organ. Pero nang dahil sa presensya ni Maxwell, parang major-major case 'yon. 'Yon nga lang, imbes na 'yong pasyente, parang ako ang nag-aagaw-buhay.
Para akong tinamaan ng kung anong magic nang magsimulang kumilos si Maxwell. Hindi ko malaman kung bakit tila may hipnotismo ang bawat galaw niya. Nar'on ang pagiging pino niya. Pero ang dedikasyon niya sa propesyon ay makikita sa kaniyang galaw at sadyang kakaiba. Napakaingat niya, tutok at puno ng pagmamahal. Kamangha-mangha.
Ang kaninang kaba ko ay unti-unting humupa at napalitan ng pagkaaliw. Totoong aliw na aliw ako sa katotohanang nasa iisang operating room kami ni Maxwell. Nasa iisang operating team kami at ginagawa ang iisang operasyon. Napakasarap sa pakiramdam. 'Yon ang unang beses, hindi ko inaasahan, at hindi ko makakalimutan.
"Do you like what you're doing?" tanong ni Maxwell na hindi inaasahan ng sino mang nar'on lalo na ako.
Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kaniya, at halos mabitiwan ko ang hawak kong instrument matapos makitang nasa 'kin ang paningin niya.
"Please wipe and retract. Retract pa," ani Dr. Marwan dahilan para mabaling sa operasyon ang paningin ko. "Relax, hija. Don't be harsh," dagdag niya dahilan para matigilan ako at mag-angat ng tingin sa kaniya. "May mada-damage kang tissues kapag masyado mong idiniin ang instrument tip. Relax. This isn't your first time, Nurse Yaz. Relax."
"Yes, Doc. Sorry, Doc." Iniwasan kong mautal.
Itinuon ko nang todo ang paningin sa ginagawa. Hindi pa man ako nagkakamali, parang gusto ko nang mapahiya. Hindi ko pwedeng sisihin si Maxwell dahil natural ang lahat sa kaniya. Ako lang talaga itong masyadong apektado. Napaka-unprofessional ko.
"O, hindi mo sinagot ang tanong ni Dr. Maxwell," nakangiting ani Dr. Marwan, tutok ang mga mata sa ginagawa, dahilan para mapatingin ako kay Maxwell.
"Ha?" Nautal ako saka umiling nang umiling. "Yes, Doc. Nag-e-enjoy ako, sobra."
"Mukha nga. Tumagal ka, eh." Sarkastiko si Maxwell kaya pinili kong manahimik na lang at 'wag nang sumagot.
Pero ang linya niyang 'yon ay nagdulot ng matinding kaba sa 'kin. Gusto kong mainis pero lamang ang kaba ko. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit. Ang alam ko lang ay kinakabahan ako nang sobra.
"Mukhang magkakilala kayo, ah?" ani Dr. Marwan na sandali pa kaming sinulyapang pareho.
"His sister is my sister's best friend, Doc," kalmadong tugon ko.
"They're not best friends," pagtaliwas ni Maxwell. "Well, that's according to my sister."
"You know how weird she is," nakangiwing sabi ko.
Natahimik ako nang huminto si Dr. Marwan sa ginagawa upang lingunin kami ni Maxwell. Hindi ko maintindihan kung bakit matapos niyon ay pasimple siyang tumawa at umiling.
"Hi, Nurse Yaz!" Biglang may bumati sa mikropono. Wala sa sarili akong napatingala sa amphitheater at agad na nagbaba ng tingin. Nasisiguro kong interns 'yon, kararating lang marahil. Malakas ang loob nilang mag-ingay, palibhasa'y si Dr. Marwan ang senior at instructor nila.
"Metz." Hindi ko agad narinig ang sinabi ni Dr. Marwan. "Metz!" mas malakas nang sabi niya habang nakalahad ang kamay. "Suction!"
Aligaga kong sinunod ang huli niyang iniutos. Kumabog sa kaba ang dibdib ko dahil nagtaas siya bigla ng boses. Halos magkandahulog-hulog ang gamit sa mayo table nang damputin ko at ni hindi ako sigurado kung tama ba ang napupulot ko. Bigla akong natuliro.
"Focus, Yaz," nakangising ani Maxwell habang nakatingin sa 'kin. Hindi ko na magawang tagalan ang tingnan siya. Akala ko ay magiging suwabe na ang minor operation na 'yon. Nagkamali ako.
"Metz." Inilahad muli ni Dr. Marwan ang kamay sa gawi ko. Kapag lumingon siya ay paniguradong masisigawan na ako. Ayaw niyang inaalis sa mismong area na inooperahan ang kaniyang paningin.
Naiinis akong bumaling kay Ma'am Minnie. "Wala na 'ka mong Metz," anito, wala pa man akong nasasabi.
"Wala na raw pong Metz," baling ko naman sa doktor.
"Hindi lang iisa ang Metz sa loob ng operating room, Yaz," ani Maxwell dahilan para mapatingin ako sa kaniya. Masyado siyang seryoso, nakatiim pa ang bagang at animo'y nag-iigting ang mga panga.
This is so not fetch. This is so not fetch, Yaz! Ugh!
"Hindi lang daw po iisa ang Metz sa OR, ma'am," nauutal na baling ko kay Ma'am Minnie. Gusto kong lumubog sa kinatatayuan ko dahil sa kahihiyan.
Bakit mo sinabi 'yon? Grr! Stupid!
Hindi ko alam kung tama bang sabihin ko pa kay Ma'am Minnie ang sinabi ni Maxwell. Hindi ko rin alam kung nang-aasar ba siya. Masyado siyang seryoso para isipin 'yon. At isa pa ay talaga namang hindi lang iisa ang instrument na 'yon sa buong OR. Minsan nga ay hindi lang lima ang nakahandang Metz sa iisang operasyon.
Hindi ko rin maintindihan kung bakit pakiramdam ko ay bahagya akong nainsulto sa sinabi ni Maxwell. Tuloy ay hindi ko na naisip ang ikinikilos ko dahil sa kahihiyan.
"Tatlong Metz na ang inilabas ko at nariyan nang lahat," pabulong na sabi ni Ma'am Minnie. Ni hindi ko man lang maramdamang kinakabahan siyang gaya ko. Masyado siyang kalmado na para bang hindi nagagalit ang doktor sa tabi ko.
"Nandiyan na raw po ang lahat ng Metz. Tatlo na ang nailabas, Doc."
Gusto ko na talagang maglaho sa sandaling 'yon. Sa buntonghininga pa lang ni Dr. Marwan ay parang gusto niya na akong sigawan hanggang sa tumalsik ako mula sa tabi niya.
"Hindi lang tatlo ang Metz sa loob ng operating room, Nurse Yaz," muling nagsalita si Maxwell. At hindi ko na napigilan ang sarili kong tingnan siya nang masama. "Keep that in mind."
Hindi ako nakasagot. Napamaang ako sabay buntonghininga. Hindi ko na inalis pa ang atensiyon at paningin sa operasyon dahil ayaw ko na uling mapahiya.
Kahit gano'n ay laking pasalamat ko nang magtagumpay kami sa operasyon. Nagreklamo si Dr. Marwan dahil sa kakulangan ng instruments bagaman sa huli ay nagawan nila 'yon ni Maxwell ng paraan. Marami siyang nasabi, normal na 'yon sa kaniya. Kesyo 'yon daw ang unang beses na nag-init ang ulo niya sa isang minor operation.
Hindi ko naman maiwasang mapahiya hanggang sa pagliligpit dahil pakiramdam ko ay ako ang sinisisi ng lahat. Sandali lang ang operasyon na 'yon pero pakiramdam ko ay 'yon na ang pinakamahabang operasyon na napasukan ko.
"What's your favorite area inside the hospital?"
Muntik ko nang mabitiwan ang instrumentong hinuhugasan nang mangibabaw ang tinig ni Maxwell sa likuran ko. Naibaba ko 'yon saka ako napahawak sa sink. Sunod-sunod na buntonghininga ang ginawa ko bago ako bumaling sa kaniya. Natigilan ako matapos makita kung gaano siya kaseryoso.
"What?" tanong niya.
"Why?"
"I'm interested. What's your favorite area?"
Naglapat ang mga labi ko, lumunok bago sumagot. "Operating room."
"Why?"
"Dahil ito ang gusto ko. 'Yong nag-a-assist ako sa doktor sa isang operasyon. Nag-e-enjoy ako sa ginagawa ko rito. Ikalawa lang ang ER sa gusto kong area."
Ngumisi siya nang may pagmamalaki pero hindi siya natatawa. Tila ba naiinis siya sa isinagot ko at hindi ko 'yon maintindihan.
Nagulat na lang ako nang magbaba siya ng tingin, pinagpantay niya ang mga mukha namin. Napaatras ako at agad na dumiin sa sink ang likuran ko. Nagbaba ako ng tingin sa mga kamay niyang kumapit sa sink para makulong ako.
"I have to disappoint you. I don't think you can be a good OR nurse," mahinang aniya habang nakatingin sa mga mata ko. "Your hearing is impaired, and you can't stay focused. Mahalaga ang mga 'yon sa area na ito."
Nangunot ang noo ko. "Maxwell." Hindi ko nagustuhan ang sinabi niya.
Sa unang tanong pa lang niya ay batid ko nang kokomprontahin niya ako kaya hindi ko magawang kiligin. Sa halip nga ay kinabahan pa ako. Pero sa sinasabi niya ngayon ay naiinsulto at nasasaktan ako.
"Every operation is a potential fatality, Zaimin Yaz. Your constant attention is as important as a major operation."
"I know." Mabilis nangilid ang mga luha ko. Sa pagkakakilala ko sa kaniya, hindi ko naisip na posible niyang sabihin sa 'kin ito.
"Hindi laro ang anumang operasyon, Yaz. Hindi biro ang kursong tinapos mo." Seryosong-seryoso si Maxwell. Feeling ko, ngayon ko lang siya nakita at narinig nang ganito kaseryoso. "Kung ginawa mo lang ito para sundan ako, tumigil ka na. Buhay ng tao ang hinahawakan mo rito."
Nanlaki ang mga mata ko at lalong nangilid ang mga luha ko. Nagsimulang kumibot-kibot sa galit ang mga labi ko. Gusto ko siyang sampalin pero hindi ko 'yon ginawa, at laking pasasalamat ko dahil nagawa kong pigilan ang sarili ko. Dahil para sa 'kin ay 'yon ang pagiging nurse. Ang magpigil ng luha at 'wag ipahalatang umiiyak ka rin.
"'Wag kang magsalita na para bang ipinanganak kang alam na ang lahat ng bagay. Dumaan ka rin dito. Pasensiya na kung naging bastos ako, Dr. Maxwell," nakangiti kong sinabi. Sinadya kong diinan ang titulo at pangalan niya saka ko siya tinalikuran.
Hindi ko na kaya pang pigilan ang mga luhang kumakawala sa mga mata ko. Nasaktan ako sa mga sinabi niya. Higit pa ang mga salitang 'yon sa pagkapahiyang natanggap ko sa mga doktor na nagalit sa mga nakaraang pagkakamali ko.
Dahil ang mga salitang 'yon ay galing sa 'yo, Maxwell. Masakit dahil sa 'yo mismo nanggaling. At mas masakit dahil kahit pa hindi ko aminin, isa ka sa mga dahilan kung bakit minahal ko ang ginagawa ko ngayon. Isa kang malaking dahilan kung bakit nagpursigi ako kahit mahirap. Isa kang magandang dahilan para maghagilap ako ng kaalaman. Ikaw ang dahilan kung bakit ko pinasok ang mundong ito at minahal ko rin ito nang dahil sa 'yo. How can you say those things to me? How?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top