CHAPTER 1


"ATE! ATE!" Nagising ako dahil sa sunod-sunod na katok at malakas na boses ni Zarnaih. "Ate, gumising ka! Dali! Naku, dalian mo talaga, Ate!" Napaka-OA talaga ng kapatid kong ito.

Naiinis akong bumangon at halos takbuhin ko ang naka-lock na pinto. "God! What's with the ear-shattering voice, Zarnaih?" nakapamaywang na singhal ko.

"Bumaba ka, dali! Ate! Nandiyan na ang mga hambog!"

"What?"

"Sina Maxpein," habol ang hiningang aniya habang nakaturo sa daan papunta sa hagdan. "Dumating na si Maxwell!"

Agad na nanlaki ang mga mata ko. "Oh, my God!"

"Oh, my God talaga, Ate!"

"Oh, my God!" Tumili ako.

"Oo, Ate! Ayusin mo na ang sarili mo, dali! Ang pangit mo! 'Wag ka talagang bababa nang ganyan ang itsura mo. Naku, ikahihiya kita!"

Hindi ko na siya pinansin pa. Halos magkandarapa ako sa pag-abot ng towel saka pumasok sa bathroom. Walang kasinlakas ang kabog sa dibdib ko, parang binabayo. Nagmadali akong naligo at nagbihis. Naglaan ako ng oras para ayusan ang sarili ko.

Ibinuhaghag ko ang maalon at itim na itim kong buhok saka inilagay ang karamihan niyon sa isang gilid ng balikat ko. Suot ang maong shorts at hanging light blue sleeveless top, humarap ako sa salamin.

This is it!

Ang tagal kong naghintay sa pagbabalik ni Maxwell. Ilang taon siyang nanatili sa Amerika para sa specialization niya, kasama si Maxrill na roon din nagtapos ng pag-aaral. Nang makauwi sa Pilipinas, wala pang isang linggo ay nagpunta naman sila sa Korea.

Walang araw na hindi ko siya inisip. It was not easy because we had no communication. Kahit anong tawag at text ko, hindi niya ako sinasagot. Sa t'wing makikibalita naman ako sa mga kapatid niya, puro kayabangan ang natatanggap kong tugon kaya wala akong idea na ngayon ang dating nila.

"Maxpein!" bulalas ko nang makababa sa sala.

Matagal ko ring hindi nakita si Maxpein. Tatlong buwang nanatili sa Korea ang pamilyang Moon para sa bautismo ni Maxspaun Thaddeaus. Dahil may sarili nang bahay at pamilya, mas dumami ang kaniyang pinagkakaabalahan. Bihira silang magbakasyong magkakapatid. Si Maxrill ay umuuwi paminsan-minsan pero hindi rin nagtatagal.

"Yaz." Tumayo si Maxpein at yumakap sa 'kin. "How are you? You look good," aniya matapos akong pasadahan ng tingin.

Umikot ako sa harapan niya. "Eto, lalong gumanda!" Natawa kaming dalawa. "How are you? I missed you, Pein!"

"I'm cool, but I didn't miss you," nakangising aniya. Magandang biro na sa kaniya ang gano'n.

"Psh." Sumimangot kunwari ako. "Where's your baby?"

"Nasa kuwarto ko. Hindi mabitiwan ni Sensui," nakangiwi niyang sagot. "Siya yata ang ina sa aming dalawa."

Natawa ako. "You're really crazy."

"Dumaan lang talaga kami para kunin ang ilang gamit ko." Isinenyas niya ang duffel bag na nakapatong sa center table.

Sa bahay nina Lee at Zarnaih talaga ako tumutuloy. Pero tatlong buwang nasa Korea ang pamilyang Moon, at nakiusap sila sa 'kin na mag-stay sa mansiyon habang wala sila. Na para bang nawawalan ng bantay roon kahit na may maids at tauhang naiiwan. Ngayon ay mukhang alam ko na ang totoong dahilan. Darating pala ang future husband ko at gusto nila akong sorpresahin. Kung nar'on kasi ako sa bahay nina Zarnaih sa oras na ito, baka nakaalis na si Maxwell bago ko pa malamang darating siya.

Ang totoo, gusto nina Mokz, Tita Maze, at Tito More na sa mansiyon ako tumira habang nagtatrabaho sa BIS Hospital. Pero dahil sa hiya ay nagpumilit akong mag-stay kung nasaan ang kapatid ko.

Sandali kaming nagkumustahan ni Maxpein. Ikinuwento niya ang naging bakasyon nila sa Korea. Tutok ako sa pakikinig lalo na kapag binabanggit na si Maxwell. Gusto ko ulit makita si Maxwell na nakasuot ng hanbok, 'yong traditional costume nila, kaya nakapanghihinayang na hindi ako pwedeng sumama. Nakatutuwa dahil mas mahaba sa inaasahan ko ang mga ikinuwento ni Maxpein. Pero kahit anong haba yata ng usapan namin ay hindi ko na maiaalis sa isip ko ang katotohanang nasa paligid lang si Maxwell kaya naman hindi ko na pinatagal ang usapan.

"Nasaan nga pala ang baby ko?" nakangising bulong ko.

Halos magkandirit ang mga tuhod kong makaalis kung saan kami nag-uusap. Gano'n katindi ang excitement kong makita si Maxwell.

"Magkasama sila ni Maxrill sa pool," ani Maxpein sabay kindat. "Ingat ka, mainit ang ulo niyon."

Baka pagod, or maybe, may jet lag? O baka naman . . . dahil hindi agad ako nakita? Nakagat ko ang labi ko. "Pupuntahan ko muna siya. For sure, mawawala ang init ng ulo niya."

Kung kailan namang nagmamadali ako ay saka ko nasalubong ang iba pang miyembro ng pamilyang Moon. Siyempre, nakipagkumustahan ako sa kanila.

"We're going to have a celebration soon," ani Mokz. "Wear something nice, Zaimin Yaz."

Gosh, that is so fetch! Nanlaki ang mga mata ko. "Ready na ang outfit ko, ready na kaya ang apo ninyo?" nakangisi kong tugon dahilan para matawa siya. "Siguradong hindi lang panga ang iigting sa kaniya."

"Puro ka kalokohan, hija." Napahalakhak si Mokz. "Ha ha ha ha ha!"

"Pati sentido, kasi mag-iinit ang ulo niya sa 'yo." Gano'n na ang magandang biro kay Tito More. Nawala ang lahat ng saya sa mukha ko.

"Pupuntahan ko na po muna ang future husband ko," nakangusong paalam ko.

"Sige, galingan mo sa panliligaw, anak," dagdag pa ni Tito.

Palibhasa'y tanggap ng mga Moon ang feelings ko sa pinakamasungit na miyembro ng kanilang pamilya ay hinahayaan nila akong gawin ang lahat ng aking gusto. Balewala na sa kanila kung tawagin ko ang kanilang binata ng future boyfriend, future husband, baby, o kahit ano pa. Ang totoo ay mas gusto pa nga nila 'yon.

Si Maxwell lang talaga ang ayaw kuno sa 'kin. For all I knew, ako ang beautiful distraction niya. Pinipigilan niya lang ang sarili dahil iniisip niya ang future naming dalawa.

Kumuha ako ng isang basong juice at sinadya ko 'yong lagyan ng pink straw. Nagsuot ako ng sunglasses saka lumabas at nagtungo sa backyard. Habang naglalakad papalapit sa pool ay sumisimsim ako ng juice, nag-iinarte, ngunit nahinto ako sa paghigop at naibaba ang sunglasses ko matapos makita ang magkapatid na nagkakarera sa paglangoy.

Napalunok ako matapos kong makita na parehong walang top ang dalawa. Sa t'wing aangat sa tubig ang mga braso, balikat, at dibdib nila ay humihiyaw ang kahungkagan ng kanilang katawan. Gusto ko tuloy umalis na lang at ibigay ang kapayapaan ng umaga sa kanila.

Halos pareho lang ang kanilang bilis at pareho nang nasa gitna. At kahit silang dalawa ang nagkakarera, pakiramdam ko ay nakikipaghabulan din ang tibok ng puso ko. Para bang pati ako ay pagod at naghahabol ng hininga.

"I got here first," dinig kong sabi ni Maxrill. Siya nga ang unang nakarating sa dulo.

Napangiwi ako sa ganda ng likod ni Maxrill. 'Yon nga lang, likod pa rin ni Maxwell ang paborito ko. 'Yon ang pinaka-sexy na parte ng kaniyang katawan. Bagaman hanggang doon pa lang naman ang nakikita ko.

Hindi nila pansin ang presensya ko dahil nakatalikod sila nang bahagya sa gawi ko, bukod sa tutok sila sa paligsahan at yabangan.

"You're so weak, Maxwell. I bet Mokz can beat you," dagdag pa ng bunso. Gusto kong manibago sa boses niya.

"Whatever," malamyang tugon ni Maxwell.

"Why don't we give it another try?"

Akmang sasagot si Maxwell sa kapatid nang maramdaman ang presensya ko. Sumulyap siya sa gawi ko at gano'n na lang agad ang naging epekto sa tiyan ko. Napapahiya kong itinikom ang bibig ko na noon ay nakita niyang nakaawang.

Sa unang pagkakataon, pakiramdam ko ay binigyan ako ng pagkakataon ni Maxwell na matitigan siya nang hindi niya agad inaalis ang paningin sa 'kin. Batid kong masakit sa leeg na lingunin ako sa gano'ng posisyon—nakapatong ang parehong siko sa gilid ng pool. Natiis niya 'yon?

Gusto kong manlambot. Gusto kong humiga sa bermuda grass habang nakatitig sa kaniya. Makapigil-hininga talaga ang kaguwapuhan ni Maxwell. Ang matatalim niyang mata, makakapal na pilik-mata, matangos na ilong, maninipis na labi, at prominenteng panga ay sadyang nakatutunaw ng puso at kaluluwa. Tingin pa lang ay nakababaliw na.

"Hi!" naaasiwa kong bati.

Tumaas naman ang kilay ni Maxwell. Hindi ko alam kung paano niya nagagawang pataasin ang isang kilay habang nakakunot ang kaniyang noo. Sa tingin ko ay wala nang mas susungit pa sa kaniya sa dami ng kilala kong lalaki.

Napalingon din si Maxrill sa 'kin at saka ako pinasadahan ng tingin. Hindi ko napigilang magulat at humanga.

Wow!

Ang dating binatilyo ay isa na talagang ganap na binata ngayon. Kung matagal nag-mature ang isip niya, hindi naman ang kaniyang katawan. Hindi ko akalaing may iguguwapo pa pala si Maxrill. At hindi ko na-imagine kailanman na makikita ko siyang ganito, binatang-binata.

Nasa Amerika man nang ilang taon, umuuwi si Maxrill dito dalawa o tatlong beses sa isang taon. Ang totoo, bago magtungo sa Korea para sa seremonyas ni Maxspaun, nakita ko pa siya. Sa loob ng tatlong buwan, nakapaninibago ang nakikita ko ngayon, nakaloloka.

"Hey, Yaz!" nakangising bati ni Maxrill sabay ahon mula sa pool. Gusto kong hanapin ang pagtawag niya ng noona. Sa gano'ng lengguwahe niya lang ako tinatawag na ate.

Napalunok ako matapos makita ang built at porma ng katawan niya. Ang boses niya ay buong-buo na, nakapaninibago. Parang kulang at hindi dahilan ang tagal ng pagkikita para ngayon ko lang mapansin ang mga pagbabago sa kaniya.

"Hi!" nauutal kong tugon. "It's nice to see you again, Maxrill!"

Hindi ko naiwasang tingnan muli ang kabuoan niya at paulit-ulit na magulat. Naiilang kong sinulyapan si Maxwell. Nakaahon na rin ito, nakangiwi, nakapamaywang, at malayo ang tingin.

"Nice to see you, too, Yaz. How have you been?" muling ani Maxrill. Bahagyang lumiliit ang kaniyang mata habang nagsasalita. "You look stunning, well, as always."

Humablot siya ng towel mula sa poolside chair, bara-barang tinuyo ang sarili, at basta na lang ipinatong ang tuwalya sa tumutulo pa rin niyang buhok. Ginawa niyang lahat ng 'yon nang hindi inaalis ang tingin sa 'kin.

Naninibago pa rin ako. Hindi talaga ako sanay. Ang maliit na boses noon ni Maxrill ay malaki at bruskong-brusko na ngayon. Hindi ko ma-imagine ang ganito. Napakalaki ng ipinagbago niya at hindi pa rin ako makapaniwala.

"Wow." Hindi ko napigilang ipakita ang pagkamangha ko. Hindi ko malaman kung matatawa ba o ano, basta na lang ako napailing habang nakangiti. "Ang laki ng ipinagbago mo, Maxrill!"

"Yeah?" Maging ang tawa ni Maxrill ay nag-iba na. "Ngayon mo lang napansin?" Sarkastiko ang halakhak niya. "Where have you been?" Sarkastiko rin maging ang kaniyang tanong.

Siguro nga, pati ang pagtawa, nagbibinata. Hindi na 'yon tulad noon na parang kinikiliti siya sa tagiliran dahil bigay na bigay, may kaunting tining pa. Madalang siyang tumawa noon, oo. Para bang ang bawat pagbuka ng bibig niya ay may kaukulang sentimo kaya pakikinggan mo talaga. Ngayon, hindi na sentimo kundi libo-libo na ang halaga ng kaniyang ngiti at tawa.

"At lalo kang gumuwapo! I missed you, for real!" dagdag ko saka wala sa sariling yumakap sa kaniya.

Pero ako rin ang kusang humiwalay nang walang matanggap na pagganti mula sa kaniya, na noon ay siya pa ang madalas na gumawa. Well, bukod sa hindi niya tinuyo nang maayos ang kaniyang sarili.

Hindi na talaga siya bata.

Gusto kong kurutin at pisilin ang pisngi niya, gaya ng dati kong ginagawa, pero hindi ko maintindihan kung bakit ilang na ilang ako ngayon. At lalo pa akong nailang nang bahagya na namang manliit ang kaniyang mata saka natawa sa 'kin. Para bang may kalokohang naiisip at siya lang ang nakaiintindi.

Nasanay yata ako na isip-bata siya at malayo sa magandang binatang nasa harap ko ngayon. Nasanay akong kung hindi paglalaro, pagkain ang bukambibig niya. Nasanay akong nagmamaktol siya sa t'wing hindi napapansin o nakukuha ang gusto. Nasanay akong sinisigawan niya ang sinumang gumagawa ng mga ayaw niya.

Napasulyap ulit ako sa gawi ni Maxwell nang marinig ko ang tilamsik ng tubig. Lumangoy na ulit siya at papunta naman sa kabilang dulo ng pool. Napasimangot ako.

Gustuhin ko mang panoorin si Maxwell ay naagaw na muli ni Maxrill ang atensiyon ko nang harangan niya ang tinatanaw ko. Lalo pa akong nagulat nang agawin niya ang juice ko.

"Hey!" pagpalag ko.

Ngunit isinenyas lang sa 'kin ni Maxrill 'yon, sa gano'ng paraan nagpapaalam, saka niya ininom ang laman niyon. Napamaang ako bagaman hindi niya ginamit ang straw. Noon kasi ay nagpapaalam o humihingi siya, sa cute pa ngang paraan, batang-bata. Hindi na yata mangyayari uli ngayon 'yon.

Napapamaang kong pinanood siyang punasan ang labi gamit ang likod ng kaniyang palad. Pinanliitan uli niya ako ng mata, bagay na hindi ko malaman kung ngayon lang niya ginagawa o ngayon ko lang napapansin.

"Are you still single, Yaz?" hindi ko inaasahang itatanong ni Maxrill.

Gusto ko talagang hanapin ang pagtawag niya ng noona. Gusto ko ring tanungin kung bakit pangalan na lang ang itinatawag niya sa 'kin. Kung kasama man 'yon sa pagbibinata niya, mukhang kailangan ko munang masanay.

"Yeah!" proud kong sagot. "Well. . . ." Nagkibit-balikat ako saka sapilitang sinilip si Maxwell. "Busy ako ngayon sa work. Before naman ay busy sa studies so . . . no time for boys."

"Busy studying Maxwell Laurent del Valle's anatomy, huh?" Ngumisi siya.

Napamaang ako sa gulat. "Sira!"

"Just kidding." 'Yon ang sinabi niya ngunit bitin ang kaniyang ngiti. Bahagya siyang yumuko sa 'kin at bumulong, "But I bet your favorite subject is Maxwellogy. The study of Maxwell Laurent del Valle's body." Saka niya sapilitang ibinalik sa kamay ko ang aking juice. Nailang na akong uminom muli roon.

"You are crazy! Baka marinig tayo ng kuya mo, lagot ka. Gumaganyan ka na ngayon, ah!" Napalo ko ang basang braso niya.

Ngunit nang muling manliit nang bahagya ang kaniyang mga mata ay gusto kong bawiin ang pagpalo ko. Naninibago ako sa gano'ng reaksyon ni Maxrill. Pakiramdam ko ay sinusuri niya ako.

Pero nang maisip ang mga biro niya ay gusto ko na namang magulat. Hindi ako sanay sa gano'ng biro ni Maxrill. Hindi lang yata katawan, boses, at itsura ang nagbinata sa kaniya.

"Nag-mature ka na, Maxrill," nakangiti at maarte kong sabi, mawala lang ang tensyon na sa tingin ko ay namumuo sa pagitan namin.

"There's no way to slow down or stop my genes from aging, Yaz."

Hindi ko napigilang matawa. "Nakapaninibago ka, grabe. Halos hindi kita makilala ngayon. Binatang-binata ka na. Samantalang ilang months lang naman kitang hindi nakita. Well, aside sa pagpunta mo sa America."

"You were busy. Always busy with somebody, you didn't notice me." Batid kong si Maxwell ang tinutukoy niya.

"Alam mo namang nasa kuya mo lang ang atensiyon ko," humahagikgik kong sagot saka muling sumulyap kay Maxwell na hanggang sa sandaling 'yon ay nakakunot ang noo.

Nagbuntonghininga si Maxrill dahilan para ibalik ko sa kaniya ang aking tingin. Napapailing ko na namang pinagmasdan ang kabuoan niya.

"God! Now it feels weird to think how we used to play when you were younger." Nakangiti ko siyang nginiwian. "I think I'm going to miss the old you, Maxrill. And how I was able to play games like hide and seek with you."

Inalalayan niya ako paupo sa plastic bench na nasisilungan ng umbrella, saka siya tumayo sa harap ko at ginulo nang ginulo ang buhok niya. Hindi ko maiwasang matawa habang pinanonood siya. Kailan ba ako maniniwalang binata na talaga siya? At mukhang maloko pa.

Siguro, nasanay siya sa America.

"Maxrill, let's go!" Natinag kami sa pagtawag ni Maxwell.

Ugh! My favorite voice.

Wala nang mas gaganda pa sa boses niya sa pandinig ko. Hindi lang 'yon musika kundi higit pa. Maganda pa 'yon sa tugtog ng kahit anong instrumento.

Napalunok na naman ako matapos kong makita ang kabuoan ni Maxwell. Mas nakasisilaw pa sa sikat ng araw ang maputi niyang katawan. At ang kahungkagan at kakisigan niya ay sadyang nakatutunaw.

Hindi 'yon ang unang beses na nakita kong walang suot na top si Maxwell. But I didn't know why it felt and seemed like it was the first time. Kakaiba sa pakiramdam, may halong kilig.

Ano ba ang nangyari sa mundo para magbago nang ganito ang mga tao? Masyado na silang malapit sa salitang perpekto. Oh, Lord, gustong-gusto kong maglupasay habang naglalaway. Natigilan ako sa sariling naisip. Yuck, Zaimin Yaz!

"Yaz, let's go." Sinenyasan ako ni Maxrill. Pinauna niya akong maglakad bago siya sumabay sa 'kin. "I'm so hungry," aniya nang makalapit kami sa kaniyang kapatid.

"Didn't you just eat?" masungit na tugon ni Maxwell.

"Yeah, so?" mas masungit na tugon ni Maxrill sabay iling.

"Mukhang diyan ka walang ipinagbago, Maxrill. Matakaw ka pa rin," biro ko. Nakita ko nang sulyapan ako ni Maxwell.

"I'm devoted to eating." Kinindatan ako ni Maxrill.

"Tsh. Too much eating can increase the risk of heart disease and other serious health problems, Maxrill Won," masungit na sabat ni Maxwell. Wala na talagang susungit pa sa kaniya, hari! Hindi man lang nag-abalang lingunin ang kapatid. Mas abala siya sa pagsusungit.

"Oh, come on, brother." Sumimangot si Maxrill, pinakadiinan ang huling salita. "Medicines are useless if the diet is wrong. Medicines aren't necessary if the diet is correct. If rich food can kill, then I'm in danger, Maxwell Laurent." Mayabang niyang nginisihan ang kapatid saka kami pinangunahan.

Whoa.

Gusto kong masuka sa pag-uusap nila. Hindi talaga ako sanay! Naninibago ako kay Maxrill at nagwawala naman ang sistema ko sa presensya ni Maxwell. Hindi ko kayang kumalma.

Napakaraming nangyari sa mga nagdaang taon. Lahat ng 'yon ay hindi pa rin kapani-paniwala hanggang ngayon. Pero sa kabila niyon ay mas pinili namin ni Zarnaih na manatili rito sa Laguna kung saan pareho kaming masaya.

Ilang beses na kaming pinakiusapan ng parents naming bumalik sa Cebu dahil sa pananabik nila sa amin. Sa huli ay desisyon pa rin naming magkapatid ang nasunod.

Hinayaan kami ng pamilyang Moon na manatili sa mansiyon nila. 'Yon din ang gusto ng parents ko. Pabor naman sa 'kin 'yon dahil mas malapit ako kay Maxwell. Pero nang mag-asawa si Zarnaih ay nagbago ang lahat. No regrets. Besides, tumira man ako o hindi sa mansiyon, madalang ko na siyang makita.

Kung pinagsisisihan kong nanatili kami ni Zarnaih dito sa mga nagdaang taon dahil sa mga hindi kanais-nais na pangyayari, ngayon ay masaya na ako. Totoo nga talagang hindi pwedeng mauna ang sarap. Kailangan ding dumaan sa hirap. Hindi ko nga lang inaasahan ang hirap na pinagdaanan namin sa kamay ng mga Rewis, bagaman mas mahirap ang dinala ng mga Enrile at Moon.

Pero kung ganito ang kapalit ng pinagdaanan namin . . . God! I am willing to sacrifice! So fetch!

Hindi ko naiwasang mapatitig kay Maxwell habang kumakain. Lalo siyang gumuwapo. Pinag-aralan ko nang paulit-ulit ang buong mukha niya at hindi ko makuhang magsawa. Ilang gabi kong pinanabikang makitang muli ang mukhang 'yon. Panay ang pagngiti ko dahil nakikita ko na uli 'yon ngayon.

"How's your studies?" tanong ni Tita Maze sa kalagitnaan ng pagkain. Mukhang iisa-isahin niya ang magkakapatid.

Ngumiwi si Maxpein. "'Yong dating sisiw, manok na ngayon," mayabang niyang sabi. Sinulyapan at inismiran siya ni Maxwell.

Nang manganak si Maxpein kay Spaun ay noon lang siya nakabalik sa pag-aaral. Sangkatutak namang master's degree ang pinagdaanan nina Maxwell at Maxrill. Nakaloloka lang dahil hindi naman pareho ang kurso nila pero parati silang magkasama. Para bang ang katinuan ni Maxrill ay nakabaseng parati sa mga kapatid niya. Napasusunod ni Maxwell si Maxrill dahil sa respeto, napasusunod ni Maxpein ang bunso dahil sa takot nito sa kaniya.

"Maxrill?" baling ni Tita sa bunso. Nilingon ng lahat si Maxrill na pangisi-ngisi na.

Gusto ko na namang manibago. Dahil kung noon ay hindi mawala sa laman ng hapag-kainan ang mga mata niya, ngayon ay nakatutok siya sa sariling tasa. Kung dati ay para siyang nasa kompetisyon sa pabilisang kumain, ngayon ay may kabagalan na 'yon at hindi na umaapaw ang laman ng kutsara. Masyado na nga yatang natuon kay Maxwell ang paningin ko, wala na akong mapansing iba. Tuloy, ang iilang buwan naming hindi pagkikita ay para bang maraming taon na.

"I'm cool." Nagkibit-balikat pa si Maxrill saka muling ngumisi nang nakaloloko. Ayun na naman ang panliliit ng mga mata niya nang masulyapan ako.

"Kumusta ang pag-aaral mo?" tanong muli ni Tita. Talagang sa lahat ng magkakapatid, kay Maxrill siya maluwang. Iba ang tono niya sa bunso. Hindi kasing-istrikto nang sa dalawang nakatatanda. 'Yon nga lang, hindi tulad nina Maxwell at Maxpein, hindi takot sa ina si Maxrill.

"Well, I don't always study. But when I do, I make sure Maxwell sees me," nakangising sagot ni Maxrill.

"Maxrill Won?" Naninindak ang tinig ni Tito More.

"I'm just kidding, Dad," natatawang ani Maxrill. Tinuya niya ng tingin si Maxwell na masama na ang tingin sa kaniya. "I'm studying, and everything is going well. I don't want to limit myself to someone else's opinion of my capabilities. I'll do what I want. I've got dreams, plans, and so on."

Sandaling nangibabaw ang katahimikan. Naninita ang mga titig nina Tita Maze at Tito More sa bunsong anak. Mukhang pasaway na talaga si Maxrill ngayon. Maloko. Malayo sa ugali nito noon na hindi naman nalalayo sa ugali ng mga nakatatandang kapatid niya. Wala man lang nagbago sa yabang ni Maxpein. Naging mas masungit naman si Maxwell. Sadyang nakagugulat ang ipinagbago ni Maxrill.

"How long are you going to stay here?" tanong ni Zarnaih. Agad akong napatingin kay Maxwell.

"For a couple of days." Masungit pa rin ang pagsagot ni Maxwell, ngunit ang paningin ko ay natuon na sa paraan niya ng pagkakalapag ng kutsarita.

Nagbuntonghininga ako. 'Yon si Maxwell. Hindi malaman kung Obsessive-Compulsive (OC) ba siya o maarte lang talaga. Hilig niya kasing isalansan ang lahat ng bagay. Kung paano niyang pinulot ang kutsarita, parang obligado siyang ibalik 'yon sa gano'n ding paraan. At hindi siya hihinto hangga't hindi niya naibabalik 'yon nang pantay.

Maging ang tasa ay paulit-ulit niyang pinupunasan sa parte kung saan dumampi ang labi niya. Para bang kasalanan na may maiwang coffee stain sa cup niya. At bawal siyang kakitaan ng anumang dumi, sa katawan man o kahit saan.

"Bakit naman sandali lang ang bakasyon mo?" tanong naman ni Mokz.

Nagbuntonghininga si Maxwell. "I have to go to Palawan as soon as possible. They need me there." Ngumiwi siya. "Useless ang pagpapatayo ko ng ospital kung wala naman ako roon. Besides, may thesis si Maxrill."

"Yeah, right," nagmamalaking sabi ni Maxrill. "You see, I should be studying right now. You're very lucky to have me here."

Kung gano'n ay sandali lang pala sila.

Nagpresinta akong maghugas ng pinggan matapos naming kumain. Kakanta-kanta ko pa 'yong ginawa. Umaapaw ang tuwa at saya sa puso ko na para bang malilimutan ko sa gano'ng paraan na sandali lang si Maxwell dito.

"I heard you're working in BIS Hospital. Tinapos mo pala talaga ang nursing course."

Muntik ko nang mabitiwan ang pinggan nang mangibabaw mula sa likuran ko ang boses ni Maxwell.

Ano ba ang nangyayari sa 'yo, Yaz? Nasaan na ang makapal mong mukha noon?

Sunod-sunod na paglunok at buntonghininga ang ginawa ko bago ako nagkaroon ng lakas ng loob na lingunin at ngitian siya.

"Oo. Inisip mo bang biro 'yon?" Sinikap kong tingnan siya sa mga mata. Sa loob ko ay ilang na ilang na ako. Ang kaba ko ay malayo na sa normal. And only Maxwell could make me feel this way.

Gayunman, gusto ko siyang tarayan dahil ilang taon na ang nakalipas mula nang makatapos ako. Parang ngayon lang siya nagkaroon ng oras para paniwalaan ako.

Hawak ang baso ay marahan siyang naglakad papalapit sa gawi ko. Ang isang kamay niya ay nakapako sa baywang niya. Ang mga tingin niya ay blangko pero napakalakas ng dating sa 'kin.

Sumandal siya sa kitchen island at deretsong tumingin sa 'kin. "Wala naman akong sineryoso sa mga sinabi mo, Zaimin Yaz," prangkang tugon niya.

Nanlaki ang mga mata ko habang napapamaang. Sandali akong natigilan habang nakatitig sa kaniya saka ko ibinaba ang pinggan upang harapin siya.

"What?" Hindi ko na napigilang magtaray.

Pero ngumisi lang siya at tinalikuran na ako. Iniwan niya akong gano'n, nakapamaywang at hindi makapaniwala.

"Kung gano'n, hindi niya rin sineryoso ang mga paglalandi ko? Ugh! I hate him!" angil ko sa sarili.

Mabilis kong tinapos ang paghuhugas para komprontahin si Maxwell, pero gano'n na lang ang gulat ko nang marinig siyang nagpapaalam kina Tito at Tita.

"Where do you think you're going?" tanong ko, ang paningin ay nar'on sa mga bagahe niya.

Hinarap ako ni Maxwell. "We're going to stay in my house."

Hindi ako nakasagot agad, at nang makapag-isip ay nginisihan ko siya. "Wait, kukunin ko lang ang mga gamit ko."

"What?" singhal niya. "I'm talking about me and my brother, not you."

Sumama ang mukha ko. "Bakit hindi ka na lang dito matulog? Ang daming kuwarto."

Nagbuntonghininga siya. "Babalik kami sa susunod na araw." 'Yon lang at tinalikuran niya na uli ako.

"Sandali." Humarang ako sa pintuan. "Hindi ba't isang linggo lang kayo rito?" Ngumuso ako pero hindi siya sumagot. Gustuhin ko mang magpanggap na maiiyak para magpa-cute pero parang nagkatotoo 'yon. "Bakit hindi ka na lang dito mag-stay?"

"Bakit?" Hindi man lang siya apektado, napakamanhid talaga.

"Para . . . makita kita, duh?" Sa unang pagkakataon, ikinahiya ko ang makapal kong mukha.

Sandali siyang tumitig sa 'kin saka tumawa. Lumapit siya at ginulo ang buhok ko. "Next time," nakangiting aniya. "Maxrill Won!" Tinawag niya ang kapatid saka muling sumulyap sa 'kin. "Good night," bulong niya saka tuluyang lumabas ng bahay.

Nakanguso ko siyang sinundan hanggang sa garahe. Pinanood ko siyang isakay sa kotse ang mga bagahe niya. Tinatanaw ko siya kahit nakasara ang pinto at bintana ng sasakyan niya, kahit hindi ko siya makita.

"We're leaving." Tinig ni Maxrill Won ang nakapagpalingon sa 'kin.

Hindi ko inaasahang bababa uli ng sasakyan si Maxwell para pagbuksan ng pinto ang bunsong kapatid. Nakiusap si Tita Maze na roon na lang sila mag-stay total bakasyon at isang linggo lang sila. Ayaw raw nila ni Maxrill ng maingay at gusto nila ng totoong tulog. Na para bang peke ang itutulog nila rito.

Psh! Alam ko namang ayaw niya lang akong makasama dahil sa 'kin siya naiingayan. At siya lang ang naiingayan. Idinadamay niya pa si Maxrill. Amaw!

Hindi man lang sumama ang loob ko. Mas matagal pa siyang wala sa paningin ko kaysa magkasama kami. Mas madalas pa ang birthday ko kaysa pagkakasundo namin. Hindi rin ako nalungkot. Masaya ako sa ganitong klase ng relasyon na meron kami ni Maxwell. Kontento ako na may gusto ako sa kaniya at kinikilig sa t'wing makikita ko siya. Ayos na sa 'kin na kahit madalas siyang magsungit ay kinakausap at pinapansin niya pa rin ako. Hindi na ako naghahangad nang higit pa roon.

Lumipas ang dalawang araw na 'yon nang hindi ko siya nakikita pero nar'on pa rin sa puso ko ang saya. Kakaiba sa pakiramdam ang katotohanang pareho lang kaming nasa Laguna.

May duty ako sa araw na 'yon. Kung dati ay isinusumpa ko ang araw ng Lunes, ngayon ay walang puwang ang kahit na anong negatibong pakiramdam sa 'kin.

Masaya kong sinalubong ang kaibigan kong si Cyrene. "Good morning!"

"Naku, 'buti at dumating ka na." Nagmamadali siyang mag-ayos ng gamit.

"Bakit?" Kinabahan ako bigla.

"Magbihis ka na, bilisan mo. May visiting doctor tayo today. Gusto ni Sir Tunisi, in complete uniform tayong lahat at may ginagawa."

Sumimangot ako. "Visiting doctor lang naman 'yon, ah? Ano na namang problema niya?"

Hindi namin gusto ang supervisor naming si Sir Tunisi—'yon lang ang gusto niyang itawag sa kaniya. Madalas kasi ay nagpapakitang-gilas siya o nakikipagpaligsahan sa iba't ibang area kahit hindi naman dapat. Nasa iisang ospital lang kami, hindi magandang makipagpaligsahan siya sa supervisor ng ibang departments sa ospital.

Mabilis akong pumasok sa nurses' quarters at nagpalit ng scrub suit. Paglabas ay sumabay na ako kay Cyrene papunta sa nurses' lounge para makinig sa endorsements ni Sir Tunisi.

"Marami tayong pasyente ngayon," bungad sa amin ni Sir Tunisi. Iwinawagayway niya sa ere ang case records at napanganga ako sa dami niyon.

"Kinuha niya na naman yata lahat ng cases," angil ni Melanie, head nurse namin.

"Head nurse, i-delegate mo sa bawat group, 'tapos pumili kayo ng gagawing case presentation para sa Biyernes," nakangiting ani Sir Tunisi.

Walo kami sa grupo na nahati sa apat na pares. Every week ay may case presentation talaga para tuloy-tuloy ang learning experience ng mga staff.

"Kayo na ang maunang sumalang, Yaz, Cyrene," utos ni Melanie. Agad naman kaming tumango. "Cholecystectomy." Ipinakita niya sa amin ang case record ng unang pasyente.

Napag-usapan namin ni Cyrene na ako ang scrub nurse at siya naman ang circulating nurse.

"Have you seen the visiting doctor? He's so guwapo!"

"Pupunta 'yon dito kaya relax ka lang. Nakikipag-usap lang daw kay Ma'am Minnie."

"How did you know?"

"Operating room daw ang bahay niyon."

Hindi nakaligtas sa pandinig ko ang usapan ng dalawang staff nurse nang makapasok kami sa room.

"Sana manood siya. Gusto ko siyang makita."

"For sure 'yan! Grabe, ang guwapo talaga!" Hindi pa rin natatapos ang tsismisan nila.

Malaki ang operating theatre at may sampung operating room kaya pwedeng magsabay-sabay ng operasyon ang mahigit sa sampung doktor. Ang bawat room ay may amphitheater. Open space 'yon na maraming upuan at nakapuwesto sa itaas ng operating room. Doon pumupuwesto ang student nurses, interns, residents, at doctors na gustong panoorin ang kasalukuyang operasyon.

"Good morning, everyone," bati ng anesthesiologist at surgeon.

"Good morning, nurses." Kasunod nilang pumasok si Keziah na sa 'kin agad nakatingin. "Hi there, Yaz."

"Good morning, Doktora," sabay naming pagbati ni Cyrene.

Sa BIS din nagtatrabaho si Keziah at madalas kaming magkita. Hindi ko maitatangging mabait siya sa 'kin. Pero dahil karibal ko siya kay Maxwell, ilag ako.

Nakaugalian na ni Keziah na magpatugtog ng music sa t'wing nasa operating room. Isang kantang paulit-ulit. Isa raw 'yon sa paraan niya ng pagtatrabaho. Ayaw niya ng tensyonadong oras. Gusto niya 'yong chill lang.

"May special guest tayo," sabi ni Keziah maya-maya. Hindi ko sana siya papansinin pero pakiramdam ko ay sa 'kin niya mismo sinabi 'yon.

Nagtaka ako sa magandang pagkakangiti niya habang nagpapaalalay na masuotan ng gown. Nakangisi siyang tumingala sa amphitheater na nasa bandang likuran ko. Hindi ko magawang lingunin ang gawing 'yon dahil limitado lang ang kilos ko.

"Good morning, Dr. Maxwell Laurent del Valle," nakangiting bati ni Dr. Marwan. Nanlaki ang mga mata ko.

Gusto kong lumingon sa amphitheater pero hindi pwede, baka mapagalitan ako. Lalo na at si Dr. Marwan ang surgeon, halimaw at istrikto. Magaling siya pero iba kung magalit.

"Good morning." Nangibabaw sa mikropono ang boses ni Maxwell.

Nangilabot ako at napapikit! Pakiramdam ko ay sinakop ng boses niya ang buong operating room. Hindi ko maintindihan kung bakit nanindig bigla ang mga balahibo ko mula sa batok hanggang sa mga braso at nananatili ang mga 'yong nakatayo.

Maya-maya lang ay inanunsiyo ang pagsisimula ng operasyon. Nanlalamig ang mga kamay ko at biglang nanginig ang mga tuhod ko. Kahit centralized ang air condition, pakiramdam ko ay pinagpapawisan ako.

Kahit hindi ako sigurado, pakiramdam ko ay sa 'kin nakatuon ang paningin ni Maxwell. At ang pakiramdam na 'yon ay inaalis ang katinuan ko. Hindi ko maiwasang kabahan at mailang. Pakiramdam ko tuloy, anumang oras ay magkakamali ako.

"Metz," anang surgeon.

"Doc?" Tila hindi ko naintindihan ang sinabi niya.

Nilingon ako ni Dr. Marwan, bagay na ayaw na ginagawa ng mga surgeon dito. "Metz," mariin at malakas nang pag-uulit niya.

Nakamaang akong tumango saka bumaling sa mayo table at dinampot ang instrument na hinihingi niya. Napabuntong-hininga ako nang magsimula na uling magtrabaho ang doktor. At laking pasasalamat ko nang matapos ang operasyon nang walang aberya sa 'kin. Panay ang bulong at hiling kong sana ay 'wag akong magkamali sa oras na 'yon. Natatakot akong mapahiya kay Maxwell. Kahit pa sanay na ako sa trabaho, masyado akong naiilang para makakilos nang tama. Paulit-ulit sa isip ko ang mga dapat na gawin. Mas matindi pa yata ang kaba ko kanina kaysa noong unang beses kong sumalang sa operating room bilang estudyante.

"Maxwell!" Dinig na dinig ko ang boses ni Keziah.

Nahinto ako sa paghuhugas ng instruments at patalikod akong sumilip sa pinto. Halos lahat ng staff nurse ay nar'on at nakangiting nakatingala kay Maxwell. Tumaas ang gilid ng nguso ko sa sobrang inis nang makita kong yumakap si Keziah kay Maxwell.

Psh! "Nakakainis," wala sa sariling bulong ko.

"Bakit?" takang tanong ni Cyrene sabay silip din sa labas ng sterilization area. "Ang guwapo ng visiting doctor, 'no? Maxwell ang pangalan niya."

Napangiwi ako. "I know."

"Kilala mo?"

"Oo. Doon din 'yan sa BIS nag-aral," nakangiwi kong sagot. "Nag-nurse pa ako. Hindi ko rin naman pala siya makakasama," pabulong kong sabi, hindi niya narinig. "Nagdu-duty rin siya rito madalas noong med student pa siya. Sa ibang bansa lang kumuha ng specialization."

"Paano mo nalaman?" Kinikilig si Cyrene sa pagtatanong. Halatang interesado siya pero masyado akong naiinis para magkuwento. "Grabe, sobrang guwapo niya! Hindi ako makakilos nang tama kanina kasi panay ang sulyap ko sa kaniya. Para siyang model sa sobrang guwapo!"

"I know, right?" Nakangiwi pa rin ako. "Tingnan mo, pinalibutan agad ng mga babae. Psh."

Tiningnan ko nang masama ang mga babaeng bakas sa mukha kung gaano kagustong makamayan at makausap si Maxwell.

"Hindi kayo magugustuhan niyan!" asik ko.

"Uy, ano ka ba? Baka may makarinig sa 'yo." Natawa si Cyrene. "Bakit ba parang galit na galit ka? Magkakilala ba kayo ng Dr. Maxwell na 'yon, ha?"

Nagbuntonghininga ako. "Oo. Best friends ang parehong kapatid namin."

Nanlaki ang mga mata niya. "Talaga? Eh 'di, close kayo?"

Tumango ako. "It's a long story, Cyrene. Saka ko na lang ikukuwento. Bilisan na natin dito dahil kailangang bantayan ko ang kilos niya. Kailangang mawala ang mga babaeng dikit nang dikit sa kaniya."

"Hahaha! May gusto ka ba sa kaniya?"

"Duh?" Inis akong bumaling kay Cyrene. "Hindi ba halata?"

"You mean, you really like him?"

Umikot ang mga mata ko sa tanong niya. "Sino ang hindi magkakagusto sa isang Maxwell Laurent del Valle, Cyrene? I mean, look at him?"

Itinuro ko kung nasaan si Maxwell habang nakatalikod ako sa gawing 'yon. Natigilan naman si Cyrene at napapalunok na tumitig sa gawi na itinuturo ko.

"Masungit siya—I mean, sobrang sungit niya! Walang katulad ang kasungitan, hindi makatarungan. Pero isa pa 'yon sa magugustuhan mo, believe me!"

Para akong timang. Sinasabi ko 'yon nang may paghanga sa 'king tono. Na para bang nakikita ko si Maxwell sa harapan ko habang dini-describe ang mga katangian niyang nagustuhan ko.

"I really like him, and I can't help it! He is undeniably handsome, inspiring, family-oriented . . . I mean, he's perfect. He is the reason why I'm here, Cyrene. He's my dream guy."

Idinagdag ko 'yon na para bang nananaginip na ako. Nakangiti habang nakatingala sa kisame, ang mga kamay ay magkasalikop sa ilalim ng panga ko.

"Ah, Yaz?" Garalgal ang tinig ni Cyrene.

"Hmm?" nakangiti ko pa ring himig, hindi man lang siya tinitingnan.

"Behind you."

"Yes. I'm pertaining to the one behind me, Cyrene. Loving the person behind me is like breathing, I can't live without him." Bumungisngis ako sa huli, kinikilig.

"He's . . . behind you." Awtomatikong napatalikod si Cyrene sa gawi ko matapos sabihin 'yon. Iniwan niya ako na para bang hindi kami magkaibigan.

Nasa likod ko si Maxwell, 'yon ang ibig niyang sabihin. Nasa likod ko si Maxwell at hindi imposibleng narinig niya ang sinabi ko kaya gano'n na lang ang naging reaksyon ni Cyrene! Nasa likod ko si Maxwell at paniguradong maaasar na naman siya kung sakaling narinig niya nga ang mga 'yon. Nasa likod ko si Maxwell at gusto kong ipakain ang sarili ko sa sementong kinatatayuan ko!

Natigilan ako, nanlalaki ang mga mata, napapikit, at napalunok. Hindi ako makalingon, ni hindi ko magawang kumilos o gumalaw. Kung pwede lang sanang hindi na huminga.

Nag-init ang buong katawan ko. Paniguradong namumula ang buo kong mukha. Nag-angat ako ng tingin. Mula sa kinatatayuan ko ay nasalamin ko si Maxwell sa glass wall sa harap ko.

Pakiramdam ko ay huminto ang pagtibok ng puso ko nang yumuko siya mula sa 'king likuran at pagpantayin ang mga pisngi namin. Naramdaman ko ang hininga niya mula sa likuran ng aking tainga. Napapikit ako nang mariin ngunit agad din akong nagmulat.

"Keep breathing, then," bulong niya dahilan para mapasinghap ako at mapigil ko ang aking paghinga.

Bumaling lang ako nang maramdaman ang paglayo niya. Saka ko tinanaw ang likuran niya. Pakiramdam ko ay naiwan sa hangin ang pabango niya. Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa, pinanood ko pa ang pantay na pantay na paglalakad niya.

I couldn't believe he said that. Ang mga salitang 'yon ay nagawang iangat ang mga paa ko sa semento. Pakiramdam ko ay nakalutang ako habang nakatanaw sa paglayo niya.

So, he wants me to keep loving him?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top