Chapter 7
THE CORNER OF PL'S LIPS CURLED UP.
I couldn't breathe. I had no idea what to do. If he was only pretending to be drunk right now, then that could only mean one thing—like Onse, he already knew the truth, na hindi ako multo, kundi isang single na palamunin sa bahay na ito! Should I run? Should I escape before he could say anything?
Nagbago ang timpla ng kanyang mukha. The gentleness in his eyes from earlier was now mixed with something else—an intense, meaningful gaze that locked onto mine.
Wala na yata akong ligtas ngayon lalo pa't napakalapit lang namin sa isa't isa. My mind started to race, already scrambling for excuses—reasons for why I did this, why I had to live this way, what led me to this moment. I was bracing myself for a long explanation.
"What's wrong?" tanong niya nang hapitin ako sa aking baywang.
Doon ko naamoy ang kanyang hininga. Amoy alak!
"I'm just kidding. I'm really drunk." Then he giggled.
Nahampas ko siya sa kanyang malapad na balikat. Ano ba iyan? Nagre-ready na nga ako sa explanation ko, e!
"I mean, I tried na magpanggap na lasing. Pero hindi ka naman nagpapakita sa akin."
"K-kailan?"
"Many times. Like four times."
Mabuti at hindi niya ako na-tsambahan noong pagpapanggap niya.
"Doon ko napatunayan na multo ka talaga. Dahil nagpapakita ka lang sa akin kapag lasing ako." Napapailing pa siya habang nagkukuwento.
Maybe it was still not the right time for him to know the truth. Hindi ko pa sigurado kung ano ang magiging reaksyon niya, lalo kapag wala siyang tama ng alak. He might get angry for being deceived. He might refuse to listen to me and just decide to kick me out. And I could not risk that. I didn't grow up like everyone else. I didn't know how to live out there. I'd never known the world beyond this house, and being forced out of my only safe space might just break me.
Kailangan kong maging maingat. Even more careful. Dahil paano kung mag-test ulit si PL sa sarili, isang gabi ay magpanggap ulit siyang lasing, at hindi ko alam na hindi pala siya lasing?
I swallowed hard before speaking. "D-don't do that again dahil sayang lang ang effort mo."
Then I remembered those nights he pretended to be drunk. Iyong mga gabi na kahit alam kong dumating siya at nagsisisigaw sa kalasingan ay hindi ko siya pinapansin. Iyon kasi iyong may period ako. Tinatamad akong tumayo sa kama. Mas pinipili ko na lang na magtalukbong ng kumot at humiga maghapon. Blessing in disguise pala ang period ko noon.
"Ginawa ko lang iyon dahil umaasa ako na makita kita nang hindi ako lasing."
"Ano ba ang pagkakaiba na makita mo akong lasing ka sa hindi?"
"I want to see you clearly."
"Hindi ba ako malinaw sa 'yo ngayon?"
"Malinaw ngayon ang mukha mo sa paningin ko, pero paggising ko kinabukasan, blur ka na lang sa alaala ko."
Nalungkot ako sa sinabi niya. Ganoon ba talaga siya kapag lasing?
"Basta huwag ka na ulit mag-experiment ng ganoon."
Inilagay niya sa ere ang kanyang kanang kamay. "Yes, ma'am."
"Halika na sa taas, para makapagpahinga ka na."
Tumango naman siya bago tumayo mula sa sofa.
Inalalayan ko siya, hinayaan isampay sa akin ang isang braso niya. Nag-iinit talaga ang pinsgi ko sa tuwing magkakalapit kami nang ganito. Hindi ko naman siya puwedeng pabayaan, kaya wala akong choice kundi gawin ito.
Habang naglalakad kami ay napayuko siya, halos hindi ko na masilip ang mukha niya. "Thanks, Solly..." nag-aantok nang sabi niya.
I sighed in reply. Just how long could we keep doing this?
....
KINABUKASAN ay pabalandrang bumukas ang main door. Nagma-martsa na pumasok ang lalaking si Onse. Nasa two-way mirror ako nang mga oras na ito. Padabog niyang ibinagsak sa center table ang hawak niyang mga books at notebooks.
"Usap tayo, Mumu, este, Solly!" Nakaharap siya sa salamin na para bang nakikita niya talaga ako.
Mukhang bad mood si utoy.
"Alam kong nandiyan ka, mag-usap tayo. Marami akong gustong itanong at sabihin sa 'yo!"
Lumabas ako sa pinagtataguan ko. Sa secret door ng sala ako lumabas, sa likuran ng TV rack. Nagulat siya nang makita ako, napahawak pa siya sa kanyang dibdib. "M-may daan diyan?!"
Tumango lang ako.
Napahalukipkip siya matapos niyang mapatitig sa akin mula ulo hanggang paa. "Gumawa tayo ng kasunduan!" deretsong sabi niya. "Tutulungan mo ako sa Calculus, tutulungan kitang makapagtago rito hanggang sa maka-graduate ako ng kolehiyo!"
"H-hanggang sa maka-graduate ka lang?" E malapit na iyon, ah?!
"Apat na buwan pa naman bago ako maka-graduate. Sa apat na buwan na iyon, sana kahit paano ay ma-improve mo ang sarili mo, para hindi ka na mahirapan kung sakaling aalis ka na nga rito."
"Onse..."
"Sorry, Solly, hindi ko rin kasi talaga kayang magsinungaling nang matagal. Lalo na kay Sir PL. Malaki ang utang na loob ko roon, e. Pinagkatiwalaan niya ako agad, kahit hindi naman niya ako kilala. Binigyan niya ako ng trabaho, tagapamahala ng bahay na ito, at kapalit niyon, pinasusuweldo niya ako kaya meron akong pang-tuition. Pero magsisinugaling ako sa kanya dahil sa naaawa ako sa 'yo, dahil sa sakit mo. Pero hanggang apat na buwan lang ang kaya ng konsensiya ko."
"K-kaya bibigyan mo ako ng apat na buwan para i-improve ang sarili ko?"
"Tama."
"Naiintindihan kita, Onse. Ako man, ayoko na rin ng ganitong setup na may niloloko akong tao. Lalo iyong mga tao na mabubuti naman sa akin. Lalo na sa taong nagpapakain sa akin." Si PL ang tinutukoy ko.
Biglang umamo ang mukha niya sa akin. "Mabait ka naman pala, e."
"Mas mabait ka. Hindi mo ako sinumbong kay PL."
"Pinag-isipan ko itong mabuti, lalo pa't nag-research ako tungkol sa sakit mo. Hindi biro iyan."
"S-sa tingin mo ba... ay gagaling pa ko?"
Lumapit siya sa akin. "Posible. Tutulungan kita. Pero mangako ka na tutulungan mo rin ang sarili mo."
Nagliwanag ang mukha ko sa sinabi niya. "R-really?"
"Solly, matalino ka. Malayo pa ang mararating mo. At magagawa mo iyon kung lalabas ka sa bahay na ito. Kung susubukan mong labanan ang phobia mo."
"P-pero nangako ako sa parents ko, na hindi ako lalabas ng bahay na ito..." Iyon ang kabilin-bilinan, lalo na ng mommy ko, na wag akong lalabas sa bahay na ito. Magulo raw ang mundo. Delikado. Mapapahamak ako at—
"Naiintindihan naman kita, Solly!" putol ni Onse sa pag-iisip ko. "Pero kung mananatili ka rito, ibig sabihin niyon ay habangbuhay ka na lang na ganito. Habang buhay ka na lang ba na magsisinungaling, magnanakaw ng pagkain, at makukulong sa bahay na ito?"
"H-hindi ko puwedeng iwan ang bahay na ito. Nangako ako sa Mommy ko... sabi niya... wag na wag daw akong lalabas..."
"Okay. Pero gusto kong pag-isipan mong mabuti ito. Basta, apat na buwan lang kitang tutulungan."
Marahan akong napatango sa sinabi niya.
"Iyan ang books ko sa tatlo kong subjects, kasama ang Calculus. Mamaya ay babalik ako. Turuan mo ako."
Dinampot ko iyon isa-isa. "Onse, mamo-mroblema ako na baka magpanggap si PL na lasing, at mahuli niya ako. Nagpapakita lang daw kasi ako sa kanya kapag lasing siya."
"Madali lang iyan." Ngumisi siya sa akin. "Alam mo ba na ako ang naghahatid sa kanya rito kapag lasing na lasing na siya?"
"T-talaga?"
"Hindi niya lang ako caretaker. All around PA na rin niya yata ako. Tinatawagan niya ako kapag nasa bar siya sa QC. Ako ang nagbu-book sa kanya ng Grab car, saka ko siya ipinapa-drop dito."
"So alam mo kung lasing siya o hindi?"
Sa tulong ni Onse, may solusyon na ako kung lasing ba si PL o hindi. Wala na akong kaba na baka nagpapanggap lang siya. This was a great advantage.
"Sandali lang!" Bigla ko siyang iniwan. Nagtataka naman siya na nakasunod lang sa akin ng mga mata.
Pumasok ako sa aking secret door, patungo sa secret pathways, at dumeretso sa aking sekretong kuwarto. Hinanap ko ang aking kahon para kunin ang cell phone. Ang aking Samsung Galaxy Note 9. Pagbalik ko ay aking inabot iyon kay Onse.
Napatanga siya. "May cell phone ka?!"
Bumungisngis ako. "Iniwan ng isa sa mga nakabili dati ng bahay na ito. As for the SIM card, may mga spare siyang naiwan dito. Mga naka-sealed pa. Kumuha ako ng isa."
"Paano ka nakakapagpa-load?" tanong ni Onse.
"Sumasali ako minsan sa mga games na nakikita sa Internet, iyong nako-convert sa load." I didn't mention that from spending so much time online, I had actually mastered breaking codes in some of those games. That's how I got an extra load sometimes.
Nagtipa si Onse ng number sa phone ko. "Okay, Solly. Iti-text kita kapag pauwi rito si Sir PL na lasing."
"Salamat."
"Basta turuan mo akong gumaling sa Calculus, ha? Sa 'yo nakasalalay ang lovelife ko."
"Weh ba?"
Natawa siya sa akin. Nagaya ko na kasi ang expressions niya.
"Si Shaina kasi... mahina sa Calculus." Napahimas siya sa kanyang batok. Halatang nahihiya siya habang nagkukuwento sa akin. "Mas mapapabilib ko siya kung ako mismo ang magtuturo sa kanya."
Nag-thumbs up ako sa kanya. "Leave it to me. I know a lot of techniques!"
....
PIKIT PA ANG ISANG MATA nang pilitin kong bumangon sa kama. Para kasing naririnig ko ang aking cell phone na kanina pa nagba-vibrate. Nawala ang antok ko nang makitang maraming missed calls na pala si Onse. Kanina pa pala siya tumatawag! At malapit na akong ma-lowbat!
Nagkaroon ulit ng ring kaya sinagot ko na. "Hello?"
[ Kanina pa ako tumatawag, bakit ngayon ka lang sumagot?! ] Sa tinig niya ay parang nananakbo siya.
"Kakagising ko lang. Anong nangyayari?"
[ Nandiyan na ba si Sir PL? ]
"Ha? Nandito siya?" Nag-panic ako. "Hindi ko alam. Titingnan ko."
[ May problema! Bilisan mo! ]
Lalo akong nag-panic. "Bakit? Ano bang nangyayari?"
[ Tumawag siya sa akin. Nakakuha daw siya— ] Biglang nawala si Onse sa linya.
My phone died. Na-drain na ang battery!
Dali-dali akong nanakbo papunta sa sala, sa harapan ng two-way mirror para tingnan kung nandoon na nga si PL. Nadatnan ko naman doon ang lalaki. May hawak siyang papel na naka-rolyo at napahilot sa sentido nang ilahad niya ito.
Anong meron? Maya-maya ay humahangos na si Onse na papasok ng bahay. Lumapit siya agad kay PL kahit hinihingal pa.
"I finally got this," ani PL na nakatutok pa rin ang paningin sa hawak niyang malapad na papel. "The blue print."
Nagising ang diwa ko sa sinabi niya. Blueprint? The blueprint of this house? Ibig sabihin, makikita na niya na may mga hidden rooms sa bahay na ito?!
"Just what I thought." Salubong ang mga kilay niya nang lumapit sa salamin, na ngayo'y parang kaharap ko siya at nakikita ko.
"S-sir..." pag-awat sana ni Onse, pero bigo ang lalaki.
"I knew it..." PL's jaw tightened as he touched the mirror. "You've been hiding back there... behind this damn glass..."
Halos takasan ako ng dugo sa katawan habang sinasalubong ang matalim niyang pagtitig sa akin.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top