CHAPTER 3
CHAPTER 3
"Good job!"
Nagthumbs-up si Macky sa kaibigang si Claud nang matapos ang buong prenup shoot. Tagumpay na ngiti ang pinakawalan ni Claud habang hawak pa rin ang DSLR niya. Walang kupas pa rin ang bawat anggulo ng pagkuha niya sa mga litrato at videos. Habang tumatagal, gumagaling.
"Oh, paano. Mauna na kami sa inyo, ha? May aasikasuhin pa kami para sa kasal," paalam ng mag-fiance sa magkaibigan at inabot ang dalawang sobre na naglalaman ng cash.
"Walang problema, boss!" ani Macky at sumaludo pa. "Congratulations on your coming wedding!" pahabol pa nito bago tuluyang mawala sa paningin niya ang dalawa kasama ang make-up artist. Napangisi si Macky at iwinagayway ang hawak na sobre sa ere.
"Sa wakas, pre! Kumita na naman tayo ngayong araw! Claud?" Nawala ang ngisi niya sa labi nang hindi mahagilap ng paningin ang kaibigan.
"Anak ng tokwang gala! Saan ka na naman pumunta, Louis Claudio?" malakas niyang tawag sa kaibigan at agad nagpalinga-linga sa paligid. Walang bakas ni Claud sa kahit saang direksyon. Napakamot na lamang siya sa ulo at niligpit ang stabilizer, tripod at camera.
"Smile, little chararat," sambit ng nag-iisang si Claud at agad sinipat sa lens ng camera ang hitsura ng unggoy na nakita niya mula sa malayo. Nang makuha ang sapat na anggulo, kinuhanan niya ito ng litrato.
"Ang angas." Napangisi siya at napatango dahil na-satisfied sa nakuhang larawan. Hindi niya mapigilang mapatingala sa nagtataasang punong-kahoy at mga halaman. Kung tutuusin ay hindi naman eerie ang buong gubat.
Malayong-malayo ito sa inaasahan niyang may mababangis na hayop. Napakapayapa lamang at sakto sa mga taong nature lover.
Nagpagala-gala pa siya at panay ang capture sa DSLR niyang dala. Hindi niya namalayang napalayo na pala siya sa pinanggalingan. Ngayon ay hindi na niya alam kung saan ang daan pabalik.
"Macky?" tawag niya pero nag-echo lamang ang boses niya sa paligid.
"Macky!" sigaw na niya.
"Potangena!" mura niya nang makarinig siya ng kakaibang kaluskos at huni. Nanlalaki ang mga matang napatingin siya sa paligid. Pakiramdam niya'y may nagmamasid lamang sa kanya. Ramdam niyang may pares ng mata ang nakatitig sa kinaroroonan niya ngayon.
"Sino 'yan?" sambit niya habang palingon-lingon sa paligid. Pero walang sumasagot. Napabuntong-hininga siya dahil sa nararamdamang nerbiyos.
"Saan nga ba ako dumaan kanina? Pambihira!" aniya sa sarili at napakamot sa ulo. Masyado siyang nawili sa pamamasyal at ngayon, hindi na niya alam ang daan pabalik. Naloko na. Si Macky, baka iwanan siya nito.
Saglit siya napatitig sa malalagong halaman sa bandang kaliwa niya. May kung ano mula roon na siyang nagpapagalaw sa mga dahon. May engkanto ata talaga rito. Syempre, saan bang gubat mawawalan ng mga masasamang elemento?
Natutuyot ang lalamunan niya dahil sa nararamdamang kaba. Ngunit bumagal ang tibok ng puso niya nang lumabas mula roon ang isang squirrel.
"Anak ng porkchop!" bulalas niya at napahinga ng maluwag sabay kuha ng litrato sa squirrel na dumaan sa mismong harap niya. "Ang liit mong nilalang pero ang lakas mo manakot," bulong pa niya at tiningnan ang litrato sa camera.
"Macky?" pagtawag muli niya sa kaibigan. Tulad ng dati, umalingawngaw lamang ang boses niya paitaas. Hanggang sa mapalingon siya sa kanyang likuran. Parang may dumaan mula roon.
Wala naman. Mayamaya ay paitaas ng puno. Agad niya itong tiningala. Wala pa rin.
Mukhang naeengkanto na nga ata siya.
Iwinakli ni Claud ang nararamdamang takot at nagpasya nang maglakad muli. Hindi pa siya nakakadalawang hakbang ay sumulpot na sa daraanan niya ang isang mabangis na leon.
"Naloko na," nangangatal niyang sambit sa sarili at nakipagtitigan na lamang sa mabangis na hayop. Ngayon ay iilang metro na lamang ang agwat nila sa isa't isa. Oras na tumakbo siya, susugurin agad siya nito at lalapain. Kilala niya ang mga ganitong hayop. Nakakatakot ito at agresibo. Mukhang magiging tanghalian pa nga siya nito nang wala sa oras.
Napangiwi siya at napaatras habang hawak ng mahigpit ang kamera. Hindi na niya alam kung saan bang direksyon tatakbo. Masama na ang titig nito sa kanya. Hindi na kanais-nais at waring nakikinita niyang naglalaway na ito.
Halos mapasigaw siya sa takot nang mamataan niyang tumatakbo na ito patungo sa direksyon niya. Gusto na niyang lumihis ng daan pero ilang saglit lamang, parang kidlat na tumalon mula sa malaking puno ang isang babaeng may kulot at mahabang buhok na lagpas-balikat ang haba. May sukbit itong itak sa bewang habang ang kasuotan ay gawa sa mga pinagtagpi-tagping dahon.
Pumagitna ito sa kanilang dalawa ng mabangis na hayop dahilan para matigil ang leon sa akmang pagsugod sa kanya. Nanlaki ang mata niya at napanganga.
Nakatalikod ngayon ang babae at tila kinakausap ang mabangis na hayop. Nakita niyang tinapik nito ang ulo ng leon hanggang sa maging kalmado ito. Lumuhod ito sa mismong harap ng babae. Pakiramdam niya'y nasa shooting sila ng isang pelikula at siya ngayon ang bitag na kailangang iligtas ng magiting na bayani.
"W-What the heck..." hindi niya makapaniwalang wika at nakatitig na lamang sa dalawang nilalang na nasa harapan niya. Naipilig niya ang ulo at otomatikong kinuhanan ng litrato ang babaeng may mahabang buhok. Ilang beses nag-click ang camera. Ang panghuling flash ang naging dahilan para tuluyang humarap sa kanya ang babae.
Mas napatda siya sa kinatatayuan nang makita ang kabuuang hitsura nito. May tila uling na nakapahid sa magkabilang pisngi, may baging na nakatali sa bandang ulo na napapalibutan ng makukulay na bulaklak, dahon ang damit pang-itaas at baba ngunit walang sapin sa paa. Sa kabila nito, kapansin-pansin pa rin ang kagandahan ng dalaga para sa kanya. Napakainosente nitong tingnan at maamo ang mukha.
"Shuuuu!" pagtataboy ng babae sa leon kaya napatakbo palayo ang hayop. Silang dalawa na lamang ang natira.
"S-Sino ka?" tanong niya rito at hindi maalis ang tingin sa hitsura ng babae.
Imbes na sumagot, kinilatis rin siya nito base sa kanyang pananamit. Parang ngayon lang ito naka-engkwentro ng gaya niya.
Pareho naman silang tao. Ngunit ang laki ng pagkakaiba.
"Sino ka?" Napaatras si Claud nang magtangkang lumapit ang dalaga sa pwesto niya. Hindi pa rin ito umiimik.
"Claud?"
"Macky?" Nawala ang atensyon niya sa babaeng nagligtas sa kanyang buhay at agad nilingon ang kaibigan na nasa likuran niya. Humahangos siyang nilapitan ng humihingal na si Macky.
"Saan ka na naman ba pupunta? Tayo na lang ang narito at nakauwi na sana tayo kung hindi ka lang lakwatsero namoka, pre!" Nakatanggap si Claud ng isang malutong na sapak mula sa kaibigan.
"Aray ko!" reklamo niya at sinamaan ito ng tingin.
"Ano bang ginagawa mo rito? Kanina pa ako naghahanap sa'yo," inis na tanong ni Macky sa namumutla pa ring si Claud. "Huwag mong sabihing naengkanto ka?" giit pa nito.
Napailing ang binata at tinuro ang direksyon kung saan naroon ang babae kanina. Ngunit paglingon niya ay wala na ito. Kinusot-kusot niya ang mga mata . Wala na talaga.
"Pre, may babae rito kanina." Dahil sa sinabi niya ay tinitigan siya ni Macky. Ilang segundo lamang ang pinalipas at humagalpak ito ng tawa.
"Anong nakakatawa?" naguguluhan niyang tanong sa kaibigang namimilipit pa rin sa pagtawa habang hawak ang tiyan.
"Naengkanto ka nga! Tara na! Tangina mo talaga, kung saan-saan ka nagsusuot. Paano kung hindi ka na nakabalik? Ungas," sunod-sunod na sermon ni Macky kay Claud at inakbayan ang kaibigan paalis sa lugar na iyon.
"Totoo nga kasi, pre. May leon kanina at gusto akong kainin tapos may dumating na babae---"
"Wushuuu Louis Claudio, tigilan mo na kakapanood ng hentai, pre."
"Anong hentai sinasabi mo, ulol!"
Puro murahan at trashtalkan ng magkaibigan ang maririnig hanggang sa tumahimik na ang paligid nang makaalis na sila.
Sa taas ng malaking puno ay nakasilip ang maamong mukha ni Astrid at nakatanaw lamang sa dalawang binata na palabas na ng kagubatan.
Mayamaya ay inilabas niya sa kabilang kamay ang isang kwintas na may pendant na 'LC'. Pinagmasdan niya ito at napakagat-labi.
Mukhang maghihintay na naman siya ng matagal bago makita ang may-ari nito.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top