CHAPTER 4

CHAPTER 4


“ISA, dalawa, tatlo. Tatlong libo para sa tatlong buwang renta, Aling Jocy. Sana naman hindi mo na ako bungangaan niyan,” ani Claud at ibinigay ang buong bayad sa matabang landlady na nasa tapat ng pintuan ng apartment. Nakataas pa ang kilay nito at may hithit na tabako sa bibig. Halos mapaubo tuloy siya sa nalalanghap niyang usok mula roon.

“Aba’y dapat lang, LC! Magbayad ka ulit sa lagpas na  palugit at magdadala na ako ng megaphone para ianunsyo iyang pagiging makunat mo magbayad!” palatak ni Aling Jocy at isinilid sa bulsa ng suot na daster ang tatlong libo.

“O s’ya ho. Makakaalis ka na sa harap ng pintuan ko,” pabalang na sambit ng binata kaya nagsalubong ang kilay ng landlady.

“Anong sabi mo?”

“Wala ho, Aling Jocy. Ang sabi ko, ganda mo ngayong gabi hehehe!” sagot niya at pinagmasdan itong tumungo sa ibang kwarto upang maningil ng renta sa kapwa niya boarders. Nang makalayo ang matanda, agad niyang sinarado ang pintuan at humilata muli sa kama.

Nakatitig lamang siya sa blanko na kisame habang inaalala ang mga nangyari kanina sa loob ng kagubatan. Sigurado siya sa nasaksihan. Nagawang magpaamo ng babaeng iyon ng mabangis na hayop.

Sino ba ang babaeng iyon?

Dali-dali niyang hinagilap ang kanyang camera at binuksan ito upang tingnan kung na-save nga ba niya ang mga litrato kanina. Ngunit sa kasamaang palad, wala ni isa siyang nakita. Hindi kaya naengkanto nga lang siya?

“Badtrip,” bulong niya sa sarili at inilapag ang DSLR. Napatigilid siya nang higa at mariing ipinikit ang mata. Ngunit sa mismong pagpikit niya ay imahe ng babaeng iyon ang nakikita niya.

Hindi tuloy siya makatulog. Parang naglalakbay ang diwa niya pabalik sa kagubatang iyon. Ilang beses siyang nagpalit ng pwesto para lamang dalawin ng antok at sa puntong iyon ay hindi pa rin niya magawang alisin sa diwa ang hitsura ng dalaga.

Napabalikwas siya ng bangon. Hindi siya patutulugin nito. Agad niyang hinagilap ang cellphone at nag-dial na naman ng number.

“Oh, pre? Istorbo naman ito sa pagtulog oy!” boses ng inaantok na si Macky ang biglang nagsalita.

“Pre, pahiram naman ng sasakyan mo,” ani Claud at diretso sa closet niya upang hagilapin ang hood.

“Ano? Saan ka na naman pupunta? Dis oras na ng gabi!” singhal ng kaibigan pero hindi siya nagpatinag.

“Kung ayaw mong ako ang magmaneho, samahan mo na lang ako,” sambit nito at hindi sinagot ang tanong ng kausap.

“Saan ka nga pupunta?”

“Sa Alhambra,” diretsahan niyang sagot at binitbit ang camera palabas ng apartment.


“Ibaba na siya,” utos ng reyna sa kawal at napasulyap sa walang kaalam-alam na si Astrid. Wala itong ideya kung saan siya ngayon dadalhin. Agad siyang binuhat ng kawal at ibinaba sa kabayo. Napaiwas ng tingin si Sadie.

“Ina?” naluluhang sambit ni Astrid at nagbabakasakaling magbago pa ang isip ng reyna na huwag siyang paalisin ng kaharian.

“Mahal na reyna, sigurado ka ba rito? Napakabata pa ng prinsesa. Imposibleng makaya niyang manirahan rito mag-isa,” tila nakokonsensyang saad ng kawal na kasama nila ngayon sa kagubatan.

“Sinabi ko sa hari na ipakakasal ko siya sa prinsipe ng Silangan. Hindi siya hahanapin ng kamahalan maging ng dalawa pang prinsesa. Ito lang ang tanging paraan. Hindi siya pwedeng manatili sa palasyo. Papatayin siya. Mas mabuting dito na siya lumaki dahil may tsansa pang mabuhay siya at makaligtas. Kaysa sa loob ng palasyo siya patawan ng kamatayan,” litanya ng reyna at pilit iniiwasang titigan ang umiiyak nang si Astrid.

Labag man sa kalooban na ilayo sa piling niya ang kanyang anak, wala siyang ibang magagawa. Nanatiling nakasakay sa kabayo si Sadie habang si Astrid naman ay ibinaba na ng kawal.

“Ina, huwag mo akong iwan rito. Sasama ako sa inyo!” pagmamakaawa pa ng bata ngunit hindi ito pinakinggan ng reyna.

“Tayo na,” ayaw ni Sadie sa kawal kaya napatango ito.

“Masusunod, mahal na reyna.”

Yumuko ang kawal at lumuhod sa harapan ni Astrid upang kausapin ang bata sa huling pagkakataon. Hinawakan niya ito sa magkabilang balikat at tinitigan sa luhaang mga mata.

“Gawin mo ang lahat ng makakaya mo upang mabuhay rito, mahal na prinsesa. Alam kong magiging matatag ka. Mabubuhay ka nang malaya. Ito ang hangad ng inang reyna para sa’yo,” nakangiting sambit nito sa batang prinsesa na panay na ang hikbi.

Pagkuwa’y sumakay na rin ang kawal sa isa pang kabayo. Sa isang hampas ng latigo, otomatiko itong humalinghing at dire-diretsong tumakbo lulan sila palabas ng kagubatan.

“Ina!”

Naiwan ang umiiyak na si Astrid na hindi malaman ang gagawin kundi humagulhol na lamang at pagmasdan ang madilim na paligid. Ito na ang bago niyang tirahan at wala na siyang magagawa pa. Hindi rin niya alam ang daan pabalik. Walang ibang tutulong sa kanya kundi ang sarili.

Sa paanan niya ay ang maliit na basket kung saan naroon ang alaga niyang pusa.  Mas lalo siyang napaiyak sa takot at kawalang pag-asa.

“Ina!”

“Ina!”

Habol ang hiningang napabalikwas sa pagkakahiga si Astrid at sinanay ang mata sa dilim ng paligid. Napakaraming alitaptap na nakatunghay sa kanya ngayon. Pinapalibutan siya ng mga ito.

“Meow?” Lumitaw sa paanan niya ang paborito niyang alaga sa lahat. Ang pusa niyang si Casper.

“Ayos lang ako. Dinalaw lamang ng masamang panaginip,” sagot niya sa pusa na tila naiintindihan ang ibig ipahiwatig nito. Mayamaya ay napatingin ulit siya sa hawak na kwintas na may pendant na ‘LC’. Alam niyang hindi sa kanya ito. Bakit ba lagi na lamang niya itong tinititigan?

Napabuntong-hininga siya at napangiti nang maalala ang hitsura ng lalaki iyon.

May kakaiba. Bakit pati siya napapangiti?


“Ano na naman bang naisipan mo at babalik ka roon? Nababaliw ka na ba?” hindi makapaniwalang tanong ni Macky habang nagmamaneho kahit inaantok na. Hindi na siya nakatanggi pa sa kaibigan dahil sa sobrang kakulitan nito. Ngayon ay binabagtas ng sasakyan nila ang highway patungo sa Alhambra Tropical Rainforest.

“Pasalamat ka dahil pumayag akong ipagmaneho ka papunta roon,” nakaismid pa nitong sambit at mas binilisan ang pagmamaneho.

“Ang sabihin mo, ayaw mo lang na ako ang mag-drive,” ganti ni Claud at naka-focus sa dinaraanan nila.

“E bakit ba kasi ngayon ka pang gabi babalik roon? Ano bang babalikan mo, ha?” Pati si Macky ay naguguluhan na rin sa inaasal ng kaibigan.

“May kailangan lang akong makita,” wala sa sariling sagot ni Claud at panay ang silip sa bintana ng kotse. “Narito na tayo,” dagdag pa niya.

Muling tumambad sa dalawa ang karatula sa gilid. Inihanda nilang dalawa ang flashlight at nagkatinginan. Napataas ang kilay ni Macky.

“Ano na? Sinong mauuna sa paglalakad?”

“Ikaw malamang!” giit ni Claud at itinutok ang liwanag ng flashlight sa bukana ng kagubatan.

“Sino bang nag-aya rito? Di’ba ikaw Louis Claudio?” Napangiwi si Claud at bagsak ang balikat na sumagot.

“Fine. Back-up-an mo ‘ko. Duwag pa naman tayong dalawa,” pagsuko niya at nauna nang maglakad.

“Siraulo, ikaw lang!”

“Manahimik ka na lang!” suway nito at kapwa na sila pumasok sa kagubatan ng Alhambra. Bitbit ng binata ang pag-asang mahanap muli niya ang estranghera na nakita niya kanina matapos ang prenup shoot.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top