CHAPTER 2
CHAPTER 2
"WELCOME to Alhambra Tropical Rainforest," basa ni Claud sa signage na nakapaskil bago makapasok sa loob ng kagubatan. Napahawak siya sa panga at binalingan ng tingin ang kaibigan na naghahakot ng mga gagamitin sa prenup.
"Parang nakakatakot sa loob pre. Baka mababangis ang hayop," ani Claud at napalunok-laway dahil sa mga naiisip.
"Ungas ka talaga. Ikaw nga ang mukhang hayop riyan," ganti ni Macky at tinapon sa direksyon niya ang isang tripod. Mabuti na lamang at nasalo niya ito kaya napangisi siya.
"Siraulo ka. Buti na lang catcher ako." Halos yakapin na niya ang tripod nang ibato naman sa kanya ang camera. Nasalo niya ito muli. Nanlaki ang mata niya sa sobrang kaba nang mapagtantong camera pala niya ang hinagis ng kaibigan.
"Tangina mo talaga, Macky! Kapag ito nasira, pababayaran ko 'to sa'yo ng doble!" Nanggagalaiting singhal niya at sinamaan niya ito ng tingin. Tumawa lang ang huli.
"Alam ko namang catcher ka at hindi mo hahayaang masira ang pinakamamahal mong camera," natatawang sambit ni Macky at nauna na sa paglalakad.
"Natural! Mas mahal pa ata 'to sa buhay mo, e!"
"Mahal ka ba?" pabalang na ganti nito sa kanya kaya napangiwi na lamang siya at sinundan na ang kaibigan papasok ng gubat.
"Whoa!" Halos mangislap ang mga mata ng dalawa nang mamasdan ang buong paligid. Napakaaliwalas dahil sa berdeng mga puno at halaman. Tanging huni lamang ng mga insekto at ibon ang maririnig. Nakaka-relax rin ang agos ng batis hindi kalayuan sa kinaroroonan nila.
"This is what we called perfection!" wika ng namamanghang si Macky at iginala ang paningin.
"It's more than perfection," mahinang sambit ng nakatulalang si Claud sa malaking puno na napapalibutan ng baging. Mayamaya ay hindi na niya napigilan ang sarili na kuhanan ito ng litrato.
"Hey!"
Sabay silang napalingon nang makarinig ng boses mula sa malayo. Nakita nila ang isang babae at lalaki kasama ang make-up artist. Mukhang handa na nga ang mga ito sa prenup shoot. Silang dalawa na lamang ang hinihintay.
"Magandang araw! Kayo ba ang photographers? Ako nga pala si Andrew at ito si Macey, ang fiancée ko," pakilala ng isang lalaki na nasa edad bente ocho at nakipag-shake hands pa sa magkaibigan.
"Mark 'Macky' Keffer nga pala," pagpapakilala rin ni Macky sa kanyang sarili at tinuro naman si Claud na nasa tabi niya. "At eto si Louis Claud, ang magiging photographer n'yo ngayong araw," dagdag nito dahilan para mapangiwi si Claud sa narinig.
Binalingan niya ng tingin ang magkasintahan na kukuhanan niya ng litrato mayamaya lamang at ngumisi ng malapad.
"LC na lang for short." Ayaw na ayaw talaga niyang tinatawag siya sa buong pangalan, mapa-first name o second name pa iyan. Ito lang si Macky ang talagang ayaw paawat na tawagin siya bilang Claud.
"Oh, nice to meet you, Macky and Claud!"
"LC sabi, e," bulong ng binata. Halos magwala ang kalooban ni Claud sa sobrang inis nang tawagin siya ng mga ito sa second name niya. Napaayos naman siya ng tayo matapos siyang sikuhin ni Macky. Napatikhim ang make-up artist at nagsalita.
"Should we start now?" anunsyo nito kaya nagsitanguan ang lahat.
"Dito bilis! Magandang araw, Penelope!"
"Magandang araw rin sa'yo, Astrid!"
"Magandang umaga Santania!"
"Kumusta, Astrid?"
Mga ibong nag-aawitan at mga huni ng hayop ang maririnig habang lumalambitin ang prinsesa sa mga naglalakihang baging. Sa tulong nito ay napapadali ang paglipat niya sa sanga patungo sa isa pang puno. Bakas sa maamo nitong mukha ang kasiyahan habang sinusundan siya ng nagliliparang ibon na gumagabay sa kanyang pamamasyal sa gitna ng kagubatan.
"Astrid, ingat ka!" babala ng ibong panay ang lipad sa tuktok ng ulo niya at sinisipat ang babagsakan ng dalaga kung sakali. "Ayan na!"
"Astrid!" Sa isang iglap ay mas lalong nag-ingay ang mga ibon nang tuluyang maputol ang baging na hinahawakan ni Astrid at bumulusok ito pababa.
"Phew!" Napahawak siya sa maliit na sanga ng punong-kahoy bago pa mahulog ngunit sa kasamaang palad, napakarupok nito. Hindi rin nagtagal, nabali ang munting sanga at muli siyang napasigaw.
Sa puntong ito ay napapikit na lamang siya at hinayaang magpatinghulog sa lupa. Naimulat niya ang kabilang mata dahil ilang minuto na'y hindi pa niya nararamdaman ang sakit ng pagkabagsak. Napangisi siya at biglang nagsalita.
"Salamat, Elly. Lagi mo na lamang sinasagip ang buhay ko," nakangiti siyang tumalon mula sa likuran ng elepante at tinapik ang ilong nito. Nagsilapitan ang mga ibong may pag-aalala sa kanilang tinig para sa kaligtasan ng mahal nilang prinsesa.
"Ayos lamang ako," sambit ni Astrid at tila normal na kinakausap ang mga hayop na nakapaligid sa kanya. Mayamaya pa ay nabulabog sila ng mga yabag. Yumayanig ang paligid. Napahawak tuloy siya sa paa ng elepante dahil nawawalan siya ng balanse.
May paparating.
Sa hindi kalayuan, natanaw nila ang paparating na zebra at leon. Tila nagkakarerahan pa ang mga ito palapit sa pwesto nila. Sa sobrang gulat at takot ng mga ibon, kanya-kanyang lipad sila papalayo bago pa dumating ang mga dambuhala. Tila hindi naman natinag si Astrid sa kinatatayuan at hinintay pa ang mga kaibigang hayop. Napangiti siya nang dumating ang mga ito.
"Kumusta, mga kaibigan?" magiliw nitong bati sa dalawa. Nagkatinginan ang leon at zebra sa isa't isa. Pagkuwa'y napatitig kay Astrid na walang kaide-ideya sa ibabalita nila.
"Astrid, baka maaaring huwag ka na munang tumuloy sa bukana ng kagubatan?" nag-aalalang sambit ng zebra na tanging si Astrid lamang ang nakakaintindi. Napakunot ang noo niya.
"Bakit naman? May kakaiba ba kayong napansin roon?"
"Mapanganib, mahal na prinsesa. Basta makinig ka na lamang sa amin. Huwag na huwag ka munang pupunta roon," babala ng leon at nag-ingay naman ang mga ibon na waring nakikiayon sa mga kapwa hayop.
"Wala naman siguro kayong tinatago sa akin, hindi ba?" naguguluhang tanong ng dalaga.
"W-Wala! Mapanganib lang talaga sa bahaging iyon ngayon dahil---Astrid!"
"Astrid!"
Imbes na pakinggan ang mga kaibigan, dire-diretsong naglakad si Astrid at agad hinawi ang makakapal na damo na tumatakip ngayon upang makita ang bukana ng kagubatan kung saan siya nakatira. Sa mismong paghawi niya, tumambad ang pinakamalaking puno. Inakyat niya ito upang silipin kung ano ang ingay na naririnig niya kanina pa bukod sa huni ng kanyang mga kaibigan.
Parang may nagtatawanan at nagsasalita.
Napataas ang kilay niya nang matanaw sa baba ang limang nilalang na kanyang kawangis. Ngunit ang kapansin-pansin, magkaiba sila ng pananamit.
Sino ang mga ito? Bakit sila naririto sa tirahan niya?
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top