CHAPTER 1

CHAPTER 1



ON PRESENT...


"HOY damuhong! Lumabas ka riyan at magbayad ng renta! Anong buwan na? Diyaske kang bata ka!"

Sunod-sunod na katok ang gumising sa umaga ni Claud. Pupungas-pungas siyang bumangon at napatingin sa nakasaradong pinto ng apartment niya. Marahas siyang napakamot sa magulong buhok at binuksan ang pintuan upang harapin ang bungangerang kumakatok. Ngunit bago iyon ay hinablot muna niya ang DSLR at otomatikong kinuhanan ang mukha ng galit na landlady pagkabukas pa lamang ng pinto. Nagulat ang matabang babae sa ginawa ng binata kaya mas umusok ang ilong nito sa galit.

"Umagang-umaga Aling Jocy, nag-iingay ka kaagad. Nakakahiya sa ibang boarders mo, uy," kalmadong saad ni Claud at sinipat-sipat ang litrato ng landlady sa camera niya. Napangisi ito pagkatapos. "Tingnan mo, ang ganda mo sana rito Aling Jocy kaso---"

"Huwag mo akong pinapaligoy-ligoy dahil wanted ka na sa akin! Tatlong buwan ka nang hindi nagbabayad ng renta at ang kapal pa ng mukha mong kausapin ako ng ganyan!" Halos tumalsik ang laway nito sa mismong mukha niya.

"Aling Jocy naman, sabi ko naman sa inyo magbabayad ako pero hindi lang ngayon. Hindi ko naman kayo tatakbuhan, ano ka ba?" depensa niya. Mas nag-init  ang ulo ng babae dahil sa narinig.

"Isang araw na lang ang palugit ko sa'yo at hindi na ako magda-dalawang isip na patalsikin ka rito! Ikaw ang namumukod-tangi na pinaka-makunat magbayad, LC! Sinasabi ko sa'yo, magbayad ka sa lalong madaling panahon kung ayaw mong itapon ko lahat ng gamit mo sa labas!" nanggagalaiti nitong bulyaw habang nakapamewang pa.

Imbes na masindak ay humikab lamang ang inaantok pang si Claud at boring na tinitigan ang landlady.

"Baka naman po pwedeng palugitan pa ng isang linggo?" sambit pa nito at alinlangang napangiti na parang baliw.

"Ayan ka na naman sa mga pakunswelo mong bata ka. Kung nagbabayad ka ng tama, hindi kita bubungangaan! Ang daming binabayaran kuryente, tubig---hoy! Kinakausap pa kita!"

"Nye nye!"  Agad sinarado ni Claud ang pintuan at hinayaang magsisigaw ang matabang landlady sa labas. Naririndi na siya. Baka kapag hindi pa siya nakapagpigil ay sagutin na rin niya ito ng pabalang.

"Pambihira, napakagandang almusal naman nito," asar niyang sambit sa sarili at hinagilap ang cellphone na magdamag na palang naka-charge. Nag-dial siya ng number at tinawagan ito. Ilang minuto lamang bago may sumagot sa kabilang linya.

"Oh pre? Aga mo atang napatawag?" bungad ng isang boses.

"Pre, need ko ng raket. May alam ka ba?" diretsahan niyang tanong at humilata muli sa kama. Napatingin siya sa dakong pintuan kung saan tumigil na ang ingay ni Aling Jocy. Sa wakas ay sinukuan na ulit siya nito.

"Meron akong alam. Ano, game ka ba? 5 to 10k ang  commission."

"Ano ba 'yan? Kahit ano basta huwag lang bentang laman," aniya at hinilot-hilot ang sintido dahil umaga pa lamang ay sumasakit na ang ulo niya sa napakalaking bayarin.

"Go na? Prenup ng ikakasal 'to pre."

"On the way na ako!" Dahil sa narinig, dali-dali niyang ibinaba ang tawag at napasugod sa banyo upang maligo.

Thank you, Lord. Mukhang makakabayad na rin siya ng renta para sa tatlong buwan.



NANG marinig ang busina ng sasakyan sa baba ay agad napasilip si Claud sa bintana. Namataan niya roon ang kaibigan niyang si Macky na isang aspiring director ng hindi kalakihang film industry. Dahil pareho ng hilig sa larangan ng midya, madalas sila ang buddy sa paghahanap ng raket o di kaya naman ay ang pagbuo ng production.

At ngayon, panibagong araw, panibagong trabaho na naman ito.
Halos liparin na ng binata ang hagdanan mula sa ikalawang palapag kung saan siya nangungupahan. Sumilip si Macky sa bintana ng kotse at biglang sumipol.

"Bilisan mo riyan. May pa-on the way ka pang nalalaman tapos nasa banyo ka pa palang hinayupak ka!" bungad nito sa kanya at napangiwi. Dire-diretsong pumasok si Claud sa kotse katabi ni Macky na siyang driver at tinapik ang balikat ng kaibigan.

"Drive na, alalay ko," mayabang nitong sambit kaya nasapak siya ni Macky.

"Aray, ampota. Biro lang, eh," reklamo niya at sinapo ang ulo. Napaismid lamang si Macky at pinaandar na ang sasakyan.

"Sure ka sa raket na 'to ah. Baka naman scam ka lang?" paniniguro ni Claud habang nakatitig sa kanyang cellphone.

"Kailan ba kita ini-scam pagdating sa pera, pre? Sa babae, oo pa!" nakangiwing sagot ni Macky. Napailing naman ang huli.

"Bakit biglaan naman ang paghahanap nila ng photographer?"

"Nag-back out iyong kausap, e. Wala naman akong maisip na magiging substitute kundi ikaw. Tutal, kailangan mo naman ng pera, hindi ba?" ani pa ni Macky na focus ang tingin sa kalsada.

"Salamat. The best ka talaga!"

"Maiba ako, bakit kasi hindi ka na lang umuwi sa inyo kaysa magtiis kang mangupahan sa bahay na iyon? Doon ka muna sa nanay mo hangga't hindi ka pa nakakakuha ng regular na trabaho. Alam mo naman na gastos pa iyong renta," litanya ng kaibigan kaya napabuntong-hininga si Claud at napadungaw sa bintana ng kotse.

"Kaya ko naman buhayin ang sarili ko. At saka kaunting tiis na lang, makakahanap rin ako ng permanenteng trabaho sa larangan ng media," giit ng binata. Ayaw lamang niyang marinig pa ang mga sasabihin ng ina oras na umuwi siya. Hindi siya uuwi hangga't wala siyang napapatunayan. Sa ngayon, ayos na muna ang magtiis sa ganitong sitwasyon.

"Ikaw ang bahala. Buhay mo naman iyan, e," pagsuko ni Macky.

"Basta ayos lang ako."

Napahalukipkip si Claud at isinandal ang ulo sa bintana ng sasakyan habang binabagtas ang highway patungo sa lugar kung saan magaganap ang prenup. Mayamaya ay napakunot ang noo niya. Ang dating daan na binabaybay nila na puno ng kabahayan ay naging kulay berde na ang paligid dahil sa malalagong halaman at mga puno. Napaayos siya ng upo at naguguluhang napatingin kay Macky na ngayon ay sumisipol na naman habang nagmamaneho.

"Saan ba talaga ang punta natin? Bakit parang gubat na 'to?"

"Ay, hindi ko ba nabanggit sa'yo na sa gubat gaganapin ang prenup shoot?" walang lingon-lingon na sambit ng kaibigan at sumipol muli na parang feel na feel ang presensya ng kalikasan dahil sa mga dinaraanan. Muli siyang napangiwi.

"Naroon na raw ang ikakasal. Tayo na lang ang inaantay. Late ka kasi!"

    "Sandali pre, sa harapan mo!"

Parehong napasigaw ang magkaibigan nang makita sa daraanan nila ang biglaang paglitaw ng usa. Otomatikong na-ipreno ni Macky ang manibela at halos mapasubsob naman si Claud kahit naka-seat belt. Kapwa sila hingal na hingal dahil sa nangyari.

   "Pambihira naman! Gusto mo na bang mamatay kami?" Napahawak sa dibdib ang kinakabahang si Claud at dinuro-duro ang usa na nakatitig na sa kanilang dalawa. Mayamaya pa'y tumakbo na ito pabalik sa loob ng gubat. Napasilip tuloy si Macky sa labas ng sasakyan.

"Narito na pala tayo," anunsyo niya at napatingin sa karatula na nasa tabi ng highway. Napangisi silang dalawa at isinuot ang kanya-kanyang shades.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top