CHAPTER 29

CHAPTER 29



“DAKIPIN ang babae!” Umalingawngaw ang sigaw ng mga kawal na tumutugis ngayon kay Astrid sa liblib na kagubatan ng Vianden. Hinahabol nila ito sa pag-aakalang isa siyang mortal base sa kasuotan niya.

“Dito, Astrid!” sambit ng munting ibon na gumagabay sa tinatakbuhan niyang direksyon.

Halos madapa ang dalaga kakatakbo sa malalagong halaman matakasan lamang ang humahabol sa kanya. Maya’t maya rin ang kanyang lingon kung malapit na ba ang mga ito. Habol niya ang kanyang hininga hanggang sa matisod siya ng nakausling bato.

Napasigaw siya at bumagsak sa damuhan. Puno na ng galos ang mga binti niya dahil sa talim ng ibang ligaw na damo. Nagkaroon rin siya ng tinik sa bandang talampakan. Napangiwi siya.

“Hayun siya!” Mas napaungol sa sakit ang dalaga matapos siyang paulanan ng palaso. Nagagawa niyang makailag ngunit ang panghuli’y tumama na mismo sa binti niya. Wala na siyang kawala.

“Astrid!” Humuni ang mga ibon sa paligid ngunit wala silang ibang magawa kundi pagmasdan ang pagdaing sa sakit ng prinsesa. Dumudugo na ang binti nito.

Pinalibutan siya ng mga kawal. Ang iba ay may dala pang sibat. Napaatras si Astrid dahil wala siyang laban sa mga ito.

“Sino ka at paano ka nakapasok rito?!”

Nangilabot ang mga kawal nang marinig ang isang kakaibang alulong mula sa osong paparating. Papanain na sana ito ng isa nang sugurin siya nito at winasiwas palayo. Tumalsik ang katawan ng kawal sa ere sabay tama sa hindi kalakihang puno.

Nakarinig naman ang iba ng mga pagaspas ng pakpak. Mula ito sa mga ibon na nagliliparan at pinalibutan sila. Kanya-kanya silang pana sa mga ito ngunit mabibilis pa ito sa kidlat. Dinudumihan sila nito sa ulo. Dumagsa ang iba’t ibang uri ng hayop para saklolohan ang dalaga.

Mayamaya pa’y napatayo si Astrid at napangiti sa kabila ng sugat sa pisngi, tuhod at binti. Mula sa kalawakan ay nakarinig sila ng ugong. Nag-iingay ang mga hayop.

Nahihintakutang napaatras ang mga kawal na tumutugis sa kanya kanina nang makita ang pagyuko ng oso sa harap ni Astrid. Tila naging maamo ito at sinasamba ang dalaga. Maging ang ibang hayop ay ganoon rin ang ginawa. Itinaas ni Astrid ang isang daliri at dumapo roon ang munting ibon. Kasabay ng pagliwanag ng kanyang buong katauhan, ay ang pagsamba ng lahat ng kaibigan niyang hayop sa kanyang paligid.

Iginala niya ang paningin. Napangiti siya.

Aligagang humalik sa lupa ang isang kawal nang may mapagtanto.

“Kamahalan! Ang prinsesa ay nagbalik na! Mabuhay ang itinakda!”

“Mabuhay ang prinsesa!” sinegundahan ito ng iba pa niyang kasamahan. Maririnig ang mga boses nila at mayamaya’y ang tunog ng trumpeta sa buong kaharian ng Vianden.









Naibagsak ni Emmanuel ang hawak na kupita at napatingin sa asawang si Sadie. Nanginginig ang kamay nitong itinuro ang reyna.

“Ipinatapon mo si Astrid sa kagubatan? Nagsinungaling ka sa akin!” bulyaw nito dahil sa nalaman. Ang buong akala niya ay ipinakasal niya ito sa prinsipe ng timog kaya hindi na siya nag-abala pang hanapin.

“Itinago ko siya sa’yo dahil ayaw kong malaman mo---”

“Ngunit alam natin parehong mapanganib sa kagubatan lalo na’t mag-isa siya!”

“Mas nanganganib ang buhay niya rito sa loob ng palasyo lalong-lalo na sa mga kamay mo!” Dahil sa narinig ay natigilan si Emmanuel.

“Anong ibig mong sabihin?”

“Siya ang unang itinakda,” usal ng reyna. Hindi na nakasagot pa ang hari nang dire-diretsong pumasok ang dalawang kawal sa kwarto kung saan sila nagtatalo na mag-asawa at agad nagbigay-pugay. Tila nagmamadali ito at may nais ibalita.

“Mahal na hari, may bisita na nais kayong makita,” bungad nito pero umiling si Emmanuel.

“Pakisabi hindi ako tumatanggap ng panauhin ngayon lalo na at nasa panganib pa ang buong Vianden. May balita na ba sa anak ko?” sunod-sunod na saad ng hari na ang tinutukoy ay si Leia na gumagamit ng itim na mahika.

Bago pa makasagot ang kawal, napalingon na silang lahat sa mga bagong dating.

Dalawa pang kawal ang naglalakad palapit sa kanila at sa bandang huli ay isang dalaga na pamilyar ang hitsura. Nakasuot ito ng bestidang hindi yari sa ano mang patahian rito sa Vianden ngunit ang bawat kilos nito’y nagpapaalala ng isang tao lamang.

Nanlaki bigla ang mga mata ng reyna at napaawang ang bibig nang magtama ang mga titig nila.

“A-Astrid...”

Sa wakas ay nakalapit ito sa kanila. Napaiwas ng tingin ang dalagang may kulot at mahabang buhok na puno ng gasgas ang mukha at nagdurugo pa ang tuhod. Nanlilimahid rin ito sa putik. Sa paanan niya ang nakasunod na pusa. Pamilyar ang pusang ito na may kulay abong mga mata.

Lumuhod ang isang kawal na katabi ng dalagang si Astrid. Nagulat pa ang prinsesa nang halos halikan nito ang sahig na kinatatayuan nila.

“Patawarin mo kami mahal na hari kung nasaktan namin ang prinsesa. Tatanggapin namin ang ano mang kaparusahan na ipapataw mo. Gusto lang naming ibalita na natagpuan ang kamahalan sa gitna ng gubat. Nawa’y ikagalak ninyo ang pagbabalik ng pangatlo.”

Ang titig ni Emmanuel sa nakaluhod na kawal ay napalipat kay Astrid na walang emosyong nakatingin sa kanilang dalawa ni Sadie. Naluha ang reyna at kumirot ang puso. Hindi sila makapaniwala na nasa harapan na nila ang anak na kay tagal nang wala sa kaharian ng Vianden.

Mayamaya ay itinaas nito ang kanang kamay at tinawag ang mga alalay habang hindi pa inaalis ang titig sa bunsong anak na si Astrid. Namumuo na ang luha sa mga mata ng hari.

“Paliguan, linisan at bihisan siya. Gamutin ang kanyang mga sugat. Ibigay ang pinakamagarang kasuotan sa dalagang nasa harapan ninyo. Ngayon ay magkakaroon ng selebrasyon. Ang minamahal kong anak ay nagbabalik at hindi ko ito dapat palampasin,” anunsyo ng hari at sabay-sabay napayuko ang mga alalay.

Hindi na napigilan pa ni Sadie ang emosyon at agad sinunggaban ng yakap ang pangatlong anak. Nagulat si Astrid nang yakapin siya nito nang mahigpit.

Bumilis ang tibok ng puso niya at gumanti sa yakap ng minamahal na ina. Napangiti ang hari.







“Mga hangal! Nakuha pang magkaroon ng piging at magkasiyahan kahit nanganganib na ang trono niya!”

Isang sigaw mula sa nanggagalaiting si Leia ang umalingawngaw nang makita sa salamin ang kaganapan sa loob ng Vianden. Nakuyom niya ang kamao dahil sa sobrang galit.

“Kumalma  ka. Hindi mo alam na baka magamit natin ang piging na iyon sa inaabangan nating pag-atake,” kalmadong sambit ng salamangkero at inubos ang natitirang alak sa kupita niya.

Napatingin si Leia sa kanya at unti-unting kumurba ang ngisi sa mga labi dahil sa mga ideyang naglalaro sa kanyang utak.


***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top