CHAPTER 30
CHAPTER 30
“ASTRID?” Narinig ng prinsesa ang isang boses ng babae kaya napalingon siya. Narito siya ngayon sa balkonahe at dinaramdam ang lamig ng panggabing hangin ng Vianden. Kay tagal na niya itong hindi nasasamyo. Rinig rin niya ang musika at tawanan ng mga bisita mula sa baba. Ngunit gusto niyang mapag-isa muna.
“Mukhang hindi mo na ako naaalala, tama ba ako?” sambit muli ni Adelaide at nginitian ang bunsong kapatid. Nakunot ang noo ni Astrid. Pareho sila ng suot ngayon. Isang magarang gown na kaparehong-kapareho ng suot ng mga prinsesa sa Disney Land.
Alinlangang napailing si Astrid dahil hindi talaga niya maalala ang pangalan nito.
“Ako ito, si Adelaide!” Lumawak ang ngiti nito at napayuko bilang pagbati sa pagbabalik ng bunso. Napatda sa kinatatayuan si Astrid habang nakatitig sa pangalawang kapatid. Nag-iinit ang talukap niya. Gusto niyang maiyak.
“A-Ate?” Naluluha na siya. Malungkot na ngumiti si Adelaide.
“Ako nga,” sagot nito at mahinhin na umupo sa isang sofa. Lumapit roon si Astrid at tumabi malapit sa kanya. Magkaharap sila ngayon. Hinawakan ni Adelaide ang kamay niya nang napakahigpit.
“Kumusta ka na? Masaya ako at nagawa mong mabuhay kahit ikaw lang mag-isa. Pasensya na at---”
“Ate, huwag mo nang alalahanin iyon. Ang mahalaga, nakita ko na kayong muli.” Pinisil ni Astrid ang kamay ng kapatid.
“Si Leia. Sabi niya sa akin natagpuan ka niya sa mundo ng mga mortal,” ani Adelaide at napasinghap nang maalala ang tagpo nila ni Leia noong gabing iyon.
“Nagkita na rin kami,” wika ni Astrid at napaiwas ng tingin.
“Astrid, hindi na siya ang kapatid natin. Nasa kanya ang itim na mahika. Nababahala ako sa kung anong pwede niyang gawin sa atin.”
Hindi nakaimik si Astrid. Pilit siyang nag-iisip ng mga posibleng paraan upang mahikayat ang panganay na kapatid na isuko ang itim na mahika. Napatitig siya sa kanyang mga palad. Nanginginig iyon ngunit kapansin-pansin ang paglitaw ng mga mumunting baging mula sa kanyang mga kuko.
Napatingin sa kanya si Adelaide at tinitigan rin ang mga palad niya. Sa guhit ng kanyang palad ay sumilay ang liwanag.
“Ikaw rin ba ay---” Hindi na naituloy ni Astrid ang sasabihin nang iwasiwas ni Adelaide ang kamay at nagsimulang magliwanag ang buong balkonahe. Nawasak ang bintana dahil sa boltahe ng kuryenteng dumaloy mula sa kamay niya patungo roon.
Pareho silang napatayo matapos bumukas ang pintuan na nagdudugtong sa hagdanan at balkonahe kung saan naroon sila. Nakita nila ang reyna. Nakatitig ito sa bintanang ngayon ay basag na.
“Anong nangyari?” gulat na tanong ni Sadie at nagpalipat-lipat ang tingin sa magkapatid.
Kahit hindi na magsalita sina Adelaide at Astrid, mukhang alam na niya ang dahilan ng ingay na narinig niya kanina. Napatango siya at napalunok-laway. Kailangan na siguro niyang ipaalam sa dalawa ang totoo.
“Sumama kayo sa akin. May ipapakita lamang ako sa inyo,” aya nito sa dalawang prinsesa at napangiti ng tipid.
Tila mga musmos na umupo sa paanan ng reyna ang dalawang prinsesa tulad ng dati nilang ginagawa tuwing may ikukwento ito sa kanila bago matulog.
“May kwento ka po ba ulit sa amin?” natutuwang sambit ni Adelaide at ipinatong ang ulo sa mga hita ng mahal na ina.
Ngumiti lamang si Sadie sa mga anak.
“Ngayong gabi ay may kwento ako,” panimula ni Sadie at napasulyap sa nakatitig na si Astrid. “Makinig kayong mabuti,” dagdag pa niya.
“Minsan, may prinsesa na ikinasal sa isang prinsipe. Ang prinsipeng iyon ang naging tagapagmana ng buong palasyo ng Vianden matapos mapaslang ang minamahal niyang ama sa digmaan. Pinaghihinalaang mahika ang dahilan ng pagkabigo ng kanyang amang hari. Pagkatapos noon, itinayo muli niya ang imperyo. At pinakasalan niya ang prinsesa.” Nagpatuloy si Sadie sa pagsasalaysay habang tahimik na nakikinig ang dalawa.
“Nagkaroon sila ng tatlong naggagandahang prinsesa. Ngunit bago iyon, binisita ng isang salamangkero ang kwarto ng reyna. Binigyan nito ang tatlong sanggol ng regalo. Hindi alam ng reyna na sa sapat na gulang ng tatlo, saka pa lamang nila iyon matatanggap,” wika ng reyna at pinakatitigan sina Astrid at Adelaide na kapwa na lumuluha.
“Ina,” usal ni Astrid at pinahid ang mga luha sa mata. Sigurado siyang sila ang tinutukoy ni Sadie sa kwentong narinig nila. Napahikbi na rin si Adelaide.
“Astrid, patawarin mo ako kung nagawa ko iyon sa’yo. Natakot lamang ako sa posibleng parusa na matanggap mo mula sa iyong ama. Adelaide, hindi ko sinasadyang ilihim sa ang inyong totoong kapangyarihan. Gusto ko lang kayong mamuhay ng normal gaya ng iba.”
Napuno ng iyakan ang malawak na kwarto kung saan sila naroon.
Napasinghot si Sadie at ngumiti.
“Siguro oras na para ipaalam natin sa kamahalan ang totoo.” Kinuha ni Sadie ang isang parisukat na lagayan. Unti-unti niyang binuksan at tumambad ang dalawang salangkay. Yari ang dulo nito sa batong marmol at kumikinang pa. Halos mapanganga ang magkapatid na Adelaide at Astrid habang nakatitig lamang sa hawak ng reyna.
“Marahil panahon na para putulin ang kautusan na gumapos sa ating lahat sa loob ng mahabang panahon.” Kinuha ni Sadie ang dalawang salangkay at iniabot ito sa magkapatid.
Mas nagliwanag ang mga dulo nito kasabay ng paglitaw ng berde nilang buhok mula sa mga batok. Nagkatinginan sina Astrid at Adelaide.
“Samahan ninyo ako at ipabatid ito sa inyong ama. Tulungan ninyo siyang magapi ang kasamaan. Kayo lamang ang tanging makatutulong sa Vianden ngayon.” Isang ngiti ang iginawad niya sa dalawang prinsesa at napatango.
Natanggap na nila ang regalo mula sa nakaraan. Basbas na lamang ng hari ang kailangan upang magamit nila ito sa kaligtasan ng kanilang kaharian.
“Akala ninyo ay ako mismo ang kakain sa binitawan kong salita,” sambit ng hari at napatitig sa dalawang prinsesa na ngayon ay nakatungo matapos nilang sabihin ang kahilingan nila. Na gawaran sila ng basbas upang gumamit ng mahika sa ano mang panganib na darating.
Napakagat-labi si Astrid at napahigpit ang hawak sa salangkay. Umilaw ito sa hindi malamang dahilan. Tila nalilipat rito ang emosyon at enerhiya na kanyang nararamdaman.
Saglit na napasulyap si Adelaide sa amang hari. Natatakot siya sa maaaring isagot nito.
Mayamaya ay napatango si Emmanuel at napasulyap kay Sadie na nasa tabi lamang niya. Bakas sa mukha nito ang pagsusumamo.
“Ngunit kung ito lamang ang magiging paraan upang maprotektahan ang buong Vianden ay igagawad ko sa inyo ang basbas. Pumapayag na ako sa kagustuhan ninyong dalawa,” ani Emmanuel dahilan para maiangat ng dalawang prinsesa ang tingin at magyakapan dahil sa tuwa.
“Nagsanib pwersa pa nga ang mga inutil.” Nagtiim-bagang si Leia. Mas naging kulay itim ang mata niya. Kinakain na ng kasamaan ang buong sistema ng dalaga. Dahil sa sama ng loob, naihampas niya ang itim na kapangyarihan sa mismong pwesto ni Claud. Napadaing sa sakit ang binata nang tamaan siya nito sa bandang hita.
Nanghihina na siya ngunit nakagapos pa rin.
“Hahayaan kitang igupo ng baging na iyan hanggang sa mamatay ka. Tingnan lang natin kung magawa ka pang iligtas ng kamahalan mo!”
"Nagkakasiyahan pa rin sila. Tayo na at sirain na natin ang kanilang gabi," nakangising wika ng salamangkero at isinuot ang kanyang sumbrero.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top