CHAPTER 28

CHAPTER 28



"ANONG plano mo, Astrid?" nag-aalalang tanong ng mga kaibigan niyang ibon habang nakaupo siya sa bukana ng Alhambra. Halos maihilamos niya ang mga palad sa mukha pagkatapos ay tinitigan ang nanginginig na palad.

"Hindi ko alam. Hindi ko na alam ang nangyayari," nanghihinang sambit niya at napatungo.

"Lumalabas na ang tunay mong kapangyarihan, mahal na prinsesa!" Napapikit si Astrid dahil sa nararamdamang pagod. Kakaibang pwersa ang pinakawalan niya kanina. Ngayon ay wala na siyang mailabas na enerhiya upang makatayo man lamang.

Sapo pa rin niya ang ulo. Kumikirot ito kakaisip kung saan dinala ng kanyang kapatid ang binatang si Claud.

Mayamaya pa ay isang mabibigat na yabag ang narinig nila mula sa loob ng kagubatan. Paparating ngayon ang dambuhalang elepante na waring natataranta rin.

"Astrid! Nagagalak ako at nagbalik ka pero hindi ito ang oras upang magkwentuhan tayo!" ani ng elepante at nababalisa ito. Doon na mismo napatayo ang dalaga mula sa pagkakaupo.

"Astrid, nakita ko si Claud. Kasama niya ang iyong kapatid," pagbabalita nito kahit hingal na hingal pa.

"Saan sila nagpunta?" tanong ng dalaga at nag-ingay na ang mga ibon na kasama niya.

"Palagay ko ay nasa Vianden na sila ngayon. Nakita ko silang dumaan sa portal patungo sa kaharian n'yo." Binalot ng pagkabahala ang puso ni Astrid. Nanginginig niyang naikuyom ang kamao at napatitig sa lupa.

"Mahal na prinsesa, hindi ba't hindi ka na maaaring makapasok ng kaharian?"

Natahimik ang lahat.

Ang plano niya ay hindi na siya babalik ng Vianden kahit kailan dahil wala nang espasyo ang palasyo sa tulad niyang may kakaibang taglay na kapangyarihan. Ngunit kung hindi niya susundan ang kapatid, nanganganib ngayon si Claud.

Napahigpit ang hawak niya sa kwintas na may pendant na 'LC'.

"Anong balak mo, Astrid? Tumatakbo ang oras." Napakislot siya at napabuga ng hangin. Kailangan na niyang magdesisyon kung tatawid ba ulit siya sa portal o pababayaan na lamang ang binata. Napalunok-laway siya sabay tango.

"Elly, ituro mo sa akin ang portal na sinasabi mo," determinado niyang sambit at agad napatango ang elepante.









Napakurap ng paulit-ulit si Raven at nakita sa hindi kalayuan ang nakabulagta ring si Morrigan. Wala itong malay at dahan-dahang binubuhat sa stretcher ng ilang medical team. Naipilig niya ang ulo dahil sa mga usok at amoy nasusunog. Napaubo siya.
"Miss? May masakit ba sa'yo?" Nakita niya ang paglapit ng isang medics. Inalalayan siyang makatayo nang mapansin siya nitong bumalik sa kamalayan. Napahawak siya sa ulo dahil ito ang kumikirot. Nakapagtataka dahil mas napuruhan ang bandang likuran niya. Bakit ngayon ay wala siyang maramdamang masakit sa likod?

Napangiwi siya.

"Miss? Tinawagan na namin ang daddy ni Miss Morrigan Sarzuelo. Diretso ospital na raw siya. Itatanong lang namin kung may naaalala ka sa kung anong nangyari rito?" usisa sa kanya ng isang pulis habang nilalapatan siya ng first aid.

Tulala lamang siya at waring inaalala ang mga nangyari kanina pero wala talagang ni isang detalye ang natandaan niya. Sa pagkakaalam niya'y kasama niya si Claud kanina lamang at kapwa sila nagmamadali makapunta rito. Pagkatapos noon, hindi na niya alam ang mga sumunod na nangyari.

Napailing siya at hinilig ang ulo sa bukas na pintuan ng ambulansya. Ipinikit niya ang kanyang mga mata hanggang sa hindi niya namalayang nakatulog na pala siya.









"Pakawalan n'yo ako!" sigaw ni Claud at pilit nagpupumiglas sa pagkakagapos. Narito siya ngayon sa isang malaking puno at nakatali ang mga paa at braso gamit ang naglalakihang baging. Ang ibang bahagi pa nito ay gumagalaw at tila buhay na buhay dahilan para mangilabot ang binata.

"Potangina! Saan n'yo ba ako dinala, mga hayup!" mura ni Claud at halos lumuwa ang mga mata nang magkaroon ng dalawang mata ang mismong baging na gumagapos sa kanya.

"Anak ng tokwa, Nanay!" Parang batang nagsisigaw ang binata at napapikit na lamang dahil sa takot.

Saglit siyang napatigil at naigala ang paningin. Nasa gubat pa rin siya ngunit ang pinagkaiba lamang ay sigurado siyang hindi ito ang Alhambra na pamilyar sa kanya.

Kakaiba ang hitsura ng paligid. Ang laki at taas ng puno't halaman ay mas doble pa sa normal na nakatanim sa loob ng Alhambra. At isa pa, tila buhay na buhay ang iba rito. May sariling buhay ang mga halaman at kulang na lang ay magsalita o kausapin siya.

Hindi niya gusto ang hitsura ng paligid. Nababalot ito ng itim na usok. Patay na ang mga ito kung tutuusin. Tuyot na ang ibang halaman ngunit gumagalaw pa rin ang mga ito.

Lumakas ang ihip ng hangin dala ang mga tuyot na dahon. Halos mapuwing si Claud.

"Potek, sino ka naman?!" bulalas niya nang makita ang isang lalaki na nakasuot ng itim na coat, itim na boots, may tungkod at isang mahabang sombrero. Malapad ang ngisi nito sa kanya. Napangiwi siya.

Imbes na sagutin ang tanong niya, tumawa lamang ito. Nakakakilabot.

"Sino ka ba?! Pakawalan mo ako rito!" sigaw pa niya pero hindi siya nito pinakinggan.

Humalakhak pa ito lalo at itinutok sa kanya ang hawak na tungkol dahilan para maglabasan ang makapal na usok sa mismong mukha ni Claud. Napaubo siya dahil rito.

"Napakatagal naman ng kapatid mo. Naiinip na ako," sambit nito sa nakatalikod na babae hindi kalayuan sa puno kung saan siya nakagapos. Kanina pa pala ito rito ngunit ngayon lamang niya napansin.

Tumawa nang mahina ang babae na nakasuot rin ng itim na damit. Napakahaba ng manggas nito.

"Kalma ka lang. Paparating na iyon."
Napakunot ang noo niya. Ito iyong babae na sumapi sa katawan ni Morrigan kanina lamang.

"Magkasabwat sila?" pabulong na sambit niya sa sarili. "Tangina, nasa impyerno na ba ako?"

Bumilis ang tibok ng puso niya nang lumingon ang babae sa  kanyang sa direksyon. Kamukhang-kamukha ito ni Astrid. Ngunit mas maamo namang tingnan ang mukha ng dalaga kaysa rito sa babaeng kaharap niya ngayon.

Tanda pa niyang tinawag ito ni Astrid na 'ate' kanina.

Ngumisi sa kanya ang babae at biglang nagsalita.

"Naiinip ka na rin ba lalaki kung kailan darating ang prinsesa mo? Mailigtas ka kaya niya?"  tanong nito at gumawa ng isang bilog na liwanag kung saan kitang-kita ang imahe ng dalagang si Astrid na palinga-linga habang naglalakad sa isang kagubatan.

Nanlaki ang mga mata niya.

Narito na rin ang dalaga.

"Astrid!" Pilit niyang tinatawag ang dalaga ngunit wala itong naririnig.
Ilang sandali lamang ay mas napasigaw si Claud nang may mapansin.

"Astrid sa likuran mo!"

Rinig niya ang pagtili ng dalaga matapos magsulputan ang mga kawal sa iba't ibang direksyon at dinakip ito.

Nagpumiglas ulit ang binata. Nangangamba siya para sa kaligtasan ngayon ni Astrid pero wala siyang magagawa dahil nakagapos pa rin ang braso niya.

Wala siyang nagawa kundi ang magsisigaw na lamang. Habang ang salamangkero at si Leia ay nagpakawala ng malademonyong halakhakan.



***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top