CHAPTER 25
CHAPTER 25
NAIMULAT ni Adelaide ang mga mata. Napakurap-kurap siya. Hindi siya pwedeng magkamali. Sa harap niya ay nakatunghay ang kapatid na si Leia. May kakaibang ngisi ito sa mga labi.
"A-Ate?" nauutal niyang sambit ngunit hindi ito sumagot.
Sinunggaban agad siya nito sa kama at sinakal gamit ang dalawang kamay. Napasinghap siya dahil hindi makahinga. Pilit niyang inaalis ang kamay ng kapatid sa leeg niya pero sadyang malakas ito.
"Bitaw---acckk!"
Hindi na siya makahinga. Nauubusan na siya ng hangin.
Napabalikwas ng bangon si Adelaide at habol ang hininga. Iginala niya ang paningin sa kabuuan ng kwarto. Wala ni anino ng panganay na kapatid. Nananaginip lamang siya. Isang bangungot na naman.
Napahawak siya sa dibdib.
Mayamaya pa'y lumakas ang hangin at gumalaw ang kurtina ng kanyang bintana. Pumasok ang panggabing hangin kasabay noon ang mga tuyot na dahon. Nagliliparan ang mga ito papasok ng kwarto niya. Halos mapatalon siya sa sariling kama. Mula sa mga tuyot na dahon na naging ipo-ipo, lumabas ang isang pigura ng babae. Hindi pamilyar ang mukha nito, ngunit isa ang kutob niya. Nasa katauhan nito ngayon ang panganay na kapatid.
Nakatunghay lamang ito sa kanya suot pa rin ang mahaba at itim na damit.
"A-ate," bulong niya. Napangisi lamang si Leia na nasa katauhan ni Morrigan ngayon.
"Kumusta ang Vianden habang wala ako?" walang emosyong tanong ni Leia. Napalunok sa kaba si Adelaide at napahawak nang mahigpit sa kumot niya.
"Ate, pinaghahanap ka na nila. Pakiusap bitawan mo na ang hawak mong kapangyarihan. Sumuko ka na!"
"Sino ka ba para diktahan ang gusto ko?!"
"Ipapahamak ka lang niyan! Makinig ka kay ina!"
"Wala kang pakialam!" Mas lumakas ang hangin sa loob ng kwarto ni Adelaide. Halos maisalag ng dalaga ang braso at ipinikit ang mga mata upang huwag mapuwing.
"Sa ating tatlo, si Astrid lamang ang tunay na pinagkalooban ng mahika. Dinemonyo ka lang ng inaakala mong kaibigan!" sigaw ni Adelaide nang maalala kung paano napalapit ang panganay na kapatid sa salamangkerong nakilala nila noon sa isang pagtitipon sa labas ng palasyo.
"Pakiusap, isuko mo na ang salangkay. Wala tayong kapangyarihan at iyon ang totoo," naiiyak pa nitong sabi pero ngumisi lamang si Leia.
"Nagkakamali ka, Adelaide." Dahil sa sinabi ng kapatid ay natigil ang prinsesa.
"Ayaw mo lang ilabas ang enerhiya dahil wala ka pang alam sa kapalaran nating tatlo, o natatakot ka lang na labagin ang kautusan ng hari? Huwag mo akong linlangin, Adelaide. Alam kong may tinataglay ka rin. Pilit kang nagpapatali sa batas ng mahal mong kamahalan. Subukan mong ilabas, subukan mong lumaya."
Mas napaiyak ang pangalawang kapatid dahil sa mga naririnig.
"Narito lang naman ako upang ibalita na natagpuan ko na ang nawawala nating kapatid at para kumustahin ang Vianden na mapapasaakin na rin sa nalalapit na panahon," litanya pa ng dalaga at iwinasiwas ang salangkay na hawak. Lumikha muli ito ng ipo-ipo sa paligid niya.
"Pag-isipan mong mabuti ang sinabi ko. Panahon mo na rin upang makalaya."
Napapikit si Adelaide dahil sa sobrang lakas ng hangin. Mayamaya ay napamulat siya. Wala na sa kanyang harapan ang panganay na kapatid. Wala na rin ang malakas na hangin. Natira na lamang ang mga tuyot na dahon na palatandaang bumisita nga ang kapatid niya sa kwarto.
"Pilit kang nagpapatali sa batas ng mahal mong kamahalan. Subukan mong ilabas, subukan mong lumaya."
Napatitig si Adelaide sa mga palad niyang nanginginig na. Halos mapaawang ang bibig niya nang mapansin niya ang pagliwanag ng mga guhit mula sa mga palad. Napailing siya at biglang naluha.
"Kuya LC! May kailangan kang malaman." Agad tinabihan ni Lucky ang kapatid sa pagkakaupo at palingon-lingon na parang ayaw may makarinig sa sasabihin niya.
"Ano 'yon? Huwag mong sabihin na magpapaturo ka kung paano manligaw?" nakangiwing sambit ni Claud na abala pa rin sa pag-aayos ng gulong ng sira niyang bisikleta.
Napakamot sa ulo si Lucky.
"Hindi naman 'yon, e. Iba 'to," giit ng kapatid.
"Ah, may jowa ka na? Yare ka kay nanay!" pagbabanta pa ni Claud.
"Hindi!"
"Ano pala?"
"Kuya, gaano mo ba kakilala si ate Astrid? Sigurado ka bang mapagkakatiwalaan siya o nasa tama pang pag-iisip?" Natigil sa pagkalikot ng gulong si Claud at hinarap ang kapatid.
"Anong ibig mong sabihin?" kunot-noo niyang tanong.
"May saltik ba ang isang iyon? Nakita ko siya sa likod-bahay. Kinakausap iyong kambing," halos mapangiwing sagot ni Lucky dahilan para mapahagalpak ng tawa ang binata.
Napataas naman ang kilay ni Lucky dahil palagay niya, hindi naniniwala sa kanya ang kapatid.
"Kuya, seryoso. Nagsasabi kasi ako ng totoo," depensa niya pero panay pa rin ang tawa ni Claud.
Paano ba niya sasabihin sa kapatid na nakakaintindi si Astrid ng lengguwahe ng mga hayop?
"Oh, kayo riyan. Ano't ang saya n'yo ata? Lucky tulungan mo muna ako sa kusina at magti-tinola ako ngayong araw," utos ni Celia. Patungo ito sa likod-bahay upang kumuha ng sariwang gulay na maaaring maging sahog.
Kakamot-kamot sa ulo na tumayo si Lucky para sundin ang inutos ng ina. Napailing na lamang si Claud at hindi mapigilang humalakhak pa rin kahit mag-isa na.
"Astrid, narito ka pala." Napalingon si Astrid sa bagong dating na si Celia. Napangiti ito.
"O-Opo. Sabi ko kay Claud na ako na muna ang magpapakain sa mga manok."
"Napakasipag mo naman palang bata. Malapit ka sa mga hayop ano," komento ng ginang at nagsimula nang pumitas ng malunggay.
"Ano po bang lulutuin mo, Aling Celia? Baka po makatulong ako sa inyo," usisa ng dalaga.
"Ay, magandang ideya 'yan! Halika, samahan mo ako sa kusina!" Natutuwa siyang hinatak ni Celia sa kusina. Wala na siyang nagawa nang pagpasok pa lamang niya'y nakita niya ang magiging ulam nila ngayong tanghalian.
"Aling Celia? Sigurado ka bang iyan ang sangkap ng tinola?" tanong niya kaya napakunot ang noo ng ginang.
"Oo naman! Bakit? Ngayon ka lang ba makakatikim niyan? Nako, paborito iyan ni Claud. Tiyak magugustuhan mo rin ang lasa!"
Napalunok-laway si Astrid habang nakatitig sa matalim na kutsilyo. Kumirot ang puso niya matapos masulyapan ang manok na nakatingin sa kanya at naghihintay na lamang ng kanyang nalalapit na kamatayan. Tila nagmamakaawa ito sa kanya na iligtas siya ng dalaga.
Ngayon pa lang ay naaawa na siya para sa kahihinatnan nito.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top