CHAPTER 24

CHAPTER 24




"HINDI na babalik si Astrid. Pinatapon na siya sa kagubatan. Napakaraming mababangis na hayop roon. Hindi na siya makakaligtas pa!"

"Huwag mong sabihin iyan! Kapatid pa rin natin siya!"

"Ahhh!" Isang tili ang pinakawalan ni Leia nang batuhin siya ni Adelaide ng hawak niyang laruan. Sinamaan niya ng tingin ang pangalawang kapatid.

"Babalik si Astrid," pagpupumilit ni Adelaide.

"Hindi na siya babalik!" Mas nabuo ang inis sa kalooban ni Adelaide at binato muli ang panganay ng hawak niyang isa pang laruan. Natamaan ito sa ulo.

Mayamaya ay natigil si Leia at napatitig na lamang sa lupa kung saan naroroon ang napakalaking tipak ng bato. Sumama ang tingin niya at nakuyom ang kamao dahil sa sobrang galit sa kapatid.

Hindi niya namalayang kusa nang gumagalaw ang bato na pinagtutuunan niya ng pansin at saka niya inihagis sa direksyon ng kapatid. Sa isang iglap ay hindi na nakailag pa ang batang si Adelaide. Nasapul siya nito sa bandang ulo. Umalingawngaw ang sigaw niya sa sobrang sakit.

Nagkagulo. Humahangos na dumating ang ina nilang si Sadie at dinaluhan ang umiiyak nang si Adelaide habang sapo ang dumudugong sintido.

"Sino ang may gawa sa iyo nito?" nag-aalalang tanong ng reyna. Sinundan niya ng tingin ang direksyong tinititigan ni Adelaide at nakita hindi kalayuan si Leia na nakatitig sa kanyang mg palad at may kakaibang ngisi.

Kaba ang rumehistro sa mukha ng mahal nilang ina. Bumagsak ang lumulutang na bato sa paanan ni Leia. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa kanyang mga palad, sa bato at sa kanyang kapatid pati na sa reyna.

Nawala ang ngisi niya at unti-unting napaatras palayo sa kanila.

Hanggang ang munting atras ay nauwi sa pagtakbo.











Paulit-ulit na katok ang ginawa ni Sadie sa pintuan pero hindi iyon binubuksan  ni Leia. Nakaupo lamang ito sa sulok ng kwarto  at nakadungaw malapit sa bintana. Tanaw niya ang ibang normal na bata sa ibaba kung saan masaya silang naglalaro.

Napabuntong-hininga siya at napatingin sa pintuan. Panay pa rin ang katok ng matiyagang ina.

"Leia, pagbuksan mo ako," mahinahong sambit ng reyna. "Nais ko lang makausap ang prinsesa ko," dagdag pa nito dahilan para kumirot ang puso ni Leia. Bakas sa boses ng ina na gusto talaga siya nitong makita.

Susuko na sana si Sadie sa pagkatok nang maramdaman niyang bumukas ng konti ang siwang ng pintuan at sumilip ang inosenteng mukha ng prinsesa. Napangiti siya.

"Maaari ba akong pumasok?" tanong niya. Mas niluwangan ni Leia ang pintuan at pinapasok ang ina. Naglakad muli siya patungo sa tabi ng bintana at sumilip. Paborito talaga niyang pagmasdan ang mga batang naglalaro mula sa ibaba.

"Gusto mo bang makipaglaro sa kanila?" Hinaplos ng kamahalan ang maalon-along buhok ng anak. Napailing si Leia at napatitig sa dalawang palad. Napakagat-labi ang reyna.

Alam naman niya ang dahilan kung bakit dumidistansya na ang kanyang panganay na anak mula sa mga kalaro. Matapos mangyari ang insidenteng nasaktan nito ang pangalawang kapatid, nagkulong na ito sa kwarto at hindi na nakihalubilo pa sa iba.

Napabuntong-hininga si Sadie.

Napalingon si Leia sa flower vase na nakapatong sa kanyang mesa. Tinuon niya ang atensyon roon at mayamaya pa'y gumalaw ito. Umangat ang flower vase hanggang sa tuluyang bumagsak sa sahig. Nagulat ang reyna nang marinig ang pagkabasag.

Nanlalaki ang mata niyang napatingin sa anak. Tinitigan siya ni Leia nang mata sa mata. Wala itong emosyon.

"Ngayon alam ko na kung anong pakiramdam ni Astrid noong narito pa siya." Natahimik ang ina at napaiwas ng tingin.

"Ina, itutulad mo ba ako sa kanya?" pumiyok ang boses ni Leia kaya halos mapasinghap si Sadie dahil sa nararamdamang kaba. Nayakap niya nang hindi oras ang panganay at hinaplos ang buhok nito.

"Hindi. Hindi ko hahayaang magaya ka sa kanya. Ayaw kong may mawala pa sa inyong dalawa ni Adelaide, mga anak. Gagawin ko ang lahat para maprotektahan kayo," ani Sadie at napaluha na lamang.

Sa puntong iyon ay desidido siyang kupkupin pa rin ang anak sa kabila ng paggamit nito ng kakaibang mahika. Gagawin niya ang lahat upang manatili sa loob ng kaharian si Leila. Itatago niya ito sa mahal na hari.










Binagsak ng kawal ang hawla sa harap mismo ng trono kung saan nakaluklok ang hari. Blanko ang ekspresyon ni Emmanuel matapos tingnan ang patay na Adarna sa loob ng hawla.

"Sino ang lapastangang kumitil ng buhay niya?" tanong ng hari. Nagtiim-bagang ito.

"Ikinababahala ng kinauukulan na mahika ang ginamit upang patayin ang kaawa-awang ibon. Mahal na hari, may gumagamit ng salamangka sa loob ng iyong kaharian."

Naikuyom ni Emmanuel ang kamao dahil sa sobrang galit. Ngunit ang mga sumunod na sinabi ng kawal ang siyang nakapagpagulat sa kanya.

"Sinasabi ng saksi na isa sa dalawang prinsesa ang namataan niyang lumapit sa hawla ng ibon. Ikaw na ang bahalang humatol, kamahalan," sambit pa nito at yumuko na para umalis.

Naiwan ang hari na tulala.









Tahimik na kumakain ang buong pamilya sa mahabang hapagkainan na napupuno ng iba't ibang putahe. Maririnig lamang ang tunog ng kutsara at tinidor. Wala sa sarili ang hari. Tila may bumabagabag sa loob niya. Hindi ito lingid kay Sadie na kaharap niya lamang. Nabitawan ni Emmanuel ang hawak na tinidor at biglang nagsalita.

"Natagpuang patay ang Adarna kaninang umaga sa loob mismo ng kanyang kulungn," seryosong saad ng hari dahilan para masamid si Adelaide at agad napainom ng tubig.

Napasulyap si Leia sa kapatid at mabagal lamang ang pagnguya.

Walang sumagot ni isa sa kanila.

"Ayokong ako pa ang magturo kung sino sa inyo ang gumawa noon. Malinaw ang batas ng kaharian, hindi ba? Sino sa inyo?!" Halos mapaigtad ang magkapatid dahil sa sobrang gulat nang ihampas ng hari ang palad niya sa mesa. Maging si Sadie ay aligagang napatingin sa asawa.

"K-kamahalan, baka naman nagkakamali lang---"

"Hindi ikaw ang kinakausap ko!" sigaw ng hari at tiningnan isa-isa ang dalawang anak. Hindi ito pareho makatingin sa mata ng ama.

"Sino sa inyo?!" muling tanong nito. Mariing napapikit si Leia dahil sa panginginig at takot. Sa isang iglap, namatay ang apoy mula sa mga nakasinding kandila, sa harap ng hapagkainan. Nagkisap-kisap rin ang bombilya ng chandelier.

Tumunog ang mga nabasag na pinggan. Umalingawngaw ang tili ni Leia at napahawak sa kanyang sumasakit na ulo.

Nagulantang ang hari nang magwala ang panganay niyang dalaga.




***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top