CHAPTER 23

CHAPTER 23





NAKATULALA lamang si Claud sa tapat ng tulay. Malalim ang iniisip at panay ang buntong-hininga. Sa paanan niya ay ang kanyang mga gamit. Nag-iisip pa rin siya kung saan siya lilipat ngayon matapos siyang palayasin ng landlady. Kanina pa siya lakad ng lakad. Hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng mga paa niya.

Napatungo siya at nakita sa baba ang malalim na ilog. Madilim man ay alam niyang batuhan ang baba nito.

"Pwede bang magpakamatay na lang ako?" sambit niya sa sarili at hindi pinapansin na may kasama pala siyang nakatayo sa tapat rin ng tulay. Nakatingin lamang  sa kanya si Astrid.

"Saan na ako pupunta ngayon?" sarkastikong wika muli ng binata. Napatingala si Astrid sa kalangitan na tadtad ng bituin.

"Siguro oras na para bumalik ka sa totoo mong tahanan," sagot ng dalaga dahilan para mapatingin siya rito kahit luhaan na ang mga mata.

Bumilis ang tibok ng puso niya nang ngumiti si Astrid. Napaka-natural ng ngiti nito. Mas naluha siya.

"Matagal ka na nilang hinihintay. Umaasa sila sa pagbabalik mo," dagdag pa nito kaya napatitig na naman siya sa kawalan. Nakuyom niya ang kamao sa sobrang emosyon na nararamdaman. Napaiyak na lamang siya habang si Astrid ay nanatiling nakatayo hindi kalayuan sa kanya. Nakatingala sa maliwanag na buwan at pinapakinggan lamang ang hikbi ng binata.

"Lucky, patayin mo naman ang ilaw sa CR! Alam  mo namang nagtitipid tayo ng kuryente, makisama ka naman!" bunganga ni Celia ang maririnig sa kabuuan ng bahay habang abala ang bunsong anak sa paglalaro ng video games.

"Oo 'nay. Pinatay ko naman po, ah," ani Lucky habang ngumunguya pa ng pandesal sabay inom ng kape. Abala naman ang nanay nito sa pagwawalis ng sahig.

Alas siete pa lamang ng umaga at nag-iingay rin ang mga alaga nilang manok sa likod-bahay. Binato niya ang anak ng hawak niyang tambo at nagpamewang sa sobrang inis.

"Napakabatugan mo talagang bata ka! Sinabi ko sa'yong patukain mo muna ang mga manok bago mo 'yan atupagin!"

"Aray ko naman, nanay! Saglit lang naman!" Napatayo si Lucky at kakamot-kamot na pumunta ng kusina upang kuhanin ang mga patuka ng manok.

"Huwag mo akong pagdabugan riyan, Lucky! Lucky lang ang pangalan mo pero hindi ako maging maswerte sa'yo!" sigaw pa ng nanggagalaiting si Celia.

"Aray ko 'nay ha? Sakit mo naman magsalita!"

Ganito lagi ang senaryo nila. Bubungangaan lagi siya ng kanyang nanay tuwing umaga. Aminado naman siya sa sarili na napakatamad talaga niya.

"Bakit kasi hindi na lang bumalik rito si kuya? E'di sana sa kanya naka-toka itong pagpapatuka ng mga pesteng manok! Pambihira!" pagmamaktol niya at marahas na napakamot sa ulo. Mula kasi nang umalis ang kuya niya ay wala nang ibang maasahan ang kanyang ina sa mga gawaing bahay kundi siya lamang.

"Hanggang ngayon ba naman tamad ka pa rin?"

Nanlaki ang mga mata niya at agad napalingon sa tarangkahan nila matapos makarinig ng pamilyar na boses. Napaawang ang bibig niya.

"K-Kuya LC?"

Sa tapat ng bakod nilang kawayan ay ang nakatayong si Claud kasama ang isang babae. Bitbit ngayon ng kapatid niya ang lahat ng gamit. Napangiti ito ng tipid nang magtama ang tingin nila.

"Ano na naman iyan Lucky? Inuutusan ka---"

Sa puntong iyon ay hindi naituloy ni Celia ang sasabihin sa bunsong anak nang makita ang panganay na si Claud. Gulat ang rumehistro sa mukha ng ginang. Hindi nito mahagilap ang mga tamang salita. Sa isang iglap ay nagpakawala ng isang tipid na ngiti ang binata.

"K-kumusta, 'nay?"

Tuluyang naglandas ang luha ni Celia at napalipat ang tingin sa kasamang babae ng anak. Alinlangan nitong pinahid ang luha at natawa.

"H-Hindi mo naman sinabing mag-aasawa ka na pala," bati nito sa nagbabalik na anak. Bumugso ang damdamin ni Claud at nabitawan ang mga bag na dala. Sinunggaban niya ng yakap ang ina na matagal na niyang hindi nakikita mula noong naglayas siya.

Isang hagulhol ang kanyang pinakawalan.










"Palilinisan ko kay Lucky itong kwarto mo at iyong isang kwarto pa ay para riyan sa kasama mong si Astrid," litanya ni Celia at tinuro ang bakanteng kwarto na wala nang nagma-may-ari mula nang umalis siya.

Napaiwas siya ng tingin at ibinaba sa mesa ang baso ng juice.

"Hindi mo ba ako susumbatan?" malungkot na tanong ni Claud sa ina.

"Noon, gusto ko. Pero sapat na ang isang taon upang maintindihan kong sinunod mo lamang naman ang pangarap mo," nakangiting sagot ni Celia. Pinahid ni Claud ang luha sa gilid ng kanyang mga mata. Lumalambot talaga ang puso niya kapag usapang pamilya na.

"Maiba ako. Nobya mo ba siya?" usisa ng kanyang ina at tinapunan ng tingin si Astrid na nananahimik sa tabi niya. Agad napailing si Claud.

"Hindi 'nay. Tinutulungan ko lang siyang hanapin ang totoo niyang pamilya," tanggi ni Claud dahil sa inaakusa ng ina. Napatango naman si Celia.

"Oh, may lead na ba kayo? Baka makatulong ang tito mong pulis para mas mapadali ang pag-trace sa pamilya niya," alok ng nanay niya pero umiling siya.

"M-malapit na 'nay. Kaunting hakbang na lang," sagot na lamang niya at inubos ang natitirang laman ng kanyang baso. Hindi niya dapat ipaalam sa ina ang katotohanang hindi naman talaga tagarito si Astrid. Ayaw niyang madamay pa ang mga ito sa pinasok niya.

Ngayon ay nababahala rin siya mga posibleng mangyari. Lalo na at narito si Astrid kasama siya. Narito na muli siya sa tunay niyang tahanan.










"I'm sorry, what?" problemadong tanong ni Jem Sarzuelo sa secretary niyang kanina pa nagpapaliwanag para sa schedule niya ngayong araw. Halatang hindi ito nakikinig at malalim ang iniisip.

"I'm sorry, sir. I think you need a rest. Masyado atang pre-occupied ang utak n'yo ngayon. I can cancel your meetings right away at masabihan agad ang board na hindi ka makaka-attend mamaya," litanya ng sekretarya at inayos ang bitbit ng folder.

"I'll think about it. Just get me some brewed coffee," utos nito at hinilot-hilot ang sintido dahil sumasakit ito. Mayamaya ay nag-dial siya sa telepono.

"Hello? Nahanap na ba ang anak ko?" Ilang minuto siyang tumigil at nakikinig sa kausap. Naibagsak niya ang telepono at ipinatong ang ulo sa desk niya.

"For God's sake, Morrigan! Where did you go?!" bulalas niya at mas nasapo ang ulo.

Nawawala ang dalaga. Hindi nila alam kung saan ito hahanapin at kung saan ito nagpunta.



***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top