Chapter Six
Nabigla
MARIA ANNABETH SIHURANO
"THE COMPANY LOST a hundred million because of what happened, Dad."
Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Nasa labas ako ng conference room ng Rojas Distilleries dahil sa wakas nagkaroon na ako ng lakas ng loob para harapin ang responsibilidad ko kaya lang ito naman ang sumalubong sa akin. Kausap ni Uncle Pidong si Clarita, nasilip ko ring nandoon si Maria Juana. Inaasahan ko nang ganito ang daratnan ko pero hindi ko naman expected na maririnig ko ito. Kasalanan kong lahat ito.
"Did you try talking to the Japanese investors?" I heard Uncle Pidong.
"Hindi, Dad, hinaharang ni Sanchez lahat. Nakademanda si Annabeth, si Jufran rin," sagot ni Maria Juana. "Hindi ko alam kung paanong damage control ang gagawin rito. Dad, if this keeps up, bababa ang value ng company natin sa stock market, tapos may possibility na umalis na rin ang mga investors natin."
Napakagat–labi ako. Bumitiw ako sa doorknob at saka tumalikod. Nakakahiya. Akala ko kaya ko na silang harapin. Hindi ko inasahan na ganito kalaki ang magiging bunga ng gulong kinasangkutan ko. Hindi ko naman iyon ginusto. All I wanted is to do good pero sa tuwing akala ko ay ayos na ang lahat, may mangyayaring ganito sa buhay ko. Akala ko pwede na akong sumaya, hindi pa rin pala.
Umalis akong muli sa office. I drove around, iisang direksyon lang naman talaga ang palaging tinutungo ko kapag hindi ko alam ang gagawin ko—sa club. Kahit sarado iyon ngayon, alam kong doon ko lang matatagpuan ang katahimikang matagal ko nang hinahanap. Madalas kong tinatanong sa sarili ko kung bakit ba kasi sumama ako sa pamilya ni Tatay Nilo, okay naman ang buhay ko rito, masaya naman ako. Wala akong iniisip noon kundi ang kung paano kami mabubuhay kinabuksan saka isa pa kahit pokpok ako rito, may respeto sa akin ang mga taong nakakasalamuha ko. Hindi katulad sa kung nasaan ako ngayon, alam kong napakarami nilang sinasabi kapag nakatalikod ako.
Ipinarada ko ang sasakyan ko sa tapat ng basketball court kung saan malapit ang club namin. Pagbaba ko ng sasakyan ay sinigawan agad ako ng grupo nila Kuya Ambet, ang dati naming kapitbahay. Naroon sila sa may tindahan ni Aling Tasing at umiinom na naman.
"Anna! Baka gusto mong tumagay muna!"
"Hindi na po, Kuya Ambet. Hinahanap ko lang si Ate, nand'yan ba?" Tinuro ko ang itaas na bahay.
"Oo yata. Tagay muna!"
"Hindi na po." Magalang akong tumanggi. Nagtawanan sila ng mga kasama niya.
"Kita mo itong ampon ni Willie, nakaahon at lahat bumabalik pa rito! Mabait na bata talaga iyang si Anna! Matalino pa! Proud na proud diyan si Willie, pero hindi maamin na nami–miss itong ampon niya!" Habang naglalakad ako ay naririnig ko si Kuya Ambet na naglilitanya. Nakangiti lang ako habang paakyat sa hagdanan papasok sa bahay na kinalakihan ko. Pagpasok ko ay tumambad sa akin ang isang lalaking nagsusuot ng pantalon, habang si Ate Ria ay nag–aayos ng bra, nakaupo siya sa sofa.
"Oh, nandito ka pala, 'di ka man lang nagpasabi." Kaswal na wika niya. Ako naman ay hindi alam kung saan titingin. "Bilisan mo, Oscar, nand'yan na iyong kapatid ko, lumayas ka muna. Saka sa susunod kung walang tip, h'wag kang kakatok dito gago."
"Bye, Anna!" Kinawayan pa ako ni Oscar. Nagtuloy akong pumasok sa bahay. Napakamot ako ng ulo.
"Wala ba si Tatay?"
"Kasama si Mamang Estelle, humahanap ng paraan para mabuksan ulit iyong club. Ba't napunta ka, naayos mo na ba ang problema?"
"Ate, sabi ko naman sa 'yo, sumama na lang kayo ni Tatay sa akin. Kung ayaw ninyong tumira doon sa bahay kasama ko, pwede ko kayong itira sa iba."
"At ano? Aasa ako sa 'yo? Tang ina naman, Annabeth, hindi naman dahil na–jackpot–an mong mayaman pala ang tatay mo, idadamay mo kami. Buhay mo iyan, buhay namin ito." Napabuntonghininga na lang ako. Naupo ako sa monobloc chair sa may hapag at tiningnan si Ate.
"Paaralin kita."
"H'wag mong ibahin ang usapan. Inayos mo na ba ang problema mo?"
"Hindi pa. Malulugi ang kompanya dahil sa akin," mahinang wika ko. Napabuntonghininga ako. "Hindi ko nga alam kung bakit nag–iinarte ako. Sana pala pinagbigyan ko na lang, pokpok pa rin naman ako kahit gaano kaganda ang suot ko."
"Puta ka, Annabeth." Napapailing si Ate.
"Alam ko naman—"
"Gaga! Minumura kita, hindi ko sinasabing—ay ewan! Ang point ko rito, nakaalis ka na sa buhay natin tapos iniisip mo pang sana pinagbigyan mo iyong malibog na iyon? Alam mong ikaw ang nasa tama, bakit ka matatakot? Ano bang nangyari sa 'yo, Annabeth? Hindi ka naman ganyan dati. Ilaban mo iyan! Para kang tanga. Ano nakakabobo ang pagiging mayaman?"
"Mahirap naman kasi na ilaban ko kahit na wala akong ginawang masama, lalabas na masama ako dahil sa nakaraan ko."
"Paki ba nila sa nakaraan mo? Alam ba nila na dahil sa nakaraan na iyan, ilang beses napaoperahan ang nanay? Na nailaban natin siyang dalawa hanggang huli kasi nagpakangkang tayong dalawa para mabuhay? Tang ina, pangit ang mundo pero mas pangit iyang minamaliit mo ang sarili mo. Annabeth, hindi ka ganyan noon. Anong nangyayari sa 'yo?"
Hindi na ako sumagot. Medyo natitigilan ako. Alam kong tama si Ate. Lumaki kaming dalawang magkapatid. Siya ang tunay na anak ng mga magulang na kinalakhan ko. Sinubukan nilang ilayo kami ni Ate Ria sa buhay na mayroon sila, na mabago kaming dalawa, pero nagkaroon ng sakit si Nanay—cancer. At dahil dito, nagsimula si Ate Ria sa club, naalala kong nagkagalit pa sila ni Tatay noon, pero dahil lumalala ang sakit ni Nanay ay walang nagawa si Tatay kundi ang pikit matang tanggapin ang kapalaran ni Ate. Dalawang taon ang nakalipas, sumunod ako sa yapak ng kapatid ko.
Nailaban namin si Nanay, halos limang taon pa siyang nakapag–chemo dahil sa pinagsama–samang kita naming dalawa. Pero sa huli, hindi rin niya kinaya, bumitiw si Nanay, namatay siya pero hindi na rin kami nakaahon sa klase ng hanapbuhay mayroon kami. Sinubukan ko namang mag–apply sa ibang trabaho—naging gasoline girl ako, tindera sa karinderya, cashier sa supermarket pero hindi ako nagtatagal kasi high school graduate lang ako.
Trabaho lang ang trabaho ko para sa akin hanggang sa nakilala ko si Percy. Ilang beses ko na siyang namamataan sa club noon. Nagtataka ako noon kasi hilatsa pa lang ng mukha niya, alam kong mayaman na siya. Isang beses pa nga tinulugan niya ang ka–table niya kaya ang ginawa ng ka–table niya, kinuha iyong relo niya. Ako naman sinalubong ko si Liberty at kinuha ang relo para ibalik sa kanya, pero nagising siya, he saw me, mapungay ang kanyang mga mata tapos bigla siyang nanghahalik. Gulat na gulat ako noon...
I fell in love with Percy because he saw me—the real me—and he didn't care. Kahit na masakit siyang magsalita kapag galit siya, alam kong tanggap niya ako. Ang problema, hindi ko matanggap iyong sarili ko.
Naputol ang pag–iisip ko nang makarinig ng mga hakbang paakyat sa bahay namin, hindi naman nagtagal ay namataan ko si Tatay.
"Oh, Anna, napadalaw ka." Nagmano ako sa kanya tapos ay yumakap.
"Wala po kasi akong ginagawa, nami–miss ko po kayo, 'Tay."
"Sus!" Inirapan ko si Ate Ria. Ngumiti lang ako, si Tatay naman ay ginulo ang buhok ko.
"Dito ka na maghapunan, namili ako ng pansit sa may motel doon sa kanto. 'Di ba paborito mo iyon?"
"Opo, 'Tay."
"Ria, mag–ayos ka na. Sabi nang 'wag magyo–yosi sa bahay." Napabuntonghininga na lang ako. Pagkatapos na pagkatapos ko rito, haharapin ko na lahat ng problema ko.
ღღღ
JESTONI AMBROCIO
KAHIT PAANO AY naigagalaw ko na ang binti ko nang matagal–tagal. Kanina ay galing ako sa doctor, maayos naman ang paghilom ng binti ko, mas mabilis pa nga raw kaysa sa inaasahan. Magandang balita iyon kasi mapapabilis ang pagbalik ko sa trabaho, inip na inip na ako sa bahay, mukha nga akong tanga na naghihintay ako sa pagdalaw ni Andres o ni Adi at Anne tuwing tanghali para sabayan akong magtanghaliaan. Akala ko masaya magbakasyon, hindi pala, lalo na kung sa bahay lang.
Pagkatapos ko sa doctor ay naisip kong dumalaw sa krame, si Ate Medy ang driver ko, binusog ko na lang siya para hindi ako makarinig ng reklamo. Kanina niya pa sinasabi sa akin na dapat daw tawagan ko na si Tatay at si Mama para may makasama ako sa gabi at nag–aalala rin naman siya sa akin. Hindi nga raw siya makatulog kakaisip sa akin.
Ako naman, hindi ako makatulog, kakaisip kay Annabeth.
Isang linggo na ang nakalipas mula noong huli kaming magkitang dalawa. Gusto ko sanang makibalita tungkol sa kanya pero aasarin ako ni Andres kaya hindi na lang. Nagkasya na lang ako sa patingin–tingin sa social media niya. I followed her Instagram—wala yata siyang Facebook o Twitter. Sa Instagram niya, napansin kong mahilig siyang magluto at kumain, puro pagkain ang nasa feed niya, iilan–ilan lang ang litrato niya, at kung mayroon man, nakatalikod pa siya. Hindi niya ipinapakita ang maganda niyang mukha.
Oo, maganda talaga si Annabeth. Ilang ulit kong nasasambit iyon kapag naaalala ko siya. Hindi ko nga alam kung bakit palagi ko siyang naalala ngayon. Mula noong malaman kong siya pala ang una, hindi na siya mawala sa isip ko. Ilang beses kong kinukumbinsi ang sarili ko na dahil lang iyon doon at kalaunan ay mawawala rin pero ang tagal bago mawala.
"Dito na lang ako sa tapat, Ate Medy. Pakihintay mo na lang ako sa parking lot," wika ko sa kanya. Nasa labas ng sasakyan ko si Adi at naghihintay sa akin. Binuksan niya ang pinto para kuhanin ako at alayayan.
"Sige na, Ate Medy, umuwi ka na. Kami nang bahala kay Tonyo."
"Sige, ha? Manonood pa ako ng K–Drama sa Netflix ni Sir eh!" Ni hindi man lang siya nagpaalam sa akin basta na lang niya pinasibad ang kotse ko. Napapailing ako.
"Kumusta ang checkup mo?" tanong ni Adi habang naglalakad kaming dalawa.
"Ayos na. Next week pwede nang tanggalin ang cast pero may saklay pa rin ako. May balita ba sa kaso ni Annabeth?"
"Thanks, Buddy, okay lang rin naman ako pati na rin iyong inaanak mo." Napatingin ako kay Adi. "Tang ina, kinumusta ka ang tinanong mo sa akin kaso ni Annabeth Sihurano. Totoo nga iyong sinasabi ni Andres, crush mo nga si Annabeth!" Nag-uusap kami habang naglalakad papasok sa office namin. May nakakasalubong akong katrabaho na tinatanguan ko lang rin naman.
"Hindi ko crush si Annabeth!" sigaw ko sa mukha ni Adi.
"Ha?" Muntik na akong mitumba nang makita ko si Annabeth malapit sa table ni Andres, nakaupo habang may hawak na mga papel. She was wearing a yellow casual dress, nakalugay ang mahaba niyang buhok, tapos mamula–mula ang pisngi niya, hindi ako agad nakasagot. "Narinig ko ang pangalan ko, akala ko tinawag ako. Hello, Sir Toni."
"He-hello..." Mukha akong tanga. Kumaway pa ako. Katabi ni Annabeth ang pinsan niya—nakilala ko iyon dahil isa ang babaeng iyon sa sumundo kay Annabeth noong mabangga niya si Adi at masampal niya ako.
"Buti nakalabas ka na," sabi ni Andres sa akin. "Nagpapatulong si Annabeth tungkol doon kay Mr. Sanchez. Dito kasi nagsampa ng reklamo iyon kaya ito na iyong counter niya. Si Miss Clarita Sihurano–Arandia, abogado ni Annabeth, tapos si..."
"Pero alam mo, Kuya Andres, kaya lang naman sinapak ni Kuya Jufran iyong lalaking iyon kasi masamang tao iyon! Sinumbong ko agad iyon kay Mamang! Nagalit si Mamang, Kuya Andres!" Kilala ko ang mga pinsan ni Andres—si Jufran at si Pepe.
"Pe, manahimik ka, ang ingay mo!"
"Nagsasabi lang ako ng totoo! Dapat siya makasuhan! Nagagalit si Mona at saka si Pan!"
"Shhh!" Pagbabawal ni Andres sa pinsan niya. Inalalayan ako ni Adi para makaupo sa upuan sa likod ng table ko. Tahimik lang akong nagmamasid. Maayos namang inaalalayan ni Andres si Annabeth, matapos ang pag–fill up ng forms ay tinawag siya sa loob ng office para magbigay ng statement. Dalawa sila ni Jufran, kahit paano ay gumaan ang loob ko sa katotohanang hindi siya paapi sa Sanchez na iyon.
Habang naghihintay ay hindi ako mapakali. Halos thirty–minutes siya sa loob. Iniisip ko kung anong tinatanong sa kanya. Kusa akong napatayo nang makita ko siyang lumabas, kaagad siyang nilapitan ni Clarita Arandia. Hinahaplos–haplos pa ng pinsan niya ang braso niya.
"Lalapitan mo ba, Buddy?" tanong ni Adi sa akin. Napatango ako. Inalalayan niya ako, hindi ko alam kung bakit nagmamadali ako basta nagmamadali ako hanggang sa makarating ako sa kanya, naroon pa rin si Clarita, pinagmamasdan rin niya ako.
"Annabeth..."
"Yes, Sir? Nagustuhan mo ba iyong mga dinala kong ulam sa 'yo noong nakaraan? Pinatatanong nina Ate Ria."
"Ah, oo, ano..." Napakamot ako ng ulo.
"May sasabihin ka ba?" tanong noong pinsan niya.
"Ha?"
"Parang meron, Buddy," sabi pa ni Adi sa akin.
"May sasabihin ka?" tanong din ni Annabeth sa akin. She looked confused. Ano bang sasabihin ko?
"Ha? Ano... pwede bang manligaw?" biglang naiusal ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top