v.
[C H A P T E R 5]
Asul.
Asul na kalangitan. Naalala ko noon na pagkatapos namin sabihin sa isa't isa ang aming nararamdaman, pinili namin ni Joel na manatili muna sa playground na iyon hanggang sa sumapit ang dapithapon. Pinagmasdan namin ang asul na kalangitan at ang mga puting ulap, pati na rin ang mga nagsisiliparang mga ibon.
"Kung totoo man ang reincarnation, gusto ko maging isang ibon sa susunod kong buhay." Sabi ko kay Joel.
"Bakit naman?" Tanong niya sa akin nang may ngiti sa kanyang mukha.
"Dahil malaya ang ibon mula sa mapanghusgang lipunan. Lumilipad lamang siya bilang sarili niya sa asul na kalangitan,"
Napatango na lamang si Joel at kahit wala man siyang sinabi noon, alam kong naintindihan niya ang nais kong ipahiwatig. Tahimik lamang kaming dalawa hanggang sa kinuha niya ang kamay ko at hinawakan ito. Mainit at malambot talaga ang kanyang kamay kaya masarap hawakan. Binigyan ko na lamang siya ng isang ngiting makabuluhan, at sa aming mga tinginan, doon ko napatunayan na totoo nga ang kanyang nararamdaman. Kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang saya na tulad na lamang sa saya na nadarama ko.
Asul na pintura sa pader ng kwarto ni Joel. Noong gabing iyon, sa kwarto ni Joel, pinahiga niya ako sa kanyang tabi sa kama. Noong una ayokong pumayag dahil nakakahiya, pero sinabi niya sa'kin na ayos lang naman at gusto niya lamang akong makatabi. Pareho kaming nahihiya noong una, pero noong tumawa siya kahit wala namang dahilan, napatawa na lamang din ako. Nagkuwento siya sa'kin ng mga pangyayari sa kanyang buhay, lalo na 'yong mga karanasan niya sa dati niyang paaralan. Mukhang miss na miss niya na nga ang mga dati niyang kaibigan pati na rin ang lahat tungkol sa paaralan na iyon. Nakatingin lamang ako sa may asul na pader habang pinapakinggan ang kanyang boses na mababa at mahina lamang. Nakakatuwang pakinggan ang kanyang tinig dahil para itong isang awitin ng isang ina tuwing inihehele ang anak sa aking mga tainga kaya hindi ko na rin napigilan ang tuluyang pagbagsak ng mga mata ko.
Asul na mga palda at pantalon. Umaga ng Lunes. Normal na araw lamang.
O akala ko lang pala.
Maraming nakatingin sa akin at kapag tiningnan ko naman sila ay aalisin nila ang titig nila sa akin. Kahit hindi ko mawari kung ano ang pinag-uusapan nila dahil mahina ang kanilang bulungan, ay alam kong ako ang tinutukoy nila. Nagpatuloy ako sa paglakad, nakatingin sa may lapag kaya sa bawat hakbang ko ay mga asul na palda at pantalon ang nakikita ko at hindi ang mga matatalim na tingin at mga mapangkutyang galaw ng bibig. Noong pumasok ako ng klasrum, nangibabaw ang katahimikan at lahat ay napatitig sa akin.
Kinabahan ako noong araw na iyon. Akala ko may dumi lang sa puti kong polo, pero habang patagal nang patagal ang pagtitig nila sa akin ay napagtanto kong may dumi nga naman talaga silang tinititigan, pero hindi sa polo ko ang dumi kundi mismo sa sarili ko.
Naupo ako sa upuan ko noon at napatingin sa upuan sa aking tabi. Wala roon si Annie. Absent yata siya. Si Eugene naman ay wala sa kanyang upuan. Napatingin ako sa buong klasrum at nakita kong nakaupo siya sa may harapan at nakatitig din sa akin.
Lahat ng mga upuan ay malayo mula sa pwesto ko at lahat ng ulo ng mga estudyante ay nakalingon sa akin. Naramdaman ko noon na tila ba may mga matatalim na kutsilyo na inihahagis ang kanilang mga mata at sinaksak ang buong katawan ko ng mga patalim na iyon. Masakit. Kahit wala pa silang sinasabi ay naramdaman ko na ang gusto nilang sabihin sa mga titig nila.
Asul na basurahan. Noong natapos na ang klase ay bigla na lamang tumayo si Eugene at kinuha ang asul na basurahan. Dala-dala iyon, tumayo siya sa harapan ko na may ngisi sa mukha pagkatapos ay itinapon ang laman noon sa akin. Malakas na halakhak ng mga iba ko pang kaklase ang sumunod, pagkatapos ay ang mga masasakit na salita. Mga salita na kagaya na lamang ng tinatawag sa akin ni Papa. Bakas ang pandidiri sa mukha ng mga babae. Ang mga lalaki ko namang kaklase ay tumatawa nang malakas habang paulit-ulit na sinasabi ang salitang "Bakla".
Nakakabingi.
Ayoko nang marinig ang mga salitang iyon. Ayoko nang may nakatitig sa akin. Ayoko nang pinaparamdam sa akin na may mali sa akin. Ayoko na, pero wala akong nagawa. Hindi ako sumigaw sa galit, hindi ako umiyak sa sakit, hindi ako nagsalita patungkol sa aking damdamin. Tahimik lamang ako hanggang sa nagsawa na sila, hanggang sa lumisan sila ng klasrum, at hanggang sa naiwan ako mag-isa sa silid-aralan na iyon.
Akala ko noong mag-isa na ako ay bubuhos na ang mga kinikimkim kong damdamin. Pero wala. Nakaupo lamang ako roon mag-isa na blangko ang isipan at nakatitig sa asul na basurahan sa aking harapan. Walang laman iyon kagaya ko. Walang laman at isang basurahan.
Papauwi na ako noon ngunit biglang may humablot sa aking braso. Nagulat ako nang makita kung sino iyon.
Asul na uniporme. Mapungay na mga mata na nag-aapoy sa galit. Hinila niya ako palabas ng gate ng paaralan. Nagsimula siyang magsalita sa mahinang boses dahil sa maraming mga estudyante ang naglalakad sa paligid namin. Akala ko nalumbay siya sa akin at sa aking paglayas ay malalaman niya na ang aking halaga.
Akala ko lang pala.
Hindi ko na rin halos marinig ang kanyang mga sinabi. Paulit-ulit lang naman kasi iyon. Sinubukan kong hanapin ang dilaw na kulay kay Papa, ngunit wala na akong nakita. Marami akong nakikitang asul na kulay sa kapaligiran, ngunit sa mga taong dumadaan at nilalagpasan ako ay wala akong nakitang kulay. Hinayaan ko lang si Papa na magsalita sa aking harapan at palakas nang palakas ang kanyang boses. Gusto kong humingi ng saklolo pero nakatingin lang ang lahat sa akin. Kahit ang security guard ng eskwelahan ay tintigan ako at isang ngiti pa ang sumilay sa kanyang labi.
"Hindi ka ba nakikinig sa'kin?!" Tanong ni Papa at akma nang susuntukin ako. Ayos lang. Sanay na rin naman ako kaya inihanda ko na lang ang aking sarili.
Hanggang sa nakakita ako ng isang kulay, isang kulay kahel sa gitna ng madlang iyon, kasama pa ang dalawang tao na ang kulay ay dilaw. Tinulak palayo ng lalaking kulay dilaw si Papa at hinawakan naman ako ng babaeng kulay dilaw. Napatingin ako sa isang binatang may kulay na kahel at nilahad niya ang kamay niya sa akin. Sumakay kami sa isang kotse at naiwan si Papa roon na may pasa sa kanyang mukha. Noong tinitigan ko siya, nakita ko ang sarili ko sa kanya. Gusto ko sanang bumaba noon para yakapin siya ngunit hinawakan ni Joel ang kamay ko. Napatingin ako kay Joel at ngumiti siya sa akin.
"Ligtas ka rito sa amin. Hindi ka namin sasaktan." Sambit niya bago pa agad na binitawan ang kamay ko dahil sa napatingin ang Mama niya sa amin.
***
"Michael?" Tawag ni Joel sa pangalan ko. "Gising ka pa ba?"
Nandoon muli ako sa kanyang tabi. Napansin kong napaupo siya sa kama para tingnan kung gising pa ako. Napaupo na lamang din ako para harapin siya.
"Hindi ako makatulog." Sagot ko sa kanya.
Tumango siya. "Hindi rin ako makatulog dahil nag-aalala ako sa'yo. Paano ka ba nakita ng Papa mo? Hindi ka ba nakatakbo? Mabuti na lamang at nandoon sina Mommy at Daddy sa eskwelahan para kausapin ang principal ng paaralan. Mabuti na lamang nakita ka namin."
"Hindi na ako nakatakbo. Bigla na lamang niyang hinablot ang braso ko at hinila ako palabas ng school." Napahinga ako nang malalim. "Joel. Alam na nila. Alam na nila na bakla ako. Alam na nila at pinandidirihan nila ako. Nag-iba na ang tingin nila sa'kin. Sinabihan nila ako ng masasakit na salita. Bakit ba ganoon? May masama ba talaga sa akin? May mali ba talaga sa akin?"
Hinawakan ni Joel ang kamay ko. "Michael, 'wag mong sabihin 'yan. Mabuti kang tao. Walang mali sa'yo."
"Pero kahit gaano ka pa kabuting tao, huhusgahan at huhusgahan ka pa rin ng iba. Kahit gaano mo pa patunayan sa kanila na walang mali sa ginagawa mo, patuloy ka pa rin nilang sasabihin ng matatalim na mga salita na tatagos sa damdamin mo. Hindi ka nila maiintindihan kahit ano pa ang sabihin mo. Nabubuhay tayo sa pangit na mundo, at habang tumatagal ang pananatili ko sa mapanghusgang mundong ito, mas lalo ko pang nagugustuhan ang ideya ng isang kalangitang nag-aabang sa pagsapit ng kamatayan... Sa kalangitan kung saan walang mali sa'yo, kung saan walang manghuhusga sa kung sino ka, kung saan malaya kang magmahal basta tunay ito. Pero naisip ko rin, dahil sa mga sinasabi nila, may lugar nga ba ako sa langit? Sabi nila demonyo ako. Hindi siguro ako matatanggap ng Diyos. Ayoko na. Ang sakit na pakiramdam mo lahat ayaw sa'yo, lahat hindi ka tinatanggap."
Pumatak ang mga nagbabadyang luha. Lumapit ang mukha ni Joel sa mukha ko at ipinatong niya ang noo niya sa noo ko. Halos naririnig ko na ang pagtibok ng puso niya. Halos nararamdaman ko na ang paghinga niya sa sobrang lapit niya sa akin.
"Masakit din sa pakiramdam na isipin mo 'yan, Michael. Masakit sa pakiramdam ko kasi nakakalimutan mo yatang naririto lamang ako," sabi niya. "Mahal kita, Michael. 'Yong mga sinasabi nila, mga kasinungalingan lamang 'yon. Ang katotohanan ay ito: isa kang mabuting tao na may kagandahan sa iyong kalooban. Ano'ng masama sa ginagawa mo? Nagmamahal ka lamang. Nagmamahalan lamang tayo. Kung walang lugar sa langit ang mga tulad natin... Paano pa kaya silang mga mapanghusga at wala nang ibang ginawa kun'di manakit ng kapwa? May lugar ba sila sa langit? Wala. Michael... 'Wag mo nang isipin ang mga sasabihin nila, lalo na ng Papa mo. Alam kong masakit, pero sana hayaan mo akong pawiin 'yong sakit... Nandito lamang ako para sa'yo."
Bumibilis na naman ang pagtibok ng puso ko. Unti-unting nagkalapit pa lalo ang mga mukha namin hanggang sa dumampi ang kanyang labi sa aking labi.
Sa mga oras na iyon, napaisip ako. Napaisip ako patungkol sa mga asul na palda at pantalon, sa asul na basurahan, at sa asul na uniporme. Gulong-gulo ang isipan ko. Iba't ibang mga asul na nagbigay ng sakit sa akin... Hanggang sa bumitaw si Joel sa halik na iyon at binulong ang mga katagang, "Mahal kita, Michael" at saka hinalikan akong muli. Sa pangalawang halik na iyon, napalitan ang mga imahe sa isipan ko ng asul na kalangitan at asul na pintura ng pader ng kwarto.
Doon ay naging payapa muli ang isipan ko. Noong malapit kami ni Joel sa isa't isa, sa halik at yakap niya, sa mga sinambit niya, nawala lahat ng pangamba. Asul. Nakita ko ang totoong kulay asul noong nasa harap ko si Joel. Tumahimik ang mga boses na nangugutya at nawala ang mga imahe ng mga taong nanghuhusga. Asul. Kagaya na lamang nang tunay na kahulugan ng kulay na asul, nakaramdam ako ng kapayapaan. Nakita ko ang asul dahil kay Joel. Naramdaman ko ang asul dahil sa kanya.
Asul. Ito nga ang dominanteng kulay sa hitsura ng mundo, ngunit kung tutuusin ay hindi naman talaga asul ang kulay ng mundo. Walang bahid ng asul dito. Walang kapayapaan dito.
Pero dahil kay Joel, nagkaroon muli ako ng pag-asa. Naramdaman ko na may mga tao pa palang pwedeng magparamdam sa'yo ng kulay ng asul.
Hiniling ko na sana hindi na magtapos iyon...
Pero sa huli, hindi rin pala asul ang mangingibabaw. Sa huli, natakpan din pala ng ibang kulay ang asul na iyon at nawala na lamang ang asul.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top