iv.
[C H A P T E R 4]
Berde.
"Wala akong anak na berde ang dugo!"
Malakas ang boses ni Papa. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa braso ko. Naririnig ko rin ang malakas na tawanan ng mga lasenggo sa kanto.
"Binubugbog na naman ni Ismael 'yong baby girl niya," Narinig kong sabi ng isa sa mga lasenggo at kasunod noon ang isa pang nakakabinging halakhak.
Nagalit kasi siya na nabasag ko 'yong bote ng alak niya dahil daw sa bakla ako at lalampa-lampa ako. Humingi naman ako nang tawad ngunit sinuntok niya na kaagad ako sa may mata at saka pinagpapalo ng sinturon niya. Sinigawan niya ako, tinawag na isa akong demonyo at salot. Pagkatapos noon ay kinaladkad niya ako palabas at napatayo kami sa harapan ng balde ng tubig. May mga taong nakikiusyoso, mga tinderang nakatingin sa akin at nagbubulung-bulungan. 'Yong mga lasenggo na pinagtatawanan ako, mga batang napatigil sa kakalaro para pagmasdan ako. Lahat ng kanilang mga mata ay nakadako sa akin, habang si Papa naman ay sumisigaw ng mga masasakit na salita patungkol sa akin. Umikot ang mga mata ko para maghanap ng taong sasaklolo sa akin, nabaling ang aking tingin sa may bahay katabi ng amin ngunit naaalala kong wala na nga pala ang nakatira roon. Dalawang buwan nang wala si Aling Elena, at wala nang tutulong sa'kin. Lahat ng tao rito ay takot kay Papa... Lalo na ako.
Hinawakan niya ako sa aking buhok at saka nilunod sa may baldeng iyon. Hinahabol ko ang aking paghinga sa tuwing pag-ahon niya sa akin at mahinang sinabi ang mga kataga ng kapatawaran. Ilang minuto rin bago niya napagdesisyunang tigilan na iyon at saka niya ako iniwan sa may tabi ng balde.
Naiwan ako roon na nanginginig sa lamig at kinakapos ng hininga. Hindi ko mawari kung tubig ba ang nasa mukha ko o mga luha na. Lahat ng tao ay nakatitig sa akin, ngunit wala man lang ni isa sa kanila ang lumapit. Nanatili lamang ako roon hanggang sa nagsawa na ang mga tao sa kakatitig at kakabulong kaya nagsibalikan na sila sa kanya-kanyang gawain. Hindi ko alam kung saan ako pupunta noon. Hindi naman pupwede sa bahay dahil baka magalit pa si Papa kapag nakita niya ako. Kahit Lunes iyon at may pasok, napagdesisyunan ko na lang ding hindi pumasok dahil sa hitsura ko ngayon. Panigurado may black eye ako sa lakas ng suntok ni Papa sa mata ko. Nanlabo rin kasi ang aking paningin at namaga ang aking mata.
Naisip ko si Joel. Kung sa kanila muna kaya ako makitira? Pero baka nakakaabala lamang ako sa kanila. Nakakahiya. Pero, wala rin naman din akong ibang pupuntahan. Si Joel lang naman ang kaibigan ko.
Maya-maya pa ay nakita ko si Papa na lumabas ng bahay suot ang kanyang uniporme. Iniwasan ko siya nang tingin at patuloy naman siya sa kanyang paglalakad. Nang makasiguro ako na wala na siya, pumasok ako sa bahay para ayusin ang aking sarili.
May black eye nga ako at naningkit ang aking mata sa sobrang maga nito. Marami rin akong pasa sa katawan dahil sa pagpalo sa akin ni Papa ng sinturon. Masakit, oo. Masakit at mahapdi ngunit wala na yatang sasakit pa sa nararamdaman ng puso ko ngayon. Masakit na ang sarili mo pang magulang ang kumukutya sa pagkatao mo at pinaparamdam sa'yo na may mali nga sa'yo. Ang sakit ng mga salitang binibitawan niya ngunit gayunpaman, naniniwala pa rin ako na may pagmamahal pa rin siya para sa akin dahil kahit isa akong bakla, anak niya pa rin ako. Kahit ano'ng mangyari, kahit berde pa ang dugo ko, iisa lang ang dugo namin. Hindi naman siguro posible na ang isang mgulang ay puno lamang ng galit para sa kanyang anak 'di ba? Siguro... Siguro, may katiting pa na pagmamahal na natitira para sa akin. Naniniwala ako roon.
Mahal pa rin ako ni Papa. Mahal niya pa rin ako gaya ng pagmamahal ko sa kanya.
***
"Ano'ng nangyari sa'yo, Michael?" Tanong sa'kin ni Joel nang makita niya akong nakatayo sa labas ng bahay nila.
Binigyan ko siya ng isang maliit na ngiti. Siguro nakita niya ang pait sa ngiti na iyon kung kaya't wala na siyang sinabi pa at pinatuloy na lamang niya ako sa kanilang bahay. Kakaunting gamit lamang ang nadala ko dahil hindi ko naman balak manatili rito nang matagal. Papalamigin ko lang ang ulo ni Papa. Unang beses ito na lumayas ako ng bahay, pero siguro para na rin iyon sa ikabubuti naming dalawa. Mahirap na at baka ano pang magawa niya sa'kin.
Tahimik lamang si Joel nang kumuha siya ng first aid kit para gamutin ang mga sugat na natamo ko. Halos mangiyak ako sa hapdi, pero tinawanan lang ako ni Joel kaya natawa na lamang din ako kahit sa totoo lang masakit naman talaga. Maya-maya pa dumating na ang kanyang mga magulang mula sa kanilang trabaho, at nagpaliwanag si Joel sa kanila. Hindi na sila nagdalawang-isip pa at pumayag sila na doon muna ako manatili sa bahay nila.
Sinubukan nila akong pangitiin habang kumakain kami ng hapunan, lalo na si Joel. Binibigyan ko naman sila ng maliliit na ngiti ngunit hindi ko pa rin maiwasan na hindi malungkot. Naiisip ko si Papa sa mga oras na iyon, kung ano na lamang ang reaksyon niya na wala ako. Nag-aalala kaya siya sa'kin? Hinahanap niya kaya ako? Nag-aalala rin ako kung makakain siya dahil hindi pa naman siya marunong magluto, pero siguro bibili na lang siya ng pagkain sa may tindahan nila Aling Nena. Napansin yata nila Joel na malalim ang iniisip ko kaya natahimik na lamang sila. Halos hindi ko rin naman nagalaw ang pagkain na nakahain sa harapan ko.
Doon pa rin ako sa kwarto ni Joel nanatili, doon ako sa may lapag.
"Michael, gising ka pa?" Tanong niya sa mahinang boses.
Sumagot naman ako ng "Oo" sa mahinang boses lamang din. Umusog siya para harapin ako, at kahit madilim, tila ba nakikita ko pa rin ang kislap sa kanyang mga mata.
"Pwede naman talaga na dumito ka na lang," sabi niya sa seryosong tono. "Nakakalungkot din minsan kapag wala sina Mommy at Daddy. Wala akong makausap at wala akong makasama. Michael, pupwede naman na manatili ka na lang sa tabi ko. Hindi ka naman namin sasaktan. Hindi kita sasaktan. Aalagaan kita. Poprotektahan. Mahalaga ka sa'kin, Michael, kaya ayokong mawala ka sa'kin. Pakiusap naman, baka kasi kung ano pang mangyari sa'yo kapag umuwi ka sa inyo..."
Binigyan ko siya nang mahinang tawa. Sa totoo lang, masaya ako sa mga narinig ko. Mahal ko si Joel at masarap pakinggan ang mga katagang binitawan niya. "Pero, mahal ko rin si Papa. Mahalaga rin siya sa'kin. Hindi ko rin siya kayang iwan," pagpapaliwanag ko.
Natahimik saglit si Joel pagkatapos sinabi niya sa akin na: "Basta, nandito lang ako para sa'yo, Michael." Bago pa tuluyan kaming dalawang nakatulog na.
***
"Kahit kaylan talaga ang berde berde ng isip mo!" Narinig kong sabi ni Annie sa katabi niya sa kaliwa na si Eugene bago pa tumawa ito. Noong natapos na ako sa pagkopya ng notes dahil dalawang araw rin akong nawala, hinarap ko si Annie na may ngiti sa aking mukha.
"Salamat sa pagpapakopya mo," tapos inabot ko sa kanya ang kanyang kwaderno.
Binalik niya ang ngiting iyon. "Nakakapanibago lang Michael John, lagi ka kasing pumapasok sa eskwelahan. Nag-aalala talaga ako na dalawang araw kang hindi pumasok. Akala ko kung ano nang nangyari sa'yo," sabi ni Annie. Napansin ko ang kulay berde niyang headband na bumagay naman sa kanya. Maganda ang mukha ni Annie, pero lagi itong natatakpan ng mahabang bangs. Sa pagsuot ng headband, mas nakita lamang ang kagandahan niya.
"Bagay pala sa'yo na nakasuot ng headband." Sabi ko sa kanya.
"T-talaga? Buti ka pa. Sabi kasi ni Eugene ang laki raw ng noo ko at mukha raw airport at may lalanding na eroplano."
Natawa naman ako. "Hindi, mas nakita kasi 'yong kagandahan mo. 'Wag mo na kasing tatakpan ng bangs 'yong mukha mo, e ang ganda mo pa naman."
"Ako, maganda?" Sabi niya na natatawa naman. "Ikaw talaga Michael... Hindi naman..."
"Aysus, kilig pepe naman 'yang si Annie kasi sinabihan siyang maganda ng crush niya," singit ni Eugene.
Hindi naman siya pinansin ni Annie kahit na bakas sa mukha nito ang pagka-inis. Nangiti siya sa akin. "Michael John... Uhm, kung ayos lang sa'yo, pwede bang... Ano, kain tayo mamaya ng merienda? Libre ko."
"At niyaya pang mag-date, boom panes." Sabi naman ni Eugene. Hindi ko mapigilan ang aking tawa.
Siniko siya ni Annie saka humarap muli sa akin. "Wag mo nang pansinin 'yan si Euge, ha? Ano, trip ko lang manlibre. Ayos lang ba?"
Tumango ako. "Tatanggi ba naman ako lalo pa't libre?" Pagkatapos noon ay pareho kaming natawa.
Natapos din ang huling klase at magkasama kami ni Annie sa paglabas ng eskwelahan. Noong malapit na kami sa may gate, napatigil ako sa paglalakad. Napansin 'yon ni Annie kaya napatingin siya sa akin at tinanong kung ano'ng problema. Nakita ko si Papa sa may labas ng gate, mukhang may inaabangan. Agad ko namang hinawakan ang kamay ni Annie para tumakbo palayo roon bago pa ako makita ni Papa. Sa kabilang gate na lamang kami lumabas, doon sa gate papuntang parke.
"Bakit? Ano bang meron, Michael John?" Tanong ni Annie sa akin.
Nginitian ko siya. "Wala, halika na, kain na lang tayo." Hindi na lamang siya nagtanong muli pagkatapos ay naglakad kami papunta sa may convenience store malapit lang sa eskwelahan. Noong nakapasok na kami, laking gulat ko nang makasalubong si Joel.
"O, Joel, nandito ka pala." Sabi ko sa kanya. Napatingin ako sa kanya at may dala siyang supot na may laman na mga tsitsirya at softdrinks. Nagtaka ako kung para saan iyon pero hindi ko na lang din siya tinanog.
Mukhang nagulat siya nang makita ako. Napatingin siya sa akin pagkatapos kay Annie, at napatingin din siya sa mga kamay namin. Doon ko lang napagtanto na hawak ko pa pala ang kamay ni Annie. Agad ko namang binitawan ito na ikinagulat ni Annie.
"Ako nga pala si Annie, kaklase ni Michael John." Nasabi ni Annie bilang pambasag ng katahimikan.
"Ganoon ba? Ako naman si Joel, kaibigan ako ni Michael. Doon lang ako nag-aaral sa kabilang eskwelahan,"
"Napansin ko nga, berde kasi 'yong kulay ng pantalon mo, e." Siniko naman ako ni Annie. "Hindi mo sinabi sa'kin na may bigatin ka palang kaibigan. Mayayaman 'yong mga estudyante roon, 'di ba?"
Natawa naman si Joel. "Hindi naman. Sige, mauna na ako. Mukhang may date kayong dalawa, ayoko namang maka-istorbo."
Tiningnan ko siya ngunit iniwasan niya ang mga titig ko. Parang may kakaiba kay Joel noong araw na iyon pero hindi ko matukoy kung ano. Lumabas lang siya ng convenience store na tahimik, at gusto ko sana siyang habulin pero ayoko namang iwan si Annie mag-isa.
Napatingin ako kay Annie at nakatingin din siya sa akin.
"Alam mo, Michael John, kung hindi kita kilala baka isipin kong mag-syota kayo 'nung Joel na 'yon. Iba ang mga titig niyo sa isa't isa, e." Sabi ni Annie pagkatapos ay natawa. "O siya, kain na tayo."
Tumango na lamang ako.
***
Hindi ako masyadong kinausap ni Joel noong sumakay kami sa jeepney pauwi. Naghintay pala siya sa'kin sa may parke para sabay na kami pauwi sa kanila. Napansin ko na hindi man lamang nabawasan 'yong laman ng supot kahit na medyo matagal siyang naghintay sa akin. Noong nakababa na kami sa jeepney at naglakad sa may footbridge, wala pa ring imik si Joel at nauna pa siya sa paglalakad kaysa sa'kin.
Naglakad ako sa tabi niya. "Ano bang problema, Joel?" Tanong ko sa kanya.
"Wala naman." Sagot niya.
"Para saan 'yang mga binili mo?"
Tiningnan niya 'yong supot pagkatapos napatingin sa'kin. "Para sana sa ating dalawa, magpapasama sana ako sa'yo sa may parke at tumambay muna tayo roon. E may kasama kang girlfriend, tapos ako may kasamang green-eyed monster."
Napahinto ako. "Teka nga, hindi ko nobya si Annie. Saka... Ano'ng ibig-sabihin mong green-eyed monster? May halimaw sa parke?"
Tinawanan niya ako. "Matalino ka, Michael, pero minsan nakakabanas dahil parang ang tanga mo."
"Paano ako naging tanga?"
Hindi niya na naman ako pinansin pagkatapos noon. Nagpatuloy lang siya sa paglalakad hanggang nasa loob na kami ng subdivision. Mabilis ang kanyang paglalakad kaya medyo nahirapan akong habulin siya. Maya-maya pa, nasa harapan na kami ng bahay nila pero hindi siya tumigil doon. Nagtaka ako at tinawag ang pangalan niya pero hindi man lang niya ako nilingunan kaya hinabol ko na lamang din siya. Dumiretso naman pala siya sa may playground sa loob ng subdivision, kung saan walang tao kundi kaming dalawa lamang.
"Green-eyed monster. Othello, Shakespeare. Jealousy." Nabanggit ni Joel noong nakatayo na kami sa may playground.
"Ano'ng meron doon?" Tanong ko sa kanya.
Hinarap niya ako. "Nakakabanas talaga. Nagseselos ako, okay? Nagseselos ako sa inyo 'nong babaeng kasama mo."
Napataas ako ng kilay. "Nagseselos? Bakit ka naman magseselos?"
Huminga siya nang malalim pagkatapos ay naupo sa may swing. Inapakan niya ang mga berdeng damo at saka nilapag muna ang supot na hawak niya. Nakita ko roon 'yong Piattos na Sour Cream flavor at Mountain Dew na softdrinks.
"Simula noong makita kita sa may jeepney, Michael... Hindi ka na nawala sa isip ko. Kakaiba. Akala ko noong una natuwa lang talaga ako dahil sa wakas ay may kaibigan na ako, pero bakit ganoon, bago ako matulog ikaw ang naiisip ko. Naiisip ko 'yong mga mata mo na numiningning tulad sa mga bituin. Naiisip kita palagi, kaya nga sa tuwing uuwi ako mula eskwelahan lagi kitang inaabangan para makasabay lamang sa jeepney. Noong natulog ka sa may bahay namin, pinagmasdan kita habang natutulog ka... At doon... Doon ko napagtanto ang lahat. Mahal kita, Michael. Mahal kita kahit na pareho tayong lalaki. Hindi ko alam kung bakit ganito, kung bakit ako naging ganito... Pero ang alam ko lang, mahal talaga kita."
Napatitig ako sa kanya. Sinusubukan kong magsalita pero masyado akong nabigla sa pagtatapat niya.
Natawa naman siya. "Ano, pinandidirihan mo na ako? Kasi ako nandidiri sa mga sinasabi ko ngayon. Baka may mali lang, baka maayos din ito. Baka masyado lang akong natutuwa sa'yo. Mawawala rin 'tong kahibangan ko, Michael, kaya sana maging mag-kaibigan pa rin tayo."
Napatingin ako sa damuhan. Buhay na buhay ang mga damo dahil sa matingkad ang kulay nila. Katulad na lamang din ng nararamdaman ko ngayon... Buhay na buhay. Bumibilis na naman ang tibok ng puso ko. Buhay na buhay ang pakiramdam ko lalo pa't nalaman ko na pareho kami ng nararamdaman para sa isa't isa.
"Joel..." Tawag ko sa pangalan niya.
"Ano? Pakiusap, 'wag mo 'kong lalayuan,"
"Joel..."
Natawa naman siya nang mahina. "Ano nga? Kinakabahan naman ako sa'yo, p're. Sabihin mo na. Nandidiri ka nga sa'kin."
Tinignan ko siya sa kanyang mga mata. Nanumbalik sa akin 'yong una naming pagkikita sa may Jeepney, kung saan naging pula ang lahat, sa may playground, kung saan nakita ko ang kulay niya na Kahel, at sa bahay nila, kung saan may dilaw na mga bituin sa kanyang mga mata.
"Joel... Mahal din kita." Sambit ko na lalo pang nagparamdam sa akin na buhay ako kagaya ng mga berdeng damo sa paligid namin. "Mahal na mahal."
Napatingin sa akin si Joel at nakita ko rin ang buhay sa kanyang mukha.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top