vi.

[C H A P T E R 6]

Indigo.

Malamig ang simoy ng hangin. Mula sa 'di-kalayuan ay maririnig ang mga magagandang tinig ng mga bata kasabay ang pagkumpas sa kanilang mga dala-dalang tamburin. Napuno ang mga bahay ng mga bituin na gawa sa plastik at mga mumunting ilaw na numiningning ng sari-saring kulay.

Disyembre. Ang pinakamasaya at pinakamalungkot na buwan ng aking buhay. Kung saan unti-unti nang nawala ang puti, at napalitan ng panibagong kulay...

Sa buwan ng Disyembre, hindi ko akalaing magbabago ang aking buhay.

***

"Michael, halika na." Sabi sa'kin ni Joel. Napatingin ako sa kanya at nagsabi na hintayin niya ako bago siya lumabas ng kwarto. Napangiti naman siya nang pagmasdan ako na nahihirapan sa pagsintas ng aking mga sapatos. Lumapit siya sa akin at yumuko, pagkatapos ay hinawakan ang mga sintas ng sapatos ko. "Ang tanda mo na, hindi ka pa marunong magsintas ng sapatos." Natatawa niyang sabi habang sinisintas ang sapatos kong kulay Indigo. Natawa na lamang din ako at noong natapos na ay nagpasalamat ako sa kanya.

Sabi nila, kapag nakumpleto mo raw ang lahat ng araw ng Simbang Gabi, matutupad daw ang isang kahilingan mo. Kahit hindi naman talaga naniniwala si Joel doon, noong sinabi ko sa kanya na gusto kong kumpletuhin ay pinilit niya sina Tito at Tita tungkol dito. Pumayag naman sila, kaya kahit na may kaagahan ay nagigising pa rin si Joel dahil ginigising ko siya. Noong nakaraang mga araw parang ayaw niya pa dahil hindi raw siya 'morning person', pero ngayong huling araw namin, parang siya pa 'yong mas sabik kaysa sa akin.

Sumakay kami ng Jeepney. Hindi pa ganoon kabigat ang trapiko at kakaunti pa lamang ang pasahero. Hindi rin nagtagal ay nakarating na kami sa simbahan sa may bayan.

Buong misa ay nakangiti lang siya sa akin. Pagkatapos noon, nang makalabas na kami ng simbahan, agad niyang inilapit ang labi niya sa may tainga ko para magtanong.

"Ano'ng kahilingan mo?" Tanong niya sa akin na nakangiti.

Nangiti rin ako dahil sa kanya. Paano ba naman kasi, para siyang bata. "Sikreto ko na lang 'yon." Sagot ko saka nauna sa paglalakad.

Sinundan niya naman ako kaagad. "Ang daya naman nito! Sasabihin ko rin 'yong kahilingan ko sa'yo, pero sabihin mo muna 'yong iyo."

"Hindi, ilibre mo na lang muna ako ng almusal. Nagugutom na ako e. Uuwi na ba tayo kaagad?"

"Ayaw mo pa bang umuwi?" Tanong niya. "Ayos lang naman. Mamaya pa naman kasi maghahanda para sa Noche Buena, kaya hindi pa tayo kaylangan doon. Punta tayong mall. Bibili rin kasi ako ng pang-regalo."

Tumango na lamang ako. Madali lang naman palang kausap si Joel, e.

***

Noong matapos na kaming kumain ni Joel ng almusal sa Jollibee, nagpunta naman kami sa may Department Store para mamili ng mga ipangre-regalo niya. Mga magulang lang naman niya anh bibigyan niya ng regalo kaya mabilis lang kaming natapos.

Naglalakad na kami papuntang counter nang may mahagip ang mga mata ko. Isang manyika. Kamukhang-kamukha no'n ang paboritong kong manyika noong bata pa lamang ako, isang manyika na binigay sa'kin ni Papa ng araw rin ng Pasko. 'Yong manyika na iyon ang tanging regalo ni Papa para sa'kin sa buong buhay ko. Noong bata pa ako, may mga oras naman talagang masaya kami ni Papa. May mga panahong kinakarga niya ako at tinatawag na 'anak'. Dahil ganoon naman talaga... Lahat ay puti, lahat ay malinis, hanggang sa nakita niya ang bahid ng dumi sa puting iyon. Nakita niya ang bahid ng dumi... Ang pagkakamali sa'kin, kaya nakalimutan niya ang puti at sa halip ay natuon ang kanyang pansin sa dumi na iyon. Nakalimutan niya na anak niya ako.

"Michael? Bakit?" Tanong sa'kin ni Joel nang mapansin niyang napatigil ako sa paglalakad.

"Wala, naalala ko lang si Indigo, 'yong manyika ko noong bata pa lamang ako. 'Yong manyika na binigay sa'kin ni Papa noon."

Napatingin si Joel sa manyika na tinititigan ko, pagkatapos ay nagulat na lamang ako nang kunin niya ito. Naglakad siya sa may counter at nagbayad, pagkatapos bumalik siya ulit sa pwesto ko kung saan ako nakatayo. Nilabas niya 'yong manyika at inabot sa'kin.

"Merry Christmas," sabi niya na may ngiti sa mukha.

'Yong ngiti na iyon. Ganoon din ang ngiti ni Papa noong binigay niya si Indigo sa akin. Gaya ni Joel, nakita ko rin noon kay Papa ang kulay ng kahel at dilaw sa kanyang mga mata. Kaya siguro naniwala pa akong naroroon pa rin iyon. Kaya siguro nahirapan akong lumayo sa kanya.

"Salamat."

***

"Maligayang Pasko!" Bati namin sa isa't isa nang mag-alas dose na. Pinapunta na kami sa may hapag-kainan kung saan nakahain ang mga masasarap na pagkain para sa Noche Buena. Matagal na rin simula noong huling beses akong nakakain ng Noche Buena sa araw ng Pasko. Masaya pala sa pakiramdam. Nagdasal kami at nagkuwentuhan habang kumakain, hanggang sa tumayo si Tita at may inabot sa'king isang kahon. "Merry Christmas, Michael." Sabi niya na may ngiti sa kanyang mukha.

Napakasaya ko noon na hindi ko na napigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Humingi pa nga sa akin ng patawad si Tita dahil sa napaiyak ako, at si Tito saka si Joel inaasar pa si Tita na isa raw siyang bully. Tumatawa lamang kami. Masaya ang mga mukha. Isa 'yon sa mga oras ng buhay ko na gustong-gusto kong balikan, sa oras ng buhay ko na sana ganoon na lamang palagi.

Pero, kagaya nga ng sabi nila, hindi raw nagtatagal ang mga masasayang bagay.

Sa bawat kasiyahan, isang matinding kalungkutan naman ang nagbabadya. Hindi ko akalaing masyadong mabilis para bawiin sa akin ang kasiyahang iyon. Baka nga wala na talaga akong karapatang lumigaya. Baka nga dahil sa isang akong pagkakamali, tadhana ko nang mabuhay sa kalungkutan.

Sana pala kung magiging malungkot lang din ang mga pangyayari... Sana pala hindi na lang ako binigyan ng pagkakataon para sumaya.

Sana pala. Para hindi na ako tuluyang umasa.

***

Natapos ang pagkain namin ng Noche Buena at niyaya muna ako ni Joel na lumabas para tingnan ang mga bituin sa kalangitan. Gawain na rin siguro namin iyon. Nakaupo lamang kami sa may swing sa may garden ng kanilang bahay nang hawakan niya ang kamay ko.

"Ano 'yong kahilingan mo?" Tanong niya sa akin. "Ang daya mo, nakalimutan kong itanong muli kanina, e."

Natawa naman ako. Talaga ngang makulit siya. "Oo na. Sasabihin ko na. 'Yong kahilingan ko... Sana, sana maging masaya na lang tayo palagi. Sana maging ganito na lang tayo palagi. Sana magkasama na lang tayo palagi, Joel."

Bakas sa mukha niya ng gabing iyon ang kasiyahan. "Pareho pala tayo ng kahilingan, e. Hiniling ko rin na sana magkasama na lang tayo pang-habangbuhay."

Hinayaan na lang namin na katahimikan ang mangibabaw pagkatapos noon. Inakbayan niya ako at ipinatong ko naman ang ulo ko sa balikat niya. Ninais kong ganoon na lamang kami palagi. Hindi ko alam, pero simula noong makilala ko si Joel, Indigo na lamang ang nararamdaman ko para sa kanya. Indigo... Ang kulay ng dedikasyon at pamamalasakit. Noong ibinigay sa'kin ni Papa ang manyikang iyon noong bata pa ako, sinabi niya sa'kin na Indigo raw ang pangalan noon dahil sa ito ang kanyang paboritong kulay. Sinabi sa'kin ni Papa noon na ang Indigo raw ay kulay ng malalim na pagmamahal, gaya na lamang ng naramdaman niya sa'kin noon. Siguro nga nakaramdam sa akin si Papa ng Indigo noon, pero kagaya na lamang ng kulay ng Indigo sa kalangitan sa hatinggabi, agad din itong nawala sa pagsikat ng araw.

Masyadong mabilis mawala ang kulay ng Indigo sa kalangitan. Pero mas mabilis pala ang pagkawala ng kulay ng Indigo sa mga tao.

"Mamahalin mo pa rin ba ako bukas, sa pagsikat ng araw? Mamahalin mo pa rin ba ako kahit matapos na ang hatinggabi? Mananatili ba ang Indigo sa'yo?"

"Minsan talaga hindi kita maintindihan," sambit niya. "Ang lalim mo kasing manalita. Pero, kung tatanungin mo ako kung mamahalin kita bukas, 'oo' ang sagot ko, Michael. Mamahalin kita bukas, at sa isang bukas, at sa isa pang bukas. Lumipas man ang ilang libong bukas, mamahalin at mamahalin pa rin kita, Michael. Hindi ko alam pero 'yon ang nararamdaman ko. 'Yon ang idinidikta ng puso ko."

Inalis ko ang pagkakapatong ng ulo ko sa balikat niya para magawa siyang titigan. Minsan nagdududa ako sa mga sinasabi niya, kung totoo ba ang mga iyon o purong kasinungalingan. Hindi ko mawari kung paano siya nahulog sa akin gayon namang isang siyang tunay na lalaki. Hindi ako makapaniwala hanggang ngayon na pareho ang naramdaman namin para sa isa't isa. Simula noong makita ko si Joel sa may Jeepney, wala na akong naintindihan patungkol sa aking mga damdamin. Basta ang alam ko lang ay iba iyon kumpara sa mga naramdaman ko noon para sa isang lalaki. Iba si Joel. Iba ang epekto niya sa akin at siya lamang ang nakapagbigay ng kulay ng Indigo sa akin.

Siguro nga may mga bagay talaga sa mundo na kahit pilit natin intindihin, hindi talaga natin maiintindihan. Kahit pilit nating alamin ang kasagutan sa mga katanungan, wala tayong malalaman. Siguro nga may mga bagay sa mundo na kaylangan lang ng pagtanggap sa kung ano ang bagay na iyon. Siguro nga.

Lumapat ang labi niya sa labi ko. Kahit pangalawang beses na ito ay mas may epekto pa kaysa sa nauna. Indigo. Sa tuwing kasama ko si Joel, kulay ng Indigo ang namamayani sa puso ko.

Bumitaw kami at napangiti sa isa't isa. Mga matatamis na ngitian... Hanggang sa nawala ang mga ngiti na iyon. Naalala ko pa ang hitsura ni Joel ng gabing iyon. Unang beses kong nakita ang takot sa kanyang mukha. Nakaramdam din ako ng takot nang makita ko ang mga magulang niya na nakatitig sa amin. Bakas sa mukha nila ang sari-saring mga emosyon- Gulat. Pagkalito. Pandidiri. Galit. Mga emosyong hindi kanais-nais, kung saan sa isang iglap nawala ang ningning ng kulay dilaw sa kanila. Naalala ko noong gabing iyon kung paano sumigaw ang Papa ni Joel, kung paano siya naglakad palapit sa amin at sinuntok sa mukha si Joel. Sa isang iglap nakita ko ang sarili ko sa kanya. Naalala ko kung gaano ko nakita ang pagkabigo sa kanilang mga mukha. Naalala ko na tumayo ako para magpaliwanag, ngunit lumapit ang Papa ni Joel na akmang susuntukin ako hanggang sa humarang si Joel para sa akin. Naalala ko kung gaano kalakas ang pagkabigkas niya sa ma salitang "Huwag niyo pong sasaktan si Michael. Parang awa niyo na." Naalala ko na tumulo ang mga luha niya, na napahinto ang Papa niya, at lumakad ang Mama niya sa tabi niya. Naalala ko na may galit sa tono ng boses ng Papa ni Joel nang sabihin niyang umalis ako ng pamamahay nila. Naalala ko na sa hatinggabi na iyon, sa ilalim ng Indigo na kalangitan, sa araw ng Pasko, nilisan ko ang bahay nila at natulog sa may playground sa subdivision. Iyak ako nang iyak noon at nag-aalala rin para kay Joel.

Naalala ko... At sana, sana makalimutan ko na lamang din ang gabing iyon tulad na lamang ng paglaho ng kulay Indigo sa langit sa pagsikat ng araw.

Ngunit hindi. Dahil alam ko, kahit hanggang ngayon, narito pa rin ang kulay na Indigo. Nanatili ito kahit pa ilang beses pang sumikat ang araw.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top