CHAPTER 9
CHAPTER 9
DELAIHLA FRIA HATT
"Fria!"
Boses ni Aksana ang siyang pumukaw ng aking atensyon habang abala ako sa pagbibilang ng pera. Napalingon ako sa pintuan ng kanyang kung saan nanggaling ang kanyang pagtawag.
Masaya siyang tumakbo papunta sa aking kinauupuan. Kasabay no'n ay ang wala sa sarili kong paglingon sa orasan na nakasabit sa pader.
Alas-dose na pala nang tanghali. Ni hindi ko namalayan. Nilapag ko ang pera sa lamesa at binuhat si Aksana paupo sa aking hita. Agad-agad ko namang inayos ang kanyang buhok saka ko ito tinalian. Habang inaayusan ko siya ay bigla naman niya akong kinalabit.
"Bakit?"
Tinuro niya ang limang piso sa ibabaw ng lamesa.
"Pahingi ako," bulong niya sa akin.
Tumawa ako at kinuha ang limang piso. Binigay ko 'yon sa kanya. Matapos noon ay agad siyang tumayo at akmang lalabas nang bigla ko siyang pigilan.
"Magbihis ka muna, Axe. Amoy, pawis ka na," saway ko.
Tumakbo siya pabalik sa akin at hinila ang kamay ko.
"Tara sa kwarto!" pagmamadali niya sa akin.
Napailing na lang ako at hinayaan siya na hilahin ako papunta sa kwarto. Pagkapasok namin sa kwarto ay naupo lang ako sa kama at pinagmasdang magbihis ng dress si Aksana. Marunong na siyang pumili ng susuotin niya.
Ang laki-laki na niya. Hindi ko ma-imagine ang magiging hitsura niya kapag nagdalaga na siya.
"Pangit ba, Fria? Kung makatingin ka kasi sa akin, parang may kakaiba," asik niya saka kinuha ang kanyang pabango.
"Wala. . . Ang laki mo na kasi," mahina kong saad pero sapat na 'yon para marinig niya.
"Alangan namang bumalik ako sa pagkabata. Kung hindi lang kita love, kinagat na kita." Umirap pa siya bago pinabanguhan ang kanyang sarili.
Tumaas ang isang kilay ko. Tumayo ako at kinuha sa kanya ang pabango. Halos gawin na niyang pandilig iyon sa dami ng kanyang inilagay.
"Tama na 'yan. Baka malunod ka na sa dami mong nilagay," asik ko saka pinatong ang pabango sa vanity table.
Humaba ang nguso niya at saka muling kinuha ang limang piso.
"Baka kasi nandoon si Raven," depensa niya.
Lumawak ang ngiti ko sa aking labi. "Ikaw ah. Crush mo 'yon, 'no?"
Pinandilatan niya ako saka mahinang hinila ang buhok ko. Humalakhak ako nang makitang unti-unting namumula ang kanyang pisngi.
Tinapat niya sa kanyang labi ang kanyang hintuturo.
"Huwag kang maingay, ah? Slight ko lang naman siyang crush, k-kasi ang galing niyang mag-pogs."
Kinagat ko ang ibabang labi ko para pigilan ang sariling tumawa nang malakas. Napailing na lang ako at hinawakan ang kanyang kamay upang akayin siya palabas ng kwarto.
Sumama rin ako sa kanya palabas ng bahay dahil panigurado ay mayroon 'tong gustong bilhin. Agad ko ring binitiwan ang kamay niya at hinayaan siyang bumili sa tindahan.
"Ate, bibili ako ng paper doll!" Umangat ang tingin niya sa akin. "Pwede?"
Nginitian ko siya at hinalikan ang kanyang noo. "P'wede po. Kung ano'ng gusto mo, okay lang kay ate."
Tumingkayad siya at hinalikan ang pisngi ko. "Salamat! Love you."
"Love you too."
Bumabakas talaga ang galak sa kanyang mukha. Makita ko lang siyang masaya, masaya na rin ako. Humarap siya sa akin at pinakita sa akin ang paper doll na nabili niya. Mas lalo tuloy akong natunaw nang mas umigting pa ang tuwa sa kanyang mukha.
"Hi, Fria. Ang ganda mo ngayon, ah."
Pareho kaming natigilan ni Aksana nang mayroong biglang umimik. Sabay kaming napatingin sa gilid. Si Jerome. Nginitian ko lang siya kahit na ayaw ko. Nilingon ko si Aksana, nangununot ang noo.
"Salamat," tipid kong saad.
"May gimik kami ngayon ng barkada ko. P'wede ka bang sumama?"
"Hindi—"
"Hindi sasama sa 'yo si Fria!" Hindi ko natapos ang sasabihin ko nang bigla akong inunahan ni Aksana. "Ang pangit mo! At saka ang baho mo!"
Humalakhak ang lalaki saka tumingin sa akin. Hinawakan niya ang braso ko.
"Sumama ka na," pagpupumilit nito.
Umiling ako, tinatanggal ang pagkakahawak niya sa aking braso, pero mas hinigpitan pa niya ang hawak sa akin. Mahina akong napamura dahil doon.
"Bitiwan mo nga si Fria!" Biglang nilapitan ni Aksana si Jerome at walang patumpik na kinagat ang kamay niya.
"Aray! Punyeta kang bata ka!" Agad siyang napabitiw sa aking braso.
Bumilog ang mga mata ko nang marahas niyang itinulak si Aksana. Nanlilisik kong nilingon si Jerome at malakas na sinuntok siya sa mukha. Bumagsak siya sa lapag habang sapo-sapo ang kanyang pisngi.
Binalingan ko si Aksana. Pinagmasdan ko ang kanyang pag-iyak habang nakahawak sa kanyang pang-upo.
"Okay ka lang ba?" alala kong tanong sa bata.
Pinunasan niya ang kanyang luha at tumango. Hinalikan ko ang kanyang noo at hinawakan ang kanyang kamay.
"Uuwi na tayo."
"Buwisit ka!"
Nilingon ko si Jerome at laking gulat ko nang dumapo ang aking mga mata sa hawak niyang dospordos. Tinago ko sa likod ko si Aksana. Akmang ihahampas na niya sa 'kin ang kanyang hawak nang agad kong mahablot ang kanyang kanang kamay saka iyon marahas na pinilipit.
Hindi pa ako nakuntento. Agad ko ring pinalasap sa kanya ang panunuhod ko sa kanyang pagkalalaki. Napaluhod siya dahil sa aking buwelo.
Aambahan ko pa sana siya ng isang suntok sa kanyang mukha nang biglang may humampas sa kanyang ulo mula sa kanyang likuran. Pinagmasdan ko kung paano siya mabilis na napahandusay sa sahig, tila nawalan ng malay.
Doon pa lang tumambad sa aking paningin si Aksana na may hawak na stick. Isang singhap ang aking napakawalan. Namataan ko na rin ang mga tanod na siyang papatakbo sa aming direksyon, kaya naman agad ko nang binuhat si Aksana.
Kumaripas kami papasok ng bahay at nagtungo kaagad sa may hapag-kainan. Habol-habol namin ni Aksana ang aming paghinga, mga pawis namin ay namumutil.
Nang makita kong maglakad si Stephanie papasok ng kusina ay agad kong ipinaghain ng pagkain si Aksana na para bang wala kaming pinagdaanang engkuwentro. Pero mukhang hindi nakalihis iyon mula sa atensyon ni Stephanie.
"Ano'ng nangyari?" agad na usisa ni Stephanie saka nakisalo sa hapag.
Nanatili akong tikom pero laking gulat ko nang biglang umimik si Aksana.
"Si Jerome na mabaho, sinasaktan si Fria. Akala mo naman gwapo, eh ang pangit-pangit naman!"
Napailing na lang ako saka uminom ng tubig. Ang tabil din ng dila nitong intrimitida kong kapatid! Pero laking pasalamat ko na lang din at 'yon lang ang kanyang naisiwalat dahil kung hindi, baka humaba pa ang usapan namin nina Stephanie.
"Mabaho ba talaga, Axe?" natatawang tanong ni Stephanie.
"Oo! Nakakainis kaya siya." Umangat ang tingin niya sa 'kin. "Baka mamaya kunin ka no'n sa 'kin." Nakanguso niyang wika.
Mahina akong natawa sa sinabi niya.
"Ano ka ba naman? Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na walang kukuha sa 'kin." Hinalikan ko ang noo niya at pinagpatuloy ang pagkain.
Nakita kong ngumiti si Stephanie at ginulo ang buhok ni Aksana.
"Ang cute cute mo talaga, Axe! Pa-kiss nga si Tita," nanggigigil na wika ni Stephanie.
Napangiti ako nang bumaba si Aksana sa kanyang kinauupuan at hinalikan si Stephanie sa pisngi.
"Paano naman ako? Nakakatampo na, ah. May favoritism ka," kunwaring pagtatampo ko.
"Ayan, nagtatampo na si ate mo," asar ni Stephanie.
Dahil maldita itong si Aksana, imbis na matakot ay inirapan niya lamang ako.
"Ang arte mo, Fria," nakabusangot niyang sabi.
Naglakad siya papunta sa akin at hinalikan ang pisngi ko pati na rin sa aking labi na siyang namang ikinangiti ko.
"Ayan! Okay na ba? Baka mamaya umiyak ka, wala akong pambili ng candy," maldita niyang wika.
Tinapatan ko siya nang mapairap na lang ako sa sinabi niya. Narinig ko rin ang mahinang paghagikhik ni Stephanie.
"So ngayon, ako na ang bata tapos ikaw na 'yong ate? Sungalngalin kita diyan, eh," asik ko.
"Hindi kita bati kapag ginawa mo 'yon sa 'kin," nagtatampo niyang sabi.
Binuhat ko siya at inupo sa aking hita. "Joke lang naman, hindi mabiro?"
Nawala ang pagkanguso niya sa akin nang simulan niyang lantakan ang aking pagkain.
"Aalis ka na naman ba mamaya, Fria?" tanong niya sa pagitan ng kanyang pagnguya.
Nagkatinginan kami ni Stephanie. Ngumiti ako at bahagyang sinuklay ng mga daliri ang kanyang buhok.
"Kapag hindi ako nagtrabaho, wala tayong makakakain, hindi ko mabibili ang gusto mo. At saka, ipapaayos ko 'yong sirang yero sa CR natin. Baka may sumilip na wakwak," pananakot ko.
Dahan-dahang nanlaki ang kanyang mga mata. Humagikhik si Stephanie.
"Magtrabaho ka na nga!" buwisit na saad ng bata.
Humagalpak kami ng tawa ni Stephanie. Kahit pagod na pagod ako sa trabaho, marinig ko lang ang kadaldalan nitong si Aksana, bigla na lang nawawala na parang bula ang pagod na nararamdaman ko.
Sa gitna ng aming mga halakhakan, nagpatuloy lang kaming pagsaluhan ang nakahain sa aming hapag, taimtim na hinihiling na sana hindi kami manawa sa aming pagsasamahan.
-ˋˏ ༻❁༺ ˎˊ-
Agas-as ng tubig mula sa gripo ang aking natulinigan sa may kusina nang makita kong sinisimulan nang hugasan ni Stephanie ang aming mga pinagkainan. Hindi rin naman nagtagal bago niya mapansin ang aking presensya. Nagpalitan lamang kami ng mga ngisi hanggang sa may bigla siyang itinanong.
"Delaihla. . . Iyong lalake na pumunta rito noong isang araw. . ." she trailed off. "Siya ba iyong tinutukoy mo?"
Noon lang muli sumagi sa aking isipan si Dominic at ang liham na galing kay Cattalina na siyang iniabot niya sa akin. Humugot ako ng isang malalim na hininga.
"Oo."
Tumango-tango si Stephanie.
"Gwapo naman, ah? Bakit 'di mo na lang patusin?" biro niya.
"Ikaw na lang kaya sapatusin ko diyan? Pinag-iisip nito! Ikaw na lang kaya 'no? Ikaw naman nakaisip, eh."
Hindi niya itinago ang kanyang halakhak. "Kung p'wede lang."
Inirapan ko siya saka ko siya tinapik sa braso.
"Iiwan ko sa ibabaw ng vanity table iyong two thousand. Ikaw na ang bahalang mag-budget kung maba-budget," pag-uutos ko sa kanya na siyang tinugon niya lamang ng isang tango.
Hindi rin ako nagtagal sa kusina. Nagtungo ako sa sala kung saan naabutan ko si Aksana na nilalaro ang kanyang biniling paper doll. Tahimik lang siya ngunit bakas ang kanyang pagkaseryoso sa kanyang ginagawa.
"Axe," pagkuha ko sa kanyang atensyon. Agad naman siyang humarap sa 'kin. "Samahan mo si ate sa kwarto, may ipapasukat ako sa 'yo."
Tumango naman siya bago iniligpit ang kanyang nialalaro. Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ko at kusang nagpaakay sa akin papunta sa silid. Naupo siya sa kama habang hinahanap ko naman ang damit na susuotin niya para sa kasal ni Rose.
Wala sa sarili akong napangiti nang madama ko ang tela ng kasuotang iyon. Agad ko naman 'yong inilabas dahilan upang mapadapo ang tingin ni Aksana roon.
"Ang ganda naman niyan, Fria! Sa 'kin ba 'yan? S'yempre sa akin 'yan kasi hindi naman sa 'yo kakasya 'yan." Naka-krus ang dalawa niyang braso sa kanyang dibdib.
Tinarayan ko siya ng tingin.
"Oo nga, 'di ba? Iipitin ko talaga 'yang dila mo, eh."
Hindi naman nagpatalo sa 'kin si Axe. Tinapatan niya ako ng pag-irap. Inayos pa niya ang kanyang buhok na akala mo kung sinong artista.
Humagikhik na lang ako saka siya pinahubad mula sa suot niyang damit. Agad ko ring pinasukat sa kanya ang susuotin niyang dress para sa kasal.
"Hindi na ba masakit 'yong pwetan mo?" tanong ko bago z-in-ipper paitaas ang damit.
Umiling siya. "Hindi naman ako nasaktan. Nag-iinarte lang ako."
Napailing na lang ako. Nahawa na yata 'to sa ka-abnormal-an ni Stephanie.
"Alam mo, Fria? Iyong anak ng kapitbahay natin, inaasar na naman ako. Palibhasa 'di siya gusto ni Raven." Hinawi niya ang kanyang buhok at humalukikip. Hinayaan ko na lang siyang magkwento ng kung ano-ano.
"Binigyan kasi ako ni Raven ng imported na chocolate, 'yong Dairy Milk. Tapos noong nanghingi 'yong karibal ko kay Raven, binigyan lang siya ni Raven ng Fun Chocolate," humagikhik siya, bakas ang kilig habang nagkukwento.
"Bakit hindi ko nakita iyang Dairy Milk na sinasabi mo?" usisa ko.
"Matagal na 'yon, Fria. Maaga ka kasi umalis ng bahay kaya hindi kita nabigyan."
Ngumiti ako saka tinapos ang pagri-ribbon sa buhok niya.
"Ayan, okay na."
Inalalayan ko siya paakyat sa upuan para makita ang kanyang sarili sa salamin ng vanity table.
"Wow! Ang ganda ko, Fria. Kailan ko ulit susuotin 'to?"
"Sa susunod na araw."
Kumunot ang kanyang noo. "Kunwari ngayon... tapos... kinabukasan?"
"Kinabukasan pa ulit," pagtatama ko.
Tumango-tango siya at kumuha ng pantatak sa bulsa ng kanyang bag. Tinatakan niya ang petsa sa kalendaryong malapit sa kanya.
"Ayan! Para handa tayo," masaya niyang sambit.
Ngumiti ako at nilapitan siya. Niyakap ko siya nang mahigpit saka hinalikan ang tuktok ng kanyang ulo. Hindi ko alam bakit ako nakararamdam ng takot para kay Aksana. . . para rin sa aking sarili at sa totoong pagkatao nito. Huminga ako nang malalim, sinusubukang pakalmahin ang sarili.
Baka masyado lang akong praning.
-ˋˏ ༻❁༺ ˎˊ-
"Come here!"
Agad akong tumayo at pinulot ang damit ko na nakakalat sa sahig. Nagmamadali kong sinuot ang mga iyon, hindi ko na inalintana kung may suot pa ba akong underwear.
Agad kong tinungo ang pintuan. Pinihit ko ang door knob at agarang tumakbo palabas. Naibagsak ko pa ang dala kong bag nang mahablot ng lalaki ang buhok ko.
"Let me go!"
"I said, come here, you slut!"
Nawalan ako ng balanse at bumagsak sa sahig. Doon siya nakakuha ng tyempo at pumatong sa akin. Yumuko siya at sinimulan na halikan ang leeg ko. Napapikit ako, pinuwersa ang sarili upang malakas siyang maitulak.
Napahiga siya sa gilid. Doon ako nakahanap ng pagkakataon upang makatayo at makatakbo papalabas ng kwarto. Ngunit 'di rin ako nagtagumpay nang masubsob ako sa sahig dahil nahablot niya rin ang paa ko.
Putanginang matanda 'to!
"You slut! I paid for you, so you need to fulfill my needs!" bulyaw niya saka ako malakas na sinampal.
Napapikit ako at wala sa sariling napahawak sa labi. Nalasahan ko ang sarili kong dugo. Gustong-gusto ko na siyang sapakin.
"It's already done!" bulyaw ko. "There is no more round two!"
"Shut your mouth!"
Muli siyang pumatong sa 'kin. Naramdaman ko ang kanyang kamay na gumagapang paitaas ng aking katawan. Napapikit ako nang dumampi na 'yon sa pagitan ng mga hita ko.
"I said stop!"
Sinipa ko siya kasabay ng malakas na suntok sa mukha. Bumagsak siya sa gilid ko. Kita kong may lumabas na dugo mula sa kanyang ilong. Mahina akong napamura nang kumirot ang noo ko.
Punyeta kang matanda ka.
Dinampot ko ang mga gamit ko. Akmang tatakbo na ako palabas ngunit binalikan ko muna siya upang dumekwat ng limang libo mula sa wallet niya. Gago siya! Pinahirapan niya ako.
Nang ayos na ang lahat ay lumabas na kaagad ako sa kwarto. Bahagya pa akong napaatras nang makasalubong ko si Mr. Cancon at Dominic pagkalabas na pagkalabas. Napalunok ako ng sariling laway nang sabay silang lumingon sa direksiyon ko.
Pilit ko silang nginitian nang mapagmasdan kong lumihis ang kanilang mga mata tungo sa aking likuran—kung saan nakahilata ang matanda sa lapag.
"I'm sorry, kailangan ko siyang patulugin. Siya ang nauna Mr. Cancon," agad kong depensa. Yumuko ako para magbigay-galang.
"It's okay. I understand." Humithit siya ng sigarilyo sabay buga ng usok.
Itinuwid ko ang tayo ko saka sila binigyan ng isang tipid na ngiti.
Lakad-takbo ang ginawa ko hanggang sa makarating sa elevator. Ramdam ko kasi ang pagtitig ni Dominic sa akin. Nagsalubong pa ang mga paningin namin habang hinihintay ko ang pagsara ng elevator. Nabalik lang ako sa aking katinuan nang tuluyan nang nagsara ang elevator.
Napabuntonghininga na lang ako at tiningnan ang sarili sa repleksyon sa salamin ng elevator. May pasa sa noo ko—ito yata 'yong nasubsob ako dahil sa paghila ng matanda sa paa ko.
Pagkalabas sa elevator, dumiretso ako sa malaking dressing room. Doon ako nagpalit ng damit at nagsuot ng underwear. Inayos ko ang aking kasuotan at saka dinampot ang black stiletto na nasa loob ng locker ko.
I tied my hair into a ponytail. Hinayaan ko lang na mahulog ang ilang hibla ng buhok ko. Huminga ako nang malalim at tiningnan ang sarili sa napakalaking salamin ng dressing room. Nakalimutan kong dalhin ang concealer ko. Siguradong pinakialaman na 'yon ni Aksana.
Binitbit ko na ang gamit ko palabas ngunit agad din akong naestatwa sa aking kinatatayuan nang makita si Dominic na prenteng nakatayo sa gilid ng malaking pintuan ng dressing room namin. Nakapamulsa siya at nakatukod pa ang kanang paa nito sa pader. Napalingon siya sa akin, dahilan ng pagsasalubong ng aming mga paningin.
Ilang segundo kaming nagkatitigan. Tila ako pa ang nainitan sa suot niyang black suit. Maayos ang pagkakanyo ng kanyang buhok at may ilang hiblang nakatabing sa kanyang mukha.
Lalo siyang gumwapo sa paningin ko.
Ako ang unang umiwas at nilagpasan siya, ngunit agad niya rin akong hinila. Muntikan pa akong matapilok dahil doon. Hinawakan ko ang kanyang kamay at mariin na tinanggal 'yon mula sa aking braso.
"Kung hahawakan mo ang braso ko, puwede bang pakiayos?"
Biglang nanlambot ang kanyang ekspresyon. Napairap na lang ako at bumaba ang tingin sa aking braso. Magkakapasa na naman ako. Lintik.
"I'm sorry," nauutal niyang wika.
Tinalikuran ko siya. Dumiretso na lang akong naglakad palabas ng PC. Tumingin ako sa aking relo. Mag-a-alas kwatro na rin nang madaling araw. Habang naglalakad ako, iniisip ko kung may jeep pa bang daraan dito.
Tinungo ko ang waiting shed at naupo ako roon upang maghintay ng masasakyan. Wala pang isang minuto, may tumigil na asul na kotse sa aking harapan. Bumaba ang windshield ng kotse.
"Hi, gusto mo bang sumabay? Mukhang ikaw lang nandito, ah. Delikadong mag-isa lalo na ngayong oras," imik ng lalaki na nakaupo sa passenger seat.
May pagkabait ang tono ng kanyang pananalita ngunit hindi bumabakas ang kabaitang 'yon sa kanyang mukha. Nalipat ang tingin ko sa kabila nang biglang dumungaw ang isa niyang kaibigan. Nakataas ang sulok ng kanyang labi habang naninigarilyo. Hinagod niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
Hindi na ako nailang sa ginawa niya. Halos lahat naman yata ng makakasalubong kong lalaki ay gano'n ang unang asta sa akin.
"No thanks. Hihintayin ko na lang dumaan 'yong jeep dito." Binigyan ko sila ng isang tipid na ngiti at tinuon ang pansin sa iba.
Nagkibit-balikat na lang sila saka humarurot paalis. Nagpatuloy ako sa paghihintay ng jeep. Sa pangalawang pagkakataon, may isang kotse na namang tumigil sa harapan ko. Dumungaw ang isang lalaking naka-salamin at may hawak na vape.
"Madaling araw na, miss. Wala nang dadaang jeep dito. Hatid ka na lang namin."
Umiling ako. "No thanks."
Mahina siyang natawa ng kanyang kasama saka niya tinanggal ang suot na shades.
"Pakipot ka pa. Tara! May bakante pa naman dito sa kotse. Ihahatid ka namin kung saan ang bahay mo."
"No thanks—"
"She's with me. Umalis na kayo."
Napalingon ako nang biglang may nagsalita. Agarang umalis naman ang sasakyan sa harapan ko. Napabuntonghininga na lang ako at itinuwid ang aking pag-upo.
"Anong ginagawa mo rito? Baka hanapin ka ni Mr. Cancon," sabi ko habang nakatingin parin sa daan.
Naupo rin siya sa tabi ko.
"Kanina pa dapat ako aalis pero nilibot pa namin ang buong PC para hindi ako maligaw," aniya.
Tumango lang ako. Namayani ang katahimikan na siya rin ang bumasag.
"Let's go." Hinawakan niya ang kamay ko saka ako hinila.
Kumunot ang noo ko.
"Saan na naman ba tayo pupunta? Gusto ko nang umuwi dahil kanina pa ako pagod," atungal ko.
Napasuklay siya sa kanyang buhok. "Ihahatid nga kita."
Muling sumagi sa isipan ko ang sinabi ni Stephanie sa 'kin. Dahan-dahan akong tumango at nagpahila sa kanya papunta sa parking lot ng PC. Pinagbuksan niya ako ng pintuan bago siya pumasok sa driver's seat.
Tahimik lang ang buong byahe. Isinandal ko ang ulo ko sa windshield at pinikit ang aking mga mata. Ramdam ko ang kanyang pagtitig sa akin pero binalewala ko iyon.
"There are a lot of jobs you could try, but why did you choose to be a prostitute?" pagbasag ni Dominic sa katahimikan.
Napadilat ako at nilingon siya. Huminga ako nang malalim.
"Doon lang kasi ako makakakuha ng malaking pera sa isang gabi. Sa tingin mo, saan ka makakakuha ng sampung libo sa isang araw? Sa PC lang 'yon. Hindi ko naman gustong maging prostitute, pero kailangan ko ng malaking pera," mahina kong wika pero sapat na 'yon para marinig niya.
"Reason?"
Umirap ako sa kabila ng bilis ng tibok ng aking puso dahil sa kanyang tanong bago tumingin sa labas ng kotse.
"It's none of your business."
Pinikit ko ang mata ko at hinayaan na lamunin ng dilim sa sobrang pagod.
Ilang minuto po ay bigla ko na lang naramdamang nakarating na kami dahil huminto na ang kotse. Dumilat ako.
"Salamat sa paghatid."
Tinanguan niya lang ako at ningitian. Saglit akong natulala sa ginawa niya. Pwede siyang maging model ng toothpaste sa lagay na 'to eh.
Aabutin sana ng ilang segundo ang pagtititigan namin nang marinig ko ang boses ng atribida kong kapatid.
"Fria?"
Sabay kaming napatingin sa nakabukas na pintuan ng bahay. Naka-pajama si Aksana at nakasando na puti, yakap-yakap ang kanyang paboritong doll na si Merida. Ang cute niya habang kinukusot ang kanyang mata, at ang magulo nitong buhok ay nakatabing sa kanyang mukha.
Tumakbo siya papunta sa akin at niyakap ang binti ko. Nagkatinginan kami ni Dom, hindi pa rin maalis ang paghuhurumentado ng tibok ng aking puso na halos mabingi ako roon.
Kahit na gano'n ay nagawa kong makipagpalitan ng ngiti sa kanya.
Pinantayan ko ang kanyang tangkad. "Bakit nagising ka? Tulog ka na ulit sa kwarto natin," malambing kong saad at hinalikan ang kanyang noo.
"Nawiwi ako tapos narinig ko 'yong tahol ni Burdagol, 'yong alagang aso ni Aling Ising sa ukayan. Sisilip sana ako para sawayin pero nakita kita," mahina niyang sabi, halatang inaantok pa.
Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Dom. Akala ko umalis na siya. Sabay kaming napatingin ni Aksana kay Dom na nakapasok na sa gate.
"Ikaw sumira ng pana ko, ah! Bakit ka nandito?" masungit na wika ni Aksana.
Para siyang matandang landlady sa inasta niya. Napailing na lang ako at kinarga siya.
"I'm Dominic. What's your name?" Lumapit siya sa amin at hinawi ang buhok ni Aksana na nakatabing sa kanyang mukha.
"Nasa Pilipinas tayo kaya pwede bang huwag mo akong English-in diyan?" maarte niyang sambit.
Mahina kong tinapik sa braso si Aksana.
"Bakit ganyan ka magsalita? Bad 'yan." Nilingon ko si Dominic. "Pasensya ka na sa pananalita niya."
Ngumiti siya sa akin at nilingon si Aksana na kanina pang nakabusangot.
"It's okay. I like her," natatawa niyang sabi.
"Aksana ang pangalan niya," pagpapakilala ko sa kanya.
Inis na lumingon si Aksana sa akin.
"Bakit mo sinabi sa kanya ang pangalan ko? Hindi ka man lang humingi ng permission sa akin," naiinis niyang wika.
Baka mamaya topakin ito, mahirap na. Ngumiti ako sa kanya at pinupog ng halik ang kanyang mukha.
"Sorry na. Nakikipagkaibigan siya sa 'yo. Bakit ayaw mong sabihin ang pangalan mo sa kanya?"
Umangat ang kamay ni Dominic at hinawakan ang kulot na buhok ni Aksana. Iniwas ni Aksana ang kanyang buhok pero nahawakan na ito ni Dominic.
"Ano ba? Bakit mo hinahawakan ang buhok ko? Close ba tayo?" asik nito at sinuklay ang kanyang munting daliri sa kanyang buhok.
Mahinang natawa si Dominic at ginulo ang buhok ni Aksana.
"Ate!" Natawa na lang ako sa pagkainis ni Aksana.
May nilahad sa 'kin si Dom na paper bag. "Cattalina gave this to you."
Minata ko ang paper bag. Tatanggihan ko na sana iyon nang bigla naman iyong hinablot ni Aksana. Napairap na lang ako. Atribida talaga.
"Aksana! Ikaw ba si Fria?"
Humaba ang nguso niya at sinilip ang nasa loob ng paper bag. Nagningning ang kanyang mata nang makita kung ano ang laman no'n.
"Fria, may cupcake!" masaya niyang wika.
Nilingon ko si Dominic. "Maraming salamat—pasabi na lang sa kanya."
"Sure," tipid niyang wika saka pinaglandas ang kanyang daliri sa kanyang buhok.
Agad namang napababa ang kanyang braso nang may malaglag mula sa bulsa ng suot niyang suit. Sabay kaming napatingin sa baba dahil do'n.
Dairy Milk chocolate...
"Sorry, this is for Cazy. Bunsong anak nila Catt. Nanghihingi kasi," natatawa niyang sabi saka pinulot ang tsokolate.
"Dairy milk. . ." bulong ni Aksana.
Hinarap ko siya at hinalikan ang pisngi. "Bibili tayo next time, okay? May cupcake ka na, 'di ba? Mauumay ka kung puro matatamis ang kakainin mo."
Napalabi ito at nanubig ang kanyang mga mata. "Ate. . . Dairy Milk."
Tumingin ulit siya sa hawak na chocolate ni Dominic. Kinarga ko nang mabuti si Aksana at kinuha sa kanya ang paper bag na binigay ni Dominic.
"Papasok na kami. Inaatake na ng topak ang kapatid ko."
Ngumiti siya sa akin at tumango. Kinuha niya ang susi ng kanyang kotse sa bulsa ng suot nitong black slacks at may pinindot doon. Tumunog ang kotse.
Napalingon siya kay Aksana na nagsisimula nang suminghot. Nilingon ko siya at napabuntonghininga. Kulang lang ito sa tulog kaya nagkakaganyan siya.
"Here, take this. Sa 'yo na lang 'to." Nilahad ni Dominic kay Aksana ang tsokolate.
"Huwag na," pagpigil ko.
Umiling siya sa sinabi ko at inilapit ang chocolate kay Aksana. "No, it's okay. Bibili na lang ako ng bago."
Hindi tinanggap ni Aksana ang bigay ni Dominic. Kahit makulit siya, masunurin pa rin ito—kapag ayaw ko, hindi niya tatanggapin.
"Fria," naiiyak niyang wika.
Huminga ako nang malalim saka tinanguan si Dom. Baka mamaya bigla na lang pumalahaw ng iyak 'tong si Aksana. Mahirap pa naman siyang patahanin.
"Here, take this. Pumayag na ate mo."
Bahagyang nanlambot ang aking puso. Akala ko hindi siya mahilig sa mga bata. Maingay at makulit ang mga bata pero nakatatanggal sila ng stress—kahit atribida itong kapatid ko, marinig ko lang ang boses niyang walang tigil sa pag-iingay, nawawala na ang pagod ko.
"S-salamat," mahinang wika ni Aksana at niyakap ang chocolate na bigay ni Dom.
Ngumiti si Dom at ginulo ang buhok ni Aksana. Nilingon niya ako at tinanguan.
"I'm leaving," pagpapaalam ni Dom.
Tumango ako. "Sige, ingat."
"Bye, leaving!" Kumaway si Aksana kay Dominic habang yakap-yakap niya pa rin ang chocolate.
Natawa si Dominic sa sinabi ni Aksana. Kumaway siya at pumasok na sa kotse. Kasabay ng pagpapaandar niya ay siyang pagpasok namin sa loob ng bahay. Agad kaming nagtungo sa kwarto ko.
"Anong 'bye, leaving' ka diyan. Kuya Dom ang tawag mo sa kanya, malinaw?" pagtatama ko sa kanya.
Inirapan niya ako at binuksan ang chocolate.
"Sabi niya kasi siya raw si Leaving. Edi sana sinabi niya, 'I'm Dom,' hindi 'I'm leaving,'" pagsagot niyo sa akin saka kumagat ng chocolate.
Napakamot na lang ako sa aking kilay. Hindi talaga siya nagpapatalo kahit kailan. Hinablot ko sa kanya ang chocolate at pumutol pagkatapos ay binigay ulit sa kanya. Ang natira ay nilagay ko sa ref.
"Mas maganda kung hindi ka magsasalita. Kumain ka na lang at ubusin mo 'yang chocolate mo." Naupo ako sa harap ng vanity table at tinanggal ang make-up ko.
"Fria, bakit ka may pasa sa noo?"
Napalingon ako sa kanya.
"Wala, nauntog lang ako," pagsisinungaling ko.
Muli akong humarap sa salamin. Kita ko sa repleksyon na lumapit siya sa 'kin. Tiningnan niya nang mabuti ang mukha ko pagkatapos ay biglang sinundot ang sugat sa gilid ng aking labi.
"Aray!"
"Masakit?" inosente niyang tanong.
"Ay hindi! Hindi," asik ko bago nagpalit ng damit.
Pagkatapos ay humiga na ako sa kama. Sumunod siya sa akin at niyakap ako nang mahigpit. Napangiti ako at sinuklay ang buhok niya; kusa siyang inaantok kapag sinusuklay ko ang kanyang buhok.
"Teka, nag-toothbrush ka ba? Gusto mo bang magka-uod 'yang ngipin mo?" pananakot ko sa kanya.
"Inaantok. . . na ako," mahina niyang wika.
"Anong inaantok hindi pwede. . ." mahina siyang humilik "...'yan."
Wala na akong nagawa. Napabuntonghininga na lang ako saka itinaas ang kumot namin. Hinalikan ko ang kanyang noo at niyakap siya nang mahigpit.
Naramdaman kong sumiksik siya sa aking dibdib. Napangiti ako at pinikit na ang aking mga mata. Bago ako tuluyang makatulog narinig ko ang palagi niyang ibinubulong sa tuwing natutulog siya sa aking dibdib noon na ikinangiti ko.
"Love you, Fria."
SHANGPU
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top