Chapter 39

MATIGAS NA HIGAAN, MAINIT NA KAPALIGIRAN, AT KUMAKALAM NA TIYAN.


Those were my first realizations when I woke up. Matigas ang higaan dahil wala maski foam, mainit dahil wala kaming electric fan, at masakit ang tiyan kasi gutom na ako.


Nandito na nga pala kami sa isa sa mga paupahan nina Asher. Bumangon ako at natigilan dahil wala na si Miko sa tabi ko. Nasaan siya?


I was about to get up from the floor when I saw that what I was lying on Miko's folded clothes. Mukhang inilagay niya sa likod ko iyong ibang damit sa duffle bag para hindi ako gaanong matigasan sa tiles.


Napalinga-linga ako sa maliit na studio-type apartment na walang kalaman-laman. Wala siya kahit saan. Napansin ko na may mga gamit sa ibabaw ng lababo. Saan galing ang mga iyon? Napatayo ako at napalapit doon.


May dalawang pirasong lumang plato, mangkok, maliit na kaldero, sandok, siyanse, kutsilyo, tadtaran, at maliit na portable kalan na single burner, iyong nilalagyan mismo ng gas iyong ilalim para sa pagluluto.


Bumukas ang screen door at pumasok mula roon si Miko. Napasinghap ako nang makita siya. Naka-t-shirt, shorts, nakasombrelo. May bitbit siyang mga plastic. Ngumiti siya sa akin. "Gising ka na pala. Gutom ka na?"


"H-ha? Kagigising lang. Saan ka galing?"


"Bumili ng almusal diyan sa kanto." Iyong isang dala niyang plastic ay sopas at spaghetti na binili sa kanto ang laman.


"Saan galing iyong mga gamit?" Inginuso ko iyong mga gamit sa lababo.


"Kina Asher. Pahiram ng nanay niya. Di naman daw nila ginagamit kaya gamitin muna natin habang hindi pa tayo nakakabili."


Kumain kami at naghanda na. Ipapa-check up niya ako sa center na tinuro ng nanay ni Asher dito sa Buenavista. Libre daw roon kaya wala kaming gagastusin.


Dahil malapit lang ang center ay nilakad lang namin habang nakapayong. Sa gilid kami ng kalsada ni Miko dumaan. Mahaba ang pila kaya inabot pa kami ng 11:00 a.m. bago nakarating sa number namin.





"ANG LAKI NA NG BATA SA TIYAN MO, BAKIT NGAYON KA LANG NAGPA-CHECK UP, HIJA? ANO BANG INUUNA MO?"


Napayuko na lang ako sa hiya na sumagot. Si Miko ang sumagot para sa akin. "Sorry po, naging busy kasi ako kaya hindi ko siya nasamahan agad."


"Ano namang pinagka-busy-han mo? Kahit ano pa iyan, gasino lang naman iyong kahit isang araw sana ay naglaan kayo para magpa-check up. Tingnan niyo, anong petsa na, pero wala pa rin kahit isang vitamins pangbuntis na iniinom ang misis mo."


Napayuko ako sa hiya. Totoo naman. Ang laki na ng tiyan ko pero ngayon lang ako nakapagpa-check up.


"Kahit ikaw lang na babae, kaya mo naman magpa-check up mag-isa. Bakit hindi ka man lang naglaan ng oras mo kahit saglit lang. Wala ka bang pakialam sa anak mo?"


"Pasensiya na po, pero lagi naman na po kaming magpapa-check up ngayon." Si Miko ulit ang sumagot sa magalang pero seryosong tono.


Pasimpleng sumabat iyong matandang assistant sa center. "Sa buntisan, may time. Sa pa-check up, walang time."


Nakisabat din iyong isang matanda rin na nakapila. Sinasamahan nito ang anak magpa-check up. "Siya nga. Tapos makita mo iyan, wala pang isang taon nanganak, buntis na naman. Pero wala pang time iyan, ah."


Napayuko rin ang anak nito na tingin ko ay mas bata sa akin. Wala pa yata sa 20s pero bukod sa buntis ay may bitbit pang isa pang bata na wala pang two years old.


Inginuso niyong assistant iyong pila. "O tamo, tanda ko pa mga mukha ng mga naririto. Ang titigas ng ulo, libre naman ang contraceptive at turok dito sa center, pupunta na lang sila, hindi pa makapunta. Kasi walang time. Pero may time magpalobo ng tiyan taon-taon."


Nang magsaway ang nurse ay saka lang nanahimik ang mga ito.


"Okay ka lang?" bulong sa akin ni Miko dahil nakita niyang hindi na ako komportable.


Pilit akong ngumiti para hindi siya mag-alala, kahit ang totoo ay gustong-gusto ko nang makaalis dito.


Pagkagaling namin sa center ay sa paresan kami nagtanghalian. 65 per order may kasama ng one cup rice. Sa tubig ay ibinili ako ni Miko ng mineral water, habang siya ay doon sa pitsel ng paresan uminom ng tubig niya.


Nag-tricycle kami papuntang palengke. Mamimili kami ng kaunting gamit at pagkain na stock. Nasa one thousand five hundred na lang ang pera namin, kasama na roon iyong tira sa pera ko. Nakabili kami sa palengke ng balde, maliit na planggana, at tabo. Nasa two hundred pesos lahat.


Sa grocery kami huling pumunta para naman sa pagkain. Ilang pirasong delata, noodles, dalawang kilong bigas ang target namin dito. Bibili rin kami ng sabon sa banyo, shampoo, at panlaba.


Nang nasa aisle na kami ng mga sabon na mabango ay hindi ko napigilang mapatingin sa shelf ng mga lotion. Nandito rin pala kasi ang mga iyon. Habang nakatingin doon ay wala sa loob na napahaplos ako sa aking dry na braso. Kailan pa nga ba ako huling nag-lotion?


"Zandra, nakapili ka na ba ng sabon?" tanong niya.


"Ha?" Napakurap ako mula sa pagkakatulala. "Sabon?"


Siya na ang dumampot ng bar na sabon. Bioderm na kulay green. Inamoy-amoy niya iyon. "Okay na ba ito? Mabango saka mura."


Bioderm? Hindi pa ako nakakagamit niyon. Sa amin kasi ay kundi Dove, Skinwhite, ay mga branded papaya at oatmeal soap ang gamit ko. Sa bahay naman nila ay Irish Spring bodywash at Safeguard lemon bar soap ang nasa banyo.


Tumango na lang ako. "S-sige, okay na siguro iyan kasi mas mura..."


Sa shampoo naman ay hindi nasa garapon, kundi naka-sachet lang na maramihan ang dinampot ni Miko dahil mas mura daw. Hindi pa ako nakaka-try ng pa-sachet kaya hindi ako makangiti.


Nilingon ako ni Miko dahil hindi ako kumikilos sa kinatatayuan. "May gusto ka pang bilhin?"


"Ah, w-wala na." Kahit ang totoo ay gustong-gusto ko nang damputin iyong conditioner na Pantene na malapit na sa two hundred pesos ang presyo. Ang tagal ko na kasing hindi nakakapag-conditioner.


Nauna naman nang maglakad si Miko nang sumagot ako. Napalabi na lang ako na sumunod sa kanya.


Pagdaan naman namin sa stand ng mga skincare ay ilang beses akong napalunok. It had also been a while since I used skincare, and then I found my favorite products. Iyong facial wash, toner, cream at serum. Kung pagsasama-samahin ang presyo ay kulang-kulang one thousand pesos.


"Wait, Miko!" biglang sabi ko.


Napalingon naman siya sa akin. Nagtatanong ang mga mata.


Dinampot ko iyong facial wash. Facial wash lang. Iyong pinakamaliit lang. Nasa one hudred plus. "Uhm, can we buy this one?"


"Ha? Sige, magkano ba iyan?"


"One hundred ten lang naman."


Napangiwi siya. "Awts. Wala bang mas mura diyan? Di na kaya, e. Computed ko na lahat ng binili natin. Two hundred plus na lang matitira. Mamasahe pa tayo sa tricycle pauwi."


"Two hundred pa naman, e. Mag-jeep na lang tayo at wag na pa-special sa tricycle."


"Kailangan kong magtira ng pamasahe, pang-apply bukas, Zandra."


Nabitiwan ko na ang facial wash. "Ah, sige, next time na lang."


"Gusto mo ba talaga iyan?" Napatingin naman siya roon. "Ano ba iyan? Kung gusto mo, bawasan natin itong mga delata para mabili natin iyan. Okay lang naman."


"N-naku, wag na!" Napailing ako. "Mas importante ang pagkain kaysa rito."


"Okay, sabi mo, e." Ngumiti sa akin si Miko. "Tara na?"


Sumunod na ako sa kanya. Nang magbayad kami sa cashier ay tama nga siya, two hundred plus na lang ang tira sa aming pera. Computed nga niya talaga lahat ng nasa basket namin. At habang ini-scan ang mga pinamili namin sa cashier ay nagbibilang din siya sa utak niya, kaya wala sa kanyang nakaligtas na kahit isang pirasong ghost item.


Pagod na pagod kami pagkauwi sa bahay. Wala kaming sofa kaya sa sahig kami naupo. Ako ay pinaupo ni Miko sa duffle bag niya para hindi ako matigasan sa tiles.


Kinain namin sa hapunan iyong pinamili namin at si Miko ang naghugas ng pinagkainan. Ako ay naligo muna dahil init na init ang aking pakiramdam. The toiletries I used were the ones we bought from the grocery. Ang lagitnit lang ng buhok ko kasi walang conditioner.


Paglabas ko ng banyo ay nakapagwalis at nakapaglatag na pala si Miko ng higaan sa sahig. Iyong kumot sa bandang parte ko ay nakadalang tupi, at iyong sa kanya ay isa lang, kaya mas makapal iyong sa akin.


"Bukas ako pinapapunta ng tito ni Isaiah sa talyer nito. May ipapagawa raw. Babayaran ako ng three hundred. Sakto iyon pamasahe ko sa pag-apply sa Epza."


"Talaga? Anong company roon? Saka, office ba?" sunod-sunod na tanong ko. Kasi college level naman siya. One year na lang, graduating na dapat siya.


"Hindi." Umiling si Miko. "Saka na ako mamimili. Sa ngayon, mas kailangan ko na magkaroon agad ng trabaho para may panggastos tayo. Nakakahiya sa pamilya ni Asher, hindi pa tayo full paid sa deposit sa upa."


Tama naman siya. Mas madaling makapasok kung contractual sa factory or garments kaysa mag-aim siya agad ng office job. Kaya lang, kaya niya ba?


Mukha namang chill lang si Miko. Ngumisi pa nga siya sa akin. Napanatag naman ako. Pansamantala lang naman, e. For sure, makakabuwelo agad kami.





PERO IYONG AKALA KO NA MABILIS LANG AY HINDI PALA GANOON KADALI.


Lumipas ang one month na hindi pa rin nakakapasok si Miko sa Epza. Kahit anong factory or garments company, pahirapan kung walang backer at hindi agad maka-complete requirements. Kailangang pumila, bumalik, at mag-exam. Ang kaso, hindi kinakaya ng budget namin ang kahit pamasahe lang.


Iyong pamasahe niya o pang-requirements kinabukasan, madalas ay nagagamit namin pangkain. Naubos na kasi agad ang stock namin. Pati ang sabon naming pampaligo sa banyo ay manipis na lang.


Ang bilis lang pati ng pera. Kapag nabasag na ang five hundred, di mo mamamalayan na mauubos na agad. Hindi naman puwedeng hindi gagastos, kasi araw-araw kaming bumibili ng bigas, ulam, at gas sa super kalan. 


Bumili rin pala kami ng maliit na orocan para lalagyan namin ng damit. Six hundred lang ito. Meron na rin kaming maliit na electric fan, wall clock, walis at dustpan. Mga naipundar namin mula sa pag-sideline niya sa talyer ng tito ni Isaiah.


Kumuha rin pala kami ng pahulugang foam sa naglalako dahil hirap kami sa matigas na higaan, kaya iyong huling kinita niya ay nai-down pa namin doon.


Inip na inip ako sa studio-type apartment namin dahil walang TV, walang Internet, tapos wala pa akong makausap. Madalas wala si Miko dahil kung saan-saan siya suma-sideline. Kung hindi sa talyer, sa carwash, o minsan ay sa may computershop. Marunong kasi siyang mag-ayos ng computer.


Tiningnan ko ang pera namin sa ibabaw ng orocan. Gusto ko sanang magpa-load ng Internet kahit sampung piso. Nagbago rin ang isip ko nang makita ang pera namin na one hundred pesos na lang pala. Saan kaya aabot ito?


May ilang araw pa bago matapos ang linggo. Sa Sunday pa ulit siya makaka-extra sa talyer. Iyong bigas namin ay isang saingan na lang.


Bumalik si Miko bandang hapon. Pawisan siya na dumeretso agad sa banyo para maligo. Pagkaligo ay saka niya ako nilapitan. "Nagmeryenda ka na?"


"Anong memeryendahin ko?" nakangusong balik-tanong ko.


"May pera akong iniwan sa may orocan."


"One hundred pesos? Saan aabot iyon?"


"Bananacue, turon, o maruya. Tapos sa panulak, may pang-halo-halo ka pa."


"Uunahin ko pa ba iyon kaysa sa hapunan natin mamaya?" Tinabig ko ang kamay niya. "Iyon na lang ang pera natin, wala pa tayong ulam mamayang gabi. So, paano pa bukas? At sa isang bukas? Nganga?"


"Relax." Pinisil niya ang pisngi ko. "Gagawan ko ng paraan. Basta bumili ka na lang muna ng meryenda mo. Baka gutom na si baby. Kanina pa iyong huling kain mo e."


Siya na ang bumili ng meryenda ko. Ginastos niya iyong one hundred. Ibinili niya ako ng maruya saka halo-halo. Iyong sukli ay biscuit para daw pag nagutom ako sa hating gabi.


"Saan ka na naman pupunta?" sita ko sa kanya.


"Diyan lang kina Asher. Uutang ako sa kuya niya ng pang-requirements at pamasahe. May tutulong na sa akin makapagpasa ulit sa Epza ng biodata. Deretso exam na rin daw."


"Wow. Sino? Anong pangalan? Kilala ko?"


Umilap saglit ang mga mata ni Miko. "Ah, si Rosethel. Di mo kilala. Kuwan, ano siya, dating schoolmate sa Gov. HR siya ngayon sa Epza."


Nabuhayan ako sa sinabi niya. Pinayagan ko na siya. May handaan din pala ngayon kina Asher dahil birthday ng isa sa mga kuya nito. Hindi ako pinapunta ni Miko dahil bukod sa handaan ay may inuman doon at may mga bisita na naninigarilyo. Bawal nga naman akong makalanghap ng usok.


Puro lalaki kasi ang mga kapatid ni Asher. Sabi nga ng nanay nila, puro daw barako. Kaya pag may okasyon ay automatic na maraming tropa na darating. Mostly lalaki rin. Syempre, meron at meron talagang magyoyosi.


Binalikan na lang ako ni Miko bandang 7:00 p.m. para hatiran ng pagkain. Tuwang-tuwa ako dahil ang daming pagkain. May menudo, lumpiang shanghai, pansit, manok, at cake. Busog na ako at may naitabi pa para almusal at tanghalian namin bukas.


Iyong 7:00 p.m. na nga lang na iyon ang huli na balik ni Miko rito. Panay ang tingin ko sa bintana dahil anong oras na ay hindi pa siya umuuwi.


Nakautang na ba siya ng pamasahe para bukas? Maaga pa siyang pupunta sa Epza kaya dapat ay matulog na siya ngayon at magpahinga, di ba? Ano na ba kasi ang ginagawa niya?


Madilim sa labas pero hindi naman malayo ang bahay nina Asher. Same street lang. Kaunting lakad lang iyon mula rito sa apartment. Halos katapat lang. Matatanaw nga mula bintana. Wala nang videoke kasi past 10:00 p.m. na, pero dinig na dinig pa rin ang kasiyahan kahit anong oras na.





NAKAIDLIP NA AKO KAHIHINTAY KAY MIKO. Hindi nga lang magtuloy-tuloy ang tulog ko knowing na nasa labas pa siya. Bukod sa natatakot ako rito na mag-isa ay nag-aalala rin ako sa kanya. Bakit ba kasi ang tagal-tagal niya?


Huling gising ko ay alas dos na ng madaling araw. Wala pa rin si Miko. Naghahalo na iyong inis at pag-aalala ko. Hindi na ako nakatiis. Bumangon ako at nag-suot ng jacket. Susunduin ko na siya kina Asher.


Paglabas ng apartment ay nagtahulan agad ang mga aso ng kapitbahay. Lakas-loob na lang talaga ako na naglakad papunta sa bahay ng mga Prudente. Ang daming nakaparadang motor sa labas. Mga pag-aari ng mga bisita.


Anong oras na pero ang dami pa ring tao. Meron pang mga nakatambay sa labas. May sumusuka sa poste, may couple na naglalampungan sa dilim, at meron ding couple na nag-aaway. Ayoko mang maki-tsismis pero tsismis ang kusang lumapit sa akin. Narinig ko na ang issue pala ay lasing si girl kaya kumandong sa hindi niya boyfriend. Ayun, nauwi sa LQ.


Lalo tuloy akong nag-alala kay Miko. Sa mga ganitong inuman din kasi siya noon madalas nakakakuha ng girlfriend. Kadalasan noon sa sobrang lasing niya, kinabukasan ay nagugulat na lang siyang may girlfriend na pala siya.


Hindi na ako nag-doorbell dahil bukas na bukas naman ang gate. Dere-deretso ako sa loob. Ang daming kumpulan sa sala nina Asher. Sa gitna ay iyong cente table na puno ng alak at pagkain. My first instinct was to look inside for Miko.


Iyong kuya ni Asher na pangalawa na Aram ang pangalan ang nakakita sa akin. "Oy, Michael Jonas, sinusundo ka na ng misis mo!" sigaw nito.


Napatingin sa akin ang mga nasa sala. Iyong ibang tropa ng kuya ni Asher na kilala na si Miko ay tinukso siya. "Kow, kaya pala ngayon na lang ulit sumama sa inuman itong si pretty boy, may kumander na pala!"


Nakita ko na si Miko. Nasa gilid pala siya, katabi ng panganay na kuya ni Asher na si Kuya Abel. My brow automatically wrinkled as I saw his face was red all the way down to his neck, and in front of him was a bottle of Emperador. Sa buong pagkakataon na pinaghihintay niya ako ay nag-iinom lang pala siya rito?!



May isa pa siyang katabi. Babae. Ngiting-ngiti ito sa kanya kahit hindi naman siya rito nakatingin. Nang makitang aalukin siya nito ng bagong tagay ay doon na ako dere-deretso na pumasok sa loob.


Napasimangot iyong babae nang agawin ko iyong shotglass at ibaba sa center table. When I turned to face Miko, I grabbed his wrist and pulled him up. "Halika na, uuwi na tayo!"


Lalo siyang tinukso ng mga naroroon. "Ayan, sinusundo ka na, repa! Yari ka!"


I knew that I was being rude, na napapahiya ko na si Miko, pero nagdidilim na kasi talaga sa galit ang mga mata ko. Kung hindi ko pa pala kasi siya susunduin ay hindi pa siya makakauwi. Hanggang sa may kalsada ay hila-hila ko siya.


"Zandra, hindi ako lasing," narinig kong sabi niya pero may kasamang sinok.



"Ikuwento mo iyan sa pagong." Pagpasok namin sa gate ng apartment ay patulak ko siyang ipinasok sa pinto.


Iyong inis ko, iyong gigil ko, dito ko pinasabog. Pagsara na pagsara ng pinto ay hinarap ko siya. "Ang sabi mo, uutang ka lang sa kuya ni Asher?! Nag-iinom ka lang pala roon!"


"Tuma-timing lang ako. Syempre, maraming ginagawa, tapos maraming bisita. Humahanap ako ng tyempo na makapagsabi."


"Ang tagal mo namang makahanap ng tyempo. 6:00 p.m. pa lang ay nandoon ka na! Anong oras na ngayon? Mag-a-alas tres na ng madaling araw!"


Napahilamos siya ng palad sa kanyang mukha. "Nakapagsabi na ako. Naabutan na rin ako. Kaso, ang pangit naman kung uuwi ako agad. Syempre, pakikisama lang."


"Kaya nag-inom ka rin? Alam mong mag-a-apply ka bukas!" gigil na sigaw ko.


"Kaya ko naman," malumanay naman niyang sagot.


Kaya? Lalo akong nanggalaiti. Bukod sa mapupungay na mga mata, pulang-pula na siya mula tainga hanggang leeg. Kung huhubaran ko siya ngayon ay baka hindi lang iyon ang mapula sa kanya!


Kinapkapan ko siya. Nang makuha sa bulsa niya iyong nautang na pera ay binilang ko agad. Five hundred lang ito na tag iisang daan. "Saan aabot ito?!"


"Wala na raw cash, e. Naibili ng alak. Late na kasi ako na nagsabing uutang ako. Pero mamaya raw ay balik ako, ibibigay sa akin iyong buong isang libo."


"Matulog ka na!" sigaw ko sa inis. "Mamaya, mag-a-apply ka at mag-e-exam na!" Daig ko pa ang nanay na nananaway. "Tingnan mo, katiting na oras na lang ang itutulog mo!"


Yumakap sa akin si Miko saka hinalikan ako sa noo. "Sorry na, matutulog na ako. Wag ka nang magalit."


"Ano ba?!" Itinulak ko naman siya palayo kasi amoy alak siya.


At alam ko namang mauulit pa ito. Alangan naman tuwing yayayain siya ng mga kuya ni Asher na uminom ay hindi siya pupunta? Hiya niya lang! E napakaimportante sa kanya ng pakikisama!



Papunta na si Miko sa higaan nang bigla siyang maduwal. Napatili ako dahil bago siya makarating sa banyo ay nasuka na siya sa sahig. Natalamsikan iyong gilid ng sapin namin.


Tinulungan ko siya na makapasok sa banyo. "Bakit ka kasi nagpasobra?!" naiiyak na sumbat ko habang hinahampas ang likod niya dahil hirap na hirap siyang sumuka. "Bakit ang dami mong ininom e hindi ka pa yata kumakain ng hapunan?!"


"Tinatagayan ako. Sorry. Nakakahiya tumanggi." Pahinto-hintong ang sagot niya. Pagkatapos ay nagsusuka ulit.


Lahat yata ng kinain niya ay kanyang isinuka sa lababo. Hinang-hina siya. Hinubaran ko naman siya ng t-shirt matapos hilamusan sa lababo. Ang bigat-bigat niya pero sinikap kong maalalayan siya papunta sa foam. Padapa siya roong bumagsak. Tulog na siya agad. Halos sakupin niya pati puwesto ko.


Naiwan naman sa akin ang mga linisin sa sahig. Nagpiga ako ng basahan para madakot ang suka niya. We didn't have a cleaning mop, so I had to bend down to wipe the floor. It was hard because my stomach was already big.


Ilang ulit akong bumalik sa banyo dahil kailangan ko pang sabunin ang sahig para mawala ang amoy. Pawisan ako at humihingal nang makatapos. Hawak ang malaking tiyan na padausdos akong naupo sa sahig.


I looked up at the wall clock and it was already 4:00 a.m. Isang oras din ang lumipas sa paglilinis ko. Tumunog ang tiyan ko sa gutom pero dahil sa amoy ng suka ay wala akong gana na kumain. Mas gusto ko rin na matulog dahil antok na antok na talaga ako.


Hindi nga lang ako puwedeng matulog dahil kailangan ko nang gisingin si Miko. Ang sabi niya ay 5:00 a.m. niya kailangang umalis para sa pag-a-apply. Nang tingnan ko siya ay nakadapa siya sa foam habang mahimbing sa pagtulog. Masakit ang balakang na gumapang ako papunta sa kanya. I patted him on the cheek to wake him up. "Miko..." Pero hindi siya tuminag.



Hindi puwede na hindi siya gumising. Kailangan niya nang kumilos para magpahimasmas at mag-ayos. Mata-traffic na siya papuntang Epza kapag nagpamamaya pa siya.


Ang himbing ng paghinga niya at sa itsura niya na lasing na lasing, I doubt if he could make it to the exam. But I still didn't want to give up. "Miko, gumising ka na, please," naiiyak na halos makaawa ko na sa kanya.


"Miko, please! Kailangan mong makapag-apply ngayon. Kailangan mo ng trabaho. Di ba pinag-usapan na natin ito? Miko, naman!"


Kaya lang ay wala talaga. Tulog pa rin si Miko. I gathered my remaining strength to shake him hard, but it turned out to be a wrong move on my part. Miko got up, but only to throw up. At oo, dito siya mismo sa foam namin sumuka!


Tuluyan na akong napaiyak sa halo-halong pagod, antok, gutom, at frustration. Ang hirap! Hirap na hirap na ako, habang si Miko ay mahimbing pa rin na natutulog sa foam!


jfstories
#BadLoverbyJFstories

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top