Chapter 38

SASAMA SI MIKO SA AKIN KAHIT SAAN?


Nanginginig pa rin siya habang nakayakap sa aking katawan. "Zandra, kasalanan mo ito. Pinikon mo ako. Nagtitimpi pa ako hanggang kaya ko, pero inubos mo nang sagad ang pasensiya ko."


Napahikbi ako. "W-would you really come with me?" Hindi pa rin ako naniniwala kasi na sasama siya sa akin. Baka kasi nabibigla lang siya. "Miko, hindi na talaga ako babalik sa inyo. Kaya kung sasama ka sa akin, paano ang mommy mo? Paano ang pag-aaral mo?"


Idinikit niya ang noo sa noo ko habang nakapikit siya. Humihingal pa siya na parang hindi pa rin nakaka-get over mula sa muntik ko nang pagkakasagasa kanina sa tricycle. Nang magmulat siya ng mga mata ay nasalo ko ang bigat sa mga titig niya.


"Miko, hindi ko alam kung saan ako pupunta. Pero may mga kamaganak naman ako, siguro ay lulunukin ko na lang ang mga masasabi nila sa akin. I'm sure, makakarating kina Mommy at maiisipan nilang umuwi agad. Basta, makakagawa naman siguro ako ng paraan para..."


"Tumahimik ka."


"Miko, kaya ko naman," naiiyak nang sabi ko. "Puwede ako roon sa isang tita ko, kahit naiinis iyon sa mommy ko ay di naman siguro ako nito matitiis. O kaya, pag wala na talagang choice, I can go to Dessy. Titiisin ko na lang ang babaeng iyon hanggang—"


"Sinabi nang tumahimik ka, Zandra. Ang tigas ng ulo mo."


Humiwalay na siya sa akin pero hawak-hawak ang pulso ko. Nang mag-iwas siya ng paningin ay nahuli ko pa ang pagsinghot niya at pasimpleng pagkuskos ng ng daliri sa kanyang mga mata. Napaawang ang mga labi ko.


Nagsimula na si Miko na maglakad kaya napasunod ako. Hawak-hawak niya pa rin ang pulso ko papasok sa gate ng bahay nila. Tumigil ako. "Miko, ayoko na nga sa inyo—"


"Kukuha lang tayo ng gamit. Kung puwede nga lang iwan kita rito sa labas at hintayin mo na lang ako, kaya lang ay baka maisipan mong tumakas."


"Hindi ako tatakas—"


"Mukha mo." Inismiran niya ako. "Iyan nga at ang dami mo ng plano kanina. Mga plano na hindi ako kasama!"


Hindi na lang ako nakapagsalita kasi tama naman siya. Baka maisipan ko nga talaga na umalis pagpasok niya sa kanila. Pagpasok namin sa loob ay napatayo agad si Tita Mitchy mula sa sofa. "O, ano? Saan mo nakita iyan? Nagpapasuyo lang pala."


Hindi pinansin ni Miko ang mommy niya, sa halip ay dere-deretso kami sa second floor ng bahay papunta sa kuwarto niya. Pagdating sa kuwarto ay binuksan niya agad ang kanyang closet at basta kumuha roon ng mga damit para isalaksak sa kanyang duffle bag. Pati iyong ilang pirasong gamit ko na naka-plastic ay isinama niyang pagkasyahin sa duffle bag.


Iyon ang naabutang tagpo ng mommy niya pagsunod nito sa amin. "MJ, anong ginagawa mo?!"


"Mommy, ayaw na rito ni Zandra kaya aalis na kami."


Napahumindig si Tita Mitchy. "Ano?!"


Kumuha pa ng malaking maleta si Miko mula sa ilalim ng kama at doon pinaglalagay ang ibang damit pati kanyang mga sapatos. Nang makita iyon nang mommy niya ay bumangis ang mukha nito. Hinatak nito ang maleta mula sa anak. "Hindi ka aalis! Kung may aalis man, iyan lang na babaeng iyan at hindi ka kasama!"


Nakipaghatakan naman si Miko ng maleta. "Kung aalis si Zandra, aalis din ako!"


Dinuro siya ng mommy niya. "Bakit, kaya na ba ng buto mo mag-isa, ha?! E hindi ka pa nga tapos sa pag-aaral, at ultimo pang-yosi mo nga ay sa akin mo pa inaasa!"


"Hindi na ako nagyo-yosi!"


"Hindi iyon ang point! Ang point ay nakaasa ka pa rin sa akin! Paano ka mabubuhay nang wala ako?! Nang walang kasambahay para mag-asikaso sa 'yo? Sige nga, maski ba brief mo ay marunong ka man lang ba maglaba?!"


Hindi niya pinansin ang mommy niya at hinatak ulit ang maleta. Sumunod na inilagay niya roon ang mga songhits, old tapes, and CDs. Lalong bumalasik naman ang mukha ni Tita Mitchy. Hinablot muli ang maleta. "At bakit mo dadalhin ang mga ito? Ikaw ba ang bumili ng mga ito? Di ba, ako?!"


"O ayan na! Hindi ko na dadalhin!" gigil na binitiwan naman ni Miko ang maleta kaya kumalat sa sahig ang mga laman niyon.


"Ang pera mo?!" sigaw ni Tita Mitchy. "Iyong pambayad mo sa tuition at allowance mo ngayong linggo, akina rin!"


Inilabas naman ni Miko ang wallet niya. Kinuha ang mga lilibuhin na naroon at pahagis na ibinalik sa ina. Sa bilis ng pangyayari ay hindi na napansin ni Tita Mitchy na nakapagpuslit si Miko ng ilang papel na isang libo at pasimpleng inipit sa likod ng garter ng suot kong shorts. Napalunok na lang ako nang maramdaman iyon.


"O ayan, masaya ka na, Mommy?" Ibinalibag niya pa ang kanyang wallet sa sahig. "Ultimo piso, wala na ako!"


Natulala naman si Tita Mitchy dahil natiyak nitong seryoso talaga ang anak. Nang makabawi nga lang Mitchy ay ako ang hinarap nito. Nangingilid ang mga luha sa matatalim na mga mata na ngayo'y nakatingin sa akin. "Ano, Zandra? Okay na? Napag-away mo na kami ng anak ko!"


Wala naman akong masabi. Naumid ang dila ko sa pagkabigla sa mga nangyayari. Masama ang loob ko at gusto ko nang umalis, pero hindi ko naman ginusto na pag-awayin sila.


"Iyang anak ko ay hindi sumasagot sa akin ni minsan pero ngayon ang sinisigawan na ako! Iyang anak ko na pinalaki kong mag-isa! Binuhusan ko ng hindi lang panahon, kundi pati pagmamahal ko! Tapos dahil lang sa 'yo ay magkakasira kami?! Sino ka at anong karapatan mo na sirain ang samahan naming mag-ina?!"


Hinawakan na ako ni Miko sa braso para hilahin. "Zandra, tara na!"


Nasa hagdan na kami nang humahangos na sumunod ang mommy niya. "MJ!" basag ang boses na sigaw nito.


Ako lang ang napalingon habang tuloy-tuloy pa rin kami sa pagbaba.


"MJ, tandaan mo, pag umalis ka, wala ka nang mapapala sa akin! Kahit maghirap ka, hindi kita tutulungan! Pati ang daddy mo, bawal mo nang contact-in! Bawal kang humingi ng tulong sa kanya sa Manila! At kahit pa ang lola mo, hindi mo na puwedeng makita! Hindi ka na puwedeng bumalik dito!"


Napahinto si Miko pero sandali lang. Nagpatuloy na siya sa paglalakad papunta sa pinto habang hila-hila ako.


"MJ!" garalgal na sigaw ng mommy niya. "Pagsisisihan mo ang pagpili mo sa babaeng iyan kaysa sa akin! Ipinagpalit mo ang sarili mong ina para sa babae lang! Hindi ka giginhawa sa buhay, tandaan mo iyan!"


Tuluyan na kaming lumabas ng pinto. Ang tanging bitbit lang namin ay ang duffle bag ni Miko. Napahilamos siya ng palad sa kanyang mukha. Parang ngayon niya na-realize ang nagawang pasya.


"Saan tayo ngayon, Miko?" maliit ang boses na tanong ko.


"Bahala na." Sinulyapan niya ako. "Tara, hanap muna tayo ng makakainan. Hindi ka pa nakain."


What? Uunahin niya pa ang pagkain ko kaysa mag-isip kung saan kami ngayon pupulutin?


Nilakad lang namin ang papuntang labasan. Mabuti at may barya ako sa bulsa, iyon ang ginamit naming pang-tricycle. Sa Jollibee kami nagpunta dahil iyon ang bukas pa nang ganitong oras.


Kinuha niya sa akin ang pera na kanyang inipit kanina sa garter ng shorts ko sa likod. Nasa three thousand five hundred din pala iyon. Tatlong papel na isang libo at isang five hundred na buo. Ibinulsa niya iyong iba at iyong five hundred lang ang dinala sa counter.


In-orderan niya ako ng 1-piece chicken with rice saka mineral water. Siya naman ay fries lang na regular. Sa tubig ay nakikiinom-inom lang siya sa akin.


"P-puwede ka pang bumalik sa inyo," mahinang sabi ko pagkuwan.


Napatingala siya sa akin at nag-tsk.


"Miko, seryoso ako. Tatanggapin ka pa naman siguro ng mommy mo..." Ngayon ko lang mas napag-isip-isip ang conquences ng pag-alis namin sa kanila. Graduating na siya. Sayang kung mapapahinto pa siya dahil lang sa nangyaring ito.


Alam ko rin na mahal na mahal niya ang kanyang lola, pero dahil sa pagpili niya sa akin ngayon ay hindi niya na ito makikita pa. Pati ang daddy niya, hindi niya na malalapitan. Ako ang may kasalanan. Nagsisisi na ako kung bakit nagpadala ako sa damdamin ko. Sana pala ay nagtiis na lang ako. Sana nagtiis pa ako.


Mahina niya akong tinuktukan sa noo. "Itigil mo kung ano mang naglalaro ngayon diyan sa isip mo."


Napalabi ako. "Bakit ka nagdesisyon agad na sumama sa akin?" Wala pa naman ako talagang nasasabi sa kanya, pero nagdesisyon agad siya. Ni hindi niya pa nga alam kung bakit ayoko na sa kanila.


"Iyong iniwan kong pera sa 'yo, nakuha mo ba?" tanong din niya sa halip na sagutin ang tanong ko.


"Iyong sinabi mong iniwan mo sa ibabaw ng bedside table?" Umiling ako. "Hindi ko nakita. Naisip ko na baka nagkamali ka lang—"


"Hindi ako magkakamali tungkol doon," putol niya sa sinasabi ko. "Kahit maliit na halaga lang, hindi puwedeng hindi kita iwan ng sariling panggastos mo. Talagang binabawasan ko ang allowance ko para may maiiwan ako sa 'yo. At hindi lang iyon ang pagkakataon na nag-iwan ako ng pera habang tulog ka. Isang beses ay kay Mommy ko naman pinakisuyo. Ang sabi ko, ibigay sa 'yo paggising mo."


Nagulat naman ako. "No. Wala siyang ibinibigay..."


"Alam ko." Ibinato niya ang paningin sa malayo. Ang panga niya ay bahagyang umigting. "May hinala na ako sa ginagawa ni Mommy sa 'yo pero nagbigay pa rin ako ng chance, kasi baka mali lang ako. Pero iyong hindi mo pagkakuha sa bigay kong pera, doon ko na nasiguro na tama ang hinala ko. Nitong uwi ko, pinuntahan ko muna si Ate Tonet sa kanila."


Tukoy ni Miko sa stay out nilang kasambahay na si Ate Tonet.


"Tinanong ko si Ate Tonet kung may alam siya sa nangyayari sa bahay habang wala ako, pero wala siyang maisagot sa akin. Wala siyang maisagot dahil wala siyang alam, dahil shuta, hindi na pala siya pumupunta!"


Hindi ko na napigilan ang aking paghikbi. "A-ako na iyong gumagawa ng mga gawain niya, kasi kailangan daw magtipid para sa tuition mo..."


"Tangina," mariin pero mahinang sambit niya habang nakayuko. Nalalagutukan ang mga kamao niya sa ibabaw ng mesa.


Inabot ko siya at hinawakan ang kamay niya. Agad naman niyang ikinulong ang kamay ko sa kanyang mga kamay. My once soft palms now had a few calluses due to everyday floor-sweeping and usage of detergent soap. 


Miko sank into my hands as his shoulders trembled. "I'm sorry, Zandra. Hindi ko talaga alam na magagawa iyon ni Mommy. Istrikta lang siya pero mabait siya sa akin. Kaya akala ko, magiging mabait din siya sa 'yo. Sorry. Sorry kasi tangina, mali ako."


Umiling ako matapos magpunas ng luha. Ang mahalaga naman ay hindi siya nagbulag-bulagan. When he suspected something was wrong, he sought to figure out what was going on.


Namumula ang dulo ng matangos na ilong ni Miko nang mag-angat siya ng mukha mula sa pagkakayuko. Tumikhim siya bago nagsalita, "May load ka?"


"Regular five pesos." Iniipit-ipit ko iyon at hindi ginagalaw, just in case may pagamitan.


"Pahiram CP mo. May iti-text lang ako."


Ibinigay ko naman sa kanya. Nagtipa siya roon at bumilang lang ang ilang minuto nang mag-ring iyon. Napayuko siya habang may kausap doon. "Okay lang, men, naiintindihan ko. Pasensiya na sa abala."


Pagbaba niya ng phone ay muli siyang nagtipa. May tumawag ulit sa kanya pero mukhang katulad nang una ay bigo rin siya. Kitang-kita ko ang frustration at pagiging hopeless sa bawat pagbuga niya ng hangin.


Sa pangatlong i-t-in-ext niya ay saglit lang na nag-ring agad. "Nakauwi ka na ng Buenavsita? Akala ko nasa Dasma ka ngayon. Puwede bang dumaan diyan saglit sa inyo?"


Nahulaan ko na agad na ang kaibigan niyang si Asher ang kanyang kausap. Tumayo siya matapos ang tawag. "Sa Buenavista tayo."


Anong oras na nang gabi nang makarating kami sa Buenavista. Madilim na madilim sa daan papunta sa street nina Asher. Iilan lang ang ilaw ng poste ng Meralco na gumagana rito. Sa tapat ng isang third floor na bahay, tadtad ng grills, may terrace na may mga halaman, at may malaking gate na itim kami nagpahinto sa driver ng aming sinasakyan na tricycle.


Sa tapat niyon ay nakatayo si Asher. He was wearing a white T-shirt, black pants, and just house slippers. Mukhang kauuwi lang at hindi pa nakakapagbihis. Sa Dasma yata ito nag-aaral ng maritime course. Nang makita na hindi nag-iisa na dumating si Miko ay nagsalubong ang mga kilay nito.


"Bebe!" Sinalubong ito ni Miko ng yakap. "Nakakapogi pala sa maritime! Medyo nakakahabol ka nasa akin ngayon!"


Tigagal pa rin si Asher habang sa akin nakatingin, higit lalo nang bumaba ang mga mata nito sa gawing tiyan ko. Medyo maliit ang shirt na suot ko kaya halatang-halata na rito ngayon ang aking baby bump.


"Asher, repa, may favor sana ako," simula ni Miko na seryoso na. "Kailangan lang nang matutulugan ngayong gabi. Kahit si Zandra lang. Tapos, ako e kahit diyan na lang sa garahe niyo."


"Bakit malaki ang tiyan niyan? Anong ginawa mo? Bakit malaki ang tiyan ni Zandra?" namimilog ang mga mata ni Asher kay Miko. "Tangina ka, alam ba iyan nina Isaiah?!"


"Ikaw pa lang ang may alam," sagot ni Miko. "Ano, repa, saka ka na maki-tsismis. Kailangan na munang makapagpahinga ni buntis."


Mula sa gate ng bahay nila ay may lumabas na matangkad na lalaki. Mas matangkad ng kaunti kina Asher at Miko. Mukhang suplado pero guwapo. "Hoy, Asher, bakit nasa labas ka pa? Gabi na!"


"Kuya," lingon dito ni Asher. "Si Miko ito, isa sa mga kaibigan ko. Kilala mo naman, laging present sa inuman. Naghahanap sila ng matitigilan kahit ngayon lang daw."


Tumingin ito sa amin. "Si tomador na guwapings pala ito, e. Anyare ba?" Sumunod itong tumingin sa akin, pagkuwa'y napaungol. "Tsk, parang alam ko na."


Nilapitan ito ni Miko. "Kuys, baka naman puwedeng makitulog. Kahit ngayon lang. Pag lumiwanag na, sibat na rin kami agad."


Nagkamot ng kilay ang kuya ni Asher na Abel pala ang pangalan. Panganay nitong kapatid. "E kung patutuluyin namin kayo ngayon, saan naman ang punta niyo niyan mamaya? May mapupuntahan ba kayong iba?"


"Maghahanap pa lang, kuys."


"May arep ka ba riyan?"


Nilabas ni Miko ang mga papel na perang natitira. "Meron, kuys, kaso three K plus lang."


"Puwede na iyan. Akina iyong dalawang libo. Bakante iyong apartment namin sa gitna. Lumayas iyong dating boarder na matandang dalaga e, pero nilinis naman niya muna ang unit bago layasan. Puwede kayo roon kaysa maghanap pa kayo ng iba. Two five per month. Iyong kulang niyo ay saka niyo na lang ihabol."


Inabot ni Miko ang lahat ng pera kay Kuya Abel, pero iyong two thousand lang talaga ang tinanggap nito. Para daw makabili kami ng kahit ilang pirasong stock na pagkain. Nagpasalamat kami matapos makuha ang susi.


Inihatid naman kami ni Asher. Iyong rowhouse apartment pala rito sa tapat ay pag-aari nila. Timing na kaaalis pa lang ng huling tenant sa gitna. May tubig at kuryente na rito, malinis na rin, kaya titirahan na lang talaga. Ang problema lang ay wala kaming kagamit-gamit.


Maliit lang ang apartment. Studio type. May sariling maliit na bakal na gate. Naka-tiles, may screen door, sariling maliit na lababo, at banyo. Ang sabi lang ng kuya ni Asher ay mag-insenso raw kami mamaya para masugpo iyong bad energy, dahil maldita at wala raw puso iyong matandang dalaga na huling nag-occupy rito.


Pagpasok sa loob ay ini-lock na ni Miko ang pinto matapos makuha ang susi. "Okay ba sa 'yo?" baling niya sa akin.


May choice ba ako? This apartment was not bad. Kahit walang kuwarto at maliit lang ay malinis naman dito. Mas pipiliin ko rin ito kaysa sa bahay nila, kahit pa may aircon doon sa kanyang kuwarto at dito ay wala.


Kinatok kami ni Asher. Pagbukas namin ay may bitbit itong malaking kumot at isang unan. Meron ding tubig na nakalagay sa bote ng 1.5 Coke at katol. "Wala namang lamok dito pero baka lang me nakalusot," anito.


Tinanggap naman ni Miko ang mga dala nito. "Salamat, repa."


"Sensiya na isa lang ang extra na unan, e. Pero paggising ni Nanay bukas, itatanong ko kung meron pa."


Nang makaalis na si Asher ay ini-lock na ulit ni Miko ang pinto. Inilatag niya ang kumot sa lapag saka inilagay ang unan. "Mapahinga ka, Zandra."


Pagod na pagod na ang pakiramdam ko at antok na antok na rin kaya hindi na ako nagpakipot. Nahiga na ako. Matigas ang lapag pero wala namang pagpipilian. Si Miko ay nahiga na rin matapos magsindi ng katol. Ang inunan niya ay ang kanyang duffle bag.


Tumalikod na siya sa akin dahil siguro ay ayaw niya akong mailang. Pero noong tumalikod siya ay niyakap ko siya mula sa likuran. Nanigas ang katawan niya subalit hindi nagsalita.


Lalo akong sumiksik sa kanyang matigas na likod. Alam kong hindi magiging madali ang desisyon niyang ito. Kaya gusto kong humingi ng sorry at magpasalamat na din kasi pinili niya ako. Iyong mga hindi ko masabi sa salita ay sa mahigpit na yakap ko sa kanya idinaan.


"Magtatrabaho ako," narinig kong mayamaya ay mahinang sabi ni Miko. "Zandra, ako ang bahala sa 'yo. Hindi kita pababayaan."


Lalo pa akong sumiksik ng pagkakayakap kay Miko dahil naniniwala ako sa sinabi niya. I just couldn't believe that we were really here. Na talagang nagsarili at bumukod kami kahit walang-wala.


At oo, inaamin ko na natatakot ako, dahil hindi pa namin alam ang mangyayari bukas. Pero isa lang ang sigurado ko at nagpapatatag sa loob ko. Hindi ako iiwan sa ere ng taong ito...


jfstories

#BadLoverbyJFstories

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top