CHAPTER 20
CHAPTER 20
SARAH DAYANGHIRANG
"Anong gagawin ko rito, Atlas?" kinakabahan kong tanong.
Napagusapan na naming dalawa kung ano at dapat kong gawin ngayon. Ewan ko ba sa kanila, hindi ba sila yumayaman sa tuwing gumagawa at nagbebenta ng mga ginagawa nilang ipinagbabawal na gamot? Bakit kailangan pa nilang magnakaw ng pera sa Real Estate Corporation ng mga Zevallos?
Inaabangan ko ang magiging sagot niya sa suot kong earpiece. Si Atlas ang nagbibigay ng go signal sa aming lahat. Kung dapat na bang kikilos o hindi na muna.
Nasa isang tagong lugar kami malapit sa kumpanya ng Zevallos. Dahil madaling araw na ngayon, wala na masyadong mga tao ang nandito at higit sa lahat. Uwian na ng mga employee rito. Paniguradong nasa bahay na ang mga 'yon.
Pakiramdam ko matagal na nilang pinaplano 'to. Dahil bago kami dumiretso rito ay nakasama pa ako sa huling usapan nila. May nilatag silang malaking blueprint ng building ng company na hindi ko alam kung paano at saan nila 'yon nakuha.
"Just stay there. Ikaw ang magbibitbit ng pera na makukuha nila, and when a black car stops in front of or near you, get in. Depende pa 'yan sa susunod na mangyayari. Just stay alert, okay?" sagot niya. "Don't worry, I can see what you're doing. Nakamonitor ako sa inyong lahat."
Napatango na lang ako na akala mo ay nasa harapan ko siya. Nasa likod ako ng building nitong malaking company. Ang mga kasama ko ay nasa loob na, at hindi ko alam kung ano na ang nangyayari sa kanila.
"Nasa loob na kami ng vault room, Atlas."
Siniksik ko pa ang sarili ko sa tabi ng malaking basurahan nang marinig ang boses ng kasamahan ko. Tahimik lang ako ritong nagtatago at hinihintay silang makalabas.
"That's good. Get all the money and some important documents you can see. Ubusin niyo at wala kayo dapat na itira," sagot ni Atlas at parang natatawa pa yata siya sa sinasabi niya.
"Copy, Atlas."
Wala naman ako sa loob ng vault room pero pakiramdam ko para akong maiihi sa kaba. Para na akong daga rito sa gilid ng basuran, sobrang sinisiksik ko na ang sarili ko para hindi ako makita kung sakaling may dumaang pulis—
Teka nga, bakit ko ba iniisip 'yon!? Kumalma ka, Sarah! Baka mamaya ay magkatotoo pa 'yan!
Malakas akong napasinghap at napatakip sa bibig nang marinig ang malakas na kalabog. Sumilip ako sa gilid at nakita ang isang lalaki na kalalabas lang sa isang eskinita kung saan kami dumaan ng mga kasamahan ko bago sila pumasok sa loob ng building.
"Nasaan na ba siya? Akala ko ba nandito lang yung babae?" dinig kong reklamo ng lalaki.
"Sarah? Are you still there?" tawag ni Atlas sa aking ngalan. "Sarah?"
"Atlas," mahina kong wika. "May lalaki malapit sa akin. Mukhang ako yata ang hinahanap?"
"Are you hiding?"
"Oo."
Muli akong sumilip. Nakatayo pa rin ang lalaki at nililibot ang paningin; may hinahanap pa rin siya. Pero hindi naman din ako basta-basta na lalabas dito sa pinagtataguan ko kasi paano kung hindi talaga 'yon ang taong tinutukoy ni Atlas sa akin? E'di nasira pa ang matagal nilang plano sa pagiging tanga ko.
"Did the guy hold a black bag?"
"Oo, Atlas."
"Okay. Go to him and get the bag immediately."
Sinunod ko na lang agad ang sinabi niya at hindi na sumagot. Lumabas ako sa pinagtataguan ko at doon lang lumingon ang lalaki sa akin. Nakahinga siya ng maluwag at naglakad papunta sa akin. Nakasuot pa rin siya ng office attire, ang kaso basang-basa na 'yon ng kan'yang pawis. Maski na rin ang mukha niya.
"Kunin mo na 'to," nagmamadali niyang ani.
Basta niya na lang binato sa akin ang bag at tumakbo papalayo. Muntik pa akong matumba dahil may kabigatan 'yon. Inaayos ko ang pagkakahawak ko sa bag nang biglang may malakas na tunog akong narinig na nanggagaling sa loob ng building.
Parang tunog 'yon ng sirena. Nanlaki ang mga mata ko ng mapagtantong kung ano 'yon. Umalingawngaw na ang malakas na tunog ng emergency alarm!
"Get out of there, Sarah," utos ni Atlas.
"H-huh... teka..." nauutal kong sagot at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.
Namamawis at nanginginig ang aking kamay na sinakbit sa balikat ang bag bago pumasok sa eskinita. Awtomatiko akong napaatras ng makarinig ng sunod-sunod na pagputok ng mga baril na nanggaling sa loob ng building.
"Don't go there. Find another way to get out of there. My men are about to come out of the building," biglang wika ni Atlas. "Your nervousness won't get you anywhere if you don't focus on what you're doing, Sarah. Kumalma ka."
Sinunod ko siya. Sinubukan kong ikalma ang sarili. Huminga ako nang malalim sa kabila ng paninikip ng aking dibdib. Sobrang bilis ng pintig ng puso ko dahil sa mga kaganapan ngayon. Parang unti-unti na ako nilalamon ng nerbiyos. Kahit anong gawin kong pagpapakalma, nahihirapan akong gawin.
"Do you see the small alley near the trash can where you were hiding?"
Mabilis akong nagtungo roon. Mukhang tama nga siya. May maliit na daanan doon ang kaso may nakaharang lang na manipis na plywood. Siguro hinarangan 'yon para wala nang ibang tao na makadaan doon.
"Meron, Atlas. Ang kaso may nakaharang na plywood. Doon ba ako dadaan?"
"Yes. Tanggalin mo na lang 'yan."
"Emergency, Atlas. Kailangan na naming makaalis dito. Maraming emergency alarm sa vault room. Nakarating na rin 'yon sa lobby. Paniguradong makakatunog na 'to."
"Noted. Go, Sarah. Hurry up. There's a black van waiting for you near the next corner."
"O-okay..." nanginginig ang boses ko ng sumagot.
Binaba ko muna ang dala kong bag at nagmamadali na tinanggal ang nakaharang na plywood sa magiging daanan ko. Lumang plywood lang 'yon kaya naging madali na lang para sa akin na alisin 'yon. Nang matanggal ay agad kong dinampot ang bag at kumaripas na ng takbo papasok sa eskinita.
Habang papalapit ako nang papalapit sa pinaka dulo ng eskinita ay mas lalong bumibilis ang pintig ng puso ko. Parang nakikipagkarerahan ako sa lagay na 'yon. Pakiramdam ko nalulunod ako sa sarili kong tibok ng puso. Sobrang lakas. Nakakabingi.
Napaatras ako at napapikit ng marinig ang isang malakas na pagsabog. Ramdam ko ang panginginig ng lupa dahil doon.
"Jesus, Sarah! Get inside the van! Faster!"
Saka lang ako natauhan dahil sa sigaw ni Atlas sa suot kong earpiece. Mahina pa akong napadaing dahil nabingi pa yata ako sa sigaw niya. Sa kamamadali ko at mukhang tinamaan pa ako ng kalampahan ngayon; hindi ko napansin ang isang maliit na wire na nakaharang sa sirang gate nitong dulo ng eskinita. Doon sumayad ang binti ko kamamadali at alam kong nasugatan ako dahil doon.
Mahina akong napasinghap ng kumalat sa pakiramdam ko ang hapdi at sakit.
"I told you to just steal; why did you set it on fire?"
"Hindi ako may gawa n'yan, Atlas."
"Kailangan ng distraction. Yung guwardya na nagbabantay roon ay nasa loob na rin. Nasundan kami. Mukhang nagising na galing sa sleeping drug na nilagay namin sa dart gun."
"How is that possible? The dosage was big."
"Malaking tao rin kasi, Atlas."
Hindi ko na pinansin pa ang mga pinaguusapan nila. Agad kong hinanap ang itim na van na sinasabi ni Atlas. Nakahinga naman ako nang maluwag ng makita 'yon sa malayuan pa lang, agad akong dumiretso roon.
Habang tumatakbo, napapatingin pa ako sa building na pinasukan ng mga kasamahan ko. May malaking apoy na, namilog ang mga mata ko kung gaano kalaki at kalawak na ang sakop ng apoy na 'yon sa building.
Tama ba 'tong ginawa ko? Bakit pakiramdam ko nilalamon ako ng konsensya kahit naman taga tanggap lang ako ng ninakaw nila? Pakiramdam ko nagnakaw na rin ako.
Agad akong nabalik sa reyalidad nang marinig ang isang malakas na sirena ng truck ng bumbero. Mas binilisan ko pa ang pagtakbo ko hanggang sa makapasok sa loob ng van. Agad nilang kinuha sa akin ang bag na dala ko at tiningnan ang mga laman.
Tama lang ang pera na nandoon. May perang laman at mga folder na alam kong naglalaman ng mga importanteng mga dokumento sa company ng Zevallos.
"Go straight to the lounge of the basement. Dalhin niyo lahat ng mga kinuha niyo roon," sambit ni Atlas.
Napabuntonghininga na lang ako at napasandal sa aking kinauupuan. Ngayon ko na lang din naramdaman ang pagod nang makapagpahinga ako rito sa loob ng van.
"Copy, Atlas."
݁₊ ⊹ . ݁˖ . ݁·ꕤ
"Bibigyan mo rin ba kami, Atlas?"
"Just wait."
Nanatili lang akong nakaupo sa leather sofa sa living area nitong basement ni Atlas. Nakapatong ang itim na bag sa center table at tinitingnan nila ang laman no'n. Ang iba naman ay binibilang din ang pera para makasigurado.
Ang ibang kasamahan ko ay nakikipagunahan pa na tulungan si Atlas sa ginagawa niya pero sa kalaunan ay natigilan lang din ng pagalitan sila ni Atlas. Nakita ko pa na tinampal pa ang palad ng kukunin pa ang isang pera na kabibilang lang.
Mahina akong napabuga ng hangin at dahan-dahang sumandal sa kinauupuan ko. Baon na baon ang likod ko sa sandalan, napakalambot at ang sarap sa pakiramdam.
Wala sa sariling napahawak ako sa kaliwa kong binti kung saan nasabit sa wire kanina. Mahina akong napadaing ng maramdamang kumikirot pa rin 'yon. Bumaba ang tingin ko roon, dumudugo pa rin siya hanggang ngayon.
Sobrang lalim ba no'n? Hindi ko nga alam kung yung wire pa bang nakasugat sa akin o baka mamaya may iba pang nahagip na matalas ang binti ko kaya ganito na lang siya magdugo.
Tulala na lang ako sa kisame at pinapakinggan ang mga reklamo ng kasamahan ko dahil sa biglaang pagtampal ni Atlas sa kanilang kamay. Sa kalaunan, nang matapos at matingnan na kumpleto ang lahat ng dala namin. Binigyan din sila ng hati ni Atlas para manahimik na. Kaya ngayon nakangisi silang lahat habang paalis na ngayon sa lounge area ng basement. Mukhang may kailangan pa silang gagawin sa warehouse.
"Congratulations on your first little mission. How does it fe—what's wrong?"
Umangat ang ulo ko nang makitang nakatayo na siya sa harapan ko. Nakapamulsa at nakakunot ang noo sa akin. Napalunok na lang ako at umiwas ng paningin.
Iniiwasan ko na tiisin ang kirot at hapdi ng sugat sa binti ko, ang kaso hindi ko maiwasan na mapangiwi sa sakit.
"Huh?" tanong ko sa kan'ya. Napakurap pa ako ng maraming beses sa harapan niya ng maalala ang una niyang tanong. "Okay lang ako, Atlas."
Naging blangko bigla ang ekspresyon ng kan'yang mga mata. Hindi ko tuloy maiwasan na hindi mailang. Nanatili siyang nakatingin sa akin na para bang may hinahanap na kakaiba sa aking sarili.
Muli akong umiwas ng paningin at kunwari napapatingin sa kabuuhan ng living area rito. Isang tikhim ang narinig ko sa kan'ya kaya napalingon ako. Nakababa na ang ulo niya at nakatingin na sa suot kong slacks na ngayon ay may mantsa na ng sarili kong dugo.
Napabuntonghininga na lang ako dahil alam kong wala na akong takas kung magsisinungaling pa ako sa kan'ya.
"Ria will treat your wound later. Where did that wound come from?" tanong niya.
"Doon sa eskinita kung saan ako lumabas," sagot ko. Hindi na ako nakatiis at inangat na ang dulong bahagi ng slacks ko. At 'yon na nga ang sugat ko. Medyo mahaba 'yon at mukhang malalim pa nga. Napangiwi na lang ako dahil doon.
Binaba ko ang slacks at inangat ang paningin kay Atlas. "Hindi ko alam kung sa wire ba 'to nasugat o ano."
"Wire?" tanong niya ulit.
Tumango ako at napakibit balikat na rin. "Pero hindi ako sure, Atlas. Ako na lang maglilinis nito. Mukhang busy si Ria—"
Natigilan ako sa sasabihin nang bigla na lang siyang umalis. Nagtungo siya sa glass window ng lab room at nang hindi niya mahanap si Ria ay pumasok na siya sa loob. Nakita ko na parang nag-uusap pa silang dalawa; kita ko 'yon sa glass window na pahaba.
Hindi rin nagtagal ay nakabalik na rin si Atlas kasama si Ria. narinig ko na may binilin pa si Atlas kay Ria at inutusan na rin na linisan ang aking sugat.
݁₊ ⊹ . ݁˖ . ݁·ꕤ
"Tuturukan na lang kita ng anti-tetanus," ani Ria.
Nandito kaming dalawa sa kuwarto ko at ginagamot na niya ang sugat ko nang matapos akong maligo dahil balak ko nang matulog pagkatapos nito. Medyo nararamdaman ko na rin kasi na bumibigat na ang talukap ng mga mata ko. Nagsabay-sabay na ang antok at pagod sa katawan ko.
Malapit lang itong kuwarto ko sa office ni Atlas. Sabi ni Ria, ang pinaka kuwarto talaga o ang bahay ni Atlas ay naka-locate sa ibaba pa nitong floor ng basement. Ang kaso under renovation pa, kaya itong floor ng lounge ay pansamantalang tinutulugan niya. May mga bakanteng kuwarto naman rito kaya paniguradong mamimili na lang siya ng matutulugan niya.
Kahit hindi naman nila sabihin, alam kong sobrang lawak na nitong basement niya. Nakakalito nga sa sobrang daming pasikot-sikot sa hallway.
"Pasensya na sa abala," mahina kong sambit. Binaba ko na ang sleeves ng top ng pantulog ko. Tapos na niya akong maturukan sa braso.
Sinandal ko na lang ang aking likod sa headboard ng kama habang pinagmamasdan si Ria na balutan ng bandage ang sugat sa kaliwa kong binti. Nalinisan niya na 'yon at nalagyan na rin ng gamot.
Dahil tapos na rin ang mission na binabanggit ni Atlas. Makakapagpahinga na rin ako dahil 'yon din ang sabi niya. Pero kinabukasan ay may sasabihin daw siya sa akin.
Pero sa ngayon, priority ko muna ang makapagrecover at makapagpahinga ako ngayong gabi.
Maganda ang tinutulugan ko ngayon. Komportable at malinis. White at black ang theme ng kuwarto. Malamig din dahil sa split-type aircon na nakalagay sa dulong bahagi ng kama, talagang nakatutok pa sa puwesto ko.
Kumpleto ang mga kagamitan dito pero walang bintana. Awtomatiko naman na gano'n dahil nasa ilalim kami. Kaya kapansin-pansin din ang kutis ni Atlas. Bihira lang maexpose sa sikat ng araw kaya ang putla ng balat. Parang bampira.
"Okay lang, ano ka ba. Kailangang malinisan agad ang sugat mo dahil 'tong pinanggalingan ng sugat mo ay madumi. You could get an infection, Sarah. Dapat tinawag mo agad ako pagkabalik mo rito para nalinis at nagamot kita agad," seryoso niyang sambit habang dino-double check ang bandage sa kaliwang binti ko.
"Plano ko naman linisan bago ako makapagpahinga. Ang kaso mukhang napansin ni Atlas na may kakaiba sa akin," sagot ko. "Hindi na rin ako nag-abala na tawagin kasi alam kong busy ka sa lab."
Napabuntonghinga siya at mahinang tinapik ang kaliwa kong binti.
"There you go. Okay na ang bandage mo."
Ningitian ko siya at hindi na ginalaw pa ang nilagay niya roon. Mas mainam na ang pakiramdam ko ngayon. Hindi katulad kanina na hindi ako komportable sa bawat galaw ko.
"You know what, Sarah? Maganda na humihingi ka ng tulong paminsan-minsan," lumambot ang tono ng kan'yang boses nang magsalita siya. "Alam ko at naiintindihan ko na ayaw mong maging pabigat sa amin pero sana huwag mong isipin 'yon. Hindi pa kumpleto ang pag-process ng data mo sa system ng organisasyon natin pero parte kana ng pamilya rito."
Hinawakan niya ang aking kamay at ningitian siya. "Everyone here helps and supports each other. So don't keep things like this to yourself, okay? Lalo na pag tungkol sa ganito... itong nangyari sa 'yo kasi sobrang delikado no'n. Paano kung hindi nalaman ni Atlas ang tungkol sa nangyari sa binti mo? puwedeng lumala 'yon at baka may malubha pang mangyari sa 'yo."
Naitikom ko na lang ang aking bibig at napabuga ng hangin.
"Sorry, Ria. Hindi lang talaga ako sanay pero susubukan kong alisin na 'yon..."
"That's good. Don't worry, pupunta ako rito bukas para i-check at linisan ulit ang sugat mo. Sa ngayon kailangan mo ng magpahinga," nakangiti niyang ani. Tumayo na siya at tiningnan ako.
"Natutulog ka ba?" bigla kong tanong.
Mahina siyang natawa. "Malamang? Ikaw talaga, sige na mauuna na ako. Bye."
"Bye," sagot ko at napahikab na.
݁
₊ ⊹ . ݁˖ . ݁·ꕤ
Hindi ko alam kung anong oras na ako nagising. Awtomatikong naidilat ko ang aking mga mata ng marinig ang mahinang katok sa labas ng aking kuwarto. Ang bilis kong maalimpungatan, halatang hindi pa sanay ang katawan ko rito sa bagong tirahan ko. Namamahay pa siya.
Wala ring bintana kaya hindi ko makita kung umaga, tanghali, o gabi na pag nagigising ako. Ang dami ko pang kailangang i-adjust para sa sarili ko.
"Sarah?"
Maingat akong bumaba sa kama at dahan-dahang nagtungo sa pintuan para pagbuksan siya. Paika-ika pa ang lakad ko dahil medyo masakit pa rin ang sugat ko sa kaliwang binti.
"Ria," tawag ko sa kan'ya nang mabuksan ang pintuan.
Tipid niya akong ningitian. "Good afternoon! Gusto kang makausap ni Atlas. Nasa living area siya ng lounge. Kailangan mo na ring kumain ngayon kasi lagpas na ng lunch. Ala una na ng hapon ngayon."
Tumango ako. "Okay. maghihilamos lang ako at susunod na lang."
Inangat niya ang kan'yang kamay at ang thumbs up bago ako talikuran. Naglakad na siya papalayo kaya sinarado ko na ang pintuan.
Mabilis lang din akong nakapaghilamos. Nagmumog na rin ako at tiningnan ang sarili sa huling pagkakataon para naman malaman kung may dapat pa ba akong ayusin sa mukha ko. Napangiwi ako ng makita ang buhok kong parang pugad sa sobrang gulo. Kumuha ang black hair tie at tinali 'yon sa buhok ko.
Nang makitang maayos na ang sarili ay agad na rin akong dumiretso sa living area.
"Tawag mo raw ako, Atlas." 'yon agad ang unang lumabas sa aking bibig ng makalapit sa kan'ya.
Nakaupo siya ngayon sa sofa habang kumakain ng pagkain. Nakatuon ang kan'yang paningin sa isang flat-screen TV. nanood siya ng balita.
Sumenyas siya sa akin na maupo sa kabilang upuan habang nakatingin pa rin sa TV. napatingin tuloy ako sa mga pagkain na nakalagay sa center table. Sobrang dami at parang bigla akong nagutom.
"Eat."
"Kumain na ba si Ria?"
"She already finished eating."
Naka-dekuwatro ang kan'yang hita habang doon nakapatong ang puting plato na may laman na pagkain niya. Tumango na lang ako at nagsimulang kumuha ng mga pagkain at nilagay na rin sa plato ko.
Kumuha lang ako ng sa tingin ko ay mauubos bago ako bumalik sa kinauupuan ko at nagsimulang kumain na.
"May sasabihin ka sa akin, Atlas?" tanong ko sa kan'ya ng malunok ang kinakain ko. "Nabanggit kasi sa akin ni Ria na kakausapin mo raw ako."
"Yes, sorry, I forgot. Mabuti na lang at pinaalala mo sa akin." Binaba niya ang plato na wala ng laman at naglagay muna ng iced tea sa baso nito.
"I forgot to tell you that—"
"Live sa Austria Patrol Network, isang nakakagulat at nakakahindik na pangyayarinig ngayong araw. Ang isang napakalaki at kilalang real estate company sa aking syudad, na pinangalanang Zevallos Real Estate Corporation, ay natagpuang nasira at natupok ng apoy sa hindi malamang dahilan. Mangingilang bangkay ng tao na kinumpirmang mga guwardya ang nakita sa loob. Ayon sa imbestigasyon, ang vault room nitong kilalang real estate ang target ng mga magnanakaw dahil lahat ng mga nilalaman na importanteng dokyumento ay naglaho na lang ng parang bula."
Kumunot ang aking noo nang marinig ang sinabi ng babaeng reporter sa TV. parehas na kaming dalawa ni Atlas ang nanonood doon pero hindi nakatakas sa aking paningin naging reaksyon niya dahil sa balita; nakataas ang gilid ng kan'yang labi
"This is what I've been waiting for," dinig kong bulong nito.
"Maliban sa nangyaring nakawan at malaking sunog na sumira sa kumpanya ng mga kilalang Zevallos. May isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap kaninang ala syete ng umaga. Isang malakas na pagsabog ang sumiklab. Maraming mga sibilyan ang nadamay... duguan..." Humina ang boses ni babaeng reporter. "...at nabaiwan ng buhay.
Sumisikip ang dibdib ko habang pinapakinggan ang sinabi ng babae. Hindi ko namalayan na humihigpit na pala ang hawak ko sa kutsara. Wala sa sariling tiningan ko si Atlas.
Seryoso ang mukha niya habang nakatingin sa TV. Parang ang lalim ng kan'yang iniisip. Alam ko na sila rin ang may pakana ng pagsabog doon. Pero hindi ko lang din talaga maintindihan bakit kailangan mandamay pa ng ibang tao? Hindi ko rin naman matanong dahil sa takot na baka sa sobrang dami kong tanong ay baka barilin na lang ako bigla ni Atlas.
"Kasama sa mga ibang biktimang sibilyan ang isang babaeng dalaga na walang buhay malapit sa nasirang gusali..." Lumipat sa ibang puwesto ang babae. Napunta 'yon sa gilid dahil may isang picture ng babae ang lumipat sa katabi nito; ito yung isa sa mga namatay sa nangyaring pagsabog sa building.
Napaawang ang aking labi ng makita kung sino ang babaeng 'yon. Para akong nabingi. Pakiramdam ko para akong nilulunod. Para akong nasa ilalim ng tubig. Ang taong nandoon ay malumanay ang mga mata. May maliit na ngiti sa labi. Higit sa lahat.
May mahaba, makapal, at kulot na buhok.
"...na nagngangalang Sarah Dayanghirang, nakatira sa baryo ng Vallosian na nakalagay sa kan'yang ID na natagpuan namin sa loob ng bag na dala niya." Seryoso at malungkot ang kan'yang mga mata habang nakatingin sa kamera. "Isang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Ms. Dayanghirang... at gano'n din sa mga inosenteng taong nadamay."
Napagtanto ko na bumibilis na pala ang aking paghinga. Para akong sinasakal. Hinihingal ako at pilit na hinahabol ang sariling hininga. Parang nagsitaasan ang balahibo ko sa buong katawan.
Kinikilabutan ako sa nangyari ngayon. Hindi ko alam na may ganitong plano si Atlas para sa akin.
Paanong nandoon ako? Paanong nasama ako sa pagsabog doon sa building na 'yon?
SHANGPU
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top