Chapter 9
NIYAYA ako nina Tito Ryan at Tita Lileth na sa kanila na maghapunan. Kapansin-pansin ang tahimik na hapag-kainan habang kumakain kami ng niluto ng mama ni Laila-malinamnam na kalderetang baka at mainit na sinigang na baboy. Paminsan-minsan, sinusulyapan namin si Laila na abala lang sa pagnguya, pero halata sa aming may mga gusto
kaming sabihin, pero pinipili na lamang na mag-usap gamit ang mga mata.
"Bakit panay ang tingin ninyo sa akin? May problema ba?" bigkas ni Laila nang matapos na siyang kumain at ngayo'y umiinom na ng tubig habang pinagpapalitan ang tingin sa amin.
"Ahh... w-wala naman, anak," sagot ni Tita Lileth. "Tapos ka na bang kumain? Kumain ka pa."
"Okay na po ako. Ikaw, Jaydel? Bakit parang 'di ka kumakain? Ayaw mo ba ng niluto ni mama?"
"Ha? Ahhh... h-hindi, ah! Masarap nga, eh! Tita Lileth, ang sarap po ng luto ninyo. Maraming salamat po at in-invite ninyo po akong kumain dito ng dinner," bigkas ko tsaka uminom ng malamig na tubig.
"Ano ka ba? Hindi mo naman kailangang maging pormal. Dito ka naman talaga dumadayo ng kain dati pa. Kumain ka lang d'yan," natatawang hirit ni Tita Lileth na para bang tinutulungan akong mawala ang awkwardness sa pagitan naming apat.
"Maiba ako. Jaydel, ayos lang ba sa 'yo ang ni-request ng anak ko? Wala ka bang ibang nagugustuhan? Baka may iba kang gustong ligawan," wika ni Tita Lileth.
"W-wala po, Tita Lileth."
"Sigurado ka?" Dumako ang tingin ko kay Tito Ryan nang tanungin niya ako. Nakatitig pala siya sa akin kanina pa. At mukhang mahirap na ngang paniwalaan ang isang tulad ko. Baka iniisip nila na kalokohan lang ang pagpapaalam ko sa kanilang liligawan ko ang anak nila dahil sa nangyari. Baka akalain nilang laro-laro lang din 'to sa 'kin. "Baka mamaya, masaktan lang din si Laila sa 'yo."
"Dad, maayos naman po ang pag-uusap namin ni Jaydel. I swear, hindi niya ko kayang saktan," sabat ni Laila. "Kahit na anong sabihin ko, umo-oo lang 'yan, eh. Kung spoiled ako sa 'yo, Dad, lalo na po sa kaniya!"
That's true. Hindi ko kayang tiisin si Laila. Kahit na ang hindi ko pagpayag sa unang alok niya, hindi ko natagalan. Sa huli, nakumbinsi niya pa rin ako.
"Kung gano'n, ayos lang talaga sa 'yo na maging boyfriend ka ng anak ko?" saad pa ni Tita Lileth.
Tumango ako. "Opo."
"See? Okay naman po kay Jaydel, Ma, Dad. Aalagaan niya naman po ako. Alam kong nasa mabuti akong kamay, kaya siya ang napili ko."
Bumuntong-hininga si Tita Lileth tsaka sumulyap kay Tito Ryan. "Tingin mo ba, Pa, ayos lang 'to? Paano kung si Jaydel naman ang masaktan?"
"Ayos lang po ako. Huwag ninyo po akong alalahanin." Bumaling ang tingin nila sa 'kin. "I'll do everything for Laila."
"See, Ma? Wala naman pong problema kay Jaydel, tsaka mamahalin ko rin naman po siya, eh? Bakit naman siya masasaktan? Aalagaan ko rin siya."
Hindi ko magawang matuwa sa mga sinasabi ni Laila. Alam kong minsan ko nang pinangarap 'to. Minsan ko nang ginusto na marinig mula sa kaniya ang mga salitang 'yon, pero ang hirap lunukin ng isang bagay na hindi naman totoo.
"Alam naman namin 'yon, anak. Ang inaalala lang namin ay kung paano kayo nagsimula. Ayaw naming may masaktan sa inyong dalawa. Kahit si Jaydel, parang anak na rin ang turing namin sa kaniya dahil palagi kayong magkasama simula bata pa lang kayo. At ang sinasabi ninyong basta na lang kayo naging mag-boyfriend-girlfriend for the sake of your condition, nangangamba lang kami ng papa mo na hindi mauwi sa mabuti ang lahat," paliwanag ni Tita Lileth.
"Hanggang kailan ninyo balak maglaro nang ganito?" singit naman muli ni Tito Ryan na tumigil na sa pagkain. Magkaugnay na ang dalawa niyang kamay at seryosong nakatingin sa akin. Halata talaga sa kaniya na hindi niya nagugustuhan ang nangyayari.
"Paano kung makahanap ka ng mamahalin, Jaydel? Maiiwan mo ang anak namin. Baka madurog ang puso niya. Hindi niya na kakayanin, 'yon ang sabi ng doctor."
Matapang kong hinawakan ang kamay ni Laila sa harapan nila. Kahit ako ay nagulat sa sarili ko nang gawin ko 'yon.
"Gagawin ko po ang lahat para hindi humantong sa gano'n, Tito Ryan. Hinding-hindi ko po iiwan ang anak ninyo."
***
NAGPATULOY PA ang pag-uusap namin sa hapagkainan, habang si Laila naman ay naroon sa may sala at nanonood ng paborito niyang fashion series. At tila ba nabunutan na ng tinik sa dibdib ang mag-asawa dahil sa sinabi ko kanina. Nakakangiti na sila. Ako naman ay nag-iisip kung paano ko ba patutunayan sa kanila ang nararamdaman ko para sa anak nila, kung si Laila nga, hindi naniniwala sa akin.
"Nga pala, Jaydel, ano palang plano mo after graduation? Saan ka magka-college?" tanong ni Tita Lileth habang naghihimay ng ubas para ilagay sa dalawang magkaibang bowl-ang isa para kay Laila, at ang isa ay para sa akin.
"Sa Eastgate po," pagtukoy ko sa polytechnic state university sa bayan.
"Ah, talaga? Anong course ang kukunin mo?"
"Engineering po sana."
"Bakit sana?" ani Tito Ryan.
"Kapag nakakuha po ng scholarship, posibleng 'yon po ang kunin ko."
"Nakapag-apply ka na ba? Matalino ka namang bata, kaya I'm sure matatanggap ka," saad naman ni Tita Lileth at ibinigay sa akin ang isang bowl na punong-puno ng ubas. Ibinigay naman niya ang isa kay Tito Ryan na siyang nag-abot kay Laila.
"Yun nga po ang problema. Yung kapatid ko po kasing babae ay scholar ni Gov, kaya hindi ko sigurado kung pwedeng dalawa sa pamilya ang mayroon. Ang balita kasi isa lang daw po ang pwede. Graduating na po si Ate, kaya iniisip ko kung hihinto ba muna ako ng isang taon."
"Bakit naman? Sayang naman ang panahon kung hihinto ka. Tsaka, may iba pa namang scholarship d'yan. Di ba, Pa?"
"Bakit hindi mo na lang samahan si Laila? Kahit ako pa ang magpaaral sa 'yo, payag ako."
Kita ko sa mga mata ni Tito Ryan ang kadesperaduhan. Tama nga naman, kapag nagkolehiyo na kami ni Laila, magkakalayo kami ng landas dahil magkaiba kami ng gustong program na kuhanin. Kung ako, engineering, siya naman ay sa fashion designing.
"Pa, anong ibig mong sabihin?" bigkas ni Tita Lileth nang may pag-aalala habang nakahawak sa kamay ng asawa. "Magkaiba sila ng gusto. Paanong sasamahan niya ang anak natin? Ang layo naman ng engineering sa fashion design. Tsaka, hindi sa Eastgate mag-aaral ang anak natin 'di ba? Gusto niya sa Paris."
Napanganga ako. Oo nga pala, nabanggit na sa akin ni Laila ang pangarap niya noon, bago siya magkaroon ng sakit. Gusto niyang mag-aral sa ibang bansa at kayang-kaya 'yon ng pamilya niya. Dahil solo siyang anak, hindi malabong maibigay ng mga magulang niya ang kahit na anong kahilingan niya. Kaya siyang tustusan ng mga ito sa pag-aaral niya sa Paris.
"Iyon ang mao-offer kong tulong sa 'yo, Jaydel. Kaya kitang pag-aralin kahit sa ibang bansa pa, basta ang kapalit, sasamahan mo ang anak ko. Ikaw naman ang nagsabi, hindi ba? Hinding-hindi mo siya iiwan?"
Nang mga oras na 'yon, para akong binigyan ng Diyos ng pagkakataon at bagong pag-asa. Tama, heto na, mapapatunayan ko na sa kanila kung gaano ko kamahal si Laila. At kahit pa kapalit no'n ay ang pangarap ko, handa kong gawin ang lahat para sa kaniya.
Hinding-hindi ko iiwan siLaila. Kung nasaan siya, nando'n din ako. Hindi ako papayag na magkahiwalaykami kahit anong mangyari.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top