Chapter 10
"Oh, Laila, uuwi na raw ang boyfriend mo. Ihatid mo na sa gate," utos ni Tita Lileth sa anak niya.
AKO NAMAN ay napalingon kay Laila na ngayo'y tumatayo na para sundin ang bilin ng kaniyang ina. Naubos niya na rin ang ubas na ibinigay sa kaniya ni Tita Lileth. Bago siya umalis ay pinatay niya ang T.V.
"Jaydel, pag-isipan mo ang sinabi ko sa 'yo, ha?" wika naman ni Tito Ryan na seryoso pa ring nakatingin sa akin.
"O-opo."
"Pa, huwag mo naman masyadong i-pressure si Jaydel. Hindi natin siya pwedeng kontrolin o manipulahin. May sarili siyang desisyon. Malaking bagay na tinutulungan niya na ang anak natin."
Nilapitan ako ni Tita Lileth at hinawakan ang kamay ko. "Jaydel, sundin mo ang puso mo. Huwag mo kaming isipin o kaya si Laila. Magiging maayos din ang lahat. Magiging okay din siya. Kami, kami dapat ang nag-aalaga nang maayos kay Laila. Hindi namin dapat ipasa sa 'yo ang responsibilidad sa kaniya."
Tumango na lamang ako at tuluyan nang nagpaalam sa kanila. Kasunod ko naman si Laila na hinarap kong muli nang makalabas na ako sa gate nila.
"Anong pinag-uusapan ninyo nila mama? Bakit ang seseryoso ng mga mukha ninyo?" tanong ni Laila.
"Wala... sige na, uuwi na ako. Anong oras na rin. Baka hinahanap na ako sa amin."
"Sabagay, inabot ka na rin ng 11 p.m. Ikumusta mo na lang ako kay mama mo, ha? Sabihin mo, okay na ako."
Kumaway na ako sa kaniya paalis. Siya naman ay sinara na ang gate nila. Sinundan ko lang siya ng tingin hanggang sa kwarto niya. Nabuhay ang ilaw doon kaya natanaw ko siya.
Ilang segundo ko pa siyang pinagmasdan habang malalim na iniisip ang mga sinabi nila Tito Ryan. Kung ako lang naman, kaya kong isuko ang pangarap ko para sa kaniya. Siya pa ba? Palagi siyang nasa unahan ng priority list ko. Pakiramdam ko, mawawalan din naman ng saysay itong lahat kung hindi ko siya kasama. Kaya nga nagsisipag din ako sa pag-aaral para pagdating ng araw, maging kapantay ko man lang siya ng estado sa buhay at mapagtiwalaan ako ni Tito Ryan na kaya kong buhayin ang anak niya.
Napangiti ako at akmang aalis na nang maaninagan kong naghuhubad ng damit si Laila. Agad akong napatalikod at napahawak sa bibig ko, para takpan ang ilong kong mukhang magdurugo.
Hindi... Wala akong nakita. Muntik lang. Tama, Jaydel, muntik lang. Masyado lang malikot ang imahinasyon mo. Baka nga guni-guni mo lang 'yon. Umuwi ka na.
Sa paglalakad ko pauwi, hindi ko mapigilang maalala kung paano kami naging magkaibigan ni Laila. Mukha akong tangang nakangiti hanggang sa makarating sa bahay.
"Hello? May tao ba d'yan? Natatae na 'yong tao, oh! Baka naman gusto mong bilisan!" sigaw ko habang kumakatok sa pinto ng banyo.
"H-hindi ako makalabas!"
Napakunot ang noo ko. Inilapit ko ang tainga ko sa pinto at narinig ko ang mahinang pag-iyak. Sandali, babae ba siya?
"H-hoy, anong ginagawa mo d'yan? Bakit ka narito sa c.r. ng boys? Hindi pwede 'yan! Lumabas ka na!"
"H-hindi nga ako makaalis sabi! Bakit ba ang kulit mo? Ikaw ang umalis d'yan!" singhal niya.
"Aba't! Bakit ako? Lalabas na nga sabi 'yong tae ko!" giit ko pa habang patuloy na kinakatok nang sunod-sunod ang pinto.
"Doon ka na lang mag-poop sa iba! Huwag dito! Yuck!"
"Hah! Ikaw pa ang may ganang mandiri d'yan? Eh, ikaw nga 'tong nasa c.r. ng mga lalaki! Siguro naninilip ka, ano?"
"Bakit naman ako maninilip? Hindi ako manyak, okay? Pwede ba, umalis ka na lang?!"
Tumahimik ako, hinid dahil para pagbigyan siya kung hindi dahil may natutunugan ako. "Wait, parang pamilyar ang boses mo. Kaklase ba kita?"
"H-hindi 'no? Sino ka ba? Do'n ka nga sabi! Paano ako makakalabas kung nand'yan ka?"
Napapalatak ako ng tawa tsaka ipinatong ang braso sa pinto, bago nagsalita. "Sorry, miss, kung sino ka man. Hindi ako aalis dito dahil gusto kong makita ang mukha ng pangahas na pumasok dito. Ire-report kita sa teacher namin! Por que may swimming class kami, dadayo ka rito? Hah! Mga girls nga naman. Kunwari pang mahinhin, pero may crush din pala sa amin!"
"Anong sabi mo?! Ang kapal naman ng face mo para pagbantaan ako! 'Di ako natatakot sa 'yo kasi wala akong crush! Ah, meron pala, pero basta hindi ikaw 'yon! Tsaka, bakit ba hindi ka na lang mag-c.r. sa iba? Marami pa namang cubicle d'yan?"
"Eh, paano ako magsi-cr, madumi rin? Kaya buksan mo na ang pinto, taeng-tae na 'ko, oh."
"Walang flush dito!" sigaw pa niya.
"Anong wala? Ahhh... kaya siguro 'di ka makaalis, ano? Tumae ka rin d'yan? Ano? Wala kang panghugas? Yuck!"
"Hindi, 'no?! Tumahimik ka nga d'yan! Bakit mo ba 'ko inaaway?"
"Kawawa ka naman. Paano na lang kapag nalaman ng crush mo na tumae ka, tapos 'di mo binuhusan? Yuck. Matu-turn off 'yon sa 'yo," pang-aasar ko pa.
"Huwag mo nga akong asarin! Hindi naman ako tumae, eh! Mas malala pa do'n ang nangyari! Tigilan mo na ako, please! Naiiyak na ako! Hindi ko alam ang gagawin ko! Wala pa akong pamalit na damit kasi nakalimutan kong magdala ng extra!"
Natigilan naman ako nang lumakas ang iyak niya. Rinig sa buong banyo ang paghagulgol niya. At napapakamot na lang ako sa batok dahil hindi ko alam kung anong gagawin. Sinilip ko siya sa may maliit na puwang dahil sa pag-aalala, pero mali pala ang ginawa ko. Anak ng tipaklong.
Napahawak ako sa bibig ko. Nakita ko na lang sa repleksyon sa salamin ang pagdurugo ng ilong ko. Sinubukan kong kumalma at kasabay no'n ay pag-atras din ng dumi ko. Naknampucha.
Nagulat ako nang gumalaw ang doorknob, kaya agad ko 'yong pinigilan.
"S-sandali, nandito pa 'ko," wika ko habang napapalunok.
"A-ano? B-bakit hindi ka pa umaalis? Balak mo ba talagang makita ang kahihiyan ko at ipagsabi sa ibang tao?"
"H-hindi... a-ano kasi... a-ano bang nangyari?"
"Bakit ko naman sasabihin sa 'yo? Umalis ka na nga lang! Gagawa na lang ako ng paraan!"
"Laila..." pagbanggit ko sa pangalan niya. Narinig ko naman siyang suminghap. Tama, siya nga. Kilala ko siya dahil kaklase ko siya simula grade one hanggang ngayong grade four. At kahit hindi siya nananalo bilang muse sa klase, siya ang pinakamaganda sa paningin ko. At nagsisisi ako dahil inasar-asar ko siya kanina. Baka siya pa ang ma-turn off sa akin dahil sa mga pinaggagawa at pinagsasasabi ko sa kaniya.
"S-sino ka? Paano mo nalaman ang pangalan ko?"
"Si Jaydel 'to. Kaklase mo 'ko."
"J-jaydel?" hindi makapaniwalang tanong niya. "Naku, bakit naman sa lahat ng makakakita sa akin, ikaw pa? Ackkk! Kainis naman! Nakakahiya!"
"A-ano ba kasing nangyari? T-tutulungan kita," sambit ko para subukan siyang pakalmahin.
"Ayoko nga! Bakit naman ako hihingi sa 'yo ng tulong? Ayokong makita mo pati ako!"
"Dali na, baka mamaya may pumunta pa ritong ibang lalaki. Lalo tayong malalagot. Pangako, hindi kita aasarin at mananatili itong lihim sa pagitan natin..."
Sandaling katahimikan naman ang namagitan sa aming dalawa.
"Totoo ba 'yang sinasabi mo? Tutulungan mo ako?"
"Oo, promise. Sabihin mo sa akin kung anong kailangan mo... Extrang damit ba?"
"Oo sana. Meron ka pa ba?"
"Titingnan ko sa locker. Wait. Hintayin mo ako rito."
"Tsaka pala ano... Jaydel... P-pwede mo ba akong bilhan ng napkin? Kasi ano, eh... tingin ko... dinatnan na ako."
"Huh? Anong sabi mo? Anong dinatnan?"
"M-may dugo sa underwear ko... Jaydel..."
"Huh? Dugo? M-may sakit ka ba? Hindi ba cancer 'yan?"
Narinig ko naman siyang tumawa. "Baliw! Nasabi na sa akin 'to ni mama dati na nasa lahi daw namin na maagang dinadatnan ng menstruation. Kung okay lang sana sa 'yo, pwede mo rin ba akong bilhan ng napkin with wings?"
"W-wings?"
"O-oo. Okay lang ba?"
"W-walang problema. Titingnan ko sa canteen kung meron pa. Sandali, tatakbuhin ko."
"Teka, Jaydel! Anong canteen?"
Hindi ko na narinig pa ang sinabi niya dahil nagmadali na ako sa pagpunta sa canteen. Mabuti na lang at hindi naman gano'n karami ang nakapila dahil uwian na rin. Magsasara na nga yata sila.
"Anong sa 'yo, hijo?" tanong ng tindera.
"Napkin po. Tsaka 'yon po. Isang order," pagturo ko sa chicken wings na pinapaubos na rin nila. "Magkano po lahat?"
"Napkin, siyete. Itong chicken wings, otsenta y nueve ang apat na piraso."
Nahilo pa ako sa sinabi niya.
"Ahh... 'di ko po masyadong naintindihan, pero padagdag na lang po. Baka bitin po kasi sa kaniya 'yan. Gawin ninyo na pong sampung piraso 'yong chicken wings. Tsaka napaiyak ko siya. Baka sakaling mapatawad niya ako sa pang-aasar ko sa kaniya kapag binilhan ko siya ng pagkain."
Natawa naman ang tindera sa akin. "Para sa girlfriend mo ba ito?"
Agad namang namula ang pisngi ko. "P-po? H-hindi po, ah! B-bata pa po ako para magka-girlfriend! M-magkaklase lang po kami!"
"Asus! Bibilhan ng napkin tapos pagkain, magkaklase lang? D'yan nagsisimula 'yan, hijo. Ayieee, binata na siya."
Alanganin akong napakamot sa ulo lalo na nang kantyawan pa ako ng ibang mga tindera. Napapayuko na lang ako para itago ang mukha ko sa kanila. Mabuti na lang dahil ibinigay na sa akin ng tindera ang binibili ko. Nag-abot na rin ako ng bayad tsaka ako tumakbo papunta sa locker room para kumuha ng damit. Nakita ko namang naroon ang p.e. uniform ko, kaya 'yon na lang ang dinala ko.
"Laila? Nand'yan ka pa?" pagtawag ko sa kaniya nang makabalik ako sa c.r.
"J-jaydel? O-oo, nandito pa ako." Bumukas ang doorknob ng cubicle niya, at lumabas roon ang kamay niya.
"Oh, sige, heto, kunin mo. May dala akong-"
Naputol ang salita ko nang may grupo ng mga lalaking nagsipasukan sa banyo. At huli na nang ma-realize ko ang ginawa ko. Pumasok ako sa cubicle at kitang-kita ko si Laila na nanlalaki ang mga mata dahil sa ginawa ko. Napakagat din ako sa labi dahil sa nasaksihan ko. Papaiyak na siya nang takpan ko ang bibig niya.
Mabuti na lang at naghinaw lang ng kamay ang mga lalaki, at umalis na rin. Mabuti na lang din at may chicken wings akong dala kahit na napkin na may wings lang pala ang kailangan niya. Dahil napatawad niya ako sa nagawa ko at nalaman ko rin kung saan siya nakatira. Muntik nang maubos ang buhok ko sa sabunot niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top