Chapter 23

KASALUKUYAN akong nag-aayos ng sasakyan namin paalis. Dahil alas kwatro na ng hapon, plano naming dalawa ni Laila na bumaba na ng bundok at mamasyal sa dagat katulad ng gusto niya. Ikinarga ko na rin ang folding chair at ilang mga cooler sa kotse. 'Yong tent kasi ay hindi ko pa maasikaso dahil natutulog pa ro'n si Laila.

Namula ang pisngi ko nang maalala ko ang nangyari sa aming dalawa. Hindi ko mapigilang mapangiti at mapahawak sa batok.

"Hoy, Jaydel! Bakit nakahubad ka pa d'yan?! Ipinaparanya mo pa ba 'yang malapad mong likod sa akin?!" sigaw ni Laila na nagpalingon sa akin.

Nando'n siya sa loob ng tent at nakatapis sa katawan niya ang jacket ko. Agad akong tumalikod para hindi siya makita.

"I-ikaw din naman, ah? M-magdamit ka na. Aalis na tayo," nauutal kong sambit habang pinipigilang sinukin. Pakiramdam ko, may tutulo na namang dugo mula sa ilong ko, katulad ng nangyari kanina habang nasa ibabaw ako.

"Ganiyan mo ako kakausapin pagkatapos ng lahat?!" panunumbat niya.

Hinampas niya ako at halos lumabas ang puso ko sa dibdib nang makita siyang nasa gilid ko na. Mabuti na lang at may damit na siya dahil baka hindi ko na naman mapigilan ang sarili ko. Nakakaakit pa naman siya kung tumingin... Parang nagsusumamo ang mga mata niya sa akin.

"S-sorry... pasok ka na sa kotse. Ako nang bahala sa tent. M-magpahinga ka pa. Alam kong napagod k-kita este ano... b-basta."

Umiwas din siya ng tingin at sa tuwing magkakasulyapan kaming muli, pareho kaming napapangiti at napapakamot sa ulo. Namumula rin ang buo niyang mukha. Lalo siyang gumaganda. I want to kiss those red soft lips again!

"S-sige, h-hintayin na lang kita," tugon niya.

Ilang sandali pa nang makabalik ako dala ang tent at iba pang gamit. Tahimik kaming dalawa ni Laila habang bumibiyahe pababa ng bundok.

Nang makatulog si Laila sa tabi ko, agad akong may dinaanan na shop. Sinigurado kong hindi malalaman ni Laila ang binabalak ko, kahit na nasambit ko na sa kaniya na gusto ko siyang pakasalan.

Gusto ko siyang bigyan ng singsing pansamantala at balang-araw naman ay ang gawa ko na. Gusto ko ring marinig mula sa kaniya mismo ang nalaman ko kay Maximo noon-na mahal niya ako talaga.

"Maximo? Anong ginagawa mo rito?" tanong ko nang makita ko sa tapat ng panaderya ang isang pamilyar na lalaki-ang huling ex-boyfriend ni Laila.

"Pwede ba tayong mag-usap?"

"Ahh... ano kasi... may trabaho pa ako. Sa ibang araw na lang," tugon ko habang napapakamot sa batok dahil gusto ko siyang iwasan. Wala ako sa wisyo para makipagdiskusyon. Naaalala ko kung paanong nawarak ang puso ni Laila dahil sa kaniya.

"Hihintayin kita. Tungkol 'to kay Laila."

Pagkabanggit pa lang ng pangalan ni Laila, mabilis pa sa alas kwatro ang pagtanggal ko ng apron. Hindi na ako nakapagpaalam kay Aling Iska.

"Anong pag-uusapan natin tungkol kay Laila? Ayos na ba ang pakiramdam niya? Gumaling na ba siya?" sunod-sunod kong tanong. Ilang araw na rin kasing hindi ako makabisita sa hospital magmula nang pagbawalan ako ni Tito Ryan.

"Hindi pa, kaya nga ako naparito para humingi ng tulong sa 'yo. Alam mo namang mahal na mahal ko si Laila."

Napangisi ako sa sinabi niya. "Mahal? Pero niloko mo? Ulol! Huwag nga ako! Kung hindi ka lang mahal ni Laila, matagal ko na siyang inilayo sa 'yo!" Hindi ko na napigilang sumigaw at manumbat. Kung wala lang akong kailangang masahing tinapay, sinuntok ko na ang mukha niya.

"Hindi ako mahal ni Laila."

"Mabuti naman kung gano'n. Natuto na siya."

Umiling siya. "Simula pa lang, hindi niya na ako mahal, Jaydel. She loves someone else and I think... ikaw 'yon."

"Aba'y dapat lang-a-anong sabi mo?!" Para akong naihi sa salawal nang marinig ang sinabi niya. Halos makain ko ang sarili kong dila.

"Laila loves you. Pansin ko naman matagal na. I confronted her, pero lagi niya lang tinatanggi. Akala niya siguro katatanggi niya, mawawala. She's afraid to tell you kasi akala niya hindi mo 'yon kayang suklian, kaya patuloy siya sa pagbaling ng atensyon sa ibang lalaki. That's what she did to me, at nang malaman ko 'yon, syempre nagalit ako. She used me, eh! Para makalimutan niya ang nararamdaman niya para sa 'yo, kasi magkaibigan kayo, she tried to be in a relationship with someone else. Ganoon kalala ang pagtingin niya sa 'yo, Jaydel. That it broke her apart because she can't have the one she truly loves."

Nagngalit ang mga ngipin ko. Nanunubig ang mga mata ko nang sigawan ko siya.

"A-anong kalokohan 'yang sinasabi mo, Maximo? You're making a story! Bakit? May pinaplano ka bang masama? May sakit 'yong isa! Mabuti pa imbes na kung ano-anong sabihin mo sa 'kin, umalis ka na at puntahan mo siya! Sigurado akong kailangan ka ni Laila!"

"Ikaw ang kailangan niya, Jaydel! Tell me I'm lying kung sabihin kong noon pa, napapansin ko na ring matagal mo na siyang mahal? Bakit ba hindi ka magpakalalaki at aminin sa kaniya ang totoo mong nararamdaman? Ikaw lang ang makakatulong sa kaniya! You can make her genuinely happy! Ano bang pumipigil sa 'yo?!"

Kulang na lang suntukin niya ako. Hawak niya na nang mahigpit ang magkabilang kwelyo ko para ipamukha sa akin ang katotohanan...

'Yon pala ang nakakatakot... I once thought I was afraid to know the truth because I was afraid of being rejected, pero mas nakakatakot palang malaman kapag pareho kayo ng nararamdaman.

"H-hindi niya ako mahal..." pagtanggi ko. "Napakaimposible... sino lang ba ako?"

"Then why would she ask to meet us-her ex-boyfriends-just to apologize for everything? It pains me to hear her say sorry... Pakiramdam ko, nagpapaalam na siya. Tingin mo ba kalokohan lang ang sakit niya, kaya hindi ka kumikilos? You should be beside her! Bakit ba wala kang tapang sa katawan? Mamamatay na 'yong tao, pero pangarap mo pa rin ang inuuna mo!"

Hindi niya ako pisikal na sinuntok, pero napatumba ako ng mga salitang 'yon. Hindi ko siya lubusang kilala, pero para bang kilalang-kilala niya ako.

Hindi ko gustong isipin, pero totoo bang mahal ako ni Laila? Totoo ba talaga?

"Saan ka galing, Jaydel?" tanong ni Laila nang madatnan akong nagbubukas ng pinto ng kotse. Kababalik ko lang kasi galing sa isang shop.

"Ha? W-wala... D'yan lang. May binili lang," wika ko, saka maingat na itinago sa bulsa ko ang binili ko.

"Sus! Iniwan mo ako ritong mag-isa? Hay nako, Jaydel, kahit kailan talaga mang-iiwan ka!" asik niya nang tuluyan na akong makaupo sa tabi niya.

"Bakit ba napakasama ng tingin mo sa akin? Kailan ba kita iniwan? Tingin mo ba no'ng mga panahong magkalayo tayo, hindi ko sinasambit ang pangalan mo sa mga panalangin ko?"

Hindi na siya nakapagsalita. Ibinaling niya na lang ang atensyon niya sa bintana. Muli na namang namagitna sa amin ang malaking katahimikan. Naka-focus lang ako sa daan at paminsang sinusulyapan siya sa side mirror nang makita ko siyang nakatingin sa repleksyon ko.

"Ang galing mo, natutunan mo na agad mag-drive," pagputol niya sa katahimikan naming dalawa.

"Pinag-aralan ko para sa 'yo."

Muli na naman siyang natahimik, pero halatang gusto niya pa ring makipag-usap sa akin kaya ilang sandali, nagtanong ulit siya. "Ano pang nangyari sa 'yo no'ng hindi tayo nagkikita?"

"Wala, minamahal lang kita."

"Seryoso kasi, Jaydel!" inis niyang sambit.

"Seryoso naman ako, ah? Bakit ba? Hindi ka na naman ba naniniwala?"

"Ano... hindi lang ako sanay na matapang ka na. Ginagawa mo lang ba 'yan dahil gusto ko?" wika niya habang kinakamot ang braso.

Sinulyapan ko naman siya saglit tsaka iminaneobra ang sasakyan nang matanaw ko na ang dalampasigan. Hinawakan ko ang kamay niya at pinigilan ang pagkamot niya sa kaniyang braso, tsaka marahang hinaplos 'yon.

"I'm doing this for you. Bakit ba ganiyan ang connotation mo sa lahat ng ginagawa ko? Ano naman kung para sa 'yo? Ano naman kung ginagawa ko dahil gusto mo? Gusto kita, mahal kita. Ginagawa ko ang gusto mo dahil gusto ko. Pwede bang huwag ka nang mag-alinlangan sa akin? I've said it before, everything that you expect me to do, I almost do it, Laila. Gustong-gusto kitang agawin sa lahat ng lalaking 'yon. At lahat ng taling pumigil sa akin noon, pinutol ko na. Magiging matapang na ako para ipaglaban ka. I swear on this earth that has always kept us apart..."

Inilagay ko ang ilang hibla ng kaniyang buhok sa ilalim ng tainga niya at saka hinaplos ang maganda niyang mukha.

"Laila, kung magiging langit ka, magiging dagat ako. Gusto ko lagi tayong magkasama... I want to carry your light so the world can witness your beauty upon my waves. At kung gaano kalawak ang langit, ganoon kalalim ang pagmamahal ng karagatan para sa 'yo."

Hindi na siya nakapagsalitang muli. Inakay ko na lang siya sa palabas papunta sa dalampasigan. Katulad ng gusto niya, naghanap din kami ng spot para makapamiwas.

"Don't tell me, binili mo 'to kanina habang tulog ako?" tanong ni Laila habang tinutukoy ang fishing rod.

"Bakit? Sabi mo, 'di ba? Gusto mong mangisda. Oh, ayan. Habang hinihintay nating lumubog ang araw, para hindi ka naman mainip."

Iniabot ko sa kaniya ang fishing rod, pati na rin ang maliit na cooler kung saan naroon ang bait naming mga bulate. Napangiti naman ako nang makita ko pa rin sa kamay niya ang singsing na santan na ibinigay ko kanina.

"Bakit ka na naman nakangiti d'yan? Nakakahalata na 'ko sa 'yo! Siguro inaalala mo 'yong nangyari kanina, 'no?" mataray niyang tanong na nginitian ko lang.

"Mahal lang kita."

"Tsk. Ano ba, Jaydel? Dati, ayaw na ayaw mong sabihin sa akin, ngayon paulit-ulit ka!"

"Bakit? Ayaw mo ba? Ikaw lang, eh, ayaw mo pang sabihin sa akin, mahal mo rin naman ako."

"Kailangan pa bang sabihin 'yon?" Inirapan niya ako kaya napapalatak ako ng tawa.

"See? Ganiyan na ganiyan din ang sinabi ko sa 'yo noon. Bakit parang nagkakapalit na tayong dalawa ng ugali? Anong hiwaga ang mayroon sa araw na 'to?" tanong ko tsaka nilagyan ng pain ang pamingwit niya. Nilagyan ko rin ang akin bago ko initsa ang fishing rod para manghuli ng isda.

"Hindi ko alam..." pagkikibit-balikat niya. Sumandal naman ako sa upuan tsaka tinanaw ang karagatan pati na ang kalangitang nag-uumapaw sa ganda. Sobrang tahimik. Sana pala dinala ko rin ang radyo sa spot na 'to para may music kami, pero okay lang. Nakakatulong 'yong nakakabinging katahimikan para magsalita kaming pareho at magkuwentuhan.

"Ngayon alam mo na kung anong nararamdaman ko noon. Napakahirap kayang umamin at sabihin sa 'yong mahal kita, tapos hindi mo rin paniniwalaan. At higit pa ro'n, inalok mo pa akong maging boyfriend mo dahil gusto mo lang ng good breakup? Paano ba 'yan? Ayokong mag-break tayo?"

Sinulyapan niya naman ako. Seryoso ang mga tingin niyang iyon.

"Totoo ba 'yong sinabi mo kanina, Jaydel?"


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top