Chapter 16
MABILIS na lumipas ang araw at tapos na ang sembreak. Pasukan na muli. Kaunting buwan na lang at ga-graduate na kami ng Grade 12. Totoo nga ang sabi nila-na kapag busy ka, hindi mo na mamamalayan ang oras.
Sinikap kong mag-aral nang mabuti para maganda ang grades ko bago makapagtapos.
Makatutulong 'yon para tumaas ang credentials ko kapag kukuha na ako ng scholarship. Nagkausap kami ni Ate Jaymie at hindi na raw siya magpapasa ng requirements sa scholarship next academic year para ako na lang ang matanggap. Hindi ko rin talaga maintindihan kung bakit kailangang isa lang sa pamilya ang pwede sa scholarship. Bakit sila sa gobyerno, magkakapamilya namang nakaupo?
Binuksan ko na lamang ang libro ko para mag-advance reading. Naghihintay pa kasi kami sa susunod na teacher, at mukhang male-late na naman siya dahil overbreak.
"Oh, kainin mo 'to."
Napatingin ako sa belgian waffle na nasa harap ko. Nang tumunghay ako, nakita ko si Mikaela na inaabot ang pagkaing 'yon sa akin.
"Huh? Para saan?" tanong ko naman.
"Hindi kasi masarap. Iyo na lang. Mukhang hindi ka pa rin naman kumakain," litanya niya.
"Sigurado ka?" Tinanggap ko ang belgian waffle na nang-aakit ang amoy. Sakto, kumukulo na ang tiyan ko dahil tama siya, hindi ako lumabas at pumunta sa canteen para kumain. Nagtitipid kasi ako at may pinaglalaanan.
"Oo nga! Dami namang ebas! D'yan ka na nga!"
Natawa na lang ako at binuklat ang Belgian Waffle na wala pa namang bawas. So, paano niya nalamang hindi masarap?
"Salamat!" sigaw kong wika sa kaniya. "Mabait ka naman pala, mukha lang hindi!"
"Sinong may sabi? Binigyan ka lang ng pagkain, mabait na?" sigaw niya pabalik.
"Oo! Pinapakita mo lang na masama ang ugali mo, pero ang totoo concerned ka!"
Natigilan naman siya at hindi na nakasagot pa. Tinalikuran niya na lang ako pagkatapos niya akong irapan. Kagat-kagat ko ang belgian waffle habang matiyagang nagbabasa at hindi ko namalayang tumutulo na pala ang mga luha ko.
Ang amoy nito... ngayon ko lang napagtanto... marahil dahil ngayon lang ako nakakakain nito.
Kaya pala sa tuwing gumagawa ako ng tinapay sa bakery, napapamilyaran ko rin ang amoy ng mabangong cinnamon.
At isang tao lang ang naaalala ko sa amoy na ito.
Dahil sa tuwing niyayakap ko siya, ito ang naaamoy ko sa kaniya.
Ang cinnamon...
"Happy graduation po, Kuya Jaydel!" pagbati sa akin ni Jaymart. Sinalubong din ako ni Ate Jaymie ng yakap.
"Congrats, Jaydel! Finally, graduate ka na! Good luck sa college life," maiksi, pero malaman na wika ng ate ko.
Si Nanay naman ay panay ang halik sa pisngi ko kahit na napapaligiran pa kami ng mga tao. Narito kami ngayon sa convention hall kung saan ginanap ang graduation ceremony naming mga Grade 12 students. Kaliwa't kanan ang pagbati, pati na rin ang pagpapa-picture sa isa't isa.
Sa totoo lang, napakasarap sa pakiramdam na sa wakas, natupad ko na ang isa sa mga pangarap ko-ang makapagtapos sa senior high school. Akala ko para sa isang mahirap na kagaya ko, imposible ang bagay na 'yon, pero wala palang imposible sa mga taong hindi marunong sumuko.
"So, paano? Halika na. Kain tayo sa labas," pagyaya ni Ate Jaymie na ikinamangha ko.
"Talaga, Ate Jaymie? Kakain po tayo sa labas?" tanong ni Jaymart.
"Anak, sigurado ka ba?" pag-uusisa naman ni Nanay. Umiwas lang ng tingin si Ate Jaymie at prenteng nagsalita. "May pera pa naman akong natira. Anong tingin ninyo sa akin mahirap? Minsan lang makakain si Jaydel ng masarap. Ayoko namang dumayo pa siya sa kaklase niya para makikain."
Napailing na lang ako. Kahit kailan talaga, may pasaring ang mga salitang lumalabas sa bibig niya. Na para bang laging kailangang dumepensa. Minsan, naiisip ko kung hindi rin ba naging madali sa kaniya ang lahat para maging ganito katigas.
Hindi ko napigilang yakapin siya na puno ng pagpapasalamat. "Thank you, Ate! Promise, babawi rin ako sa 'yo sa graduation mo. Bibigyan kita ng gusto mo!"
"Asus! Na para bang kaya niya na? Mag-aral ka muna nang mabuti, boyyy! Marami ka pang kakaining bigas at susunuging kilay bago mo mabigay ang gusto ko! Halika na nga! Ang daming drama!"
Sa isang banda, may naalala ako kay Ate Jaymie. Katulad siya ng isang kilala ko... si Mikaela. Akala ko nag-iisa lang sa mundo si Mikaela na may ganoong ugali, pero marami pala silang dinadaan lang sa yabang ang lahat, para itago ang totoo nilang nararamdaman. Marami silang mapagkunwari na madalas nakakalito, pero kapag nalaman mo na kung saan sila nanggagaling, matututunan mo na silang tanggapin at tiisin.
Dahil maraming tao sa convention hall, nahirapan kaming lumabas. Marami ring sasakyan sa paligid, kaya sobrang traffic. Puno rin ang mga kainan sa tabi-tabi, pero mabuti na lang at nakahanap kami ng makakainan.
"Sigurado ka bang d'yan lang ang gusto mo, Jaydel? Afford ko mag-buffet o kaya samgyup," hirit ni Ate Jaymie na ikinatawa ko.
"Hindi, Ate. Dito ko gusto. Namimiss ko rin kasi 'yong noong mga bata pa tayo kapag umuuwi si Tatay galing sa trabaho, tapos magpapaluto tayo ng pansit canton sa karinderya," paliwanag ko.
"Ah, oo, naalala ko nga 'yon," komento naman ni Nanay habang kapit ang kamay ni Jaymart. "Sayang lang at sarado na ang tindahan na 'yon. Namatay na rin kasi ang may-ari."
"May gusto nga rin po akong kinakain natin doon dati... 'yong mami. Sobrang sarap. Wala pa akong natikman na ganoong lasa sa iba. Saan kaya meron no'n?" sabat ko naman.
"Ahhh... 'yong mami... hmm... parang tanda ko nga 'yon, kaso imposible nang may matikman pa tayo no'n, sa alaala na lang," wika naman ni Ate Jaymie tsaka naglakad na papasok para kausapin ang cashier sa karinderya.
Kami naman nila nanay ay umupo na sa bakanteng table. Napalingon ako sa kaniya nang hawakan niya ang kamay ko.
"Nami-miss mo ba ang tatay mo, Jaydel?" malambing niyang tanong.
"Po?"
"Nami-miss ko rin siya... Actually, miss na miss, pero wala na tayong magagawa, eh. Kinuha na siya sa atin ng Panginoon," sambit ni Nanay.
Nanubig ang mga mata ko nang maalala ang araw na pinagpahinga na si Tatay. Iyak kami nang iyak no'n. Samantalang si Ate Jaymie ay nasa gilid lang at nakahalukipkip habang pinanonood kami. Si Jaymart naman ay bata pa no'n at walang muwang sa nangyayari.
Isa kasing jeepney driver si Tatay at dahil na rin sa katandaan kaya siya namatay. Naiwan na lang kami nila Nanay na sinisikap na makaahon. Mabuti na lang din at may natatanggap na pera si Nanay mula sa dating amo ni Tatay, kaya kahit papaano ay nakakaraos kami.
"Kaya ikaw, anak, hangga't nabubuhay pa ang taong mahalaga sa 'yo, ipakita mo na sa kaniya na mahal mo siya. Huwag mong sayangin ang panahon dahil mabilis lang ang oras. Ang mga nakakasama natin ngayon, marahil mamaya wala na sila. Kung may hindi ka pa nagagawa, gawin mo na. Huwag mo nang ipagpabukas... kung may hindi ka pa nasasabi, sabihin mo na. Mahirap kapag huli na ang lahat."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top