Chapter 15

"Oh, Jaydel? Ano pang ginagawa mo rito sa garden? Akala ko umuwi ka na?"

NILINGON KO si Mikaela na palapit sa aking naglalakad. Kalalabas niya lang ng hospital at nadatnan niya ako rito sa may garden na nagmumukmok.

"Hala ka, kapag nakita ka nila Tito Ryan dito, masisita ka," dagdag pa niya.

Napabuntong-hininga na lamang ako tsaka umupo sa isang bench. Singkit kong pinagmasdan ang langit na unti-unti nang nagbabago ng kulay. Nagiging kahel na at namumula, isang signus na malapit nang magdilim.

"Ahhh... nabanggit nga pala sa akin nila Tita Lileth na bantayan kita. Ayaw pala nilang lumapit ka sa anak nila. Kanina ko lang nalaman."

"Bakit daw?" tanong ko.

"Akala siguro nila ikaw ang may kasalanan kung bakit inatake na naman si Laila. Huwag kang mag-alala dahil pinaliwanag ko namang nakipagkita kasi si Laila sa ex niya, pero wala, eh, desidido na silang huwag kang palapitin sa anak nila. 'Di rin malinaw kung bakit."

Napayuko ako. Nakakuyom ang mga kamao ko habang nakapatong sa mga hita. "Sabagay, hindi ko rin naman kasi naaalagaan nang maayos si Laila," mahinang bigkas ko.

"Ano nang gagawin mo ngayon? Kung hindi na kayo pwedeng magkita, eh 'di break na kayo?"

"Mikaela..." matigas kong pagbanggit sa pangalan niya.

"Oh, bakit? Ayaw sa 'yo ng mga magulang niya, ah? Ipipilit mo pa? Lalo ka lang masasaktan. At isa pa, dinalaw ni Jio si Laila kanina... Nage-gets mo naman siguro kung bakit hinayaan nila Tito Ryan na magkasama ang dalawa, di ba?"

"You mean, nagkabalikan na sila?" nawawalan ng boses kong tanong.

Parang napilas ang puso ko. Bumabalik sa alaala ko ang mga panahong pinakilala sa akin ni Laila ang first boyfriend niya. Alam ko kung gaano siya kasaya noon dahil sa wakas, naging boyfriend niya ang ultimate crush niya, pero nasaksihan ko rin kung gaano siya nadurog nang maghiwalay silang dalawa. Iyon ang unang pinakamasakit na heartbreak ni Laila. Halos hindi ko siya makausap. At palagi ko siyang nakikitang nakatulala. Wala rin siyang ganang kumain.

"Hindi ko alam, pero malinaw naman na imposible nang magkita kayong dalawa ni Laila. Bantay-sarado ni Tito Ryan ang kwarto ni Laila. Kanina, narinig ko na ipina-ban ka sa mga nurses na bumisita," paliwanag pa niya.

"Mukhang wala na nga yata talaga akong magagawa..." bigkas ko.

"Well, tama ka d'yan. Kung ako sa 'yo, maghanap ka na lang ng iba o kaya mag-focus ka na lang sa pag-aaral mo. Malapit na ang sembreak natin, tapos after no'n graduation na. Marami pang nakahanda para sa 'yo..." wika niya tsaka tumayo at kinapitan ang bag niyang leather. Tinapik-tapik niya ang braso ko.

"Huwag mong masyadong iikot ang mundo mo sa isang tao. Baka hindi mo namamalayan, napag-iiwanan ka na... Magka-college pa tayo. Masyado pang maaga para isipin ang lovelife."

Iniwan niya ang mga salitang 'yon sa akin na para bang hindi siya ang Mikaela na umamin sa akin noong nakaraang araw. Kailan lang ay ipinipilit niya sa akin na siya na lang ang piliin ko. At kanina lang nang magtalo na naman kami tungkol do'n. Ano ba talaga ang meron sa kaniya? Bakit ngayon naman ay pinapangaralan niya ako na para siyang isang matandang maraming alam?

Tumayo na lamang din ako para maglakad pauwi. Buong gabi kong pinag-isipan ang mga sinabi ni Mikaela, pati na rin ang mga nangyari kanina kay Laila... Maging ang mga nakita ko. Isang araw lang ang nagdaan, pero para bang ang tagal nang umikot ng mundo.

At hindi ko na namalayan na tapos na ang semester. Hindi na muling pumasok si Laila, kaya hanggang ngayong sembreak ay hindi ko pa siya nakikita.

***

"Oh, anak! Pupunta ka ba ulit ngayon kina Aling Iska?" tanong sa akin ni Nanay nang makita niya akong gumising nang maaga araw ng Linggo.

"Opo, 'Nay, e-extra po ulit ako sa bakery."

"Aba naman itong anak ko! Weekdays nang nasa construction tapos ngayon naman nasa panaderya!"

"Mabuti nga 'yon, 'Nay, nang mapaaga ang pagyaman niya," singit naman ni Ate Jaymie na kalalabas lang ng kwarto niya na bihis na bihis. Katulad ko ay may part-time job din siya ngayong sembreak. Kumakayod din siya para sa darating na pasukan ay may ipon siya.

"Hay nako kayong dalawa! Kailan ba kayo magkakasundo? Lagi mo na lang inaaway itong si Jaydel!" singhal ni Nanay.

"Hindi ko siya inaaway, 'Nay, ginigising ko lang siya sa katotohanan. At maganda nga na maaga ang gising niya ngayon dahil mas maaga, mas maraming biyaya. Ano pang hinihintay mo, Jaydel? Bibili ako ng pandesal sa bakery mo! Dalian mo! Maraming sikmurang magugutom kung hindi mo bibilisang magtrabaho!"

Napangiti ako at mabilis na sumunod kay Ate Jaymie. Nagpaalam na rin ako kay Nanay. Magkasabay kaming naglakad ni Ate Jaymie nang walang imikan. Sanay naman akong ganito. Mas mabuti pa nga ito, kaysa naririnig ko siyang inaapi ako.

"Kumusta naman si Laila?"

Halos masinok ako nang marinig ko ang pangalang iyon na nanggaling sa bibig ni Ate Jaymie. Ang tagal na rin nang hindi ko naririnig ang pangalan na 'yon mula sa ibang tao dahil palagi ko lang naririnig ang mga bulong ng pangalan niya mula sa puso ko.

"Balita ko, nasa hospital na naman siya. 'Di mo ba siya bibisitahin?"

Umiling ako. "Hindi, Ate Jaymie. Bawal ako ro'n, eh."

"Ha? Anong bawal? Eh 'di ba best friend mo 'yon?"

"Pinagbawalan ako ni Tito Ryan. Hindi ko naman din kasi naaalagaan nang maayos si Laila."

Napabuga naman siya at napapalatak ng tawa. Nabanatan pa nga ako sa braso. "Bakit mo naman siya aalagaan? Ano ka asawa? Jowa?"

Oo nga pala, hindi niya alam na naging kami ni Laila. Well, hindi ko rin naman masabi kung naging kami ba talaga o hindi.

"Pero hayaan mo na, kung bawal, bawal. Huwag mo nang ipilit. Maganda 'yang nagfo-focus ka na lang sa mga dapat mong gawin at unahin. Nakikita ko ang improvement mo at nagma-mature ka na, Jaydel. Usually, mababagal ang maturity ng mga lalaki, pero I can say, na nagiging responsable ka na. Biruin mong nagtatrabaho ka ngayon habang walang klase," sambit ni Ate Jaymie tsaka tinapik-tapik ang balikat ko. Ngayon lang kami nakapag-usap nang ganito ni Ate. Pakiramdam ko, naging malapit kami sa isa't isa. Hindi naman pala siya... ganoon kasama.

"Alam mo, Jaydel, balang-araw, maiintindihan mo kung bakit may mga bagay na hindi pwede... kasi 'yon pala ang magiging dahilan kung bakit ang maraming bagay ay naging pwede. At saka si Laila? Malakas naman 'yon! Huwag kang mag-alala dahil magiging okay siya. Masyado pa siyang bata para kunin ni Lord."

"Ate Jaymie! Huwag ka ngang magsalita nang ganiyan!" sigaw ko tsaka inalis ang braso niyang nakaakbay na sa akin kanina.

"Bakit?! Halata ka, boy! May gusto ka talaga do'n, ano? Paano ba 'yan? Bawal? Hanap ka na lang ng iba! Malay mo si Aling Iska pala ang para sa 'yo! Sakto! Matandang dalaga!"

Dahil sa bwisit ko sa kaniya, kinupitan ko ng isang pandesal ang binili niya sa bakery. Nagpaalam na siya sa akin habang patuloy na humahalakhak. Tsk. Panira talaga ng araw kahit kailan. Kapatid ba talaga ang turing niya sa akin? Asarin ba naman ako kay Aling Iska?

"Ano na, Jaydel? Tutunganga ka na lang ba riyan? May nabili pa ng pandesal do'n, oh! Pagbilhan mo muna!" sita sa akin ni Aling Iska.

"Opo, nariyan na po!" Mabilis akong tumakbo para puntahan ang nabili.

"Ano ho ang bibilhin ninyo-" Naputol ang tanong ko nang tuluyan akong makalapit sa bukana. Nakita ko ang isang malaking lalaki na pamilyar sa akin.

"Maximo?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top