Chapter 15

Chapter 15

Girlfriend

"Hindi ka pa ba babalik ng Manila?" sabi ko kay Theo sa isa sa mga tahimik naming hapon.

Nakasandal ang ulo ko sa kanyang balikat. Nakaupo kami sa terasa ng nirerentahan niyang bahay ni Mang Teban. Mula sa kinauupuan namin ay tanaw ang papalubog ng araw.

"Babalik lang ako kung babalik ka na rin."

Ipinaling ko ang ulo para matingnan siya nang maayos.  "Hindi ako sigurado kung may babalikan pa ako ro'n."

Nagkasalubong ang kilay niya. "What do you mean?"

Pinutol ko ang pagtitig sa kanya at muling ibinaling ang tingin sa harapan.

"Wala na ako sa Pillars... alam mo naman 'yan..."

Wala akong narinig na komento mula sa kanya sa loob ng ilang segundo. Hinihintay niya yata na magpatuloy ako pero hindi ko iyon ginawa dahil maski ako ay wala ng nakapa na sasabihin sa kanya.

"Hindi kita kukulitin na sabihin sa'kin ang rason ng pag-alis mo," aniya nang mapagtantong wala na akong maidadagdag. "If you don't want to go back to the Pillars, there are still other options."

Natutop ko ang labi. Iniiwasan ko na masabi sa kanya ang tungkol sa papa niya. Ano kaya ang iisipin ng mga magulang niya kapag nalaman nilang kami na ni Theo?

"We can apply for other hospitals," pahabol niya pa.

"We?" Tinaasan ko siya ng isang kilay.

"Aalis na rin ako ng Pillars," deretsahan niyang sinabi.

Ang pagtaas ko ng isang kulay ay naging pagkunot ng noo.

"Bakit? Akala ko ba nag-i-indefinite leave ka lang?"

"I think I just need a new environment."

"Eh, iyong parents mo?" Awtomatikong lumipad ulit ang isipan ko sa magiging reaksiyon ng mga magulang niya.

"Sanay na naman silang hindi talaga ako nagpipirmi sa Pillars. Nagpunta na nga ako ng Canada dati."

Natahimik ako pansamantala at napaisip. Ramdam ko ang malalim na paghugot niya ng isang buntonghininga.

"Kapag ba sa ibang ospital tayo magtrabaho, babalik ka na ng Manila?" maingat niyang tanong.

Napasinghap ako at tuluyan na talagang napaayos ng upo. Hindi na ako sumandal pa sa kanya at hinarap na siya. Mariin ko siyang tiningnan. He looked careful.

"Aalis ka sa Pillars dahil sa'kin?" Halos hindi iyon tanong.

"I just don't want you to feel uncomfortable..."

"Anong ibig mong sabihin?" Gumapang ang kaba sa damdamin ko.

"Alam kong kaya mo ayaw bumalik ng Pillars ay dahil kay Dad..."

Ang kaba na gumapang ay tuluyan na ngang kumatok. Kinutuban akong alam niya ang nangyari.

"H-Hindi ko—"

"I know that you feel more uncomfortable now because he sponsored your studies back in college," kalmadong pagpapatuloy niya na nagpababa naman ng kaba ko. "And now I'm your boyfriend. Kung hindi ka komportable na magtrabaho sa pamilya ko, puwede tayong magtrabaho sa ibang ospital."

Hindi ko maibuka ang bibig dahil sa pagkabigla. Nagkamali pala ako ng kutob. Wala siyang alam at iba ang hinala niya.

Pero paano na lang kung okay lang pala na bumalik ako. Hindi naman siguro magagalit si Doctor Arthur. Malaki rin naman ang Maynila at kung tutol man siya sa pagbabalik ko ay siguro naman hindi kami palaging magkikita. At boyfriend ko na ang anak niya. Siguro naman ay makakalimutan na niya iyong nakakahiyang pag-amin ko sa kanya.

Mas ipapaintindi ko na lang sa kanya na sadyang naguluhan lang talaga ako noon kaya ko nasabi sa kanya ang mga bagay na iyon.

"Fine," pagpayag ko sa huli. Ngumiti ako sa kanya dahil sa mga oras na iyon ay bigla nang naging desidido. "Bumalik tayo ng Manila."

"Really?" Nakita ko ang tuwa sa kanyang mga mata.

"Oo. Naisip ko rin na sayang naman ang natapos ko. Marami ring opportunities sa Manila para magtrabaho... at..." panandalian akong natigilan dahil hinahanda ang sarili at nahihiya sa susunod na sasabihin, "Gusto ko ring maging isang doktor. Alam kung mahirap—"

"Puwede mong gawin 'yan," mabilis na pagsang-ayon niya. Punong-puno ng pagtitiwala. "Susuportahan kita, Claudine."

Sa sinabi niya ay naging kumpiyansa ako sa lahat. Si Theo na yata ang pinaka sincere na taong nakilala ko.  Simula nang makilala ko siya ay hindi na ako natakot pa sa panghuhusga ng iba.

Humugot ako ng lakas at matiwasay na bumuntonghininga. Bumaling ulit ako sa isa nang mapulang langit dahil sa pagbaba ng araw. At hindi ko mapunto pero sa pagkakataon na iyon, alam kong panahon na para magkuwento sa kanya.

"Muntik na akong," napalunok ako, "ma-rape noon..."

Naramdaman ko ang paninigas ng katawan niya sa tabi ko. Pinigilan ko ang sarili na lingunin siya.

"Grade five ako no'n. Tandang-tanda ko pa na nakasuot ako ng kulay puti at gray na school uniform," pagpapatuloy ko. Maski sa sariling pandinig ay sobrang layo na ng boses ko habang inaalala ito. "Pauwi na sana ako ng bahay dahil tapos na ang klase. Sinabi sa'kin ng dalawa kong kaklase na pinapapunta raw ako ni Leslie sa luma nilang bodega...magpapahula raw siya..." Pumikit ako nang mariin at sa pagpikit ko ay parang bumalik ako sa mabigat na pangyayaring iyon.

"Naalala ko pa... sobrang lakas ng bulong ng isipan ko no'n na tanggihan sila...na para bang delikado." Nanginig ang boses ko at nanindig ang aking balahibo dahil na rin sa naramdamang marahan na paghaplos ni Theo sa braso ko.

Nagtiim bagang ako at nagpakawala ng miserableng tawa.

"Pero pa'no ako tatanggi sa isang Leslie Minerva? Maimpluwensiya ang pamilya niya...natakot ako pero hindi ko inakala na mas nakakatakot pala ang naghihintay sa'kin..."

Sinakop ng malapad at magaspang na palad ni Theo ang nanginginig kong mga kamay.

"I'm sorry..." anas niya. Puno ng kombinasyon na emosyon ang pagkakasabi niya nito. Habag, galit, lungkot.

Gusto kong makita ang mukha ni Theo pero mas pinili ko ang manatiling nakapikit. Gusto kong manatili na muna sa madilim na alaalang iyon para maikuwento ito sa kanya. Bukod sa pamilya ko ay sa kanya ko lang din sinabi ito.

Nilunok ko ang kagustuhan at nagpatuloy sa malayong boses.

"Pumasok ako sa gubat na nasa likod ng eskuwelahan namin... papunta sa abandonadong bodega nina Leslie. Alam na alam ko ang daan dahil ilang beses na naman akong nakadaan do'n sa tuwing gusto ko ng short cut pauwi ng bahay..." Dumilat ako at nakita ang unti-unting pagkawala ng kulay pula sa kalangitan. Napalitan na ito ng kulay abo. "Ilang beses kong tinawag ang pangalan ni Leslie at ng mga kaklase ko. Ang sabi kasi nila na sa bodega na rin kami magkikita..." Nilisan na rin ng kulay abong ulap at itim ang pumalit dito. "Tinalikuran ko ang pinto para umuwi na at... at tumambad sa'kin ang tatlong lalaki na... na mga high school students..."

Sumikip ang dibdib ko dahil sa bigat na nararamdaman. "Nagtatawanan sila... at naamoy ko ang pinaghalong sigarilyo at alak sa kanila..."

Pansamantala ako nahinto sa pagkukuwento dahil sa marahas na pagtayo ni Theo. Sinundan ko siya ng tingin at nakita ang pagtagis ng bagang niya. Napakalayo rin ng kanyang matalim na tingin. He looked so angry but at the same time helpless. Ikinuyom niya ang dalawang palad at bigla siyang lumuhod sa harapan ko. Banayad niya akong tiningnan.

"You don't need to tell me everything..." marahan niyang sinabi. Tila isang pagsusumamo.

"Kailangan ko, Theo." Nabasag ang boses ko. Humapdi na rin ang gilid ng mga mata ko.

Umigting ang kanyang panga at nag-iwas siya ng tingin.

"Alam kong mahirap 'tong pakinggan..." sabi ko at mabilis na natutop ang mga labi dahil sa agarang pagbaling niya ulit sa akin ng tingin.

Sumiklab ang galit sa mga mata niya pero nasisiguro ko na hindi iyon para sa akin.

"Kung iniisip mo na kaya kita pinapatigil dahil nahihirapan akong pakinggan ka, nagkakamali ka," sabi niya. "I know it's hard for you. I don't want you to speak about it again because I don't want you remembering those dark and ugly memories..."

Pumikit ulit ako dahil hindi nakayanan ang awa na ipinapakita ng kanyang mga mata. Sumabay sa pagpikit ko ang pagdaloy ng preskong luha. Humugot ako ng lakas para magpatuloy dahil alam ko sa sarili na kailangan kong matapos ang pagkukuwento nito sa kanya.

"Hinawakan nila ang magkabilang b-braso ko... at... at...pilit nilang ibinababa 'yong palda ko... " Nanginig ang mga labi ko.

"Claudine... please..." pagmamakaawa ni Theo sa hirap na boses. Humigpit ang pagkakahawak niya sa mga kamay ko.

Umiling ako at nalasahan ang butil ng luha na bumaba sa labi.

"W-Walang nangyari... Dumating sina Leslie at ang dalawang kaklase ko," sabi ko. "Nagtawanan silang lahat... w-walang nangyari..." Humagulgol ako. Maagap na tumayo si Theo mula sa pagkakaluhod at niyakap ako.

"I'm sorry... I'm sorry...." paulit-ulit na bulong niya na para bang siya ang may kasalanan.

"Wala namang nangyari pero... pero b-bakit pakiramdam k-ko....nawalan ako? "Umiyak ako habang walang tigil niya naman akong inalu.

Ang madilim na detalyeng iyon ay pilit kong kinalimutan. Kinimkim ko iyon ng mahabang panahon. Sumandal ako kay Theo. Hinayaan ko siyang patahanin ako ng mainit niyang yakap.

"Sinubukan namin ng pamilya ko na magsumbong sa mga pulis pero sinabi lang nila sa'min na wala raw kaming ebidensiya... wala naman daw nakakita sa nangyari," kalmado ko nang pagpapatuloy. "Noong kinompronta ko naman si Leslie ang tanging sinabi lang niya sa'kin ay katuwaan lang daw..."

Nagpakawala ng isang malutong na mura si Theo.

"How did you move on from that?" tanong niya.

Mapait akong ngumiti. "I didn't. Ang inisip ko na lang baka ayos lang din na palampasin na... kasi wala naman ding nangyari... Bukod sa kagustuhan kong umalis dito dahil sa panghuhugsa ng mga tao... gusto ko rin sanang takasan ang nangyaring 'yon."

Natahimik siya sa harap ko at tila ba malalim na ang iniisip.

"Saang police station kayo dumulog? Naalala mo pa ang mga pangalan nila?"

Napangiti ako ng mga tanong niya. Nabasa ko na kung ano ang binabalak niya.

"Matagal na 'yon, Theo. Baka nga nabulok na iyong papel na pinagsulatan namin ng reklamo."

Nang tuluyan nang dumilim at tanging mga tunog lang ng insekto ang naririnig sa paligid ay tiningala siya.

Kalahati lang ng kanyang mukha ang nakaklaro ko dahil sa pagtama ng liwanag ng buwan dito.

"I've been self-diagnosing..." Namalat ang boses ko dahil sa pag-iyak kanina. "Tingin ko dahil sa trauma ay may mental disorder ako. Isinara ko ang sarili pagkatapos noong.... karanasan na 'yon. May mga pagkakataon na hindi ko alam kung paano ipakita ang totoong emosyon ko at kung paano ko iintindihin ang emosyon ng ibang tao... Kaya siguro nasasabihan ako ng iba na weird..."

"I don't find you weird," tugon ni Theo.

Mahina akong natawa. "I am weird, Theo. Ang dami kong napupuna sa ibang tao. Ang talas ng intuition ko..."

"Matalino ka lang."

"Nahihirapan akong intindihin ang nararamdaman ng iba..." dahilan ko.

"It's not your responsibility to be so considerate," marahan niyang saad.

"But you are considerate," I pointed out. "You are thoughtful."

Hindi siya nakapagsalita dahil alam naming pareho na totoo ang sinabi ko.

"Kaya ko... ikuwento sa'yo ang nangyari ay dahil baka mahirapan ka sa'kin," pag-amin ko. "Lalo na at wala akong alam sa pakikipagrelasyon."

"Bakit mo ako sinagot?"

Natigilan ako sandali dahil sa tanong niya. Bumawi naman ako kaagad.

"Dahil gusto kita."

"Then that's a start." Ginawaran niya ako ng kampanteng ngiti. "We will learn later on..."

"Ikaw? Bakit mo ako niligawan?" tanong ko pabalik.

"Dahil gusto kita."

Napangiti ako sa pareho naming sagot. "Then I am happy to learn with you," bulong ko sa dumidilim nang panahon.

Magkasama kaming bumalik ng Maynila ni Theo makalipas ang isang linggo simula noong mag-usap kami. Um-attend muna kami ng binyag ng anak nina Kuya Baldo at Ate Meryl. Nang magpaalam kami sa pamilya ko ay hindi ko nakitaan ng masyadong lungkot ang kanilang hitsura. Batid nila na kasama ko si Theo at nangako rin siya mismo sa kanila na aalagaan niya ako.

Bumalik ako sa dating apartment. Nakabisita na rin siya sa apartment ko. Nakahanap kami kaagad ng ospital na pagtatrabahuhan. Alam kong may connections si Theo pero sa kabila nito nag-apply kami at dumaan sa regular na proseso.

Pareho kaming nagtrabaho sa isang malaking ospital. It was hard for me during the first week lalo pa at kinailangan ko na namang mag-adjust sa mga bagong katrabaho. Lagi kong naikokompara ang mga bagong kasamahang nurse sa nakasama ko noon sa Pillars na sina Jane at Kim.

"May girlfriend na raw..." Dinig kong bulong-bulungan ng kasamahang nurses pagpasok ko ng station.

"Kanino mo nasagap ang chismis na 'yan, Nurse Relani?" tanong ni Risa.

"Tinanong ko kasi si Doc Marco. Magkakilala yata sila ng bagong doktor. Taken na raw!"

Tahimik akong naupo sa gilid at inasikaso ang chart ng pasyente.

"Grabe! Kapag talaga guwapo, isang doktor, at mayaman ay sobrang bilis nabibingwit, ano?"

Kumunot ang noo ko hindi dahil sa nabasang detalye sa chart ng pasyente kundi dahil sa sinabi ni Nurse Risa. Ngunit imbes na makisali sa usapan nila ay nag focus na lang ako sa trabaho.

"Ikaw, Nurse Abby? May boyfriend ka?" biglang dinig ko na tanong sa akin ni Nurse Risa.

"Uh.." mabilis akong sumulyap sa kinauupuan niya. "Oo. Meron."

Eksahiradang bumilog ang bibig niya samantalang nakuha naman ng sagot ko ang atensiyon ni Nurse Relani. Pareho na silang nakatingin sa akin.

"Sino? Si Doctor Theo Hemendez?" si Nurse Relani sa seryosong boses.

Naestatwa ako sa upuan at nakatanga na lang habang nakatingin sa kanya dahil sa pagkabigla. Unang linggo pa lang namin ni Theo na magtrabaho sa ospital at parang nabisto na nila ang relasyon naming dalawa.

Unti-unti namang nagbago ang seryosong ekspresyon sa mukha niya at napalitan ito ng ngisi. Mahina siyang natawa.

"Biro lang! Napag-usapan lang din kasi namin ang tungkol kay Doc Theo. May girlfriend na raw kasi..."

Biglaan ang paghupa ng kaba sa dibdib ko. Awkward akong sumabay sa pagtawa. "Ah... Gano'n b-ba..."

Naiiling na natatawa pa rin si Nurse Relani. Paglipas ng ilang minuto ay pareho na nilang itinuon ni Nurse Risa ang atensiyon sa trabaho.

Kinagabihan ay ikinuwento ko ito ay Theo. Bumisita rin kasi siya sa apartment at doon na kumain ng hapunan. Pareho naming pinagtulungan ang pagliligpit ng mga pinagkainan.

"You don't want them to know?" aniya habang inilalagay ang mga pinggan na iniaabot ko sa kanya sa may lababo.

Ngumuso ako. "Feeling ko kasi magiging... awkward lang. Baka kung ano pa ang isipin nila lalo na't iisang ospital lang ang pinagtatrabahuhan natin."

"So you want to keep us a secret?" seryosong tanong niya.

Nagkatitigan lang kami, ako na nag-iisip sa susunod na sasabihin at siya naman na naghihintay.

"Ikaw?" sa huli ay nasabi ko.

Nagbaba siya ng tingin at kunot-noong tinitigan ang gilid ng lababo.

"Whatever makes you comfortable..." sagot niya sa mababang boses.

"Theo... Siyempre hihingin ko rin ang opinyon mo."

Unti-unti niya akong hinarap at isinandal niya ang likod sa gilid ng lababo. He crossed his arms as he looked at me for quite some time.

"Kung tatanungin nila ako kung sino ang girlfriend ko hindi ko itatanggi na ikaw 'yon," sabi niya sa mahinahong boses. "But if you want to keep us a secret... I guess... I'll just..."

"You'll just?" Kinagat ko ang ibabang labi habang hinihintay ang idudugtong niya.

"Endure it," he almost groaned.

Hindi ako umimik at tahimik lang na kinuha ang dalawang baso sa mesa. Hinarap ko siya ulit at iniabot ang mga baso sa kanya.

He was gazing at me intently. Napakaamo ng mga mata na para bang nagtitiis.

"Gusto ko pa namang sabay tayong mag lunch araw-araw... pero magtataka sila.."

Kaswal ko lang na tinanguan ang sinabi niya at iminuwestra ulit ang hawak na baso para tanggapin niya.

Hindi niya tinanggal ang tingin sa akin.

"I also want to drive you home every after work... but then they'll also ask..."

Napaisip ulit ako. Oo at posibleng-posible niya akong maihatid pauwi dahil pareho kami ng schedule kaya lang...

"Mahirap yata na ignorahin ka lalo na kung magkasama tayo sa isang shift... I mean we both can't avoid if it happens in the future..."

Mariin ko na siyang tinititigan dahil may nahihimigan na akong kakaiba sa ginagawa niya.

"Then we just have to act professionally at work," sabi ko. "Tulad noong trato natin sa isa't isa sa Pillars."

"Kung gano'n puwede kitang ihatid araw-araw pag-uwi pagkatapos ng shift..but eventually if people see us together, they'll start asking questions..." dagdag niya sa dulo.

Lantaran ng naningkit ang mga mata ko habang pinagmamasdan siya.

"Baka isipin pa nila na niloloko ko ang girlfriend ko dahil sa'yo..." He chuckled.

"Eh ako naman ang girlfriend mo," mabilis na saad ko dahil hindi makapaniwala na mukhang mapagbibintangan pa ako.

May multo ng ngiti sa gilid ng mga labi ni Theo.

"Can I tell them that you're my girlfriend then?"

"Ako na ang magsasabi....kung magtatanong ulit sila," sabi ko at dahil biglang nakaramdam ng hiya ay muling iniabot ang baso sa kanya.

Ngumiti siya at sa wakas ay tinanggap na niya ito.

"I'll do the dishes tonight," masayang anunsiyo niya. Hindi na ako nagprotesta pa dahil inabala ko na ang sarili sa pag-iisip kung ano ang magiging reaksiyon ng mga kasamahang nurses kapag nalaman nilang ako talaga ang girlfriend ni Theo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top