Chapter One
NAPAKURAP ako habang pinagmamasdan ang isang lalaking nakahandusay sa aking harapan. Wala akong ibang maramdaman kundi ang aking mga palad na mariing nakahawak sa isang lapis na duguan.
Bumukas ang pinto at sumaboy sa madilim na silid ang liwanag. Isang mataba at punggok na lalaki ang nakatayo sa pinto. Nakasuot ng polo, kurbata at itim na jacket. May baril sa gilid ng kaniyang pantalon at may malaking itim na sigarilyo sa gilid ng bibig.
Si Cobra. Naglakad siya patungo sa akin.
"May maganda akong balita sa 'yo," matigas ang boses niya ngunit may sigla. "Natagpuan ko na ang iyong ama."
Pinigilan ko ang paguhit ng ngiti sa aking mga labi. Ayaw niya nang ngumingiti ako, ni ang umiyak.
Pinahid niya ang dugo sa aking pisngi gamit ang kaniyang matatabang daliri. "Dugo..." Ngumiti siya. "Pinatay mo siya?"
Tukoy niya sa lalaking pinaggamitan ko ng duguang lapis. Tumango ako.
Bahagyang lumuhod si Cobra upang magpantay kami. Kinuha niya ang duguan kong kamay. "Gamit ang lapis na ito?"
Tumango akong muli. Wala namang ibang puwedeng gamitin maliban sa matigas na lapis na hawak ko. Ikinulong niya ako rito sa madilim na silid kasama ang lalaking napatay ko noong nakaraang gabi.
"Bakit mo nga pala siya pinatay?" tanong niya.
"Dahil sabi mo ay masama siyang tao. Balak niya po akong saktan. Balak niya po akong pagsamantalahan."
Tumalim ang mga mata niya. "Bakit? Takot ka bang masaktan?"
Umiling ako.
"Takot ka bang mapagsamantalahan?"
Umiling muli ako.
Ibinuka niya ang aking palad na duguan. "Magaling ang kamay mo, Tecla. May paglalagyan ka."
"Makakasama ko po ba sina Byuti?" Tukoy ko sa mga kasamahan ko sa lansangan. Ang alam ko ay nasa isang club na ngayon si Byuti at ibinibenta na sa mga lalaki.
"Balang araw...makakasama mo ulit sila..." ani Cobra matapos tumayo. Inakay niya ako palabas ng pinto. "Basta gawin mo lang ang lahat ng inuutos ko sa 'yo. At magtiwala ka sa 'kin, Tecla, hindi kita pababayaan."
Akma na kaming maglalakad nang mapakapit ako sa kaniyang braso.
"Ang ama ko...sabi n'yo ay nakita n'yo na siya? Nasaan siya?" tanong ko na hindi tumitingin sa kaniya.
Mahinang tumawa si Cobra. "Magiging kahinaan mo lang ang iyong ama."
Umiling ako. "Pangako po, hindi po siya magiging hadlang sa akin. Gagawin ko po ang lahat ng gusto n'yo basta ipakita mo lang sa akin ang ama ko!"
Matagal siyang hindi nagsalita. "Natagpuan ko na ang iyong ama."
"S-saan ko po siya makikita?" Pumiyok ako. Gustong-gusto ko nang makita ang ama ko. Alam ko na matagal na rin akong hinahanap ng aking ama buhat nang mawala ako sa lansangan.
"Okay." Ngumiti sa akin si Cobra.
Nakaramdam ako ng matinding pananabik. "Matutuwa ang ama ko kapag nagkita kami."
Umupo siya upang yakapin ako. Narinig kong nagbuga siya ng malalim na paghinga. "Sa harapan mo..."
Nanlaki ang aking mga mata bago ako tumingin sa lalaking duguan sa harapan ko. Ang lalaking pinatay ko kagabi!
Nang ibalik ko ang tingin ko kay Cobra ay ngiting-ngiti siya sa akin. "Ang iyong ama...ay ang taong nakahandusay sa harapan mo..."
....
"HAH!" nagising ako sa alarm ng cell phone ko.
Alas otso na ng gabi.
Salamat sa alarm at natakasan ko na naman ang bangungot ng aking nakaraan. Nakaraan na gusto ko na talagang kalimutan.
Tumingin ako sa cell phone, may tatlong text messages mula kay Cobra. Sabik na sabik ang hayup na pagkakitaan ako.
Isang big time project na naman ang ipapa-trabaho niya sa akin ngayong gabi. Lingid sa kaalaman ng mga kasamahan ko, hindi lang ako basta isang Magdalena.
Hindi lang pagsasayaw sa bar ang pakinabang sa akin ni Cobra, may higit pa ro'n. May isa pang trabaho na tanging ako at si Cobra lang ang nakaaalam.
Pang ilan na ba ito? Hindi ko na mabilang kung ilang palpak—I mean 'trabaho' na pina-trabaho sa 'kin ni Cobra. Hiyang-hiya na ako kay Byuti.
Si Byuti o Bettisha Madlangbayan ay isang swindler. Ginagawa niya ang lahat para tubusin kami kay Cobra. Siya ang gumagawa ng paraan para iahon kaming lahat sa lusak. Si Cobra ang ulo ng sindikato na may hawak sa aming lahat mula noong mga batang-lansangan palang kami.
Bumangon ako sa kama at saka hinagilap ang itim kong maleta. Nasa maletang iyon ang mga gamit na kailangan ko. Naroon rin ang susi ng sasakyang gagamitin ko para sa project na ito.
Ang project: Assassinate Quiro Castillo Saavedra tonight.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top