CHAPTER 10


KAPAPASOK KO pa lang sa hospital nang matanaw ang nagmamadaling nurses papasok sa emergency room. Tumuloy ako para makita kung ano ang nangyayari sa loob.

"Excuse me." May nagsalita sa likuran ko. Awtomatiko akong tumabi at nilingon ang nagsalita.

Gano'n na lang ang hiya ko nang maharap ang grupo ng mga doktor. Naharangan ko ang daan nila. Mas nahiya pa ako nang makita si Maxwell sa gitna nila. Tumango siya sa 'kin at nagmamadaling pumasok sa emergency room. Sinundan ko sila ng tingin at nakiusyoso sa magulong ER.

"Yaz." Nahimigan ko si Keziah sa likuran ko. "Come with us." Bigla niya na lang akong hinila.

"Ha?" Wala na akong nagawa lalo na nang mag-announce ng code sa speaker. Awtomatiko akong kumilos.

Nagulat ako sa sitwasyon ng ER. Literal na nagkakagulo. Naghahalo ang masangsang na amoy ng duwal at dumi ng tao. Maingay at masikip. Kaliwa't kanan ang palitan ng mga doktor at nurse. Paikot-ikot maging ang relatives ng mga pasyenteng hindi mabilang sa dami. Dumagdag pa ang nakaririnding sirena ng ambulansyang kahihinto lang sa harap ng ER exit.

"What happened to them?" wala sa sariling tanong ko sa nurse na dumaan habang aligaga kong itinatali ang buhok ko at dumadampot ng mga gagamitin.

Nagmamadali nitong hinila ang emergency cart. "Dinala ang mga estudyanteng ito dahil sa pagsusuka at pagdurumi. Pare-pareho ring sumasakit ang kanilang tiyan. Excuse me." Agad niyang nilapitan ang mga pasyente.

Iginala ko ang paningin sa ER. Hindi ko malaman kung saan magsisimula, napakarami nila. Bukod sa mga batang 'yon, may iba pang pasyenteng nauna sa kanila. Hindi sapat ang space sa dami nila at patuloy na pagdating ng iba pa.

Kalmado si Maxwell nang sulyapan ko. Although mababasa ang pag-aalala sa mga mata niya. Isa-isa niyang nilapitan ang mga bata saka niya sinasabi sa mga kasamang doktor ang gagawin. Kulang ang mga doktor at staff.

Natinag lang ako nang lapitan ni Maxwell ang isa sa mga bata at aksidenteng masukahan siya. Lumapit agad ako, nagulat si Maxwell. Sa halip na pansinin siya, tinulungan ko ang batang nahihirapan dahil kasabay ng pagsusuka, umiiyak ito sa takot. Palihim ko na namang hinangaan si Maxwell. Sa arte niya, nagawa niyang balewalain ngayon ang dumi at amoy ng uniform niya.

"Ako na," nakangiting sabi ko nang subukan pa akong tulungan ni Maxwell.

Iisang bata pa lang ang nalalapitan ko, natutuliro na ako sa komplikadong sitwasyon. Gustuhin ko mang lapitan agad ang iba, hindi ko magawa. Sa isa pa lang ay hindi na ako makaalis.

Hindi na maipaliwanag ang amoy ng ER sa sandaling 'yon pa lang. Kung patuloy na duduwal at dudumi ang mga batang ito, pare-pareho silang made-dehydrate.

"Thank you," tugon ni Maxwell saka tiningnan ang bata. "May masakit ba sa 'yo?"

"Masakit po ang tiyan ko," namimilipit na tugon ng bata.

Napabuntong-hininga si Maxwell at saka nilingon ang kapapasok lang na iba pa na may kaparehong sitwasyon.

"I think this is food poisoning," ani Maxwell sa kasamang doktor.

'Yon din ang hula ko. Kaya namang agapan ang food poisoning. Kaya ring solusyunan ang sitwasyon. Pero dahil tuloy-tuloy ang pagdating ng patients with the same case habang understaffed kami, nagiging mahirap.

Hindi nagsayang ng oras si Maxwell. Isa-isa niyang binigyan ng trabaho ang lahat ng medical team na present sa ER. Hindi naging mabilis, hindi rin madali, pero nasolusyunan dahil nagtulong-tulong ang lahat.

Bakas ang matinding pagod sa lahat lalo na kay Maxwell. Bukod kasi sa examination at assessments, siya rin ang sumasagot sa tanong ng mga magulang. Takbuhan din siya ng nurses at junior doctors. Hindi ko siya nakitang magpahinga, maupo, o uminom ng tubig. Lahat 'yon, nagawa niya nang kalmado.

Pero dahil kilala ko si Maxwell, sigurado akong hindi lang dito matatapos ito. Hindi na ako magugulat kung malaman niya kung bakit nangyari itong food poisoning.

'Yon si Maxwell. He was very much dedicated to his profession and continuously honing his craft. Hindi dahilan ang posisyon niya sa hospital para iasa sa team ang trabaho. Siya pa rin ang mangunguna. Hindi niya hinahayaang mapagod ang lahat nang wala siya. Isa sa mga dahilan kung bakit minahal ko siya.

Lumapit ako kay Maxwell matapos suweruhan ang huling pasyenteng hawak ko. Naawa ako nang mapansin ang namumuong pawis sa noo niya habang hinahanapan ng ugat ang batang hawak niya.

"Let me do it," mahinang sabi ko dahilan para lingunin niya ako.

"It's okay, Yaz."

"Ako na, Doc," nakangiting alok ko.

Nakita ko nang makahinga siya nang maluwang. Parang inalon ang puso ko matapos masilayan ang matipid na ngiti sa kaniyang labi.

"Thank you, nurse."

Ngumiti ako at agad nilapitan ang bata. "Hello, ako si Nurse Yaz."

Pinanood ako ni Maxwell na gawin 'yon nang magkakrus ang mga braso. Agad kong nakita ang ugat. Nakangiti niya akong tinango-tanguan matapos masuweruhan ang bata.

"You're exhausted, Doc Maxwell. Please rest." Nangibabaw ang tinig ni Keziah. Sa halip na lingunin siya, inasikaso ko ang suwero. "Hindi ka pa natutulog."

Palihim na umikot ang mga mata ko. Bakit naman pati pagtulog ni Maxwell, bilang niya? Doktora ba talaga siya o guwardiya? Psh!

"Yeah, let me just take a quick walk around the ward to make sure I didn't miss anything with my patients." Muli pang nilingon ni Maxwell ang mga pasyente.

Karamihan sa mga bata, napauwi at naresetahan ng meds at home remedies. Ang ilan naman, in-admit sa ward at kailangang ma-confine nang ilang araw.

"You can go back to your post, Yaz. Thank you," sinserong ani Keziah.

"You're welcome," matipid ang ngiting sagot ko. Sinulyapan ko si Maxwell at nginitian. "I'll go ahead."

"Thank you, Yaz." Inalalayan ako ni Maxwell. Sinabayan nila ako ni Keziah palabas ng ER. "I know it's late, but don't forget to eat your lunch."

Hindi ko inaasahang sasabihin niya 'yon. Tinitigan ko siya para masigurong ako talaga ang kausap niya.

"Mm." 'Yon lang ang naisagot ko dahil sa sobrang pagkakangiti. Pinanood kong maglakad papalayo sina Maxwell at Keziah. Hindi pa rin mawala ang ngiti sa labi ko.

"Masaya ka na sa gano'n?" Nagulat ako nang malingunan si Maxrill na naglalakad papalapit sa gawi ko, nakapamulsa at walang emosyong nakatingin sa 'kin.

Sinimangutan ko siya nang mag-iwas ng tingin. "O—" Magsasalita na rin sana ako pero nilampasan niya agad ako. "Lokong bata ito, ah?" bulong ko, sinundan siya ng tingin. Noon ko lang napansin si Hee Yong na nakabuntot pa rin sa kaniya.

Dahil kumalat sa buong hospital ang nangyari kanina, hindi ako nahirapang magpaliwanag kina Susy at Doc Caleb nang makarating ako sa area. Nanghinayang pa sila dahil hindi nakatulong.

Sa unang pagkakataon, ganado akong magtrabaho sa area. Walang sandaling nagkamali ako. Lahat ng itinuro ni Susy at ng doktor, nakuha ko. Hindi ko ramdam ang pagod at gutom. Sadyang inspired ako dahil sa simpleng sinabi ni Maxwell bagaman inasar ako ni Maxrill.

"Uy, ganda!" Kumaway si Raffy habang papalapit sa table namin ni Susy. Afternoon break na ako nakakain.

"Naiwan mo itong bag mo sa ER, Yaz," ani Mitch.

"Thank you!" Nahihiya ko 'yong inabot. "Grabe, super toxic kanina sa ER, nawala sa isip kong doon ka nga pala naka-assign."

Naupo si Mitch at umastang nalalantang gulay. "Sobrang toxic! Pagkatapos itong si Raffy, puro reklamo dahil napakarami raw naming admissions."

"Kapapasok ko lang po kasi noon, madam! Galing pa akong night shift. Mas matagal pa nga ang food digestion ko kaysa sa tulog ko," mataray na tugon ni Raffy, nagbibiro. "Isa pa, straight ang duty ko ngayon, madam!"

"Puro vitals, input, and output lang naman ang aasikasuhin mo. Kami nga, napakaraming change dressings noong isang gabi. Galing din akong night shift, tatlong magkakasunod na gabi. Hindi pa nga ako nakakapag-off."

"Eh 'di sana, nag-mathematician ka na lang kung ganyang mahilig kang magkuwenta," asik ni Raffy, nagtawanan kami.

"Kung hindi mo pa malamang si Doc Maxwell ang nagpa-admit niyong lahat, hindi ka titigil sa kapuputak," pang-aasar naman ni Mitch.

Lalo kaming nagtawanan ni Susy. Lalo ko tuloy na-miss magtrabaho sa gano'ng area. Iba ang pagod sa special areas gaya ng emergency room at iba pa. Hindi maikokompara. Dahil hindi lang katawan at utak ang napapagod doon, pati kaluluwa, habang kakaiba naman ang stress sa wards. Pero 'yon ang pagod na mamahalin mo talaga.

"Bilib talaga ako kay Doc Maxwell," sabi ni Mitch habang kumakain. "Imagine, that was almost sixty patients. As in, wow, hands up and down, left and right!"

Palihim akong napangiti. "Hindi naman siya ang umasikaso sa lahat. Napakarami nating tumulong sa kaniya."

"Pero siya ang nag-lead sa lahat," agad na depensa ni Mitch.

"Uy, saka almost sixty patients? One is to ten nga lang, nagrereklamo na ang bulsa ko, 'yon pa kayang saisenta? Work according to your salary kaya ang motto ko," sabi naman ni Raffy.

"Bulok kasi ang sistema doon sa ospital na pinanggalingan ko kaya hindi ko talaga maiwasang bumilib kay Doc," nakangiwing ani Mitch.

"Nag-rounds pa 'yon kanina sa ward," agad na kuwento ni Raffy. "Wala pa naman siyang tulog at kain. Napakasipag."

"Talagang pati tulog at pagkain, alam mo, ah?" ani Mitch.

"Siyempre, kasama sa endorsements 'yon, 'no?" biro muli ni Raffy.

"Ang dami ring pasyente kagabi. Hindi nakatulog si Doc. Nagkakataon pang t'wing matutulog at kakain na siya, doon nagdadatingan ang mga pasyente. Pero walang lutang moments."

"Hindi lang naman siya ang doktor," agad na sagot ko. "Bakit hindi siya tulungan ng ibang naka-duty?"

"Si Doc Maxwell kasi talaga ang nakilala ng mga tagarito. Kaunting sugat lang, si Doc Maxwell agad ang hanap nila. Si Doc naman, hindi makatanggi. Masyado na ngang guwapo, masyado pang mabait."

Nakangiwi akong tumango, hindi masyadong kumbinsido. "Well, choice niya naman 'yon." Gano'n ang sinabi ko para maitago ang pag-aalala. "He's a doctor. He can always delegate the tasks to his people."

"Hindi naman siya pinababayaan ni Doc Keziah. Parati niyong dinadalhan ng coffee at sandwich si Doc Maxwell," kuwento pa ni Mitch. "Kahit pagod, kung may mag-aalaga naman, sige lang."

"Really?" agad kong tugon.

"Madalas ding inaako ni Doc Keziah ang pasyente para makapagpahinga si Doc Maxwell. Tumatanggi nga lang si Doc. Mahal na mahal ang propesyon."

"You mean to say, naka-duty rin si Doc Keziah kapag nandiyan si Doc Maxwell?" usisa ko.

Nag-isip si Mitch. "On-call siya, eh. Doon siya madalas sa doctors' mess natutulog. Sa bagay, parang hindi na rin naman natutulog si Doc Keziah. Kapag gising si Doc Maxwell, gising din siya. Parati talaga silang magkasama."

"Napaka-unique naman ng love team nila." Noon lang nagsalita si Susy. "Parehong nalilipasan ng gutom at kulang sa tulog."

Gusto kong sabihin na nakasusukang pakinggan ang "love team" na tawag niya sa dalawa. Nagpigil ako.

Psh! Hindi mawala sa isip ko nang gabing 'yon ang mga narinig kong kuwento mula kina Mitch at Raffy. Pumangit yata ang pakiramdam ko sa katotohanang parating magkasama sina Maxwell at Keziah, at pareho pang nalilipasan ng gutom at kulang sa tulog gaya ng sinabi ni Susy.

Hindi ko naiwasang maalala kung gaano kaistrikto si Maxwell pagdating sa pagkain. Tinatawagan niya si Maxrill sa t'wing makararating sa kaniyang hindi ito kumakain nang tama lalo na kapag may sakit. Naaasar naman si Maxpein kapapaalala niya ritong kumain.

Pagkatapos ngayon, siya itong hindi kumakain nang tama at sleep-deprived? Bagaman nakasimangot, nag-alala ako.

Napatitig ako sa cellphone kong nakapatong sa side table. Naisip kong tawagan siya. Tumingin ako sa orasan at naisip din kung natutulog ba siya o kasalukuyang abala sa trabaho. Dahil sa propesyon niya, walang nasusunod na tamang oras sa kaniya.

Sa huli, nagdesisyon akong tawagan siya. "Hello?" Ako rin ang nagulat nang sagutin niya ang linya.

"Why are you still up?" Parang kiniliti ang puso ko nang magsalita na si Maxwell.

Napabangon ako at hindi na malaman kung paano pupuwesto at pipirmi sa kama. "Kumain ka na?"

Sandaling natahimik ang linya niya, mukhang hindi inaasahan ang tanong ko. "Not yet."

Umarko sa lungkot ang mga labi ko. "Sobrang busy?"

"Hmm, and I'm hungry already."

"Get something to eat."

"Cook for me."

Natigilan ako at nakagat ang sariling labi. "Tomorrow, I'll cook for you."

"I can't wait."

"For now, get something to eat, bread or biscuit."

"I will. Go to sleep. Good night." Awtomatiko niyang pinutol ang linya matapos sabihin ang mga 'yon.

Sumimangot uli ako. Pero agad ding nawala nang malunod sa kaiisip kung ano ang lulutuin para sa kaniya.

"Good morning!" magiliw kong bati kay Susy nang makapasok kinabukasan.

"Ang dami mong dala, ah?" aniya matapos tingnan ang dalawang basket na dala ko. "May picnic?" biro pa niya.

I cooked two dishes for Maxwell's lunch and dinner. Sinigang na baboy at adobong manok. Nag-prepare din ako ng sliced fruit platter for his snack—strawberries, melon, apple, kiwi, and grapes.

"Para sa friend ko," sagot ko. Siyempre, hindi ko pwedeng sabihin kung para kanino ang mga 'yon.

Tiningnan ko ang schedule. Hindi naman gano'n karami, so pwede kong ihatid kay Maxwell ang mga inihanda ko.

"Mukhang may emergency na naman, ah?" dinig naming sabi ni Doc Caleb matapos ang magkakasunod na pasyente. Kasalukuyan siyang nakatunghay sa labas ng door at nakatanaw sa gawi ng ER.

Mabilis akong nag-dry ng mga kamay at sumunod sa kaniya. "Ano na naman kaya ang nangyari, Doc?" usisa ko habang tinatanaw ang nagtatakbuhang male nurses na may bitbit na stretchers.

"Kapag nag-code, pumunta ka ulit doon para tumulong, Yaz," sabi ni Doc Caleb. Kahit mali, na-excite ako. "Susy will stay here with me, just in case may emergency case din kami. We cannot cancel the remaining appointments for today."

"Yes, Doc," sagot ko.

Hindi pa man kami nakapagsisimula sa procedure sa first patient, nag-announce na ng code sa speaker. Automatic kaming nagkatinginan ni Doc Caleb. Sa isang tango niya, tumakbo ako sa ER.

Nakasalubong ko si Mitch sa bukana pa lang. "What's going on?" nag-aalala kong tanong.

"Katulad kahapon, food poisoning," ngarag nang tugon niya. "Hindi na maganda ito." Tinalikuran niya na ako para tulungan ang mga pasyente.

Napahawak ako sa noo nang makitang matatanda na ang nar'on sa loob ng ER, hindi gaya kahapon na mga estudyante. Nakapanlulumo, mahihina na ang mga ito. Mas malala rin ang pagsusuka at pagdurumi nila. Siguradong lalo pa silang nanghina dahil doon.

Hindi ako nagsayang ng oras, agad nang kumilos para tumulong. Hindi gaya kahapon, mas madaling kausap ang matatanda. Hindi gaya ng mga bata na nauunahan ng takot at iyak. Para tuloy practice 'yong kahapon at ito na ang totoong situation. Nakatulong kasi mas mabilis kaming nakakilos ngayon.

"Ikaw ba 'yan, Yazmin?" Nagulat ako nang may lalaking tumapik sa balikat ko.

"Mang Pitong," usal ko.

"Aba'y ikaw nga, Yazmin!"

"Zaimin Yaz po," pagtatama ko. "Why are you here, Mang Peyts? May nangyari ba sa inyo?" Sinipat ko ang kabuoan niya, inaalam kung may iniinda rin ba siya gaya ng ibang pasyente.

Nag-aalala at naguguluhang nilingon ni Mang Pitong ang matatandang pasyenteng nar'on. "Ano kaya ang nangyayari sa lugar natin? Aba'y kahapon lang, mga estudyante sa kapitolyo ang nalason. Ngayon, itong mga nakatira sa sumunod na baryo."

"Investigation must be done immediately." Ayun na ang istriktong tinig ni Maxwell, napalingon kami ni Mang Pitong. "We need to find the potential source as soon as possible. This needs to be fixed to prevent future outbreaks."

Pasimple akong lumingon sa gawi ni Maxwell. Napangiwi ako nang makitang kasunod niya na naman si Keziah na hindi malaman kung sino ang unang titingnan dahil napakarami na namang pasyente. Ang bilang ng pasyente ngayon ay hindi nalalayo sa dami ng pasyente kahapon.

Kasunod din nila si Maxrill na hindi ko inaasahang titingin agad sa 'kin. 'Yong tingin na para bang pagkapasok pa lang, alam niya na kung nasaan ako. 'Yong tingin na para bang hindi niya nakikita ang hindi mabilang na taong nar'on ngayon sa emergency room dahil nar'on ako.

Agad akong tumabi nang lumapit sa gawi ko ang tatlo. Palihim akong sumimangot nang hindi man lang ako tingnan ni Maxwell. Samantalang sina Keziah at Maxrill, agad akong napansin. Imposibleng hindi niya ako makilala kahit pa halo-halo na ang nurse na nar'on mula sa iba't ibang area.

"Ano'ng balita, Mang Pitong?" Sa halip, ito ang kinausap ni Maxwell.

Agad na umiling si Mang Pitong. "Ang sabi ng kapitan ng baryo at kapitolyo, ang mga eksperto lamang daw sa larangan ng pag-iimbestiga sa ganitong kaso ang hahayaan nilang magsuri sa nangyayari. Hindi nila hinayaang mag-imbestiga ang mga taong ipinadala ninyo."

"Tsh." Nasira agad ang mood ni Maxwell. Bumaling siya sa kapatid sa salitang sila lang ang nagkakaunawaan.

Hindi ko akalaing sa gano'ng sitwasyon, magagawa ko pang pag-aralan ang kabuoan ng dalawa. Mukhang hindi lang ako ang gumagawa niyon ngayon dahil sa dami ng mga matang nakatuon sa kanila.

Kahit nangangalumata, guwapong tingnan si Maxwell sa puting polo, itim na tie at pants, at white gown na nakapatong doon. Halatang kulang sa tulog, pero napakabango at mukhang bagong ligo.

Si Maxrill naman, preskong tingnan sa puting plain shirt, itim na casual coat, at pants. Panay ang lingon niya sa pinto ng ER habang nakikinig sa sinasabi ng kapatid. Gusto kong tumawa nang makitang nar'on si Hee Yong sa labas.

Hindi gaya kahapon, mas toxic pala ang araw na ito. Mas marami ang naging pasyente. Hindi natapos sa animnapu ang bilang at mas maraming na-admit sa ward ngayon.

Patapos na ang shift ko nang matapos kami. Bagaman patuloy ang pagdating ng patients sa ER, bumalik na ang karamihan sa hinugot na nurses.

Hindi ko nakita sa ER si Maxwell nang umalis ako. Natanaw ko siya sa nurses' station nang makalabas ako. Nag-alala ako dahil sapo niya ang noo habang nagbabasa ng chart.

Napakarami siguro niyang iniisip. Nakanguso ko siyang tinawagan. Napangiti lang ako nang mapanood ko siyang sagutin ang linya.

"Kumain ka na muna," sabi ko. "I cooked something for you."

"Wow." Bagaman mahihimigan ang pagod, nar'on ang tuwa sa tinig niya. "Really?"

"Yeah. Sinigang na baboy at adobong manok."

"Damn."

Natawa ako. "Ire-reheat ko lang sa pantry, and then ihahatid ko sa office mo."

"Rounds muna ako."

"Kumain ka muna."

Narinig ko siyang tumawa. "Okay, I'll wait for you."

Palibhasa'y maghapon nang nasa ER, binigyan ako ng break ni Doc Caleb. Hindi mawala ang ngiti ko dahil makakasabay kong kumain si Maxwell. Busog na ako sa excitement pa lang pero ginugutom ako sa amoy habang hinihintay matapos ang microwave.

Dumeretso agad ako sa office ni Maxwell pagkatapos. Pero nawala ang lahat ng excitement ko nang makita rin doon si Keziah. Pareho silang nasa sofa, at kahit may space, sumimangot ako. Mukhang seryoso ang pinag-uusapan nila kaya nag-alangan akong pumasok. Hindi agad ako nagpakita. Pero hindi rin ako nakaligtas nang sumamyo ang amoy ng dala kong pagkain.

"Come in, Yaz," pagtawag ni Maxwell.

Tumuloy ako. "Hi, Doc," bati ko kay Keziah.

Nagugulat man, nginitian ako ni Keziah. Tiningnan niya ang dala ko. "Hi, Yaz. Ang bango naman niyan?"

Nganong naa ka man diri? Sa isip ko na lang tinanong kung bakit siya nandito. Hindi ko siya kayang prangkahin lalo na't nandito si Maxwell.

"Nagluto ako para kay Maxwell." Gusto kong lagyan ng diin ang mga salita ko para malaman niya kung sino ang mas maganda rito.

Pero napahiya ako nang gumuhit ang nakalolokong ngisi sa labi ni Keziah. Hindi ko tuloy malaman kung ano'ng iniisip niya sa 'kin.

Psh! Palibhasa, walang magluluto para sa kaniya.

Isa-isa kong inilabas ang food para maiwasan ang tingin ni Keziah. Nakatutuwa ang reaksiyon ni Maxwell. Natatakam siya. Nanlaki ang mga mata niya matapos makita ang mga prutas at hinimas ang tiyan nang makita ang dishes.

"You made all this?" Hindi makapaniwala si Maxwell.

Nakangiti akong tumango. Para akong hihimatayin sa lalim ng titig niya.

"Let's see kung sino sa inyo ni Wilma ang mas masarap magluto," biglang sabi ni Keziah. Kinuha niya ang isang plate at agad na sumandok ng manok.

"Para kay Maxwell lang 'yan . . ." pahina nang pahinang sabi ko. Pareho silang nagulat. "Joke," biglang bawi ko, sa paraang tila totoong nagbibiro lang ako, tumatawa pa. "Yeah, go ahead and eat." Sinabi ko 'yon nang may panghihinayang, Nagbuntonghininga pa. Hahay . . . pastilan.

Isinenyas ko nang isinenyas na kumuha si Keziah ng food. Nasisiguro kong nababalot ng kaplastikan ang mukha ko ngayon.

"Hindi na." Napapahiyang inilapag ni Keziah ang plate. "Para kay Maxwell lang pala."

Gustong umikot ng mga mata ko. Close ba tayo para mag-emote ka nang ganyan? Para kay Maxwell lang talaga 'yan, amaw. Pero dahil mukhang gutom ka, sa inyo nang dalawa.

"I can't eat all of this, Kez," sabi ni Maxwell. "Go ahead and eat," anyaya niya kay Keziah.

Of course, for lunch and dinner na sana kasi 'yan. Pinanood ko silang tikman ang pagkain. "Enjoy."

"Eat with us," ani Maxwell.

Agad akong tumanggi. "Hindi na. Kailangan ko ring bumalik agad sa post ko."

"Hey," paghabol ni Maxwell nang akmang tatalikod na ako.

Ngumuso ako para itago ang inis. "I really need to go back na."

Nangunot ang noo ni Maxwell. "Kumain ka na ba?" Hindi ako sumagot. "Eat with me," nag-uutos niyang sabi.

Hayaan mo na lang ako, Maxwell. Grrr. Magsabay kayong kumain. Muli akong tumanggi. "Okay lang ako." Pinilit kong ngumiti. "I really need to go back to my post."

"Yaz." Naninindak ang tinig ni Maxwell.

"Maxwell." Namaywang ako. "Kumakain ako sa tamang oras hindi gaya mo. Kumain ka nang marami at 'wag mo akong iniintindi."

Pinagtawanan kami ni Keziah. "Thank you nga pala ulit kanina. Kusa ka nang pumunta sa ER," aniya.

"Wala 'yon," tugon ko. "Mauuna na ako," paalam ko kay Maxwell.

Hindi niya inalis ang paningin sa 'kin hanggang sa talikuran ko sila. Nakasimangot akong dumeretso sa cafeteria. Hindi gaya t'wing lunch break, kaunti lang ang tao ngayon kaya naman napansin ko agad si Maxrill nang pumasok siya at maglakad papalapit sa 'kin. Kasunod niya si Hee Yong na kapansin-pansing nakaputing polo ngayon at may ID na nakasabit sa leeg.

"You're eating late," bungad niya.

"Toxic kanina."

Tumango siya. "Mind if I join you?"

"Go ahead." Isinenyas ko ang silya.

Naupo si Maxrill sa harap ko at sumenyas sa server. Hindi ito lumapit pero mukhang alam na kung ano ang gusto niya. Pinatong niya ang parehong siko sa mesa, pinagsalikop ang mga kamay, at ipinatong doon ang mukha niya. Deretso siyang tumingin sa 'kin.

"What?" nakasimangot pa ring tanong ko.

"Nothing," seryosong tugon niya saka nagbuntonghininga. "But I prefer cooking for my girl."

Here we go again. Of course, nalaman niyang ipinagluto ko si Maxwell, ano ba'ng imposible sa kanila? Psh!

Pinagmasdan ko na lang siya imbes na sumagot. Talaga ngang nasa dugo nila ang pagiging mainipin. Wala pa mang limang minuto mula nang sumenyas siya sa server, panay tapik na ng mga daliri niya sa mesa, bagot na bagot. Humahapit ang itim na polo shirt niya sa dibdib habang ginagawa 'yon.

Natawa naman ako nang puro gulay at tofu ang i-serve maliban sa prutas.

"Iyan lang ang kakainin mo?" tanong ko.

"Yup."

"Eh, 'di ba, ang takaw-takaw mo?" di-makapaniwalang tanong ko.

"Relax. This is just a snack," tila nainis na sabi niya.

Natawa ako. Snack lang naman pala. "Alam mo bang mahilig ka sa chicken nuggets noon?" sabi ko.

Ngumisi siya. "I still like it now."

"Gawa rin sa chicken meat 'yon. Bakit kumakain ka naman niyon?"

"At least I'm not the one who took care of and raised those nuggets."

Natawa ako. "You mean, ang hindi mo lang kinakain, 'yong animals na hindi ikaw ang nag-alaga?"

"I call 'em pet, Yaz." Seryoso siya.

"Sure . . . pets." Ngumuso ako saka bumaling sa aso. "Hi, Hee Yong! Nice shirt! Idol mo ba si Doc Maxwell at naka-white gown ka rin?"

"Tsh," palatak ni Maxrill. "Hee Yong's a therapy dog, that's why he's wearing white. And I am his idol."

"Okay, okay," sumusuko kunwaring sabi ko saka nagtuloy sa pagkain.

"How's work?"

"Honestly, masaya ako recently kasi nakakapag-ER ako. Bad, 'no?" Nagkibit-balikat ako. "Masaya naman sa area ko, pero . . . ewan ko ba."

"Your boyfriend is so sweet, he assigned you to the easiest area." Napaka-sarcastic niya.

"Hindi rin madali sa area ko, 'no? Hindi nga lang talaga kasinghirap gaya ng ibang areas," depensa ko. "Saka . . . hindi ko siya boyfriend."

"Why don't you make him your boyfriend?" Hindi ko alam kung paano niya nagagawang mangulit nang may seryosong itsura. Nagsasalita siya sa pagitan ng pagnguya, wala sa 'kin ang paningin.

"Hindi naman siya nanliligaw." Gusto kong mahiya sa sagot ko.

Inilapag niya ang spoon at deretso akong tiningnan. "Hindi na 'yon kailangan kung pareho naman kayo ng nararamdaman."

Napatitig ako sa kaniya pero agad ding nag-iwas ng tingin. "Sa mga batang tulad mo, siyempre, ganyan ang uso. I mean 'yong wala nang ligawan. Pero sa mga nasa edad nang tulad ko, of course, mas gusto kong manligaw siya para magkakilala kami nang lubos."

Pagsyur mo, 'oy . . . pataka ka lang! Isip ko mismo ang kumontra sa sinabi ko. Gusto kong mahiya sa isinagot ko. Kung alam lang ni Maxrill ang mga nangyari sa pagitan namin ni Maxwell, paniguradong matu-turn off na ito sa 'kin.

"Kalokohan lang ang panliligaw. Puro magaganda ang ipakikita para mapasagot ka. Malalaman mong gago kung kailan kayo na."

Napangiti ako. Mature na talaga siya. "Naiintindihan ko ang point mo, pero iba ang pakikipagrelasyon sa pananaw ko, Maxrill," mahinahon kong sinabi, nagpapaintindi. "Sa panliligaw ko malalaman kung gaano ako kagusto ng isang tao. Doon ko matitimbang kung gaano siya kadesidido sa 'kin. Sa panliligaw ko malalaman kung dapat ba o hindi na sagutin ko siya. Gusto ko ng sapat na oras para makilala namin ang isa't isa."

"Tsh, courtship takes about three to four months, and any guy can fake a behavior for that certain time. Men are born to pursue women. We go hard for what and who we truly want. Actively. No timeframe. We'll do it for days, months, years, lifetimes, Yaz."

Hindi ako nakasagot, sa halip, nakangiti ko siyang tiningnan. Hindi ko akalaing darating kami sa ganitong point na para bang mas matured pa kung mag-isip si Maxrill sa 'kin. Hindi ko naisip na posibleng siya naman ang magbigay ng advice. Pakiramdam ko tuloy, ang tanda-tanda ko na.

"You want to date him, but he's not courting you. Tsh." Sumandal siya, pinagkrus ang mga braso, at deretsong tumingin sa 'kin. "Sagutin mo ako ngayon, liligawan kita sa bawat dumaraang taon na magkasama tayo," dagdag niya.

Nawala ang ngiti sa labi ko. Pero agad din akong tumawa para hindi mahalatang nagulat. "Ayan ka na naman sa mga biro mong bata ka. Kumain ka na nga lang."

"Yaz?"

"Oy, in fairness, ang galing mo nang mag-Tagalog, Maxrill!"

Lumaylay ang mga balikat niya at nagbuntonghininga. "I'm serious, Yaz."

Pinilit kong ngumiti. "Maxrill, hindi ka dapat nagbibiro kung kani-kanino ng ganyan. Baka mamaya, may sumeryoso sa 'yo, hindi ka na makatakbo." Nameke uli ako ng tawa. "'Buti na lang, magkaibigan tayo. Nasasakyan ko ang mga biro mong ganito."

"We both know that I deserve more than just friendship, Yaz."

Lalo akong hindi nakasagot. Paulit-ulit akong lumunok bago nagawang mameke muli ng tawa. Tumayo ako saka tinapik ang balikat niya.

"Ewan ko sa 'yong bata ka. Siya, mauuna na si noona, ha? May trabaho pa ako," tumatawa kunwaring sabi ko saka iniwan siya. Nawala ang ngiti sa labi ko nang tuluyang makalayo.

Hindi ko matanggap na seryoso si Maxrill. Hindi ko matanggap na may gusto siya sa 'kin. Hanggang kapatid lang ang tingin ko sa kaniya at nasisiguro kong hindi kailanman magbabago 'yon.

I'm sorry, Maxrill.

Sabay kaming nagpaalam ni Susy kay Doc Caleb nang matapos ang shift. Sasabayan ko pa sana siya palabas ng ospital nang makatanggap ng text mula kay Maxwell. Nagpasalamat ito sa niluto ko at hiniling na daanan ang mga Pyrex glass ko bago umuwi. Pinauna ko na si Susy at nakangiti akong bumalik sa opisina ni Maxwell.

Dumeretso ako papasok nang makitang walang tao. Sa balcony ko nakita si Maxwell. Nakapatong ang pareho niyang braso sa barandilya at nakatanaw sa ibaba. Inilapag ko ang gamit ko at tahimik na naglakad papalapit sa gawi niya.

"Tsh, here they are again." Hindi ko inaasahang marinig ang tinig ni Maxrill. Hindi siya nakikita mula sa kinatatayuan ko. "Do you know them?"

"No," sagot ni Maxwell. "Who are they? They look familiar, though."

"They visit often, just to see you. You're so busy, you don't see each other. Tsk, tsk, hindi pa man nakapagsasabi ng damdamin, mukhang busted na," pang-aasar ni Maxrill. Bilib ako sa pantay nang pananalita niya.

"Baka naman ikaw ang gusto?" ganting pang-aasar ni Maxwell. "Kayo parati ang nagkikita, eh. Baka manliligaw mo?"

"Nice joke," nakangiwing ani Maxrill.

"Ah, I remember him now. He's a Venturi," ani Maxwell.

Natigilan ako at kinabahan sa di-malamang dahilan. Kung bakit naisip ko ang dagsa ng pasyente kanina at kahapon, hindi ko alam.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top