CHAPTER 9

CHAPTER 9


"ASTRID, halika na!" Agad kinaladlkad ni Claud ang dalaga bago pa makalingon ang mga lalaki sa direksyon nila. Wala nang nagawa ang prinsesa kundi magpahatak sa kanya. Tahimik itong umiiyak habang tumatakbo palayo. Walang pakialam kung wala siyang sapin sa paa dahil sanay naman itong makaapak ng mga tinik, tuyong dahon, putik o mga nabaling sanga.

Habol ang hiningang napatigil sila pagdating sa pinakadulo ng gubat kung saan malapit na ang bukana. Panay pa rin ang hikbi ni Astrid. Napakasakit sa kanya ang makitang tuluyan nang nasisira ang Alhambra at wala na ang tirahan niya.

"Astrid, malapit na tayo sa highway. Sasama ka ba sa akin?" tanong ni Claud at awing-awa na nakatitig lamang sa dalagang panay ang pahid ng mga luha. Hindi ito makatingin sa mga mata niya.

"Ito ang tirahan ko. Hindi ko sila kayang iwan," giit ni Astrid. Desidido pa rin ito sa paniniwalang sa kagubatan siya nararapat manirahan.

"Kahit mamamatay ka? Astrid, hindi ka kayang iligtas ng mga hayop na 'yan! Mas ililigtas nila ang mga sarili nila!" Nawawalan na ng timpi si Claud. Napapikit na lamang ang dalaga at mas napaiyak.

"Mali ka! Lagi nilang nililigtas ang buhay ko!" depensa nito.

"So mas pipiliin mong manatili rito kasama ng mga natitira kaysa hanapin ang totoo mong pamilya?" Napaawang ang bibig ni Astrid dahil sa narinig.

"Pamilya ko rin sila."

"Oo nariyan ngang pamilya mo rin sila pero mas importante iyong nasa totoo ka! Paano kung manatili ka rito tapos bumalik na mga iyon? Hindi ka pa rin ligtas sa lugar na 'to!" Natahimik si Astrid. Napaiwas lalo siya ng tingin.

"Mas magkakaroon ka ng magandang buhay kapag sumama ka sa syudad. Hindi rito, Astrid. Tao ka pa rin at kailangang mamuhay ng normal."

"Paano kung hindi ako normal na tao?" Nakunot ang noo ni Claud sa sinabi ng dalaga.

"A-ano?" Bumuka ang bibig ni Astrid upang sagutin ang tanong ng binata ngunit bago pa siya makapagsalita, narinig na nila ang boses ni Macky na tinatawag sila mula sa likod. Parehas silang napalingon sa humahangos na si Macky. Halos matapilok pa ito.

"Anong nangyayari? Nakarinig ako ng mga pagsabog! Teka? Anyare sa inyo?" Nagtataka silang nilapitan ni Macky at hindi maipinta ang pagmumukha.

"Sira na," tipid na sagot ni Claud sa kaibigan.

"Anong sira?"

Akma sanang tatanungin ni Macky si Astrid pero otomatiko itong napatalikod at suminghot-singot. Napatingin si Macky kay Claud na nakatitig lamang sa dalaga.

"Inaway mo si Astrid? Bakit umiiyak?" Walang kaide-ideya na sinundan ng tingin ni Macky ang papalayong si Astrid. Imbes na sagutin ni Claud ang tanong niya ay si Astrid ang tinawag nito.

"Labing limang minuto para pag-isipan mo ang alok ko. Tutulungan kitang hanapin ang pamilya mo," malakas na sabi ni Claud na naging dahilan para mapatigil sa paglalakad ang dalaga.




Nakatanaw lamang ang magkaibigang sina Macky at Claud kay Astrid na tila na mag-isang nagsasalita mula sa malayo. Tila nagkakaintindihan sila ng mga hayop na nakapaligid sa kanya. Napangiwi si Macky.

"Nakakausap ba talaga niya ang mga hayop?" Hindi maipinta ang pagmumukha ni Macky. Naningkit ang mga mata ni Claud habang pinagmamasdan ang dalaga. May kakaiba talaga sa presensya niya.

"Hindi naman nakakapagsalita ang mga hayop, e." Napailing si Claud habang nakasandal sa kotse ni Macky. 

"Nagsasalita ka nga riyan." Sinamaan niya ng tingin si Macky dahil sa sinabi nito.

"Siraulo," mura niya rito at ibinalik ang tingin kay Astrid na abala pa rin sa pakikipag-usap sa mga alagang hayop. Halatang napalapit talaga ang mga ito sa dalaga. Ngayon alam na niya kung bakit hindi kayang iwan ni Astrid ang nakalakhang pamilya kaysa hanapin ang totoo.




"Sabi niya tutulungan niya akong hanapin ang pamilya ko," mahinang sambit ni Astrid habang nakapalibot sa kanya ang mga hayop na naging pamilya niya sa loob ng mahabang panahon na pamamalagi niya sa kagubatang ito. Tinutukoy niya rito ang sinabi sa kanya ni Claud kanina lamang.

Tila nalungkot ang mga ito dahil sa sinabi ng kanilang mahal na prinsesa. Kanya-kanya silang yuko at ayaw tagpuin ang malungkot na titig ng kaisa-isa nilang kamahalan.

"Kami, hindi mo ba kami pamilya, Astrid?" may lungkot sa tinig na tanong ng usa at napayuko.

"Penelope, hindi sa ganoon. Pamilya ko kayo pero..."

"Naiintindihan namin Astrid. Sabi na nga ba at darating ang araw na hahanapin mo sila. Huwag kang mag-alala, mahal na prinsesa. Rerespetuhin namin ang magiging desisyon mo," ani ng kalapati na nakadapo na sa ilong ng elepante. Naging tahimik ang lahat sa huling pagkakataon.

Nilingon ni Astrid ang dalawang lalaki na naghihintay sa kanya. Kapwa ito nakasandal sa labas ng sasakyan at nagkuwkentuhan. Napabuntong-hininga siya.

"Pero mabuti na rin na lumayo ka sa lugar na ito, Astrid. Tama si Claud na hindi ka na ligtas rito kasama namin. Sisirain na nila nang tuluyan ang Alhambra. Kailangan mong umalis rito," sambit ng elepante.

"Hindi ko kayo kayang iwan," naiiyak na sagot ni Astrid.

"Mas kailangan mong iligtas ang sarili mo. Sige na, pumapayag na kaming sumama ka at lumayo rito. Hangad namin ang kaligtasan mo."
Napakagat-labi ang dalaga. Nahihirapan siyang magdesisyon lalo na at wala siyang kaalam-alam sa magiging kapalaran niya oras na lisanin niya ang gubat.

"Pangako, parati ko pa rin kayong dadalawin rito," panunumpa niya at itinaas pa ang kanang kamay sa harap ng kanyang mga kaibigan.

"Hindi mo naman kailangang mangako, Astrid. Naniniwala kami sa'yo," saad ng squirrel na nasa paanan niya.

"Basta mag-ingat ka lang sa pupuntahan mo. Iyon lang at magiging panatag kami."

"Astrid?" Narinig niya ang tinig ni Claud mula sa likuran niya. Pinahid niya ang mga luha at agad lumingon. Isang tipid na ngiti ang pinakawalan niya at saka tumango.

Sasama siya.

Hindi naman mapigilang mapangiti rin ni Claud dahil sa pagpayag ng dalaga na sumama sa kanila.

"Sigurado ka na?" muling tanong ng binata sa kanya. Alinlangan niyang sinulyapan ang mga kaibigang hayop na nakatingin lamang sa kanya at hinihintay ang kanyang pasya.

Tumango siya bilang sagot.

"Sandali," wika ni Astrid at muling nilingon ang mga hayop. Bakas pa rin ang kalungkutan sa mga mata nito.
"Bakit?"

"Sabi nila, ingatan mo raw ako," aniya at napaiwas ng tingin. Nag-ingay naman ang mga hayop.

"Hindi kita pababayaan sa syudad, ano ka ba? Oh ayan, hindi ko pababayaan ang amo n'yo," panunumpa rin ni Claud kahit nawe-weirduhan na siya sa mga nangyayari. Tila nakumbinsi naman niya ang mga hayop at nanahimik na ang mga ito.

"Halika na," sambit ni Claud at inilahad ang kanang kamay para alalayan ang dalaga. Sa puntong ito ay nakita nila ang pagsilay ng natural na ngiti ng kanilang kamahalan nang abutin nito ang palad ng binata.

Tila eksena sa isang fairytale. Kung saan ang prinsesa ay sinusundo na ng kanyang pinakahihintay na prinsipe. Upang dalhin sa sarili niyang palasyo. Upang iligtas sa kapahamakan.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top