CHAPTER 8
CHAPTER 8
KAPWA nakatitig sa bukana ng Alhambra sina Macky at Claud. Rinig nila ang huni ng mga nag-aawitang ibon mula sa loob. Panay naman ang ngiyaw ng pusa nilang dala. Napakamot si Claud sa ulo dahil sa pagkairita.
"Sasama ka ba sa loob?"
"Another one thousand kung magpapasama ka," alok ni Macky kaya napangiwi si Claud.
"Mukhang pera ampota!" singhal ni Claud kaya humagalpak ng tawa si Macky.
"Kaya mo na 'yan. Naroon naman sa loob si Astrid. Baka nga hinihintay na niya bumalik iyang alaga niya. Antayin na lang kita rito, pre." Napatango na lamang si Claud at nag-umpisa nang maglakad papasok ng gubat. Hindi na niya pipilitin pang samahan siya ng batugan na kaibigan dahil sisingilin na naman siya nito at wala na siyang balak pang ilabas ang natitira niyang pera para lang sa kaduwagan niya.
"Iwan na lang kaya kita rito?" bulong ng naglalakad na binata at naghahanap ng mapupwestuhan sa basket. Iginala niya ang paningin sa paligid sa pagbabakasakaling naroon si Astrid. "Huwag kang susunod, ah."
Akma na niyang bubuksan ang basket upang pakawalan ang pusa nang makarinig siya ng mga boses mula sa hindi kalayuan. May mga nag-uusap. Hindi ito boses ni Astrid. Napakunot ang noo niya at dali-daling nagtago mula sa naglalakihang puno. Sinilip niya ang tatlong lalaki na ngayon ay nakatalikod sa kanya at nag-uusap-usap.
"This is a good start for raw materials and commercial purposes, sir. Including timber for construction, panel products and furniture, and pulpwood for paper."
Narinig niyang nagpapaliwanag ang isang lalaki na may hawak na note pad. Patango-tango naman ang matandang lalaki na tantiya niya'y nasa edad na singkwenta pataas. Nakasuot ito ng jacket habang iginagala ang paningin sa nagtataasang mga puno. Panay naman ang kuha ng litrato nitong isa na waring nagdo-document ng mga nangyayari.
Halos tumaas ang kilay ni Claud. Anong ginagawa ng mga ito rito? At tama ba ang naririnig niya? Kung hindi siya nagkakamali ay may binabalak ang mga ito na putulin ang mga puno rito sa Alhambra. Isa lamang ang ibig sabihin nito.
"Si Astrid," bulong niya at agad binuhat ang basket kung saan naroon ang pusa at dali-daling tumakbo papunta sa tree house ng dalaga.
Bakas ang matinding kalungkutan at pangungulila sa mata ng prinsesa habang nakaupo sa sanga ng punong-kahoy. Tulala ito at waring may malalim na iniisip. Maririnig ang awitan ng mga ibon sa bandang ulunan niya.
"Mukhang malalim na naman ang iniisip mo, mahal na prinsesa." Napalingon siya sa isang kalapati na biglang nagsalita. Dumapo ito sa sanga kung saan siya nakapwesto ngayon. Napabuntong-hininga muna si Astrid bago sumagot.
"Iniisip ko lamang sina Ina at Ama. Pati na rin ang mga kapatid ko," mahinang sambit niya at napatingin sa malayo. Sa loob ng mga nagdaang taon ng pagkawalay niya sa mga ito, ni hindi niya malilimutan ang pamilya. Gusto niya muling hanapin ang daan pabalik. Pero saan siya unang magsisimula?
"Huwag ka nang malungkot, Astrid. Narito naman kami, hindi ba? Kami na ang bago mong pamilya!" Isang squirrel ang sumulpot sa kabilang sanga kaya napangiti si Astrid.
"Napakaswerte ko talaga sa inyo," aniya kaya nag-ingay ang mga hayop sa sobrang tuwa.
"Astrid? Pssst! Astrid!"
Mayamaya ay nakarinig siya ng bulong. May tumatawag sa kanya. Nagpalinga-linga siya.
"Astrid, sa baba," sambit ng kalapati na nakatunghay na sa baba ng puno kung saan siya nakalambitin. Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Claud na tinatawag siya. May bitbit pa itong basket na hindi niya alam kung ano ang nilalaman.
Muli siyang tinawag nito at pinabababa ng puno. Kahit hindi alam kung bakit ay sinunod niya ito.
Tumalon siya mula sa napakataas na sanga ng punong kinaroroonan niya. Nagulantang si Claud at kinusot ang mga mata matapos niyang makita ang dalagang si Astrid sa mismong harapan niya. Naiangat tuloy niya ang kanyang paningin at tiningala ang pinanggalingan nito.
"Seryoso ka ba? Hindi ka nabalian ng buto?" nakangiwing tanong ng binata at nagkibit-balikat lamang si Astrid. Inilapag ni Claud ang basket at lumabas mula roon si Casper na alagang pusa ng prinsesa. Halos mangislap ang mga mata nito nang muling makita si Casper.
"Casper! Akala ko iniwan mo na ako!" Masaya niya itong niyakap at nagpakawala naman ng ngiyaw ang pusa. Napakamot sa ulo si Claud na hindi na alam ang gagawin. Napaka-korni ng tagpong ito sa kanyang harapan.
"Astrid," tawag niya rito kaya binitawan ni Astrid ang pusa bago tumingin sa kanya.
"May kailangan kang malaman," seryosong saad niya at nag-aalinlangan pa kung sasabihin ang totoo. Paano ba niya sasabihin rito na may nagpaplanong wasakin ang tirahan niya?
"Ano?"
"A-ano kasi---"
Ngunit bago pa niya matapos ang sasabihin ay nakarinig na sila ng pagsabog at mga tunog ng chain saw. Nagkatinginan sila at halos manlaki ang mga mata.
"Anong nangyayari?" nahihintakutang tanong ni Astrid kay Claud na ngayon ay hindi na mapakali. Sa isang iglap ay naging maingay ang paligid. May mga usok na ring nagsisilabasan. Waring sinusunog ang buong gubat.
Umalingawngaw ang huni ng mga ibon, usa at iba pang hayop na naninirahan sa Alhambra. Ang ilan ay umiiyak dahil sa takot at nalalapit nilang kamatayan.
Nagsisitakbuhan na sila papalayo. Napatda ang naguguluhan pa ring si Astrid habang pinapanood ang mga ibon na magliparan papalayo sa kanya.
"Astrid, ang tirahan mo! Sinusunog na nila!"
"Mahal na prinsesa, iligtas mo na ang iyong sarili!"
"Sandali, ano ba ang nangyayari?!"
Nang mabalik sa huwisyo ay agad tumakbo ang dalaga pabalik sa tree house niya.
"Astrid!" tawag ni Claud sa dalaga nang makitang tumatakbo na ito palapit sa kinaroroonan ng usok at ingay. Wala siyang ibang nagawa kundi sundan ito.
Ilang metro na lamang ang layo niya sa puno kung saan nakatayo ang tree house nang matigil siya dahil sa kalunos-lunos na nakita.
"Sige, sunugin n'yo na 'yan. Kay Mr. Jem Sarzuelo na ang Alhambra magmula ngayon. Pagbabawalan na ang sinuman na magtayo ng mga ganito rito o maghimasok sa pag-aari niya." Nakarinig si Astrid ng mga boses at tawanan. Hindi siya nagpatinag sa mga nasisinghot na usok. Ang tanging nasa isip niya ay ang nasusunog niyang tree house. Ang huni ng mga nasasaktan niyang kaibigan. Ang nasisira niyang tahanan.
"Wala kayong ititira na hayop. Iyong iba, hulihin n'yo para madala sa zoo. Kapag mabangis, patayin n'yo."
"Astrid?" pagtawag muli ni Claud sa dalaga na nakamasid lamang sa tahanan niyang malapit nang maging abo. Nakatalikod ito mula sa kanya kaya hindi niya makita ang reaksyon nito.
"Astrid."
Sa mismong paglingon nito sa kanya ay ang pagsilay ng tipid na ngiti ng panghihinayang. Nakatitig ito sa kanya. Ngunit may luha sa mga mata.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top