CHAPTER 18

CHAPTER 18


"A-AKO?" nauutal na tanong ni Astrid kay Nathalie at tinuro pa ang kanyang sarili. Alinlangan siyang lumapit. Napalingon pa siya sa walang emosyong si Claud na ngayon ay nakatitig na rin sa kanya.

"Yes, ikaw nga!" malapad ang ngiti nito at pinalapit ang dalaga. Halata rito na hindi naalala ang kababalaghang nangyari sa salon niya noong nakaraang araw na sangkot si Astrid.

Isang himala iyon na talagang ipinagtataka ng binatang si Claud. Kung umakto ito ay parang hindi nakita ang baging na nagliliwanag mula sa batok ni Astrid. Malakas ang kutob niyang binura ng dalaga ang alaalang iyon sa utak ng kaibigan. Napaiwas ng tingin si Claud at nakihalubilo sa mga kaibigan niyang photographers.

"We decided na ikaw ang maging substitute ni model 3. Okay lang ba sa'yo?" alok ni Nathalie at hinawi ang magulong buhok ng dalaga. Napaiwas ng tingin si Astrid at hindi mapigilang mapasulyap kay Raven na nakangiti rin at kay Morrigan na hindi naman maipinta ang pagmumukha.

"A-ano..." Hindi mahagilap ni Astrid ang sasabihin dahil wala siyang ideya sa inaalok ni Nathalie.

"Silence means yes! Sige, gorabels na! Ayusan n'yo na siya!" utos niya sa make-up artist at pinagtulakan sa dressing room.

Halos magsalubong ang kilay ng dalagang si Morgan at napairap. Nakahinga naman ng maluwag si Raven dahil nakaligtas siya.
"Bakit mo ginawa 'yon?" mataray na tanong nito sa kaibigang si Raven na ngayon ay sinisilip-silip si Astrid sa loob ng dressing room.

"Ako ba?" inosente rin nitong tinuro ang sarili.

"Oo! That was supposed to be you!"

"Morrigan, you know that modelling is not my thing. At nakikita ko naman na gusto rin niya rumampa so why not give her the opportunity. Besides, may ganda naman siyang tinatago. Pero mas angat ka lang," litanya niya at napangisi. Ibang-iba talaga ang ugali ni Raven kumpara sa kanya.

"Whatever," bulong ni Morrigan at mas nainis nang makitang lumabas na mula sa dressing room si Astrid na mayroon nang make-up at nakabihis na rin. Sinamaan niya ito ng tingin nang ngumiti ito sa kanya.

"LC, back to work!" tawag ni Nathalie kay Claud na abala pa rin sa pakikipag-usap sa mga kasama. Saktong lingon nito para bumalik sa trabaho ay ang pagka-estatwa na naman sa kinatatayuan nang makita ang timid na si Astrid sa platform.

"May problema ba?" tanong ni Nathalie sa kaibigan nang mapansin ang reaksyon nito matapos tingnan si Astrid. Hindi naman nakaligtas sa paningin ni Morrigan ang mga titig na iyon ni Claud sa dalaga. Mas nag-iinit tuloy ang ulo niya.

"W-Wala," giit ni Claud at napaiwas ng tingin.

Hindi na nakaya pa ni Morrigan na panoorin ang mga pangyayari at agad nagwalk-out palabas ng studio. Walang nakapansin sa pag-alis ng dalaga dahil abala ang lahat sa trabaho.

"Morrigan!" Todo habol naman si Raven sa kaibigan at pinabayaan pa ang beagle dog nito.






Padabog na pinindot ni Morrigan ang ground floor button. Nang bumukas ay dire-diretso siya sa parking lot kung saan naroon ang kotse niya. Mabibilis ang hakbang niya na parang may hinahabol. Ang totoo lang naman, sobrang inis na ang nararamdaman niya.

Gusto muna niyang mapag-isa. Ayaw niyang makita ng paningin si Astrid habang kinukuhanan ni Claud ng mga litrato. Naiinis siya sa dalagang iyon.

Madilim na sa parking lot at tanging taguktok lang ng suot niyang heels ang maririnig. Mag-aalas-syete na pala ng gabi.

"Fuck!" mura pa niya nang mabitawan ang susi ng sasakyan. Nanginginig na kasi ang kamay niya. Hindi na niya makontrol ang emosyon kaya pati pagbukas ng kotse ay apektado na.

"Ano ba naman 'yan," reklamo niya at agad sinilip sa ilalim ng kotse ang susi. Ngunit nang silipin niya ang ilalim ay nanlaki ang mga mata niya. Imbes na susi ang makita, pares ng mga paa ang naaninag niya mula sa kabilang bahagi ng sasakyan. Nakasuot ito ng itim na sandals na hindi pamilyar ang design. Bukod rito, sumasayad na sa semento ang suot nitong mahabang damit. Kulng hindi siya nagkakamali, itim na hood ito tulad ng mga suot ng villains sa mga napapanood niyang pelikula.

Kinusot niya ang mga mata sa pag-aakalang namamalikmata lamang. Hinagilap niya ang susi at agad tumayo. Ngunit sa mismong pagtayo niya, nanigas siya sa kinatatayuan.

Sa tapat niya, kitang-kita niya ang maamong mukha ng isang babae. Nakangiti ito sa kanya at suot ang black hood na halos sumayad na sa sahig. Kapansin-pansin rito ang kakaiba nitong ngisi.

"Who are you?" masungit nitong tanong. "Are you trying to rob my car, bitch?" dagdag pa niya pero hindi ito sumagot. Nag-umpisa itong humakbang palapit sa kanya kaya napaatras siya sa takot.

"I said who the heck are you? Don't try me, I'll call the police!" natataranta niyang sigaw at nagpalinga-linga sa paligid. Ayaw nitong paawat at patuloy pa rin sa paglapit.

"Shit!" Halos mabitawan ni Morrigan ang hawak na cellphone sa pag-dial ng number ni Raven. Ilang hakbang na lamang at malalapitan na siya ng babae. Nakangisi pa rin ito sa kanya.

"Acccckkk---"

Sisigaw pa sana ang dalaga nang magsimulang ikumpas ng babae ang kamay niya at lumabas mula roon ang itim na usok. Tila kidlat na agad nakalapit ang babae at sinakal siya gamit lamang ang kanang kamay. Hindi siya makahinga. Bumuka ang bibig niya at sa puntong iyon ay pumasok roon ang napakaraming itim na usok.

Tila kinukuha ng babae ang enerhiya niya. Nanlalambot tuloy ang mga tuhod niya.
Nagkatitigan sila nito sa mga mata. Naging itim na rin ang mga ito at tila hinihipnotismo siya.








"Morrigan? Morrigan!"

Mayamaya lamang ay dumating ang humahangos na si Raven. Bakas ang pag-aalala nito sa kanya dahil akala niya'y kung saan ito pumunta.

"Hey, Morrigan! Narito ka lang pala! Akala ko kung saan ka na naman pumunta, e!" sambit ni Raven sa kaibigan na nakatalikod lamang sa kanya at hindi man lang kumikibo. Napataas ang kilay niya.

"C'mon, why are you so jealous of LC and Astrid being together? Is there something you need to tell me? Aside from you like him,  s'yempre," naka-crossed arm na wika muli nito pero nanatiling nakatalikod ang kaibigan.

"Okay, I'm sorry too if I suggested Astrid as the sub model. Morrigan?" Nawe-weirduhan na siya sa dalaga.

Nakatungo lamang si Morrigan at mayamaya'y ini-stretch ang leeg niya. Narinig niya ang mismong pagtunog ng mga buto nito. Pinagmasdan niya ang kanyang mga kamay at braso. Kinapa-kapa rin niya ang makinis na mukha. Napangisi siya.

"Kakaibang sisidlan ito," bulong niya sa sarili.

"Morrigan, I'm talking to you!"

"Ha?" aniya at nilingon si Raven na kanina pa pala siya kinakausap.

"My goodness! Tara na nga, babalik na tayo sa studio. Baka hinahanap ka na ni Nathalie." Hindi na nagsalita pa muli si Morrigan at nagpahatak na lamang kay Raven paalis sa parking lot.

Parang timang itong napangisi habang hatak-hatak siya ng dalaga.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top